Ang Mabuti Laban sa Masama—Isang Napakatagal Nang Labanan
SA MGA pelikula noong una, ang “taong gumawa ng mabuti” ay laging nagwawagi sa mga puwersa ng kasamaan. Subalit sa katunayan ay hindi ganiyan kasimple iyan. Malimit na sa tunay na buhay, waring ang masama ang laging nakapananagumpay.
Nakapangingilabot na mga balita ng katampalasanan ang maririnig sa pagbabalita gabi-gabi. Sa gawing hilaga ng Estados Unidos, isang lalaking taga-Milwaukee ang pumaslang ng 11 katao at ang labí ng kanilang pinagluray-luray na mga bangkay ay itinago sa kaniyang freezer. Sa bandang timog naman, isang estranghero ang rumaragasang pumasok sa isang kapeterya sa Texas at nagsimulang mamaril nang walang patumangga sa loob ng sampung minuto, at 23 katao ang napatay, kasali na ang kaniyang sarili. Isang di-nasisiyahang mananalansang sa Korea ang nanunog ng isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, at 14 sa mga sumasamba ang nangasawi.
Hindi lamang ito manaka-nakang pagsigalbo ng kasamaan kundi mayroon ding isang kakila-kilabot na kasamaan na may epekto sa sanlibutan—ang lansakang pagkalipol. Tinataya na isang milyong taga-Armenia, anim na milyong Judio, at mahigit na isang milyong taga-Cambodia ang nangalipol na sa panlahi at pampulitikang mga paglilinis sa siglong ito lamang. Marami ang dumanas ng tinatawag na paglilinis sa lahi sa dating Yugoslavia. Walang nakaaalam kung ilang milyon na walang malay na mga tao ang pinahirapan nang buong lupit sa buong globo.
Mga trahedya na katulad nito ang sapilitang naghaharap sa atin ng nakaliligalig na tanong, Bakit nga kumikilos nang ganiyan ang mga tao? Hindi natin maaaring ipagwalang-bahala ang mga kalupitang ito bilang bunga ng iilang nababaliw na mga kaisipan. Kahit na lamang ang lawak ng kasamaang nangyayari sa ating siglong ito ay nagpapabulaan sa gayong paliwanag.
Ang isang masamang gawa ay nangangahulugan na isang maling asal. Ito’y isang gawa ng isa na makapamimili ng paggawa ng mabuti at paggawa ng masama. Sa papaano man ang kaniyang moral na paghatol ay nagiging pilipit at nagtatagumpay ang masama. Subalit bakit at papaano ito nangyayari?
Ang relihiyosong mga paliwanag tungkol sa masama ay kalimitang di-nakasisiya. Ang Katolikong pilosopong si Thomas Aquinas ay may paniwala na “maraming mabubuting bagay ang mawawala kung hindi pinayagang umiral ang masama.” Maraming pilosopong Protestante ang may ganiyan ding paniwala. Halimbawa, gaya ng sinasabi ng The Encyclopedia Britannica, itinuring ni Gottfried Leibniz na ang masama ay “katapat ng mabuti, anupat sa pagkakaiba ng mga ito ay tumitingkad ang mabuti.” Sa ibang pananalita, siya’y naniwala na kailangan natin ang masama upang ating makilala ang mabuti. Ang ganiyang pangangatuwiran ay gaya ng pagsasabi sa isang maysakit na kanser na ang kaniyang sakit ang talagang kinakailangan upang madama ng isang tao na siya’y talagang buháy at walang sakit.
Ang masasamang hangarin ay tiyak na may pinagmumulan. Ang Diyos ba ay masisisi sa di-tuwirang paraan? Ang Bibliya ay sumasagot: “Kapag tinutukso huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako’y tinutukso ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi matutukso ang Diyos ni tinutukso man niya ang sinuman.” Kung hindi ang Diyos ang nanunukso, sino ba? Ang sumusunod na mga talata ay sumasagot: “Bawat isa ay natutukso pagka nahihila at nahihikayat ng kaniyang sariling pita. Kung magkagayon, ang pita kapag naglihi na ay nanganganak ng kasalanan.” (Santiago 1:13-15) Sa gayon ang isang gawang masama ay ipinanganganak pagka ang masamang pita ay pinagyayaman imbes na itakwil. Gayunman, higit pa rito ang kasangkot.
Ipinaliliwanag ng Kasulatan na ang masasamang pita ay dumarating dahilan sa ang tao ay may malaking kapansanan—ang likas na di-kasakdalan. Si apostol Pablo ay sumulat: “Kung papaano sa pamamagitan ng isang tao’y pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Dahilan sa minanang kasalanan, ang kaimbutan ay posibleng manaig sa kabaitan sa ating kaisipan, at ang kalupitan ay maaaring mangibabaw sa awa.
Kung sa bagay, likas na nalalaman ng karamihan ng tao na may paggawi na masama. Ang kanilang budhi—o ‘batas na nasusulat sa kanilang mga puso’ gaya ng tawag dito ni Pablo—ang pumipigil sa kanila na gumawa ng masama. (Roma 2:15) Gayunman, ang isang malupit na kapaligiran ay maaaring makasugpo sa gayong mga damdamin, at ang isang budhi ay maaaring maging manhid kung ito ay paulit-ulit na ipinagwawalang-bahala.a—Ihambing ang 1 Timoteo 4:2.
Ang di-kasakdalan ba lamang ng tao ang makapagpapaliwanag sa pinagsama-samang kasamaan sa panahon natin? Ganito ang puna ng historyador na si Jeffrey Burton Russell: “Totoo naman na may masama sa bawat isa sa atin, subalit kahit na pagsama-samahin ang napakaraming isa-isang masasama ay hindi maipaliliwanag ang isang Auschwitz . . . Ang masama sa ganitong pagkakilala ay waring naiiba kung tungkol sa kaurian at gayundin sa dami.” Walang iba kundi si Jesu-Kristo ang tuwirang tumukoy sa naiibang kauriang ito na pinagmumulan ng masasama.
Kaunting panahon na lamang bago siya mamatay, ipinaliwanag ni Jesus na ang mga taong nagbabalak patayin siya ay hindi lubusang pinakilos ng kanilang sariling kalooban. Isang di-nakikitang puwersa ang umakay sa kanila. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa noong una, at hindi nanatili sa katotohanan.” (Juan 8:44) Ang Diyablo, na tinagurian ni Jesus na “ang tagapamahala ng sanlibutang ito,” ay maliwanag na may mahalagang bahagi sa pagpapasimuno sa masama.—Juan 16:11; 1 Juan 5:19.
Kapwa ang di-kasakdalan ng tao at ang impluwensiya ni Satanas ang nagbunga ng malaking pagdurusa sa loob ng libu-libong mga taon. At walang anumang tanda na nagpapakitang ang kanilang impluwensiya sa sangkatauhan ay humihina. Ang kasamaan ba ay mananatili? O sa wakas ang masama ay lilipulin ng mga puwersa ng mabuti?
[Talababa]
a Nakita kamakailan ng mga mananaliksik ang kaugnayan sa pagitan ng talagang karahasan sa telebisyon at krimen na gawa ng kabataan. Ang mga lugar na palasak ang krimen at laganap ang watak-watak na sambahayan ay mga sanhi rin ng kriminalidad. Sa Alemanyang Nazi ang walang lubay na propaganda laban sa lahi ang umakay sa ilang tao na ariing-matuwid—at purihin pa nga—ang mga pamamaslang sa mga Judio at sa mga Slav.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover: U.S. Army photo
[Picture Credit Line sa pahina 3]
U.S. Army photo