Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 2/15 p. 23-26
  • Pangangalaga sa mga May Edad Na mga Hamon at Gantimpala

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pangangalaga sa mga May Edad Na mga Hamon at Gantimpala
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Moral at Maka-Kasulatang mga Obligasyon
  • Pakikitungo sa Napapaharap na mga Kahirapan
  • Pagkawala ng Kalayaan
  • Sila’y Pamalagiing Aktibo
  • Pakikitungo sa Pagkaulianin
  • Kailangang Matugunan ang Emosyonal na Pangangailangan
  • Nangangailangan Din ng Pangangalaga ang mga Nag-aalaga
  • May mga Gantimpala Rin
  • Pangangalaga sa mga May Edad—Isang Lumalagong Problema
    Gumising!—1991
  • Pagpaparangal sa Ating Matatanda Nang Magulang
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Ang Pamilyang Kristiyano ay Tumutulong sa mga May Edad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Pagsasagawa ng Makadiyos na Debosyon sa Matatanda Nang mga Magulang
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 2/15 p. 23-26

Pangangalaga sa mga May Edad Na mga Hamon at Gantimpala

SI Shinetsu, isang ministrong Kristiyano, ay lubhang nagagalak sa kaniyang atas. Sa kaniyang pamilyang binubuo ng tatlo ay kasali ang ina ng kaniyang maybahay. Sila’y maligayang gumagawa kasama ng isang munting kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, nagtuturo sa mga tao ng Bibliya, hanggang isang araw ay hiniling sa kaniya na isaalang-alang ang paglalakbay na kasama ng kaniyang maybahay upang dumalaw sa ibang mga kongregasyon. Ito’y mangangailangan ng paglipat-lipat ng tirahan sa bawat sanlinggo. Siya [si Shinetsu] ay nagagalak sa gayong alok, ngunit sino ang mag-aasikaso kay Inay?

Maraming pamilya ang balang araw mapapaharap sa katulad na hamon​—kung papaano pinakamagaling na maaalagaan ang nagkakaedad nang mga magulang. Karaniwan nang hindi gaanong pinag-iisipan ang bagay na iyan habang ang mga magulang ay nasa mabuting kalusugan at nakagagawa pa. Gayunman, ang maliliit na bagay ay maaaring magsiwalat na sila’y tumatanda na, gaya ng panginginig ng mga kamay sa kanilang pagsisikap na masuotan ng sinulid ang butas ng isang karayom o pagiging malilimutin samantalang sila’y nakikipagpunyaging maalala kung kailan nila huling nakita ang isang bagay na wala sa tamang lugar. Ngunit, kadalasan ay isang biglaang aksidente o sakit ang gumigising sa isa upang mapansin ang kanilang mga pangangailangan. May kailangan palang gawin.

Sa ilang bansa ang mga magulang na medyo malulusog pa ay mas gustong gugulin ang kanilang mga taon ng katandaan kasama ang kani-kanilang kabiyak imbes na ang kanilang mga anak. Sa mga ibang bansa naman, tulad halimbawa sa maraming bansa sa Silangan at Aprika, kaugalian na para sa matatanda na mamuhay kasama ng kanilang mga anak, lalo na ang panganay na lalaki. Lalo nang totoo ito kung isa sa mga magulang ay masasakitin. Sa Hapón, halimbawa, yaong mga 65 anyos at higit pa at masasakitin, mga 240,000 ang inaalagaan sa tahanan ng kanilang mga pamilya.

Moral at Maka-Kasulatang mga Obligasyon

Bagaman tayo’y nabubuhay sa salinlahi na marami rito ang naging “maibigin sa kanilang sarili,” walang “katutubong pagmamahal,” maliwanag na tayo’y may moral at maka-Kasulatang mga obligasyon sa mga may edad na. (2 Timoteo 3:1-5) Si Tomiko, na nag-aalaga sa kaniyang inang may edad na, na dinapuan ng Parkinson’s disease, ay nagpahayag ng moral na obligasyong kaniyang nadama nang kaniyang sabihin tungkol sa kaniyang ina: “Inalagaan niya ako ng may 20 taon. Ngayon ay ibig kong ganiyan din ang gawin sa kaniya.” Ang pantas na si Haring Solomon ay nagpayo: “Makinig ka sa iyong ama na nagpangyari ng iyong pagsilang, at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa siya’y matanda na.”​—Kawikaan 23:22.

Ang relihiyosong pagtatangi o ang pagsalansang man ng isang magulang na di-sumasampalataya ay hindi pumapawi sa ipinapayong iyan ng Kasulatan. Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay kinasihan na sumulat: “Tunay na kung ang sinuman ay hindi naglalaan para sa mga sariling kaniya, at lalo na para sa kaniyang sariling sambahayan, kaniyang itinakwil ang pananampalataya at lalong masama kaysa isang taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Si Jesus ang nagpakita ng halimbawa para sa atin nang, bilang isa sa kaniyang pangkatapusang ginawa bago namatay, kaniyang isinaayos ang pag-aalaga sa kaniyang ina.​—Juan 19:26, 27.

Pakikitungo sa Napapaharap na mga Kahirapan

Maraming pagbabago ang kinakailangang gawin ng lahat pagka ang pami-pamilya ay nagkasama-sama pagkatapos na mamuhay na hiwa-hiwalay nang maraming taon. Ang mga pagbabagong ito ay nangangailangan ng malaking pag-ibig, pagtitiis, at pag-unawa sa isa’t isa. Kung ang panganay na lalaki, o isa pang anak na lalaki o babae, ay lumipat kasama ang kaniyang pamilya sa tahanan ng mga magulang, mga bagong kalagayan ang napapaharap. Baka may isang bagong trabaho, bagong mga paaralan para sa mga anak, at isang bagong pamayanan na kailangang kasanayan. Kadalasan iyon ay mangangailangan ng karagdagang mga gawain para sa asawang babae.

Magiging ganoon ding kahirap na makibagay ang mga magulang. Baka sila’y nahirati sa pagsasarili, sa katahimikan, at sa pagiging malaya; ngayon ay palilibutan sila ng pagkakaingay ng masisiglang apo at ng kani-kanilang mga kaibigan. Sila’y nahirating gumawa ng kanilang sariling pasiya at marahil ay ayaw nilang dumanas ng pagtatangkang pamahalaan sila. Maraming magulang, na nakini-kinita ang panahon na ang pamilya ng kanilang mga anak na lalaki ay makikipisan sa kanila, ang nagtayo ng hiwalay na mga bahay sa karatig o dinugtungan ang kanilang mga tahanan, upang makapagsarili ang lahat.

Pagka ang tahanan ay maliit, baka kailanganin ang lalong maraming pagbabago upang mabigyan ng dako ang mga bagong dating. Isang ina ang napatawa nang kaniyang maalaala kung papaano nagulo ang kaniyang apat na anak na babae nang karagdagang mga muwebles at iba pang mga bagay-bagay ang patuloy na idinating sa kanilang mga silid-tulugan upang mabigyang-dako ang kanilang 80-taóng-gulang na lola. Gayunman, karamihan ng mga suliraning ito ay kalimitang nalulutas pagka kinilala ng lahat ang pangangailangan ng mga pagbabago at nagunita ang payo ng Bibliya na ang pag-ibig “ay hindi humahanap ng kaniyang sariling kapakanan.”​—1 Corinto 13:5.

Pagkawala ng Kalayaan

Isang malubhang suliranin para sa isang babaing Kristiyano ang maaaring lumitaw kung hindi niya kapananampalataya ang kaniyang asawa at nagpasiyang ilipat ang pamilya upang makapiling ng kaniyang mga magulang. Ang mga pangangailangan upang mapangalagaan ang pamilya ay baka gawing halos imposible na pagtimbangin ang kaniyang mga obligasyong Kristiyano at ang kaniyang iba pang mga tungkulin. Sinabi ni Setsuko: “Inakala ng aking asawa na mapanganib iwanang mag-isa sa tahanan ang kaniyang medyo ulianin nang ina, at ang ibig niya ay palagi akong nasa bahay. Pagka ako’y nakagayak upang pumunta sa pulong, siya’y nababahala at nagrereklamo. Sa una, dahilan sa ako nga ay isang Haponesa, naisip ko rin na mali ang iwanan siyang mag-isa. Pero, sumapit ang panahon, natalos ko na ang mga suliranin ay maaari namang malutas.”

Si Hisako ay nagkaroon ng isang nakakatulad na suliranin. “Nang kami’y lumipat upang makipisan sa pamilya ng aking asawa,” sabi niya, “dahilan sa siya’y nangangamba kung ano ang iisipin ng mga kamag-anak, nais niya na magbago ako ng aking relihiyon at ihinto ang aking relihiyosong mga gawain. Ang lalo pang nagpalubha ng mga bagay-bagay, kung mga araw ng Linggo ang mga kamag-anak na nakatira sa malapit ay dumadalaw sa amin, kung kaya nahihirapan ako na dumalo sa mga pulong. Isa pa, ibig ng mga bata na makipaglaro sa kanilang mga pinsan imbes na sumama sa mga pulong. Nakita ko na naaapektuhan ang aming espirituwalidad. Kinailangang magpakatatag ako at ipaliwanag sa aking asawa na ang aking relihiyon ay hindi maaaring baguhin na katulad ng isang terno kundi ito’y mahalaga sa akin. Pagtatagal, napawasto rin ang pamilya.”

Ang suliranin na kakapusan ng panahon ay nalutas ng iba sa pamamagitan ng pagkuha ng isang tagapaglinis at tagapag-ayos ng bahay nang isa o dalawang araw sa isang linggo. Ang iba ay nakasumpong ng sapat na kalayaan para sa personal na mga lalakarín at gawaing Kristiyano sa pamamagitan ng pagpapatulong sa kanilang mga anak, malapit na mga kamag-anak, pati mga kaibigan sa kongregasyon. Ang mga asawang lalaki ay nakakatulong din kung mga gabi o mga dulo ng sanlinggo pagka sila ay nasa tahanan.​—Eclesiastes 4:9.

Sila’y Pamalagiing Aktibo

Ang isa pang hamon na dapat harapin ay ang pagpapamalaging aktibo sa mga may edad na. Ang ibang mga may edad na ay natutuwang tumulong sa pagluluto at sa iba pang mga gawain sa tahanan. Kanilang nadarama na kailangan sila pagka pinagbantay sa mga bata at nakukuntento sa pag-aasikaso ng isang munting gulayan, pag-aalaga ng mga bulaklak, o pakikisali sa isang libangan.

Subalit, ang iba ay ibig matulog maghapon at umaasang sila’y laging paglilingkuran. Ngunit kung sila’y laging aktibo hanggat maaari waring kailangan ito sa kanilang kapakanan, haba ng buhay, at pagiging gising ang isip. Napatunayan ni Hideko na bagaman ang kaniyang ina ay nasa isang silyang de gulong, ang pagsasama sa kaniya sa mga pulong ang pampasiglang kinakailangan ng kaniyang ina. Siya’y masiglang tinatanggap ng lahat at isinasali sa mga pag-uusap. Sa wakas, dahil sa atensiyon na ibinibigay sa kaniya, siya ay pumayag na makipag-aral ng Bibliya sa isang nakatatandang babae. Isang mag-asawa, na nag-aalaga ng isang magulang na may sakit ng Alzheimer’s disease, ang nagsasama sa kaniya sa kanilang mga pulong Kristiyano. “Karaniwan nang umaayaw siya na gumawa ng anupaman,” ang kanilang napansin, “pero siya’y nasasayahan sa mga pulong. Siya’y masiglang tinatanggap, kaya siya’y kusang sumasama na. Inaakala namin na iyon ay totoong kapaki-pakinabang para sa kaniya.”

Si Shinetsu, na binanggit sa pasimula ng artikulo, ay nilutas ang kaniyang suliranin sa pamamagitan ng pagkatagpo, para sa ina ng kaniyang maybahay, ng isang apartment na nasa gitna ng lugar na kaniyang pinaglilingkuran bilang isang naglalakbay na ministro. Siya [si Shinetsu] at ang kaniyang maybahay ay nakakapiling niya [ng ina] sa pagitan ng kaniyang mga pagdalaw sa iba’t ibang kongregasyon bawat sanlinggo. Ang kaniyang maybahay, si Kyoko, ay nagsabi: “Inaakala ng aking ina na siya’y isang mahalagang bahagi ng aming gawain at nadaramang siya’y kinakailangan. Siya’y natutuwa pagka hinilingan siya ng aking asawa na magluto ng isang espesyal na lutuin.”

Pakikitungo sa Pagkaulianin

Habang nagkakaedad ang mga magulang, baka sila’y dumaan sa sari-saring antas ng pagkaulianin, kaya sila’y nangangailangan ng higit at higit na atensiyon. Kanilang nakalilimutan ang mga araw, mga panahon, mga pana-panahon, at mga pangako. Baka makalimutan nilang magpagupit ng kanilang buhok at maglaba ng kanilang damit. Baka makalimutan pa nga nila kung papaano magsuot ng damit at maligo. Marami ang naging malilituhin, samantalang ang iba naman ay nahihirapang makatulog kung gabi. May tendensiya na paulit-ulitin ang kanilang sinasabi at mayamot kung iyon ay itinatawag-pansin sa kanila. Ang isip ang dumadaya at lumilito sa kanila. Baka igiit nila na sila’y pinagnakawan o may mga magnanakaw na gustong pumasok sa bahay. Isang pamilya na may apat na anak na babae ang nagtiis ng patuloy na pagpaparatang ng seksuwal na pagkakasala bagaman walang batayan. “Nakayayamot iyon,” anila, “pero kami’y natutong magtiis ng mga paratang at binabago namin ang paksa. Ang hindi pakikiayon kay Lola ay walang-saysay.”​—Kawikaan 17:27.

Kailangang Matugunan ang Emosyonal na Pangangailangan

Ang pagtanda ay nagdadala ng mga pagsubok sa nagkakaedad. Nariyan ang mahirap tiisin na mga sakit, kahirapang kumilos, at pagka-aburido na dapat pagtiisan. Marami ang may palagay na walang direksiyon o layunin ang kanilang buhay. Baka inaakala nila na sila’y isang pabigat at nagpapahayag ng pagnanasang mamatay na. Kailangang madama nila na sila ay minamahal, iginagalang, at kasali. (Levitico 19:32) Sinabi ni Hisako: “Sa tuwina’y sinisikap namin na isali si Nanay sa aming pag-uusap kung siya’y naroroon, na ginagawa siyang paksa ng usapan hangga’t maaari.” Isa namang pamilya ang nagsikap patibayin ang paggalang-sa-sarili ng kanilang lolo sa pamamagitan ng paghiling na siya na ang manguna sa pang-araw-araw na pagtalakay ng teksto sa Bibliya.

Ang isa ay kailangang patuluyang magsikap na mapanatili ang isang tamang pangmalas sa mga may edad na. Ang masasakiting mga pasyente ay nayayamot pagka kanilang nahahalata na sila’y kinakausap ng isang labis na nagpapakababa o tinatrato sila nang walang paggalang. “Si Inay ay alerto,” ang paliwanag ni Kimiko, na kapisan ng kaniyang baldadong biyenang babae, “at halata niya kung hindi ko dinidibdib ang pag-aalaga sa kaniya o kung ako’y labis na nagpapakababa naman.” Kinailangan din ni Hideko na pagbutihin ang kaniyang saloobin. “Sa una ako ay nakadama ng pagkasiphayo nang malaman kong aalagaan ko ang aking biyenang babae. Ako’y naging isang payunir [isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova], at hinahanap-hanap ko ang ministeryo. Pagkatapos ay nakita ko na kailangang baguhin ko ang aking kaisipan. Bagaman ang ministeryo ng pagbabahay-bahay ay mahalaga, ito naman ay mahalaga ring bahagi ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. (1 Timoteo 5:8) Natalos ko na kailangang pasulungin ko pa ang pag-ibig at empatiya kung nais kong magkaroon ng kagalakan. Ako’y inuusig ng aking budhi pagka ang mga bagay ay ginagawa ko nang basta dahil sa tungkulin ko iyon. Nang ako’y maaksidente at dumaranas ng kirot, naisip ko ang aking biyenang babae at ang kirot na kaniyang dinanas. Pagkatapos ay naging mas madali sa akin ang magpakita ng higit na pag-ibig at empatiya.”

Nangangailangan Din ng Pangangalaga ang mga Nag-aalaga

Hindi dapat kaligtaan ang pagpapahayag ng pagpapahalaga sa isa na lalong higit na bumabalikat ng pananagutang mangalaga sa may edad na. (Ihambing ang Kawikaan 31:28.) Karamihan ng babae ay nagpapatuloy na asikasuhin ang kanilang mga obligasyon mayroon man o walang naririnig na kapahayagan ng pagpapahalaga. Gayunman, pagka ating pinag-isipan ang kanilang gawain, ang gayong kapahayagan ay tunay na nararapat. Malamang na sila’y may karagdagang paglilinis, paghuhugas, at pagluluto na kailangang gawin. Pag-isipan din ang mga pagpunta sa ospital o doktor, at ang pagpapakain o pagpapaligo sa isang matanda nang pasyente. Isang babae, na matagal na nag-alaga ng kaniyang biyenang babae, ang nagsabi: “Batid ko na mahirap para sa aking asawa na bumigkas ng mga salitang pagpapahalaga, ngunit kaniyang ipinakikita sa akin sa mga ibang paraan na kaniyang pinahahalagahan ang aking ginagawa.” Ang simpleng mga salita ng pasasalamat ay malaki ang magagawa.​—Kawikaan 25:11.

May mga Gantimpala Rin

Maraming pamilya na maraming taon nang nag-alaga sa nagkakaedad na mga magulang ang nagsasabi na ito’y tumulong sa kanila na linangin ang mahalagang mga katangiang Kristiyano: pagtitiis, pagsasakripisyo-sa-sarili, walang-imbot na pag-ibig, kasipagan, kapakumbabaan, at pagkamalumanay. Maraming pamilya ang lalong nagkalapit-lapit ang damdamin sa isa’t isa. Ang isang karagdagan pang kagantihan ay ang pagkakataon na higit pang makausap ang mga magulang at makilala sila. Tungkol sa kaniyang biyenang babae ay sinabi ni Hisako: “Siya’y nagkaroon ng isang kawili-wiling kasaysayan. Siya’y nakaranas ng maraming kahirapan. Mas lalo ko siyang nakilala at natutuhan ko na pahalagahan ang kaniyang mga katangian na noong una’y hindi ko pa kilala.”

“Noong bago ako nag-aral ng Bibliya ay ibig kong makipagdiborsiyo at takasan ang situwasyon,” ang paliwanag ni Kimiko, na nag-alaga sa mga magulang ng kaniyang asawa at sa kaniyang masasakiting lola. “Pagkatapos ay nabasa ko na dapat nating ‘dalawin . . . ang mga babaing balo sa kanilang kapighatian.’ (Santiago 1:27) Ako’y naliligayahan at ginawa ko ang pinakamagaling na magagawa ko, ngayon ay walang isa mang miyembro ng aking pamilya ang makatuwirang makapagrereklamo tungkol sa aking mga paniniwala. Malinis ang aking budhi.” Isa pa ang nagsabi: “Nakita ko ng aking sariling mga mata ang kakila-kilabot na mga epekto ng pagkakasala ni Adan at ngayon ay lalo ko pang pinahahalagahan ang pangangailangan ng pantubos.”

Malapit na bang tanggapin mo ang isa pang miyembro ng iyong pamilya sa iyong sambahayan? O ikaw kaya ay lilipat doon kapisan ng iyong matatanda nang magulang? Ikaw ba’y medyo nangangamba? Madaling unawain iyan. Magkakaroon ng mga pagbabagong dapat gawin. Subalit gagantihin ka nang sagana sa iyong pagtatagumpay sa hamon.

[Larawan sa pahina 24]

Kailangang madama ng may edad na na sila’y minamahal at iginagalang

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share