Ang Diyos ang Nagpapalago Niyaon—Ginagampanan Mo ba ang Iyong Bahagi?
GUNIGUNIHIN ang tanawin. Ikaw ay nasa isang magandang halamanan, napaliligiran ng malalaking punung-kahoy, malalagong palumpong, at tumpuk-tumpok na matitingkad-kulay na bulaklak. Luntiang mga damuhan ang nakalatag pababa sa iniingatang mga dalampasigan ng isang sapang bumubulubok ang sinlinaw-kristal na tubig. Walang anumang nagpapapangit sa tanawin. Palibhasa ikaw ay napahanga, nagtanong ka kung sino ang gumawa ng magandang dakong ito. May kahinhinang tumugon ang hardinero na ang Diyos ang nagpapalago sa lahat ng bagay.
Natural, alam mo iyon. At naalaala mo ang sinabi ng hardinero nang ikaw ay makarating na sa tahanan at mapagmasdan ang iyong sariling likod-bahay na napabayaan, na kung saan walang tumutubong kaakit-akit na pananim, santambak ang mga basura, at ang pangit na mga hukay sa lupa ay pinamamahayan ng tubig-ulan. Malaki ang iyong pagnanasa na magkaroon ng isang halamanan na katulad niyaong kadadalaw-dalaw mo lamang. Kaya, sa matibay na paniniwala mo sa mga sinabi ng hardinero, ikaw ay lumuhod at nanalangin nang buong taimtim sa Diyos upang siya’y magpatubo ng magagandang halamang bulaklakin sa iyong looban. Ano ang nangyayari? Mangyari pa, di wala.
Ano naman kung tungkol sa espirituwal na paglago? Marahil ay may matinding pagnanasa ka na makita ang paglaki sa espirituwal ng mga bagay, na tulad baga ng mga bagong alagad na tumutugon sa katotohanan ng Salita ng Diyos o ng iyong sariling espirituwal na pagsulong. At maaaring ikaw ay nananalangin nang taimtim kay Jehova na kaniyang pangyarihin ang gayong paglago, taglay ang matinding paniwala na siya’y may kapangyarihang gawin iyon. Subalit ang iyo bang matinding pagnanasa, taimtim na panalangin, at pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos kung sa ganang sarili lamang ay lumilikha ng paglago?
Ang Diyos ang Nagpapalago Niyaon
Marahil inaakala mong ang iyong bahagi sa pagpapalago sa espirituwal ay di-mahalaga, walang kabuluhan. Hindi ba ganito rin ang ipinahiwatig ni apostol Pablo sa 1 Corinto 3:5-7? Siya’y sumulat: “Ano nga si Apolos? Oo, ano si Pablo? Mga ministro na sa pamamagitan nila kayo’y naging mananampalataya, kagaya ng ipinagkaloob sa bawat isa ng Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpalago; anupat walang anuman ang nagtatanim, ni ang nagdidilig, kundi ang Diyos na siyang nagpapalago.”
Matuwid na kinikilala ni Pablo na pagka lumalago ang mga bagay, lahat ng kapurihan ay nagtutungo sa Diyos. Ang isang hardinero ay maaaring naghahanda ng kaniyang pagtatamnang lupa, naghahasik ng kaniyang binhi, at maingat na inaalagaan ang mga pananim, subalit sa katapus-tapusan ay dahil sa kamanghamanghang kapangyarihan ng Diyos na lumikha kung kaya lumalago ang mga bagay. (Genesis 1:11, 12, 29) Ngunit ano ba ang ibig sabihin ni Pablo sa “walang anuman ang nagtatanim, ni ang nagdidilig”? (“Hindi ang mga nagtatanim pati na ang kanilang pagtatanim at pagdidilig ang mahalaga,” The New English Bible.) Kaniya bang minamaliit ang bahagi ng indibiduwal na ministro sa paggawa ng mga bagong alagad, nagpapahiwatig na sa katapus-tapusan ay hindi gaanong mahalaga kung papaano natin isinasagawa ang ating ministeryo?
“Anupat Walang Anuman ang Nagtatanim”
Laging isaisip na sa bahaging ito ng kaniyang liham, hindi tinatalakay ni Pablo ang ministeryong Kristiyano kundi ang kamangmangan ng pagsunod sa mga tao sa halip na kay Jesu-Kristo. Ang ilan sa mga nasa Corinto ay nagbibigay ng di-nararapat na pagpapahalaga sa kilalang mga lingkod ni Jehova, tulad ni Pablo at ni Apolos. Ang iba ay nagtatayo ng mga sekta at itinataas ang mga taong inaakala nila na nakahihigit sa kanilang mga kapatid na Kristiyano.—1 Corinto 4:6-8; 2 Corinto 11:4, 5, 13.
Ang pagluwalhati sa mga tao sa ganitong paraan ay hindi mabuti. Iyon ay makalamang kaisipan, at lumilikha ng inggitan at alitan. (1 Corinto 3:3, 4) Ipinakikita ni Pablo ang ibinubunga ng gayong kaisipan. Kaniyang sinasabi: “Sa inyo’y may pagtatalu-talo. Ang ibig kong sabihin ay ito, na bawat isa sa inyo ay nagsasabi: ‘Ako ay kay Pablo,’ ‘Ngunit ako’y kay Apolos,’ ‘At ako’y kay Cefas,’ ‘At ako’y kay Kristo.’ ”—1 Corinto 1:11, 12.
Sa gayon, nang siya’y sumulat na, “walang anuman ang nagtatanim at ang nagdidilig” (Phillips), sinasalungat ng apostol ang gayong makalamang kaisipan, idiniriin ang pangangailangan na kay Jesu-Kristo tumingin bilang Lider at kilalanin na lahat ng kaluwalhatian para sa paglago sa kongregasyon ay sa Diyos natutungo. Ang mga apostol at ibang matatanda ay mga lingkod lamang ng kongregasyon. Walang sinuman na dapat mapataas ni dapat man silang maghangad na mapataas o mapatanyag. (1 Corinto 3:18-23) Kaya naman ang nagtatanim at ang nagdidilig ay walang anuman, ang sabi ni Pablo, “kung ihahambing sa kaniya na nagbibigay ng buhay sa binhi.”—1 Corinto 3:7, Phillips.
Ang mga Kamanggagawa ng Diyos
Samakatuwid, sa pagsasabi nito, hindi minamaliit ni apostol Pablo ang kahalagahan ng ating bahagi sa pagtatanim at pagdidilig. Hindi niya nilayon na tayo’y magsimulang mag-isip ng, “Palalaguin ng Diyos ang mga bagay sa kaniyang takdang panahon,” at pagkatapos ay uupo na lamang at hihintayin na gawin niya iyon. Batid niya na ang ating ginagawa at kung paano natin ginagawa iyon ay may epekto sa kung papaano lumalago ang mga bagay.
Iyan ang dahilan kung bakit palaging hinihimok ni Pablo ang mga Kristiyano na gumawang masikap sa kanilang ministeryo at pasulungin ang kanilang kakayahan bilang mga guro. Pag-isipan ang kaniyang ipinayo sa binatang si Timoteo. “Laging asikasuhin mo ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa mo nito ay ililigtas mo kapwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:16) “Taimtim na ipinagbibilin ko sa iyo . . . , ipangaral mo ang salita, gawin mo ito sa kaaya-ayang panahon . . . , nang may buong pagbabata at sining ng pagtuturo. . . . Lubusang ganapin mo ang iyong ministeryo.” (2 Timoteo 4:1, 2, 5) Walang gaanong kabuluhan ang pagpapagal ni Timoteo na mapasulong ang kaniyang kakayahan kung ang kaniyang pagtatanim at pagdidilig ay walang epekto sa pagpapalago ng mga bagay.
Tulad ni Pablo at ni Apolos, ikaw rin ay magkakaroon ng walang katulad na pribilehiyong maglingkod bilang isa sa mga kamanggagawa ng Diyos. (1 Corinto 3:9; 2 Corinto 4:1; 1 Timoteo 1:12) Sa gayon, ang iyong gawain ay mahalaga. Ang hardinero ay hindi umaasang makahimalang gagawa ang Diyos ng isang magandang halamanan kung hindi magsisikap ang hardinero. Dapat bang mapaiba ang espirituwal na paglago? Tunay na hindi. Gaya ng magsasaka na matiyagang “naghihintay sa mahalagang bunga ng lupa,” tayo’y kailangan munang magpagal sa pagtatanim at pagdidilig, hinihintay na ang Diyos ang magpalago niyaon.—Santiago 1:22; 2:26; 5:7.
Gampanan ang Iyong Bahagi
Yamang gaya ng sinasabi ni apostol Pablo, “bawat tao ay tatanggap ng kaniyang sariling kagantihan ayon sa kaniyang sariling gawa,” makabubuting tanungin natin ang ating sarili kung papaano tayo gumagawa.—1 Corinto 3:8.
Ang eksperto sa paghahalaman na si Geoffrey Smith ay nagsasabi: “Walang natatanging kuwalipikasyon ang kinakailangan upang maging isang hardinero, kundi ang interes sa mga halaman.” (Shrubs & Small Trees) Gayundin, walang likas na pantanging mga kuwalipikasyon na kinakailangan upang tayo’y maging mga kamanggagawa ng Diyos, kundi ang interes sa mga tao at ang pagiging handa na magamit ng Diyos.—2 Corinto 2:16, 17; 3:4-6; Filipos 2:13.
Isaalang-alang ang ilan sa mabuting payo ng sanay na mga hardinero. Isang awtoridad ang nagsasabi, kung ang isang baguhang hardinero ay handang makinig sa mga may lalong malaking karanasan kaysa kaniya, “ang baguhan ay madaling magiging isang eksperto.” At, sabi ng awtoridad ding ito, “ang eksperto ay laging nakasusumpong ng isang bagay na bago na matututuhan.” (The Encyclopedia of Gardening) Handa ka bang tanggapin ang tulong at pagsasanay na ibinibigay ni Jehova upang ikaw ay mabisang makapagtanim at makapagdilig? Kung gayon, bago ka man sa gawain o may karanasan na, mapasusulong mo pa ang iyong kakayahan bilang kamanggagawa ng Diyos at sa gayo’y “masasangkapan nang husto upang magturo sa iba.”—2 Timoteo 2:2.
Kung siya ay handang makinig at matuto, ani Geoffrey Smith, “ang baguhan ay makaiiwas sa malulubhang pagkakamali.” Kung tayo’y nakikinig sa tagubilin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang organisasyon, ang mga bagay ay gagawin natin ayon sa kaniyang paraan. Sa gayon ay maiiwasan natin, halimbawa, ang mga pagkakamali na gaya ng may kamangmangang pakikipagtalo sa mga taong humahanap lamang ng away o pagtatalu-talo.—Kawikaan 17:14; Colosas 4:6; 2 Timoteo 2:23-26.
Ang isa pang mainam na payo sa paghahalaman ay pag-isipan munang maingat ang mga bagay bago magmadaling humukay ng lupa. “Bago ka magsimulang maghukay,” sabi ng The Encyclopedia of Gardening, “marahang tayahin at gugulan ng panahon [ang iyong maaasahang pakinabang].” Ikaw ba ay nahuhulog sa patibong ng pagdudumali ng paglahok sa ministeryong Kristiyano na hindi muna pinag-iisipang maingat at may kasabay na pananalangin ang nais mong maisagawa at kung papaano magagawa iyon sa pinakamagaling na paraan? Liwanagin mo ang iyong mga layunin bago ka magsimula. Halimbawa, pag-isipan ang tungkol sa uri ng mga tao na makakaharap mo at ang mga suliranin na mapapaharap sa iyo, at paghandaan kung papaano haharapin ang mga ito. Ito’y tutulong sa iyo na “makahikayat ng lalong marami [habang ikaw] ay nakikibagay sa lahat ng uri ng tao.”—1 Corinto 9:19-23.
“Huwag Mong Iurong ang Iyong Kamay”
Kung ating pinahahalagahan ang pribilehiyo ng paglilingkuran bilang mga kamanggagawa ng Diyos, tayo ay hindi magtitipid sa pagbibigay ng ating bahagi. “Ihasik mo sa umaga ang iyong binhi at huwag mong iurong ang iyong kamay hanggang sa hapon; sapagkat hindi mo nalalaman kung alin ang tutubo, kung ito o yaon, o kung kapwa magiging mabuti.” (Eclesiastes 11:6) Ang pangwakas na resulta ay nasa mga kamay na ni Jehova, subalit tayo ay aani tangi lamang kung maghahasik muna tayo ng buong sikap.—Eclesiastes 11:4.
Walang halamanan ang napaganda sa pamamagitan ng bahagya, madaliang paghuhukay at paghahasik ng binhi. Gayundin, higit ang kinakailangan sa ministeryong Kristiyano kaysa bahagyang pakikibahagi sa pamamahagi ng literatura sa Bibliya. Bilang mga kamanggagawa ng Diyos, kailangang masikap at lubusang maipahayag natin ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos, na hinahanap ang mga may hilig sa katuwiran. (Gawa 13:48) Alalahanin ang simulain ng mga salita ni apostol Pablo sa 2 Corinto 9:6: “Siyang naghahasik nang bahagya ay mag-aani rin nang bahagya; at siya na naghahasik nang sagana ay aani rin nang sagana.”
Tulad ng lahat ng mabubuting hardinero, tayo’y nagsisikap na magtanim sa mabuting lupa. Gayunman, minsang may maitanim sa kahit na pinakamagaling na lupa, hindi diyan nagtatapos ang bagay na iyan. Sinasabi ni Geoffrey Smith: “Ito’y hindi nangangahulugan na minsang napatanim ay wala ng hinihiling sa taong nagtanim maliban sa pagbili ng isang silya sa pagpapahingalay at isang malaking payong.” Hindi, upang ang mga bagay ay lumago, kailangan ang pagsisikap na madilig at maingatan ang mga pananim.—Ihambing ang Kawikaan 6:10, 11.
Ang totoo, ang ministeryong Kristiyano ay maaaring mangahulugan ng mahabang panahon ng pagpapagal na para bang walang nangyayari. Subalit biglang-bigla, at kung minsan di-inaasahan, maaaring magkaroon ng kamanghamanghang mga resulta. Sinasabi ni Geoffrey Smith: “Ang paghahalaman ay nangangailangan ng mahabang panahon ng de rutinang pagtatrabaho na sinasalitan ng mga sandali ng gayong kahanga-hangang kagandahan na anupat lahat ng paghuhukay, pag-aalis ng pansirang damo, at ang mismong kabalisahan ay nakakalimutan.” Ikaw rin ay maaaring magtamasa ng mga sandali ng kahanga-hangang kasiyahan pagka ang isang maamong puso ay tumugon sa pabalita ng katotohanan—kung ikaw ay handang gumawa ng paunang paghuhukay, pagtatanim, pag-aalis ng panirang damo, at pagdidilig.—Ihambing ang Kawikaan 20:4.
Batid nina Pablo at Apolos na ang kanilang gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad ay hindi nagbigay sa kanila ng natatanging katanyagan sa kongregasyong Kristiyano. Kanilang naunawaan na ang Diyos ang nagpapalago ng mga bagay. Gayunman, sila’y nagtanim at sila’y nagdilig—nang buong sikap. Harinawang tularan natin ang kanilang halimbawa at hayaang gamitin tayo ng Diyos bilang “mga ministro na sa pamamagitan natin [ang iba] ay naging mga mananampalataya.”—1 Corinto 3:5, 6.
[Larawan sa pahina 23]
Ang Diyos ang nagpapalago sa lahat ng bagay—subalit ginagampanan din ng hardinero ang kaniyang bahagi