Maaari Kayang Magkaroon ng Kahulugan Para sa Iyo ang Hapunang Ito?
NASA kabilugan ang buwan na nagsasabog ng kaaya-ayang liwanag sa lupain. Sa isang pang-itaas na silid ng isang tahanan sa sinaunang Jerusalem, 12 lalaki ang nasa paligid ng isang mesa. Labing-isa ang buhós na buhós ang pakikinig samantalang ipinakikilala ng kanilang Guro ang isang lubhang makahulugang pagdiriwang at nagpapahayag ng mga salitang may malaking kahalagahan. Isang ulat ang nagsasabi:
“Dumampot si Jesus [Kristo] ng tinapay at, pagkatapos pagpalain iyon, kaniyang pinagputul-putol at, samantalang ibinibigay sa mga alagad, sinabi niya: ‘Kunin ninyo, kanin ninyo. Ito’y nangangahulugan ng aking katawan.’ At, dumampot siya ng isang kopa at, pagkatapos magpasalamat, kaniyang ibinigay iyon sa kanila, na ang sabi: ‘Magsiinom kayong lahat diyan; sapagkat ito’y nangangahulugan ng aking “dugo ng tipan,” na ibubuhos alang-alang sa marami sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Datapuwat sinasabi ko sa inyo, na buhat ngayon ay hindi na ako iinom nitong bunga ng ubas hanggang sa araw na yaon na inumin kong panibago na mga kasalo ko kayo sa kaharian ng aking Ama.’ Sa wakas, pagkatapos na makaawit ng mga papuri, sila’y nagsiparoon sa Bundok ng mga Olibo.”—Mateo 26:26-30.
Ito ay naganap pagkalubog ng araw noong ika-14 na araw ng buwan ng Nisan ng mga Judio noong taóng 33 ng ating Panlahatang Panahon (C.E.). Katatapos lamang na ganapin ni Jesus at ng kaniyang mga apostol ang Paskuwa bilang pag-alaala sa pagkaligtas ng Israel sa pagkaalipin sa Ehipto noong ika-16 na siglo B.C.E. Pinaalis na ni Kristo si Judas Iscariote, na noon ay malapit nang ipagkanulo siya. Kaya naman, tanging si Jesus at ang kaniyang 11 tapat na apostol ang naroroon.
Ang hapunang ito ay hindi isang pagpapatuloy ng Judiong Paskuwa. Iyon ay bago na nakilala sa tawag na ang Hapunan ng Panginoon. Tungkol sa pagdiriwang na ito, iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Patuloy na gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19, 20; 1 Corinto 11:24-26) Bakit niya sinabi ito? At papaanong ang sinaunang pagdiriwang na ito ay maaari ngang magkaroon ng kahulugan para sa iyo?