Magbautismo! Magbautismo! Magbautismo!—Ngunit Bakit?
“SA LOOB ng ilang mga buwan ako ay nakapagbautismo ng mahigit na sampung libong lalaki, babae, at mga bata.” Ganiyan ang isinulat ng misyonerong Jesuita na si Francis Xavier tungkol sa kaniyang gawain sa kaharian ng Travancore, India. “Ako’y nagpunta sa sunud-sunod na mga nayon at sila’y ginawa kong mga Kristiyano. At saan man ako naparoon, ako’y nag-iwan ng isang kopya ng ating mga dasal at mga kautusan sa katutubong wika.”
Palibhasa’y lubhang hinangaan ang mga liham ni Francis Xavier, si King John ng Portugal ay nag-utos na ang mga ito’y basahin nang malakas sa lahat ng pulpito sa buong sakop ng kaniyang kaharian. Ang liham noong Enero 1545 na kasisipi lamang ay sinang-ayunan pa nga para ilathala. Ang resulta? “Hindi nagtagal marami sa mga estudyante sa Europa, ‘na naninikluhod at walang patid ang pagluha,’ ay nangagkakaingay ng paghiling na sila’y payagang pumunta sa India at kumbertihen ang mga Gentil,” isinulat ni Manfred Barthel sa kaniyang aklat na The Jesuits—History & Legend of the Society of Jesus. Kaniyang isinusog: “Ang ideya na baka mangailangan ng higit pa kaysa ilang mga taong magwiwisik ng agua bendita at ng isang munting sako ng mga tract upang makumberte ang isang buong kaharian ay waring hindi naiisip ng marami nang panahong iyon.”
Ano ang talagang nagawa ng gayong maramihang pangungumberte? Ang Jesuitang si Nicolas Lancilloto ay makatotohanang nag-ulat sa Roma: “Karamihan niyaong mga nabautismuhan ay may ilang mapag-imbot na motibo. Ang mga alipin ng mga Arabe at mga Hindu ay umaasang makakamit ang kanilang kalayaan sa pamamagitan niyaon o magtatamo ng proteksiyon buhat sa isang malupit na panginoon o magkakamit lamang ng isang bagong kasuutan o isang turban. Marami ang gumagawa ng gayon upang makaiwas sa ilang kaparusahan. . . . Sinuman na inuudyukan ng kanilang sariling mga paniniwala na humanap ng kaligtasan sa ating mga turo ay itinuturing na mga baliw. Marami ang nagiging apostata at bumabalik sa kanilang dating mga gawaing pagano hindi nagtagal pagkatapos mabautismuhan.”
Ang pagnanasang makakumberte at magbautismo ng mga Gentil ay taglay din ng mga manggagalugad na taga-Europa noong panahong iyon. Sinasabing binautismuhan ni Christopher Columbus ang unang “mga Indian” na kaniyang natagpuan sa Caribbean. “Ang opisyal na patakaran ng Pamahalaang Kastila ay ilagay sa unang dako ang kumbersiyon ng katutubong populasyon,” ang sabi ng The Oxford Illustrated History of Christianity. “Sa katapusan ng ikalabing-anim na siglo, ang 7,000,000 na Indian ng imperyong Kastila ay mga Kristiyanong naturingan. Kung saan kami ay may estadistika ng mga nakumberte (si Pedro de Gante, isang kamag-anak ni Emperador Charles V, na sumama sa mga misyonero, ay nagbalita na nagbautismo ng 14,000 sa tulong ng iisang kasama sa isang araw), maliwanag na walang seryosong pangunang pagtuturo ang naganap.” Ang gayong panlabas na mga kumbersiyon ay kalimitan may kasabay na malupit, makahayop, mapaniil na pakikitungo sa mga katutubo.
Ang pagpapahalaga sa bautismo ang pumukaw sa mga manggagalugad at mga misyonerong ito. Noong 1439, si Papa Eugenius IV ay naglabas ng utos sa Konsilyo ng Florence na nagsabi: “Ang Banal na Bautismo ang may unang dako sa mga sakramento, sapagkat iyon ang pintuan ng espirituwal na buhay; sapagkat sa pamamagitan niyaon tayo ay ginagawang mga kaanib ni Kristo at nagiging bahagi ng Iglesya. At yamang sa pamamagitan ng unang tao dumaranas ng kamatayan ang lahat, maliban sa tayo’y ipanganak muli sa tubig at sa Banal na Espiritu, tayo’y hindi makapapasok sa kaharian ng Langit.”
Subalit, may bumangong pagtatalu-talo tungkol sa kung kaninong bautismo ang tunay. “Dahilan sa iyon din ang pangunahing ritwal ng pagpasok sa pamayanan ng simbahan, ang bautismo ay agad inangkin na karapatan ng ilang magkakaribal na mga simbahan, bawat isa ay tinawag ang sarili na ortodokso at inakusahan ang iba ng pagka-erehes at paghiwalay. Ang pagbabago sa mga ritwal sa bautismo ng sari-saring sekta ay hindi naiwasan,” sabi ng The Encyclopedia of Religion.
Gayunman, ang gawang pagbabautismo ay umiral na bago pa sa pananampalatayang Kristiyano. Ito ay ginagamit sa Babilonya at sa sinaunang Ehipto, na kung saan ang malamig na tubig ng Nilo ay inaakalang nagdaragdag ng lakas at nagbibigay ng pagkawalang-kamatayan. Naniniwala rin ang mga Griego na ang bautismo ay maaaring magdala ng pagbabagong-lahi o maaaring magdulot ng pagkawalang-kamatayan para sa binautismuhan. Ang sektang Judio sa Qumran ay nagsasagawa ng bautismo para sa pagtanggap sa isa sa kanilang komunidad. Kahilingan na ang mga nakumberteng Gentil sa Judaismo ay tuliin at makalipas ang pitong araw ay bautismuhan sa pamamagitan ng paglulubog sa harap ng mga saksi.
Maliwanag, malaki ang pagpapahalaga sa bautismo sa nakaraang mga panahon. Subalit kumusta naman ngayon? Ito ba ay kailangan sa modernong panahong ito? Kung gayon, bakit? Oo, dapat ka bang pabautismo?