Pag-asa—Mahalagang Pananggalang sa Isang Malungkot na Sanlibutan
Isang batang lalaking Koreano ang nagnanais tumulong sa kaniyang ina upang makumbinsi ang isang estudyante sa kolehiyo kung gaano kahalaga na magkaroon ng pag-asa para sa hinaharap. Sa pagkaalaala sa isang ilustrasyon na kaniyang narinig sa isang pulong Kristiyano, kaniyang tinanong ang estudyante kung tutulungan siya na lutasin ang isang palaisipan. Ang babae ay pumayag. Sinabi ng batang lalaki: “May dalawang pamilya. Kapuwa sila napakadukha. Noon ay malakas ang ulan, at ang bubong ng kanilang mga bahay ay parehong tumutulo. Ang isang pamilya ay lungkot na lungkot, at ganiyan na lamang ang reklamo tungkol sa mga tulo. Subalit yaong isang pamilya ay maligaya at masayang nagkukumpuni ng kanilang bubong. Bakit napakalaki ng pagkakaiba ng dalawang pamilyang ito?” Palibhasa’y wala siyang kamuwangan sa isasagot, sinabi ng babae na hindi niya alam. “Buweno,” ang sabi ng batang lalaki, “ang ikalawang pamilya ay masaya sapagkat katatanggap lamang nila ng isang abiso mula sa pamahalaang lunsod na nagsasabing sila’y bibigyan ng isang bagong bahay. Kaya sila ay nagkaroon ng pag-asa. Iyan ang pagkakaiba!”
ANG palaisipan ng batang lalaki ay nagpapakita ng isang simpleng katotohanan: Binabago ng pag-asa ang ating kaisipan tungkol sa buhay, kadalasan sa kabila ng ating kalagayan. Tulad ng dalawang pamilyang kaniyang inilarawan, karamihan sa atin ay kailangang magtiis ng mga pagsubok sa buhay—mga suliranin sa kalusugan, mga pagkabalisa na ang sanhi ay suliranin sa pera, mga igtingan sa pamilya, krimen, at di-mabilang na iba pang mga pagsubok at pang-aabuso. Kalimitan, hindi natin magagawang mapalayô sa gayong mga suliranin gaya rin ng kung papaano hindi natin mauutusan ang isang malakas na bagyo na lumayo na sa ating kinaroroonang lugar. Kaya maaaring tayo’y makadama ng kabiguan, ng pag-iisa—sa maikli, ng panghihina. Ang lalong nagpapalubha ng kalagayan, baka tayo’y tinuruan sa simbahan na ang hinaharap ay malungkot para sa karamihan ng mga makasalanan, na maaaring kasama na rito ang parusang walang-hanggan.
Kasabihan na ang isang paraan upang ang isa’y manlumo ay ang panghihina at kawalang-pag-asa. Ngunit tiyak na maaalis natin ang isa sa mga paraang ito; hindi naman kailangang mawalan ng pag-asa ang sinuman sa atin. At ang pag-asa mismo ang maaaring pinakamagaling na sandata na mailalaban doon sa isa pang paraan, ang panghihina o kawalang-pag-asa. Kung tayo’y may pag-asa, ating mapagtitiisan ang mga pagsubok sa buhay taglay ang pagiging kalmado at kontento sa halip na makipagpunyagi sa kahabag-habag na karalitaan. Oo, ang pag-asa ay isang mahalagang pananggalang.
Ang gayon bang pagkasabi ay nagtutulak sa iyo upang maging mapagduda? Ang pag-asa ba ay talagang napakalakas kung kaya may malaking pagkakaibang naidudulot ito? At ang isang mapanghahawakang pag-asa ay maaari bang makamit ng bawat isa sa atin?
Tulad ng Isang Turbante
Sa larangan ng medisina ay kinikilala na ang kamangha-manghang bisa ng pag-asa. Isang nakaligtas sa Nazi Holocaust, ang espesyalista sa kaigtingan na si Dr. Shlomo Breznitz, ay nagsabi na sa karamihan ng mga suliranin sa buhay, “ang kaigtingan ay nanggagaling sa ating interpretasyon ng kanilang kahirapan, hindi ang mga suliranin sa pangkalahatan. Ang pag-asa ang nagbabawas ng kanilang kabigatan.” Isang artikulo sa The Journal of the American Medical Association ang nagsabi na ang pag-asa ay “isang mabisang gamot.” Nag-ulat ang magasing American Health: “Maraming halimbawa ng mga pasyente, lalo na ang mga maysakit ng kanser, na biglang lulubha pagka may isang bagay na nag-aalis sa kanila ng pag-asa—o biglang huhusay ang kalagayan pagka sila’y nakasumpong ng isang bagay na bago para umasa pa sa buhay.”—Ihambing ang Kawikaan 17:22.
Matagal nang alam ng mga estudyante ng Bibliya ang kahalagahan ng pag-asa. Sa 1 Tesalonica 5:8, ipinayo ng apostol Pablo sa mga Kristiyano: “Mangagpigil tayo at . . . ang maging turbante ay ang pag-asa ng kaligtasan.” Papaano ngang ang “pag-asa ng kaligtasan” ay katulad ng isang turbante?
Pag-isipan kung ano ang nagagawa ng isang turbante. Ang kawal noong mga panahon ng Bibliya ay may suot na turbante na tanso o bakal, isinukat sa isang piyeltro, balahibong-tupa, o katad na gora. Ang turbanteng ito ang nagsisilbing proteksiyon ng kaniyang ulo buhat sa nagliliparang mga pana, mga bambo na ipinanghahampas, at panlaslas na mga tabak sa mga digmaan. Kung gayon, malamang kakaunting mga kawal ang nag-aatubiling magsuot ng isang turbante kung sakaling mayroon sila ng isa. Gayunman, ang pagsusuot ng turbante ay hindi nangangahulugan na ang kawal ay hindi matatalo o wala siyang nararamdamang anuman pagka tinamaan ang kaniyang ulo; bagkus, ang turbante ay nagbibigay katiyakan lamang na ang karamihan ng mga suntok ay dumadaplis sa halip na makapinsala na ikamamatay.
Kung papaanong ipinagsasanggalang ng turbante ang ulo, gayundin ipinagsasanggalang ng pag-asa ang isip. Dahil sa pag-asa ay hindi natin maaaring ipagwalang-bahala ang bawat krisis o kabiguan na para bang iyon ay walang anuman. Subalit ang pag-asa ang nagsisilbing pananggalang sa gayong mga dagok at tumutulong upang huwag mapariwara ang kalusugan ng ating isip, emosyon, o espirituwalidad.
Ang tapat na si Abraham ay maliwanag nga na nagsuot ng ganitong makasagisag na turbante. Siya’y hinilingan ni Jehova na ihain ang kaniyang sinisintang anak, si Isaac. (Genesis 22:1, 2) Anong dali nga na magagawa ni Abraham na mahulog sa kawalang-pag-asa, na makaaakay sa kaniya na sumuway sa Diyos. Ano ang nagsanggalang sa kaniyang isip buhat sa gayong mga damdamin? Ang pag-asa ay gumanap ng isang mahalagang bahagi. Sang-ayon sa Hebreo 11:19, “kaniyang inisip na maging sa gitna ng mga patay [si Isaac] ay maaaring buhaying-muli ng Diyos.” Gayundin, ang pag-asa ni Job sa isang pagkabuhay-muli ay tumulong upang ipagsanggalang ang kaniyang isip sa matinding sama ng loob, na maaaring umakay sa kaniya na sumpain ang Diyos. (Job 2:9, 10; 14:13-15) Si Jesu-Kristo, sa harap ng isang napakasakit na kamatayan, ay nakasumpong ng kalakasan at kaaliwan sa kaniyang masayang pag-asa para sa hinaharap. (Hebreo 12:2) Sa pagtitiwala na ang Diyos ay hindi kailanman gagawa ng masama, hindi kailanman mabibigong tumupad ng kaniyang salita, ang batayan ng tunay na pag-asa.—Hebreo 11:1.
Ang Saligan ng Tunay na Pag-asa
Tulad ng pananampalataya, ang tunay na pag-asa ay nakasalig sa ebidensiya, tunay na pangyayari, katotohanan. Dito’y maaaring magtaka ang ilan. Gaya ng pagkasabi ng isang manunulat, “karamihan ng tao ay waring nag-iisip na ang pag-asa ay isa lamang may kahangalan na pagkakaila ng katotohanan.” Datapuwat, ang tunay na pag-asa ay hindi isang hamak na pangangarap ng gising, isang nakababagot na paniniwalang makakamtan natin ang anumang nais natin o na bawat kaliit-liitang bagay ay pawang malulutas. Ang buhay ay may paraan ng pagpawi sa gayong nagbabagang kahibangan sa pamamagitan ng pagsasaboy ng malamig na katotohanan.—Eclesiastes 9:11.
Ang tunay na pag-asa ay iba. Ito’y nanggagaling sa kaalaman, hindi sa mga naisin. Isaalang-alang ang ikalawang pamilya sa palaisipan na binanggit sa pasimula. Anong pag-asa ang sasakanila kung ang kanilang pamahalaan ay nakilala sa hindi pagtupad sa kaniyang mga pangako? Sa halip, ang pangako at ang ebidensiya ng pagkamaaasahan niyaon ay magbibigay sa pamilya ng isang matatag na saligan para sa pag-asa.
Gayundin naman, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay may pag-asa na may malapit na kaugnayan sa isang pamahalaan—ang Kaharian ng Diyos. Ang Kahariang ito ang mismong buod ng mensahe ng Bibliya. Sa loob ng libu-libong taon ito ang pinagmumulan ng pag-asa ng mga babae at mga lalaki, tulad ni Abraham. (Hebreo 11:10) Nangangako ang Diyos na sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, wawakasan niya ang balakyot na matandang sistemang ito ng sanlibutan at ihahalili ang isang bago. (Roma 8:20-22; 2 Pedro 3:13) Ang pag-asang ito sa Kaharian ay tunay, hindi isang panaginip. Ang pagmumulan nito—ang Diyos na Jehova, Soberanong Panginoon ng sansinukob—ay hindi maaaring pababain sa tungkulin, ang masasabi natin na walang pagmamalabis. Ang kailangan lamang natin ay suriin ang pisikal na paglalang ng Diyos upang makita na siya’y umiiral at may sapat na kapangyarihang tuparin ang lahat ng kaniyang ipinangako. (Roma 1:20) Ang kailangan lamang natin ay pakasuriin ang ulat ng kaniyang mga pakikitungo sa sangkatauhan upang makita na ang kaniyang salita ay hindi kailanman nabibigo.—Isaias 55:11.
Gayunman, nakalulungkot na karamihan sa mga nag-aangking Kristiyano ay nakalimot na sa tunay na pag-asa. Ang teologong si Paul Tillich ay nagsabi sa isang kamakailang lathalang sermon: “Ang [sinaunang] mga Kristiyano ay natutong maghintay ng wakas. Subalit unti-unting huminto sila ng paghihintay. . . . Ang inaasahang isang bagong kalagayan ng mga bagay sa lupa ay nanghina, bagaman ang isa’y dumadalangin ukol doon tuwing bibigkas ng Panalangin ng Panginoon—Gawin nawa ang iyong kalooban sa lupa gaya ng sa langit!”
Anong laking kasawian! Milyun-milyon, bilyun-bilyon pa nga, ang tao na lubhang nangangailangan ng pag-asa ang wala nito, gayunman ito’y madali nilang masusumpungan sa kanila mismong sariling mga Bibliya. Malasin ang malungkot na ibinunga! Palibhasa’y walang matatag na pag-asa na magsasanggalang sa kanilang mga isip, kataka-taka ba na ang isang walang pag-asa, “di-aprobadong kalagayan ng isip” ay umakay sa napakarami na kalatan ang sanlibutan ng imoralidad at karahasan? (Roma 1:28) Mahalaga na tayo’y huwag mahulog kailanman sa gayunding silo. Sa halip na hubarin ang turbante ng pag-asa, kailangan natin na laging patibayin iyon.
Kung Papaano Mapatitibay ang Iyong Pag-asa
Ang pinakamagaling na paraan upang mapatibay ang pag-asa ay ang isaalang-alang ang pinagmumulan nito, ang Diyos na Jehova. Pag-aralan ang kaniyang Salita, ang Bibliya, nang buong sikap. Ang Roma 15:4 ay nagsasabi: “Lahat ng bagay na isinulat noong una ay nangasulat para sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pamamagitan ng kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.”
Isa pa, tiyakin natin na ang ating pag-asa para sa hinaharap ay hindi hamak na isang malabong guni-guni lamang. Kailangang gawin nating tunay iyon sa ating mga isip. Umaasa ka bang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa? Ibig mo bang makapiling ang iyong mga mahal sa buhay pagka sila’y binuhay muli sa lupa? Kung gayon, nakikini-kinita mo ba ang iyong sarili na naroon sa panahong iyon? Halimbawa, ang Isaias 65: 21, 22 ay bumabanggit na bawat isa’y magtatayo ng kaniyang sariling bahay at siya rin ang tatahan doon. Maipipikit mo ba ang iyong mga mata at gugunigunihin na ikaw ay gumagawa sa bubong ng iyong bagong bahay, ipinapako ang huling tisa? Isip-isipin ang iyong pagmamasid sa buong palibot sa mga bunga ng lahat ng iyong pagpaplano at pagtatrabaho. Ang masayang ingay ng konstruksiyon ay unti-unting huminto; ikaw ay nagmasid-masid sa tanawin sa paligid samantalang lumulubog ang araw sa pagtatakip-silim. Ang mga punungkahoy ay marahang dinadampian ng simoy ng hangin at ikaw ay nagiginhawahan sa iyong paggawa. Ang paghahalakhakan ng mga bata, na sumasaliw sa awitin ng mga ibon, ang iyong naririnig. Ang mga usapan ng iyong mga mahal sa buhay ay naririnig buhat sa bahay sa ibaba.
Ang pagguniguni sa ganiyang masayang sandali ay hindi isang walang-kabuluhang paghahaka-haka; bagkus, ito ay pagbubulay-bulay sa isang hula na tiyak na matutupad. (2 Corinto 4:18) Mientras tunay sa iyo ang pangitaing iyan, lalong matibay ang iyong pag-asa na ikaw ay makararating doon. Ang gayong matatag, malinaw na pag-asa ay magsasanggalang sa iyo buhat sa damdaming “ikinahihiya ang mabuting balita,” na maaaring magpaurong sa iyo sa atas na pamamahagi niyaon sa iba. (Roma 1:16) Bagkus, nanaisin mo na ‘ipagmalaki ang pag-asa’ gaya ni apostol Pablo, sa pamamagitan ng buong pagtitiwalang pamamahagi nito sa iba.—Hebreo 3:6.
Hindi lamang ang walang-hanggang hinaharap ang nagbibigay ng pag-asa. Mayroon ding pinagmumulan ng pag-asa sa kasalukuyan. Papaano nga nagkakagayon? Isang estadistang Romano noong ikalimang siglo C.E. na nagngangalang Cassiodorus ay nagsabi: “Siya’y tumatanggap ng pag-asa sa hinaharap na mga pakinabang kung kaniyang kinikilala ang isang pakinabang na natupad na.” Mga salitang pantas! Anong kaaliwan ang masusumpungan natin sa mga pangako tungkol sa hinaharap na mga pagpapala kung hindi natin mapahalagahan ang kasalukuyang mga pagpapala?
Ang panalangin ay nagpapatibay rin ng pag-asa sa mismong sandaling ito. Bukod sa pananalangin ukol sa matagal pang hinaharap, kailangang manalangin tayo ukol sa ating kasalukuyang pangangailangan. Tayo’y makaaasa at makapananalangin para sa pagbuti ng mga kaugnayan sa mga miyembro ng pamilya at sa kapuwa mga Kristiyano, para sa ating susunod na espirituwal na pagkain, maging ang paghingi natin ng ating materyal na mga pangangailangan. (Awit 25:4; Mateo 6:11) Ang pagpapaubaya sa kamay ni Jehova ng gayong mga pag-asa ay tutulong sa atin na makapagtiis araw-araw. (Awit 55:22) Habang tayo’y nagtitiis, ang ating pagtitiis mismo ay magpapatibay rin sa turbante ng pag-asa.—Roma 5:3-5.
Isang Positibong Pagkakilala sa mga Tao
Ang negatibong kaisipan ay tulad ng kalawang sa turbante ng pag-asa. Ito ay unti-unting kakalat, at sa wakas ang turbante ay hindi na magagamit. Natuto ka bang kilalanin ang negatibong kaisipan at labanan iyon? Huwag kang padala sa maling kaisipan na ang isang saloobing mapang-uyam, palapintasin, negatibo ay katalinuhan. Sa totoo, hindi gaanong ginagamitan ng talino ang negatibong kaisipan.
Lubhang madali na magkaroon ng negatibong kaisipan tungkol sa ating mga kapuwa tao. Ang ilan, dahilan sa masaklap na karanasan noong nakalipas, ay nawalan na ng pag-asang tatanggap ng tulong o kaaliwan buhat sa mga tao. Ang kanilang kasabihan ay “Minsang nakagat, hindi na muling uulit pa.” Baka mag-atubili pa nga silang lumapit sa matatanda sa kongregasyong Kristiyano upang patulong sa kanilang mga suliranin.
Tayo’y tinutulungan ng Bibliya na magkaroon ng isang lalong timbang na pagkakilala sa mga tao. Totoo, hindi naman mabuti na lahat ng ating pag-asa ay ilagak sa mga tao. (Awit 146:3, 4) Subalit sa kongregasyong Kristiyano, ang matatanda ay nagsisilbing “mga kaloob na lalaki” buhat kay Jehova. (Efeso 4:8, 11) Sila’y mga Kristiyanong maiingat, may-karanasan at taimtim na nagnanasang maging “katulad ng isang dakong kublihan buhat sa hangin at isang dakong kanlungan buhat sa bagyo.”—Isaias 32:2.
Maraming iba pa sa kongregasyong Kristiyano ang may malasakit na sila’y makapagdulot ng pag-asa. Isip-isipin lamang kung papaano daan-daang libo sa kanila ang ngayon ay nagsisilbing mga ina, mga ama, mga kapatid, babae man o lalaki, at mga anak para sa mga nawalan ng kanilang sariling pamilya; isip-isipin kung ilan pa ang nagsisilbing mga kaibigan na “mahigit pa kaysa isang kapatid” sa pakikitungo nila sa mga nasa kahirapan.—Kawikaan 18:24; Marcos 10:30.
Kung ikaw ay nanalangin kay Jehova na tulungan ka, huwag kang mawalan ng pag-asa. Baka naman kaniyang sinagot ka na; baka may isang matanda o iba pang maygulang na Kristiyano na handa ngayon din na tumulong sa iyo minsang ipabatid mo ang iyong pangangailangan. Ang isang timbang na pag-asa sa mga tao ay nagsasanggalang sa atin buhat sa paglayo sa lahat ng tao at pagbubukod ng ating sarili, na maaaring humantong sa mapag-imbot, di-praktikal na asal.—Kawikaan 18:1.
Isa pa, kung ikaw ay may suliranin sa isang kapuwa Kristiyano, hindi dapat na harapin iyon na taglay ang isang saloobing walang-pag-asa, negatibo. Sa kabila ng lahat, “ang pag-ibig . . . ay umaasa sa lahat ng bagay.” (1 Corinto 13:4-7) Subuking malasin ang mga kapatid na Kristiyano nang tulad sa pangmalas ni Jehova—taglay ang pag-asa. Magtutok ka ng pansin sa kanilang mabubuting katangian, magtiwala ka sa kanila, at ituon mo ang iyong pansin sa paglutas ng mga suliranin. Ang gayong pag-asa ay nagsasanggalang sa atin buhat sa matitinding alitan at mga away, na hindi pinakikinabangan ng sinuman.
Huwag padala sa kawalang-pag-asa ng namamatay na matandang sanlibutang ito. May pag-asa—para sa ating walang-hanggang kinabukasan at para sa kalutasan ng marami sa ating mga suliranin sa araw-araw. Manghahawakan ka ba sa pag-asa? Kung suot ang pag-asa ng kaligtasan na gaya ng isang pananggalang na turbante, walang lingkod ni Jehova ang talagang mawawalan ng pag-asa—gaano mang kakila-kilabot ang mga kalagayan. Kung ito’y panghahawakan nating mahigpit, walang anuman sa langit o sa lupa man ang makaaagaw ng pag-asa na ibinigay sa atin ni Jehova.—Ihambing ang Roma 8:38, 39.