Mag-ingat Laban sa Hindi Mabuting Musika!
“Mag-ingat nga kayong lubos kung papaano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong, na lubusang sinasamantala ang tamang-tamang panahon [pagkakataon] para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay masasama.”—EFESO 5:15, 16.
1. Bakit ang musika ay matatawag na “isang banal na kaloob”?
“ANG musika . . . ay isang banal na kaloob.” Ganiyan ang isinulat ni Lulu Rumsey Wiley sa kaniyang aklat na Bible Music. Mula nang sinaunang panahon, ang ganitong damdamin ay nakilala na ng mga lalaki at mga babae na may takot sa Diyos. Sa pamamagitan ng musika ay naipahayag ng tao ang kaniyang pinakamalalalim na damdamin—kagalakan, kalungkutan, galit, at pag-ibig. Sa gayo’y gumanap ang musika ng mahalagang bahagi noong panahon ng Bibliya, anupat binabanggit sa buong banal na aklat na iyan.—Genesis 4:21; Apocalipsis 18:22.
2. Papaano ginamit ang musika upang purihin si Jehova noong panahon ng Bibliya?
2 Sa pagsamba kay Jehova nailarawan ang pinakadakilang kapahayagan ng musika. Ang ilan sa pinakadakilang kapahayagan ng papuri na ibinigay kailanman sa Diyos na Jehova ay unang sinaliwan ng musika. “Aking pupurihin ng awit ang pangalan ng Diyos,” isinulat ng salmistang si David. (Awit 69:30) Ang musika ay ginamit sa pag-iisa bilang kasaliw ng binubulay-bulay na panalangin. “Aalalahanin ko ang aking musika [sa alpa] sa gabi; sasangguni ako sa aking puso, at ang diwa ko’y maingat na magsasaliksik,” isinulat ni Asaph. (Awit 77:6) Sa templo ni Jehova, ang musika ay malawakang inorganisa. (1 Cronica 23:1-5; 2 Cronica 29:25, 26) May mga panahon na maramihang mga manunugtog ang inorganisa, tulad noong ialay ang templo, nang 120 ang tagahihip ng mga trumpeta. (2 Cronica 5:12, 13) Tayo’y walang ulat kung papaano ang tunog ng maringal na musikang ito, ngunit ang aklat na The Music of the Bible ay nagsasabi: “Hindi mahirap bumuo ng isang opinyon ng pangkalahatang epekto ng musika sa Templo kung mahalagang mga okasyon . . . Kung ang isa sa atin ay maililipat ngayon sa gitna ng gayong tanawin, hindi maiiwasan ang dumaraig na diwa ng panggigilalas at kadakilaan.”a
Ang Pag-abuso sa Musika
3, 4. Sa papaano inabuso ng bayan ng Diyos at ng kanilang paganong mga kalapit-bansa ang kaloob na musika?
3 Subalit, ang musika ay hindi laging ginagamit nang may gayong mataas na pagpapahalaga. Sa Bundok Sinai, ang musika ay ginamit upang pukawin ang makaidolong pagsamba sa isang gintong baka. (Exodo 32:18) Ang musika ay iniuugnay kung minsan sa paglalasing at maging sa pagpapatutot. (Awit 69:12; Isaias 23:15) Ang paganong mga kalapit-bansa ng Israel ay nagkasala rin ng pag-abuso sa banal na kaloob na ito. “Sa Phoenicia at Syria,” sabi ng The Interpreter’s Dictionary of the Bible, “halos lahat ng popular na musika ay kababanaagan ng pagsamba kay Ishtar, ang diyosa ng pag-aanak. Sa gayon, ang popular na awit ay karaniwan nang isang pambungad sa seksuwal na pagmamalabis.” Ang sinaunang mga Griego ay gumamit din ng musika upang sumaliw sa popular na “mga sayaw na pumupukaw sa sekso.”
4 Oo, ang musika ay may lakas na magpakilos, makabighani, at makaimpluwensiya. Mga dekada na ang lumipas, ang aklat ni John Stainer na The Music of the Bible ay nag-angkin pa: “Walang sining ang may napakalakas na impluwensiya sa lahi ng sangkatauhan sa kasalukuyan na gaya ng sining ng Musika.” Ang musika ay nagpapatuloy na magkaroon ng malakas na impluwensiya sa ngayon. Kung gayon, ang maling uri ng musika ay isang tunay na panganib sa mga kabataang may takot sa Diyos.
Kailangan ang Pag-iingat
5. (a) Gaano kalaki ang papel na ginagampanan ng musika sa buhay ng maraming tin-edyer? (b) Ano ang pangmalas ng Diyos sa mga kabataan na nagtatamasa ng mga bagay na nakapagpapaligaya sa kanila?
5 Kung ikaw ay isang kabataan, alam mo kung gaano kahalaga ang musika—lalo na ang sari-saring anyo ng musikang pop o rock—sa maraming kaedad mo. Ang musika ay tinawag pa man din na “bahagi ng metabolismo ng mga tin-edyer.” Tinataya na sa kaniyang huling anim na taon ng pag-aaral, ang karaniwang kabataan sa Estados Unidos ay makikinig sa mahigit na apat na oras ng musikang rock sa isang araw! Tiyak na iyan ay nagpapakita ng pagiging hindi timbang. Hindi naman sinasabing mali ang pagtatamasa ng isang bagay na nakabubuti o nakapagpapaligaya sa iyo. Tunay na si Jehova, ang Maylikha ng masayang musika, ay hindi umaasang ang mga kabataan ay magiging malungkutin at kahabag-habag. Sa katunayan, kaniyang ipinag-uutos sa kaniyang bayan: “Kayo’y mangatuwa kay Jehova at mangagalak kayo, kayong mga matuwid; at magsihiyaw kayo dahil sa kagalakan, kayong lahat na matuwid sa puso.” (Awit 32:11) Sa mga kabataan ang kaniyang Salita ay nagsasabi: “Ikaw ay magalak, Oh binata, sa iyong kabataan, at pasayahin ka ng iyong puso sa mga kaarawan ng iyong kabataan.”—Eclesiastes 11:9.
6. (a) Bakit ang mga kabataan ay kailangang pakaingat sa kanilang pagpili ng musika? (b) Bakit karamihan ng musika ngayon ay higit na masama kaysa musika ng naunang mga salinlahi?
6 Gayunpaman, may mabuting dahilan na ikaw ay pakaingat sa iyong pagpili ng musika. Sinabi ni apostol Pablo sa Efeso 5:15, 16: “Mag-ingat nga kayong lubos kung papaano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong, na lubusang sinasamantala ang tamang-tamang panahon [pagkakataon] para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay masasama.” Ang ibang mga kabataan ay baka tumutol, gaya ng isang dalagita: “Ang aming mga magulang ay nakinig ng kanilang musika nang sila’y nasa kabataan. Bakit nga kami hindi makikinig ng amin?” Ang ilan sa musika na nagpasaya sa iyong mga magulang noong sila’y kaedad mo ay maaaring mayroon ding masasamang bahagi. Sa maingat na pagsusuri, marami sa mga popular na musika ay mayroon palang nakapagtatakang dami ng mga pahiwatig tungkol sa sekso at nalalambungang mga pagtukoy sa imoralidad. Subalit ang dating pahiwatig lamang ay tinutukoy na ngayon nang buong linaw. Isang manunulat ang may puna: “Ang mga bata ay pinatatamaan ngayon ng malinaw na mga mensahe sa lawak na hindi pa nakikita sa ating kultura.”
Ang Musikang Rap—Ang Musika ng Paghihimagsik
7, 8. (a) Ano ba ang musikang rap, at ano ang nagpapapopular dito? (b) Ano ang pagkakakilanlan sa isang tao na sumusunod sa rap na istilo ng pamumuhay?
7 Halimbawa, isaalang-alang ang kasalukuyang pagkahilig sa musikang rap. Sang-ayon sa magasing Time, ang rap ay naging “isang mapatutunayan, pangglobong ritmong rebolusyon” at lubhang popular sa Brazil, Europa, Hapon, Russia, at Estados Unidos. Malimit ito’y walang anumang tono, ang liriko nito ay sinasalita, hindi inaawit, kasaliw ng isang malakas na kumpas. Subalit, ang gayong kumpas ang waring sekreto ng malaking tagumpay ng rap na maging popular. “Pagka ako’y nakikinig sa musikang rap,” ang sabi ng isang kabataang Hapones, “ako’y tuwang-tuwa, at pagka ako’y nagsasayaw, ang pakiramdam ko’y libre ako.”
8 Ang lirikong rap—kadalasan isang magaspang na pinaghalu-halong kalaswaan at salitang-kalye—ay waring isa pang dahilan sa pagkapopular ng rap. Di-gaya ng tradisyunal na mga lirikong rock, na karamihan ay tungkol sa paksang pagliligawan ng mga tin-edyer, ang mga lirikong rap ay kalimitan may lalong higit na seryosong mensahe. Ang ilang rap ay malayang nagsasalita tungkol sa pang-aapi, sa pagtatangi ng lahi, at sa kalupitan ng pulisya. Datapuwat, kung minsan, ang nagkakatugmang mga koro ay binibigkas sa pinakamahalay, nakapangingilabot na mga salitang maiisip. Ang rap ay wari ring isang paghihimagsik laban sa mga pamantayan ng pananamit, pag-aayos at seksuwal na moralidad. Hindi nga kataka-taka, ang rap ay naging isang istilo ng pamumuhay na tinatanggap na. Ang mga nagtataguyod nito ay nakikilala sa kanilang magaslaw na kilos, salitang-kalye, at kasuutan—maluwag na mga pantalong maong, nakasapatos ng de goma na may sintas pero hindi itinatali, may kuwintas na ginto, nakagorang pang-beysbol, at nakasalamin ng de kolor.
9, 10. (a) Anong mga salik ang dapat isaalang-alang ng mga kabataan sa pag-alam kung ang musikang rap at ang istilo ng pamumuhay nito ay “nakalulugod sa Panginoon”? (b) Ano ang waring hindi gaanong pinaniniwalaan ng ilang mga kabataang Kristiyano?
9 Sa Efeso 5:10, pinagsasabihan ang mga Kristiyano na “patuloy na tiyakin kung ano ang nakalulugod sa Panginoon.” Kung isasaalang-alang ang pagkakilala sa rap, inaakala mo kayang ito’y magiging “nakalulugod sa Panginoon” upang masangkot ka rito? Ang isang kabataang Kristiyano kaya ay magnanais makilalang sumusunod sa isang istilo ng pamumuhay na itinuturing na hindi kalugud-lugod kahit na ng maraming tagasanlibutan? Pansinin kung papaano inilarawan ng isang nagsuri ang tungkol sa isang rap concert: “Ang mga manganganta ng rap ay nagpaligsahan kung sino ang labis na nakagigitla sa kalaswaan at sa mga pananalitang may kaugnayan sa sekso. . . . Ang mga mananayaw na lalaki at babae ay nagkunwaring nagsasagawa ng seksuwal na pagtatalik sa tanghalan.” Tungkol sa isang napabalitang pagtatanghal, isa sa mga promotor ng konsiyerto ay nagsabi: “Halos lahat ng pananalitang binigkas ay (malalaswa).”
10 Magkagayon man, ang musika nang gabing iyon ay isang pangkaraniwang rap lamang. Sabi ng direktor ng concert hall: “Ang inyong napapakinggan ay karaniwang rap—katulad ng kanilang binibili sa mga tindahan.” Anong lungkot nga na ibalitang kabilang sa mahigit na 4,000 na kabataang naroon sa konsiyerto, ang ilan ay nag-aangkin na mga Saksi ni Jehova! Ang ilan ay marahil hindi gaanong naniniwala na si Satanas ang “tagapamahala ng kapangyarihan ng hangin.” Siya ang nakasasakop sa “espiritu [o, dominanteng saloobin ng isip] na ngayon ay nagpapakilos sa mga anak ng pagsuway.” (Efeso 2:2) Kanino ka naglilingkod kung kasangkot ka sa musikang rap o sa istilo ng pamumuhay ng rap? Ipagpalagay na, ang ibang rap ay hindi gaanong masagwa ang nilalaman. Subalit may kabuluhan ba na pagyamanin ang pagnanasa sa anumang uri ng musika na hindi nakaaabot sa mga pamantayang Kristiyano?
Heavy Metal—Sekso, Karahasan, at Satanismo
11, 12. Ano ba ang musikang heavy metal, at ano ang masama rito?
11 Ang isa pang popular na uri ng musika ay ang heavy metal. Ang heavy metal ay higit pa sa high-decibel na hard rock. Nag-uulat ang The Journal of the American Medical Association: “Ang heavy metal na musika . . . ay may isang malakas ang pangangatog na ritmo at may liriko na lumuluwalhati sa pagkapoot, pang-aabuso, di-natural na sekso, at manaka-naka ay Satanismo.” Aba, ang pangalan lamang ng ilan sa mas popular na mga banda ay nagpapatotoo sa kalaswaan ng ganitong uri ng rock. Kasali na rito ang mga salitang gaya ng “lason,” “mga baril,” at “kamatayan.” Gayunman, ang heavy metal ay hindi gaanong matindi kung ihahambing sa thrash metal at death metal—mga musikang nailuwal ng heavy metal. Ang mga pangalan ng mga bandang ito ay may pagsasamantalang gumagamit ng kaugnay na mga terminong katulad ng “cannibal” at “obituary.” Maaring hindi nauunawaan ng mga kabataan sa maraming lupain kung gaano kasama ang mga pangalang ito dahil ang mga ito ay Ingles o nasa iba pang banyagang wika.
12 Ang musikang heavy metal ay paulit-ulit na iniugnay sa pagpapatiwakal, panlulumo, at paggamit ng droga ng mga tin-edyer. Ang kaugnayan nito sa mararahas na pagkilos ang nagpangyari sa isang tagapayo sa radyo na panganlan iyon na “musikang nag-uudyok para patayin ang iyong magulang.” Ang kaugnayan nito sa Satanismo ang ikinababahala ng maraming magulang at mga pinunò ng pulisya. Isang imbestigador ang nagsabi na ang ilang kabataang nakikialam sa maka-Satanas na pagsamba ay nahila sa okulto sa pamamagitan ng musikang ito. “Hindi nila alam kung sa ano sila napapasangkot,” ang kaniyang sabi pa sa wakas.
13. Ano ang panganib sa pagkasangkot sa musikang heavy metal?
13 Gayunman, ang mga kabataang Kristiyano ay hindi dapat maging “walang-alam sa mga hangarin ni Satanas.” (2 Corinto 2:11) Sa kabila ng lahat, “tayo’y may pakikipagbaka . . . laban sa mga hukbo ng balakyot na mga espiritu sa mga dakong kalangitan.” (Efeso 6:12) Anong laking kahangalan, na sa pamamagitan ng pinipiling musika ng isa, ay kaniyang inaanyayahan ang mga demonyo na makialam sa kaniyang buhay! (1 Corinto 10:20, 21) Gayunman, may mga kabataang Kristiyano na maliwanag na mahilig sa musikang ito. Ang ilan ay gumagamit pa ng palihim na mga pamamaraan upang bigyang-kasiyahan ang kanilang mga hilig sa ganitong musika. Inamin ng isang dalagita: “Nakaugalian ko na na makinig sa heavy metal, kung minsan halos sa buong magdamag. Ako’y bumibili ng mga heavy metal magazine [ng mga tagahanga] at itinatago ko sa aking mga magulang sa mga kahon ng sapatos. Ako’y nagsisinungaling sa aking mga magulang. Batid ko na hindi nalulugod sa akin si Jehova.” Siya’y natauhan nang makabasa ng isang artikulo sa magasing Gumising! Ilan pa bang mga kabataan ang marahil ay nasisilo ng gayong musika?
Aanihin Mo ang Iyong Inihasik
14, 15. Bakit natin matitiyak na ang pakikinig sa hindi mabuting musika ay magkakaroon ng negatibong epekto? Magbigay ng halimbawa.
14 Huwag ipagwalang-bahala ang panganib na maaaring idulot ng gayong musika. Totoo, marahil ay hindi ka naman nahihilig na pumatay ng sinuman o gumawa ng seksuwal na imoralidad dahil lamang sa ikaw ay nakapakinig ng isang awit. Gayunpaman, ang Galacia 6:8 ay nagsasabi: “Ang naghahasik ukol sa laman ay aani ng kasiraan buhat sa kaniyang laman.” Ang pakikinig sa musika na makalupa, makahayop, at makademonyo ay walang maidudulot kundi isang negatibong epekto sa iyo. (Ihambing ang Santiago 3:15.) Ang propesor sa musika na si Joseph Stuessy ay sinisipi na nagsabi: “Anumang uri ng musika ay may epekto sa ating kalooban, emosyon, saloobin at resultang iginagawi natin . . . Sinumang nagsasabing, ‘Puwede akong makinig sa heavy metal, pero hindi iyon nakaaapekto sa akin,’ ay nagkakamali. Iyon ay nakaaapekto sa iba’t ibang tao sa iba’t ibang antas at sa iba’t ibang paraan.”
15 Inaamin ng isang kabataang Kristiyano: “Ako’y malubhang napasangkot sa thrash metal kung kaya nabago ang aking buong personalidad.” Hindi nagtagal at siya’y nakaranas ng mga suliranin may kaugnayan sa mga demonyo. “Sa wakas ay itinapon ko na ang aking mga album at nakawala ako sa mga demonyo.” Isa pang kabataan ang nagtapat: “Ang musikang kinaugalian kong pakinggan ay may kinalaman alinman sa espiritismo, mga droga, o sekso. Maraming kabataan ang nagsasabi na sila’y hindi apektado nito, ngunit ang totoo’y may epekto ito. Halos nawala na ako sa katotohanan.” Isang kawikaan ang nagtatanong: “Makapaglalagay ba ang isang tao ng apoy sa kaniyang sinapupunan at hindi masusunog ang kaniyang mga suot?”—Kawikaan 6:27.
Patuloy na Mag-ingat
16. Ano ang masasabi tungkol sa mga manunulat at gumaganap ng karamihan ng musika sa ngayon?
16 Sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa sinaunang Efeso: “Ito, samakatuwid, ay sinasabi at pinatototohanan ko alang-alang sa Panginoon, na kayo’y hindi na lumalakad na gaya ng mga bansa sa kawalang-kabuluhan ng kanilang mga isip, samantalang sila’y nasa kadiliman ng pag-iisip, at hiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos, dahil sa kanilang kawalang-alam, dahil sa kawalan ng pakiramdam ng kanilang mga puso.” (Efeso 4:17, 18) Hindi ba ito ang masasabi tungkol sa mga manunulat at gumaganap ng karamihan ng musika sa ngayon? Higit kailanman, ang lahat ng magkakauring musika ay makikitaan ng impluwensiya ng “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” si Satanas na Diyablo.—2 Corinto 4:4.
17. Papaano mahahatulan, o masusuri, ng mga kabataan ang musika?
17 Tungkol sa “mga huling araw”, ang Bibliya ay humula: “Ang masasamang tao at mga magdaraya ay lalong sásamâ nang sásamâ.” (2 Timoteo 3:1, 13) Kung gayon, higit kailanman, kailangang patuloy na maging maingat ka sa musika na iyong pinipili. Kadalasan, ang mahalay na titulo ay magiging dahilan upang maging diskuwalipikado ang isang album. Ang Job 12:11 ay nagtatanong: “Hindi ba ang pakinig ang sumusuri ng salita gaya ng ngala-ngala na lumalasa ng pagkain?” Sa katulad na paraan, masusuri mo ang musika sa pamamagitan ng pakikinig sa isang muwestra nito upang masabi kung anong uri iyon ng musika. Ano bang damdamin ang pinupukaw sa iyo ng himig nito? Pinupukaw ba nito ang paggawi na magaspang, mababang uri—ang espiritu ng walang-taros na pagsasaya? (Galacia 5:19-21) Kumusta naman ang mga liriko? Ang pinupukaw ba nito ay imoralidad sa sekso, pag-aabuso sa droga, o iba pang kasamaan na “nakahihiya kahit bigkasin man lamang?” (Efeso 5:12) Sinasabi ng Bibliya na ang gayong mga bagay ay “huwag man lamang mabanggit” sa gitna ng bayan ng Diyos, at lalo pa na isunod sa kumpas at paulit-ulitin. (Efeso 5:3) Kumusta naman ang disenyo ng pabalat ng album? Ito ba’y mga tema tungkol sa espiritismo o may mga larawang pumupukaw ng sekso?
18. (a) Anong mga pagbabago ang magagawa ng ilang kabataan kung tungkol sa musika? (b) Papaano mapauunlad ng mga kabataan ang gana sa lalong mabuting musika?
18 Marahil ay kinakailangan mong gumawa ng ilang pagbabago sa uri ng musika na pinipili mo. Kung ikaw ay may mga plaka, mga audio at video cassette tape at mga disc na may imoral at makademonyong mga tema, dapat na agad mong sirain ang mga iyon. (Ihambing ang Gawa 19:19.) Hindi ibig sabihin na hindi ka masisiyahan sa musika; hindi lahat ng popular na musika ay masama. Ang ilang mga kabataan ay natuto rin na palawakin ang kanilang gana sa musika at ngayon ay nasisiyahan sa ilang klasikal, katutubo, light jazz, at iba pang anyo ng musika. Ang mga tape na Kingdom Melodies ay nakatulong sa maraming kabataan na mapaunlad ang gana sa kasiya-siyang musika ng orkestra.
19. Bakit mahalaga na ang musika ay panatilihin sa kaniyang dako?
19 Ang musika ay isang banal na kaloob. Subalit, para sa marami, ito ay pinasásamâ nila. Ang mga ito ay katulad ng mga Israelita noong una na nasiyahan ng pakikinig sa tugtugin ng “alpa, pandereta at plauta, . . . ngunit hindi nila pinakundanganan ang gawa ni Jehova.” (Isaias 5:12) Bilang iyong pakay, ang musika ay panatilihin mo sa kaniyang dako at ang gawa ni Jehova ang maging pangunahing pinagkakaabalahan mo. Maging pihikan at maingat tungkol sa musikang iyong pinipili. Sa gayon ay magagamit mo—hindi maaabuso—ang banal na kaloob na ito.
[Talababa]
a Ang bansang Israel ay malinaw na nakahigit kung tungkol sa sining ng musika. Isang iskultura ng Asirya ang nagsisiwalat na ang hiniling ni Haring Sennacherib ay mga manunugtog na Israelita bilang pinakabuwis buhat kay Haring Ezekias. Binanggit ng Grove’s Dictionary of Music and Musicians: “Ang paghingi ng mga manunugtog bilang pinakabuwis . . . ay pambihira nga.”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit ang musika ay matatawag na isang banal na kaloob?
◻ Papaano inabuso ang musika noong sinaunang panahon?
◻ Anong mga panganib ang idinudulot sa mga kabataang Kristiyano ng musikang rap at heavy metal?
◻ Papaano makapag-iingat ang mga kabataang Kristiyano sa kanilang pagpili ng musika?
[Larawan sa pahina 23]
Noong panahon ng Bibliya, malimit na ginagamit ang musika bilang isang paraan ng pagpuri kay Jehova