Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako
Sinai—Bundok ni Moises at ng Awa
PAGKA iniisip mo ang Bundok Sinai, marahil ay si Moises ang sumasaisip mo. Bakit? Sapagkat tinanggap ni Moises ang Kautusan ng Diyos sa isang bundok sa Sinai Peninsula. Aling bundok? Posible nga na yaong isa na nakalarawan sa itaas.a
Sa gawing timog ng peninsula, sa may kalagitnaan sa pagitan ng mga pinakasanga ng Mapulang Dagat, ay may tagaytay na may dalawang taluktok. Ang kalakhang bahagi ng kinaroroonan nito ay angkop sa pag-uulat ng Bibliya tungkol kay Moises. Ang isang taluktok ay tinatawag na Jebel Musa, na ang ibig sabihin ay “Bundok ni Moises.”
Makikita sa iba’t ibang ulat ng Bibliya na angkop nga ang pangalang iyan. Naaalaala mo ba na si Moises ay nagpapastol sa kawan ni Jethro nang isang anghel ang sa kaniya’y nagpakita sa isang nagliliyab na mababang punungkahoy? Nasaan iyon? Sinasabi ng Bibliya na iyan ay sa ‘bundok ng tunay na Diyos, sa Horeb,’ na pinanganlan din na Bundok Sinai. (Exodo 3:1-10; 1 Hari 19:8) Matapos pangunahan ni Moises ang bayan ng Diyos sa paglabas sa Ehipto, sila’y kaniyang dinala rito. Sa Exodo 19:2, 3 ay sinasabing “ang Israel ay nagkampamento roon sa harap ng bundok. At si Moises ay naparoon sa tunay na Diyos, at siya’y tinawag ni Jehova mula sa bundok.”
Iyon ang unang pag-akyat ni Moises sa Bundok Sinai, at hindi biru-birong layo ang kaniyang nilakad sa pag-akyat sa bundok. Ating mababasa: “Si Jehova ay bumaba sa ibabaw ng Bundok Sinai sa taluktok ng bundok. At si Moises ay tinawag ni Jehova sa taluktok ng bundok.”—Exodo 19:20.
Libu-libong turista sa ngayon ang nagpunyaging umakyat na ang dinaraanan ay markadong mga landas kung gabi upang marating ang taluktok, naghintay upang matanaw ang pagsikat ng araw, at pagkatapos ay nagsibaba na pagsapit ng oras ng pananghalian. Hindi gayon si Moises. Sinabihan siya ng Diyos: “Sampahin mo ako sa bundok at dumoon ka, dahil sa ibig kong bigyan ka ng mga tapyas na bato at ng kautusan.” Sa dahilang iyon kaya “si Moises ay nagpatuloy na dumoon sa bundok nang apatnapung araw at apatnapung gabi.”—Exodo 24:12-18.
Kaya madaling maunawaan kung bakit ang pangalan ni Moises ay kaugnay ng bundok na ito, subalit bakit mayroon pang kakabit na “awa”? Buweno, samantalang si Moises ay naroron sa itaas at tinatanggap ang Kautusan, ang mga tao sa kapatagan sa ibaba (marahil sa Kapatagan ng er-Raha sa larawan) ay gumawa ng isang kahangalan. Kanilang hinikayat ang kapatid ni Moises na gumawa ng isang diyos. Sinabi ni Aaron: “Alisin ninyo ang mga hikaw na ginto . . . at dalhin ninyo sa akin.” Sa gayo’y gumawa sila ng isang gintong baka para sambahin. Ito ang nakagalit sa tunay na Diyos at naging sanhi ng kamatayan ng libu-libo. (Exodo 32:1-35) Subalit si Aaron ay kinaawaan at naligtas. Bakit?
Ang sinabi ng Diyos sa Exodo 32:10 ay nagpapahiwatig na hindi niya itinuring na si Aaron ang pangunahing may kagagawan ng pagkakasala ng Israel. At nang dumating na ang sukdulan, “lahat ng mga anak ni Levi” ay pumanig sa Diyos, na walang alinlangan kasali na roon si Aaron. (Exodo 32:26) Kaya sa kabila ng kaunting pagkakasala ni Aaron, kinaawaan siya ng Diyos sa paanan ng Bundok Sinai.
Nang maglaon, nagpahayag si Moises ng pagnanais na higit pang makilala si Jehova at makita ang Kaniyang kaluwalhatian. (Exodo 33:13, 18) Bagaman di-maaaring makita ni Moises ang mukha ng Diyos, ipinakita sa kaniya ni Jehova ang kaunti sa kaluwalhatian Niya, anupat idiniin na Siya’y “magpapakita ng awa sa isang nais [Niyang] pagpakitaan ng awa.” (Exodo 33:17–34:7) Angkop na angkop nga na idiin ng Diyos ang kaniyang awa, sapagkat sa Bibliya ay ginagamit ang “awa” nang pinakamadalas kung tungkol sa pakikitungo ng Diyos sa Israel, na kaniyang tinanggap sa isang tipan doon sa Sinai.—Awit 103:7-13, 18.
Ang mga dumadalaw sa Bundok Sinai sa ngayon ay nakakakita sa may paanan nito ng isang monasteryo, na bahagya man ay hindi nagpapagunita sa isa ng tunay na pagsamba na nakilala ni Moises sa itaas ng bundok. Sa halip, ang relihiyon sa monasteryo ay may kaugnayan sa mga imahen. Yaong makikita rito ay “Ang Hagdan Patungo sa Paraiso.” Ito ay batay sa isang aklat na isinulat ng mongheng Bizantino na si John Climacus. Matapos gumugol ng mga 40 taon sa isang selda sa monasteryo, siya’y naging abbot ng monasteryo at sumulat tungkol sa isang simbolikong hagdan patungo sa langit. Subalit pansinin na ang ilang mga klerigo ay inilarawan na hinila ng mga demonyo pababa sa walang-hanggang pagpaparusa sa apoy ng impiyerno. Malinaw ang pagkalarawan ngunit hindi makakasulatan.—Eclesiastes 9:5, 10; Jeremias 7:31.
Kabaligtaran ng kasinungalingang mga turong iyan, totoo na ang Makapangyarihan-sa-lahat ay “isang Diyos na maawain at mapagbiyaya, mabagal sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob at katotohanan.” (Exodo 34:6) Si Moises ay naging malapít sa maawaing Diyos na ito sa Bundok Sinai.
[Talababa]
a Para sa malaki-laking larawan, tingnan ang 1993 Calendar of Jehovah’s Witnesses.
[Picture Credit Line sa pahina 8]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 9]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 9]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.