Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 5/1 p. 15-21
  • Pinalawak na mga Gawain sa Pagkanaririto ni Kristo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinalawak na mga Gawain sa Pagkanaririto ni Kristo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Karagdagang mga Pribilehiyo
  • Pagtitipon sa mga Tupa
  • Mga Sakop ng Kaharian
  • Pagtulong sa Hari
  • Pinalawak na mga Gawain
  • Isang “Alipin” na Kapuwa Tapat at Maingat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • “Sino Talaga ang Tapat at Maingat na Alipin?”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Kumilos Kaagad Pagkakita Mo sa “Tanda”!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Matapat kay Kristo at sa Kaniyang Tapat na Alipin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 5/1 p. 15-21

Pinalawak na mga Gawain sa Pagkanaririto ni Kristo

“At saka sasabihin ng hari sa mga nasa kaniyang kanan, ‘Halikayo, kayong pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan.’”​—MATEO 25:34.

1. Papaano ang pa·rou·siʹa ni Kristo ay gaya ng “mga araw ni Noe”?

ANG pagkanaririto ni Kristo​—ang malaon nang hinihintay! Ang panahon na ang katulad ay “ang mga araw ni Noe,” na tinukoy ni Jesus kaugnay ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” ay sumapit noong taóng 1914. (Mateo 24:3, 37) Subalit ano ang magiging kahulugan ng pagkanaririto, o pa·rou·siʹa, ni Kristo para sa pinahirang nalabi ng “tapat at maingat na alipin”? (Mateo 24:45) Aba, na sila’y kailangang maging lalong aktibo bilang mga tagapagdala ng liwanag! Kamangha-manghang mga bagay ang nakatakdang mangyari! Isang wala pang katulad na gawaing pagtitipon ang noon ay magsisimula.

2. Anong paglilinis ang naganap bilang katuparan ng Malakias 3:1-5?

2 Gayunman, nangangailangan muna ng paglilinis ang pinahirang mga Kristiyanong ito. Gaya ng inihula sa Malakias 3:1-5, ang Diyos na Jehova at ang kaniyang “sugo ng tipan,” si Jesu-Kristo, ay dumating upang siyasatin ang espirituwal na templo noong tagsibol ng 1918. Ang paghuhukom ay magpapasimula na sa “bahay ng Diyos.” (1 Pedro 4:17) Ang Malakias 3:3 ay humula: “Siya [si Jehova] ay uupong gaya ng mangdadalisay at manglilinis ng pilak at kaniyang lilinisin ang mga anak ni Levi; at kaniyang pakikinisin na parang ginto at parang pilak.” Iyon ay isang panahon ng pagpapakinis at paglilinis.

3. Bakit kinailangan ang espirituwal na paglilinis?

3 Nang makalampas sa paghuhukom na ito, na sumapit sa sukdulan noong 1918, ang nalabi ng uring alipin ay nalinis buhat sa makasanlibutan at makarelihiyong karumihan. Bakit sila nilinis ni Jehova? Sapagkat nasasangkot ang kaniyang espirituwal na templo. Ito ang tulad-templong kaayusan para sa pagsamba kay Jehova salig sa hain ni Jesu-Kristo na pampalubag-loob. Nais ni Jehova na ang kaniyang templo ay nasa malinis na kalagayan upang kung ang malaking pulutong ng mga sumasamba sa kaniya na may makalupang mga pag-asa ay dalhin na roon, kanilang masusumpungan ang isang dako na doo’y iginagalang ang kaniyang pansansinukob na soberanya, kinikilalang banal ang kaniyang sagradong pangalan, at sinusunod ang kaniyang matuwid na mga batas. Sa gayon, kanilang pupurihin si Jehova at ipakikilala ang kaniyang dakilang mga layunin.

Karagdagang mga Pribilehiyo

4, 5. (a) Papaano ang isang tanong ni Jesu-Kristo ay nagsisilbing hamon sa mga uring alipin ngayon? (b) Sa anong mga paraan dapat unawain ang mga pananalitang “tapat at maingat na alipin” at ang “kaniyang mga kasambahay”? (c) Anong utos ang ibinigay ni Jesus sa alipin?

4 Noong 1919 ang nilinis na uring alipin ay makaaasa sa pagkakaroon ng patuloy na lumalawak na mga gawain. Noong 1914, si Jesu-Kristo, na kanilang Panginoon, ay tumanggap ng isang Kaharian sa langit. Nang siya’y bumalik sa kaniyang sambahayan upang siyasatin ang lahat ng kaniyang “mga kasambahay,” siya’y nagagayakan ng maharlikang kaluwalhatian, na hindi niya taglay nang siya’y naririto sa lupa. Ano ang kaniyang nasumpungan? Ang uring alipin ba ay abala sa pag-aasikaso sa mga kapakanan ng Panginoon? Gaya ng nakaulat sa Mateo 24:45-47, si Jesus ay nagbangon ng isang tanong na humamon sa bawat pinahirang alagad na siyasatin ang kaniyang personal na debosyon sa Mesiyas ni Jehova: “Sino nga ba ang tapat at maingat na alipin na hinirang ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga kasambahay, upang bigyan sila ng pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping yaon kung pagdating ng kaniyang panginoon ay maratnan siyang ganoon ang ginagawa. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kaniyang hihirangin siya na mangasiwa sa lahat ng kaniyang ari-arian.”

5 Maliwanag, ang paglalarawan ni Jesus sa tapat na aliping ito ay hindi kumakapit sa kanino mang nag-iisang tao. Hindi, kundi inilalarawan nito ang tapat na pinahirang kongregasyon ni Kristo sa kabuuan, bilang isang grupo. Ang mga kasambahay ay pinahirang mga tagasunod ni Kristo bilang isa-isa. Batid ni Jesus na ang mga pinahirang ito ay bibilhin niya ng kaniyang sariling dugo, kaya tama naman na kaniyang tinukoy sila na sama-sama bilang kaniyang alipin. Ang 1 Corinto 7:23 ay nagsasabi tungkol sa kanila: “KAYO [tinutukoy na sama-sama] ay binili sa halaga; huwag na kayong maging mga alipin ng mga tao.” Iniutos ni Jesus sa kaniyang uring alipin na pasikatin ang kanilang liwanag upang makaakit at makagawa ng iba pang mga alagad at upang unti-unting mapakain ang kaniyang mga kasambahay sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kanilang espirituwal na pagkain sa tamang panahon.

6. Papaano ginantimpalaan ang alipin bilang resulta ng pagsisiyasat ni Jesus?

6 Buhat nang magsimula ang pagkanaririto ni Kristo at hanggang noong 1918, ang uring alipin, bagaman di-popular, pinag-uusig, at may kaunting kalituhan, ay nagsisikap na magbigay ng napapanahong pagkain sa mga kasambahay. Ito ang nasumpungan ng Panginoon nang magsimula ang kaniyang pagsisiyasat. Nalugod ang Panginoong Jesus, at noong 1919 ang tapat na sinang-ayunang uring alipin ay kaniyang ipinahayag na maligaya. Ano ba ang nakasisiyang gantimpala sa alipin dahil sa paggawa ng iniatas sa kaniya ng kaniyang Panginoon? Higit pang mga pribilehiyo! Oo, lalong malalaking pananagutan ang ibinigay upang mapasulong ang mga kapakanan ng kaniyang Panginoon. Yamang isa na ngayong Hari sa langit ang Panginoon, aba, kung gayon, ang kaniyang makalupang mga ari-arian ay naging lalong mahalaga.

7, 8. (a) Ano ang ‘lahat ng ari-arian’ ng Panginoon? (b) Ano ang hinihingi sa alipin sa pangangasiwa sa mga ari-ariang ito?

7 Kaya, ano ba ang “lahat ng kaniyang ari-arian”? Ang mga ito ay ang lahat ng espirituwal na kabuhayan sa lupa na naging pag-aari ni Kristo may kaugnayan sa kaniyang kapangyarihan bilang makalangit na Hari. Tiyak na kasali rito ang utos na gumawa ng mga alagad ni Kristo, taglay ang dakilang pribilehiyong maging mga kinatawan ng natatag na Kaharian ng Diyos sa lahat ng bansa ng sanlibutan.

8 Ang gayong higit pang mga pribilehiyo ng pangangasiwa sa lahat ng mga ari-arian ng Panginoon ay humihingi sa uring alipin ng higit pang panahon at pansin sa pagsasakatuparan ng gawaing pang-Kaharian at, oo, pagtatayo ng mas malalawak na pasilidad para sa gawaing iyan. Ito ngayon ay may mas malawak na larangan sa paggawa​—ang buong tinatahanang lupa.

Pagtitipon sa mga Tupa

9. Ano ang naging resulta ng pagpapalawak ng mga gawain ng alipin?

9 Kung gayon, masunuring pinalawak ng uring tapat at maingat na alipin ni Kristo ang kaniyang mga gawain. Ang resulta? Ang huling mga bahagi ng pinahirang 144,000 ay natipon. Ngayon ang pangitain ni Juan na nakaulat sa Apocalipsis 7:9-17 ay nagkaroon ng isang nakapangingilig, nakagagalak-pusong katuparan. Lalo na sapol noong 1935 naligayahan ang uring alipin na masaksihan ang patuloy na katuparan ng pangitaing ito. Sa buong lupa, “isang malaking pulutong” ng milyun-milyon ngayon ang dumadagsa sa looban ng espirituwal na templo ni Jehova bilang sumasamba sa kaniya. Sinabi ng anghel ni Jehova kay Juan na ang malaking pulutong na ito ay hindi mabilang ng sinumang tao. Ito’y nangangahulugan na walang takdang bilang ang mga tao na dadalhin ng uring alipin sa espirituwal na templo ni Jehova. Habang bukas ang daan, ang gawaing pagtitipon sa kanila ay magpapatuloy.

10. Ano ang maibiging gawain ngayon ng alipin?

10 Ang uring tapat na alipin ay may mahalagang pananagutan sa pangangalaga sa patuloy na dumaraming “mga ibang tupa,” sa pagkaalam na ang mga tulad-tupang ito buhat sa lahat ng bansa ay lubhang mahal sa Panginoon, si Jesus. Sila ay talagang kaniyang kawan. (Juan 10:16; Gawa 20:28; 1 Pedro 5:2-4) Kaya taglay ang pag-ibig sa Panginoon at sa mga tupa, ang uring alipin ay masayang nangangalaga sa espirituwal na mga pangangailangan ng malaking pulutong.

11-13. Ano ang wastong pagkasabi ng pangulo noon ng Watch Tower Society tungkol sa gawain ng alipin?

11 Oo, ang lalong malaking bahagi ng utos sa alipin na magdala ng liwanag ay tungkol sa pagtitipon sa makalupang mga sakop na ito ng Kaharian ng Diyos. Sa pagtalakay sa patuloy na lumalaking gawain ng tapat na alipin, si F. W. Franz, na pangulo noon ng Watch Tower Society, ay nagsabi mga ilang sandali bago siya namatay noong Disyembre 1992:

12 “Lubhang kagila-gilalas ang pagkagamit ni Jesu-Kristo sa organisasyon sa lahat ng panahon, ayon sa karanasan ko sa 99 na taon ng aking buhay. Hindi isang hamak na tao ang nangangasiwa sa organisasyon, kundi tiyak na ang Panginoong Jesu-Kristo. Sapagkat ito’y gumawa ng lalong dakila at kagila-gilalas na mga gawain kaysa ating naisip kailanman. Sa ngayon ay mayroon tayo ng isang organisasyon na lumawak na sa buong daigdig. Ito ay gumagawa na sa Hilagang Hemispiro at sa Timugang Hemispiro, sa Silangan at sa Kanluran. Iisa lamang ang maaaring may pananagutan sa kapuna-punang paglawak na ito​—ang Anak ng Diyos, na siyang namamanihala sa uring tapat at maingat na alipin. Kaniyang ginagampanan ang kaniyang mga pananagutan, at iyan ang dahilan ng dakilang paglawak na ito na ating nasaksihan.

13 “Ang bagay na ito ay hindi ginaganap ng isang tao lamang. Tayo ay may isang organisasyon na teokratiko, at ito’y kumikilos sa paraang teokratiko, ayon sa pangangasiwa rito ng Diyos. Walang tao, kahit na ang nagtatag ng Watch Tower Bible and Tract Society, ang makapag-aangkin o masasabi na may pananagutan sa nagawa sa buong lupa. Ito ay talagang kamangha-mangha.” Hindi baga lahat ng mga nasa malaking pulutong ay buong-pusong sumasang-ayon sa mga sinabing ito ng yumaong si Brother Franz? Oo, tunay nga, sila’y lubhang napasasalamat sa pinalawak na mga gawain ng tapat na alipin.

Mga Sakop ng Kaharian

14, 15. (a) Ano ang inilarawan ni Jesus sa talinghaga ng mga talento (Mateo 25:14-30)? (b) Angkop ang anong kasunod nito sa Mateo kabanata 25?

14 Sa Mateo kabanata 25, inilalarawan ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga tupa at mga kambing ang dakilang gawaing ito ng pagtitipon sa makalupang mga sakop ng Kaharian ng Diyos. Sa talinghaga na nauuna rito, yaong tungkol sa mga talento, ipinakikita ni Jesus na ang pinahirang mga alagad na umaasang maghaharing kasama niya sa kaniyang makalangit na Kaharian ay kailangang gumawa upang maparami ang kaniyang makalupang mga ari-arian. Kung gayon, angkop naman na sa sumusunod na talinghaga, inilalarawan ni Jesus kung ano ang kahilingan sa mga nagnanais maging sakop ng kaniyang makalangit na Kaharian.

15 Pansinin ang kaniyang sinabi sa Mateo 25:31-33: “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono. At titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa, at ang mga ito’y pagbubukdin-bukdin niya, gaya ng pagbubukud-bukod ng isang pastol sa mga tupa at mga kambing. At ang tupa ay ilalagay niya sa kaniyang kanan, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.”

16. Papaano tinitipon ang mga bansa at ang mga tao ay pinagbubukud-bukod?

16 Si Jesus ay dumating nang may kaluwalhatian noong 1914. Bilang unang kumilos, kasama ang lahat ng kaniyang mga anghel, siya ay sumalakay at pinalayas sa langit ang kaniyang mga kaaway na demonyo. Ang kasunod na naganap sa talinghagang ito ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang pagluklok ni Jesus sa isang maluwalhating trono ay kumakatawan sa isang posisyon ng paghuhukom sa panahon ng kaniyang pagkanaririto. Ang pagtitipon sa lahat ng bansa sa harap niya ay nangangahulugan na kumikilos si Jesus may kaugnayan sa mga bansa bilang kaniyang inaasahang kawan, sa makatalinghagang pananalita. Ito ay isang kawan na binubuo ng mga tupa at mga kambing. Samantalang mangangailangan marahil ng bahagi ng isang araw upang maibukod ang mga tupa sa mga kambing sa isang literal na kawan, ang pambuong-lupang pagbubukud-bukod sa mga tao na may kalayaang pumili ng tama o mali ay nangangailangan ng mas matagal na panahon. Ito’y dahilan sa ang pagbubukud-bukod ay salig sa ikikilos ng bawat tao.

17. Bakit mahalaga ang situwasyon ngayon para sa lahat ng tao?

17 Sa talinghaga, inilalagay ng Pastol-Hari ang mga tulad-tupa sa kaniyang kanan at ang mga tulad-kambing ay sa kaniyang kaliwa. Ang kanang panig ay lumilitaw na isang paghatol na taglay ang mabuting resulta​—buhay na walang hanggan. Ang kaliwang panig ay kumakatawan sa di-mabuting hatol​—​ang pagkapuksang walang-hanggan. Ang hatol ng Hari sa bagay na iyan ay may mahalagang kahihinatnan.

18. Bakit ang pagkadi-nakikita ng Hari ay hindi maidadahilan ninuman?

18 Ang pagkadi-nakikita ng naghaharing Anak ng tao sa panahon ng kaniyang pagkanaririto, o pa·rou·siʹa, ay hindi maidadahilan ninuman. Parami nang parami ng mga tulad-tupa sa ngayon ang sumasama sa uring alipin sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig, nagpapasikat ng kanilang liwanag. Tunay, ang kanilang pagpapatotoo ay nakaabot na sa buong lupa.​—Mateo 24:14.

19. Anong mga katangian ng mga uring tupa ang inilalarawan sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing?

19 Bakit ang mga uring tupa ay ginagantimpalaan ng Pastol-Hari ng isang pinagpalang kinabukasan? Dahilan iyon sa kanilang buong-pusong pagtangkilik sa gawaing pangangaral ng Kaharian at sa kabaitan na ipinakita nila sa kaniyang pinahirang mga kapatid, na itinuturing ni Jesus na sa kaniya ginagawa. Sa gayon, sa kanila’y sinasabi ng maharlikang Anak ng Diyos: “Halikayo, kayong pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan.”​—Mateo 25:34; 28:19, 20.

Pagtulong sa Hari

20, 21. Anong patotoo ang ibinibigay ng mga tupa na sila’y naninindigan sa panig ng Kaharian?

20 Pansinin na nang anyayahan ng Hari ang mga tupang ito upang manahin ang makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos, sila’y nagpahayag ng pagkamangha. Kanilang itinanong sa kaniya: ‘Panginoon, kailan namin ginawa sa iyo ang lahat ng mga bagay na ito?’ Siya’y tumutugon: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Nang gawin ninyo ito sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ginawa.” (Mateo 25:40) Nang si Jesus ay napakita kay Maria Magdalena nang araw ng kaniyang pagkabuhay-muli, tinukoy niya ang kaniyang espirituwal na mga kapatid nang sabihin niya sa kaniya: “Pumaroon ka sa aking mga kapatid.” (Juan 20:17) Sa panahon ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto, si Jesus ay mayroon lamang isang munting nalabi ng kaniyang 144,000 espirituwal na mga kapatid na nabubuhay pa sa laman dito sa lupa.

21 Yamang si Jesus ay di-nakikita sa langit, tanging sa di-tuwirang paraan ginagawa sa kaniya ng tulad-tupang mga tao ang mapagmahal na mga bagay na ito. Kanilang nakikita siya sa kaniyang trono sa pamamagitan lamang ng kanilang mga mata ng pananampalataya. Pinahahalagahan ni Jesus ang lahat ng kanilang pagsisikap na matulungan ang kaniyang espirituwal na mga kapatid, na magiging kaniyang mga kasamang tagapagmana sa langit. Ang ginagawa sa kaniyang mga kapatid ay itinuturing niya na ginagawa sa kaniya nang personal. Ang mga tulad-tupa ay sadyang gumagawa ng mabuti sa mga kapatid ni Kristo sapagkat kanilang kinikilala sila sa gayong katayuan. Kanilang kinikilala na ang espirituwal na mga kapatid ni Jesus ang mga embahador ng Kaharian ni Jehova, at nais nilang magbigay ng tiyak na patotoo na sila’y naninindigang kasama nila sa panig ng Kaharian na iyon.

22. Papaano ginagantimpalaan ang mga uring tupa? (Ihambing ang Apocalipsis 7:14-17.)

22 Patiunang nakita ni Jehova na ang uring mga tulad-tupang ito ay lilitaw sa panahong ito ng pagkanaririto ng kaniyang Anak, at siya ay may kahanga-hangang gantimpala na naghihintay para sa kanila! Ang malaking pulutong ay magmamana ng mga pagpapala ng kapayapaan dito sa lupa sa maligayang Sanlibong Taóng Paghahari ng Hari ni Jehova, si Jesu-Kristo.

23. Sa anu-anong paraan alam ng mga tupa ang kanilang ginagawa kung tungkol sa pagtulong sa mga kapatid ng Hari?

23 Kung ating isasaalang-alang ang mga hula sa Bibliya na kumakapit sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, lakip na ang talinghaga ni Jesus ng mga tupa at mga kambing, ano ba ang ating nakikita? Ito: Hindi isang kaso ng kawalang-alam at nagkataon lamang na paggawa ng mabuti sa isa sa espirituwal na kapatid ng Hari ang batayan sa pagiging tupa ng isang tao na may matuwid na katayuan sa harap ng Diyos at ng kaniyang Hari. Alam ng mga uring tupa ang kanilang ginagawa, bagaman ang nagpupunong hari ay hindi nila nakikita ng kanilang literal na mga mata. Kanilang sinisikap na tulungan ang mga kapatid ng Hari hindi lamang sa materyal na paraan kundi rin naman sa isang espirituwal na paraan. Papaano? Sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya upang gumawa ng mga alagad para kay Kristo. Kaya, sa ngayon ay may mahigit na apat na milyong nagdadala-ng-liwanag na tagapagbalita ng Kaharian ng Diyos.

Pinalawak na mga Gawain

24. Anong maibiging mga pagpapagal ang nagbibigay sa uring alipin ng kasabihang sila ang pinakamaligayang bayan sa lupa ngayon?

24 Ating isa-isahin ang ilan sa maraming mabubuting gawa ng uring tapat na alipin. Una, ang uring alipin ay hinirang na mangasiwa sa lahat ng ari-arian ng Panginoon​—ang kaniyang mga kapakanang pang-Kaharian sa lupa​—​at ang mga ari-ariang ito ay patuloy na lumalago. Ikalawa, ang uring iyan ang nagpapakain ng espirituwal na pagkain hindi lamang sa pinahirang mga kasambahay kundi sa patuloy na lumalagong malaking pulutong ng mga ibang tupa. Ikatlo, ang uring alipin ay nangunguna sa pagpapalaganap ng liwanag ng Kaharian. Ikaapat, ang pinakadakilang paglawak ng mga gawain nito ay ang pagtitipon sa malaking pulutong ng mga ibang tupa, dinadala sila sa espirituwal na templo ni Jehova. Ikalima, ang uring alipin, taglay ang buong-pusong pagtangkilik ng mga tulad-tupa, ay naglalaan ng pinalaking mga pasilidad para sa mga organisasyong pansangay sa buong globo, at gayundin sa punong-tanggapan sa Estados Unidos. Ang gayong maibiging mga pagpapagal ay nagbigay sa uring alipin ng kasabihang sila ang pinakamaligayang bayan sa lupa ngayon, at kanilang pinaligaya rin ang milyun-milyong tao. Lahat ng ito ay napasasalamat sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo, na nanguna sa pagpapalawak ng mga gawain ng maingat na alipin!

25. Papaano maipagpapatuloy ng mga tupa ang pagtangkilik sa uring alipin, taglay ang anong inaasahan?

25 Ang uring alipin ay gumagawang puspusan ngayon higit kailanman upang magampanan ang bigay-Diyos na mga tungkulin nito. Ang panahong natitira bago magsiklab ang “malaking kapighatian” ay halos tapos na! (Mateo 24:21) Anong pagkahala-halaga nga na yaong mga tupa ng Diyos ay manatili sa kanang panig ng pagsang-ayon ng kaniyang Pastol-Hari! Kung gayon, harinawang lahat ay patuloy na puspusang tumangkilik sa tapat at maingat na alipin. Sa pamamagitan lamang ng paggawa nito mangyayaring balang araw na pagkalapit-lapit ay maririnig ng lahat ng mga tulad-tupa ang masasayang pananalita: “Halikayo, kayong pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan.”

Masasagot Mo Ba?

◻ Anong patiunang paghuhukom ang kasunod ng pagluluklok sa Hari?

◻ Papaano natupad sa modernong panahon ang Mateo 24:45-47?

◻ Tungkol sa pinalawak na mga gawain, anong mga gawain ang lubhang pinasasalamatan ng uring alipin at ng malaking pulutong?

◻ Papaano natutupad ang Mateo 25:34-40 sa panahon ng pa·rou·siʹa?

[Larawan sa pahina 16]

Lahat ng kaniyang ari-arian ay ipinagkakatiwala ng Panginoon sa tapat na alipin

[Larawan sa pahina 18]

Si Jesus ay lumuklok sa kaniyang maluwalhating trono upang hatulan ang sangkatauhan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share