Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Ang Pagkamatapat ay Nagrerekomenda sa Ating Ministeryo
ANG pagkamatapat ay isang saligang kahilingan para sa mga Kristiyano. Si apostol Pablo ay sumulat sa Hebreo 13:18: “Kami’y may tiwala na malinis ang aming budhi, yamang kami’y naghahangad na maging mapagtapat sa lahat ng bagay.” Ang ating pamumuhay nang may katapatan ay ‘nagsisilbing palamuti sa turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.’ (Tito 2:10) Ang pagkamatapat, at gayundin ang pangangaral ng Kaharian, ng dalawang Kristiyano sa Timog Pasipiko sa kaharian ng Tonga ay nagsisilbing isang mariing patotoo. Ang tanggapang sangay sa Kanlurang Samoa ng Watch Tower Society ay nag-uulat:
“Kung ilang taon na ngayon na may mag-asawang Saksi na nagbabalita ng tungkol sa Kaharian ng Diyos sa mga tao sa apat na nayon sa kanilang isla subalit walang napupunang resulta. At nangyari, samantalang may sakit ang kaniyang asawa, ang babae ang kinailangang mag-asikaso ng kanilang plantasyon at magbiyak ng mga niyog at patuyuin para maging kopra, ang kanilang tanging pinagkukunan ng ikabubuhay. Nang sumapit ang panahon upang ang kopra ay mainspeksiyon ng mga mamimili, may isang sako na napahalo sa kaniyang limang sako. Sinulsulan siya ng mga kanayon na itago na lamang ang kalabisang sakong iyon at ituring na iyon ay isang pagpapala buhat sa Diyos. Gayunman, ang sister ay tumanggi at, kahit na binabayaran para sa anim na sako, yaon lamang talagang halagang nararapat sa kaniya ang tinatanggap. Ang kaniyang katapatan ay napansin.
“Nang malaunan, nang ang asawang lalaki ay maglalakbay patungo sa ibang isla, ang maytindahan ay nagpabili sa kaniya ng ilang bagay-bagay. Ibinili naman siya ng Saksi at ang sukli ay ibinalik sa lalaki. Nagtaka ang lalaki. Iyon daw ang unang pagkakataon na may nagsauli ng sukli. Ang ibang kaniyang pinakibilihan ay laging nagtatago na lamang ng sukli. Minsan, nang ang Saksi ay nangailangan ng isang bagay sa tindahan ng lalaking ito, ibinigay sa kaniya ng lalaki ang susi ng tindahan, at sinabi sa kaniya na kunin ang kaniyang kailangan at ang bayad ay iwan sa tindahan. Tinanong ang maytindahan ng ibang naroroon kung bakit ibinigay niya sa Saksi ang susi ng tindahan at hindi sa kanila ibinigay. Ipinaliwanag ng may-ari na ang Saksi lamang ang mapagkakatiwalaan niya sa nayong iyon.
“Ang magandang asal ng mag-asawang ito ay pinag-uusap-usapan ng mga taganayon. Ang mga Saksi ay kilala sa kanilang pagkamatapat, sa kanilang kawalang-pinapanigan sa pulitika, at sa kanilang pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos, na nagpapakita ng pagkakaiba ng mga paniniwala ng mga taganayon sa mga turo ng Bibliya. Ngayon nang may bumangong mga tanong tungkol sa Bibliya, ang mga tao ay kadalasan sa mga Saksi lumalapit para sa mga kasagutan. Ang asawang lalaki ay bumangon pa sa gabi, pumunta sa pulong sa nayon, at sinagot ang mga katanungan tungkol sa isang paksa sa Bibliya. Pagka dumadalo sa mga libing sa nayon, kalimitan ay hinihilingan siya na ipakita kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamatayan, at ang kaniyang mga sinasabi ay tinatanggap.”
Samakatuwid ang pagkamatapat ng mag-asawang Saksing ito at ang kanilang pangangaral ng Kaharian ay nagbibigay ng isang mabuting patotoo sa kaakit-akit na islang ito ng Timog Pasipiko. Sila’y umaasang ang iba ay mag-aaral ng Bibliya at maninindigan sa panig ng katotohanan. Kung gayon, tiyak na sila’y pagpapalain ng Diyos na Jehova.—Juan 8:32.