Bakit Paglilingkuran si Jehova?
ANG araw ni Jehova ay halos naririto na! Ang ‘malaking kapighatian’ ay malapit na, at hindi ka makaliligtas kung hindi ka maglilingkod sa Diyos.” Kung may magsabi sa iyo ng ganiyan, papaano ka maaapektuhan?—Zefanias 2:2, 3; Mateo 24:21.
Totoo naman, dapat na lagi nating isaisip ang araw ni Jehova, at ang kaligtasan sa napipintong malaking kapighatian ay depende sa tapat na paglilingkod sa Diyos. Subalit ang mga bagay bang ito ang dapat maging pangunahing mga dahilan kung bakit gumagawa tayo ng banal na paglilingkod sa Diyos na Jehova? Bakit ka naglilingkod kay Jehova?
Kailangan ang Tamang Motibo
Kung ang isang tao ay hindi naglilingkod sa Diyos taglay ang tamang motibo, baka huminto na siya pagka ang kaniyang mga inaasahan ay hindi natutupad sa loob ng isang yugto ng panahon. Halimbawa, ang iba ay umaasang babalik si Jesu-Kristo sa isang takdang panahon noong 1843 o 1844, mga petsang lumipas na hindi natupad ang kanilang mga pag-asa. Kapansin-pansin tungkol sa bagay na ito ang isinulat ni George Storrs, tagapaglathala ng Bible Examiner at nang bandang huli ay nakilala ni Charles Taze Russell, unang pangulo ng Watch Tower Society. Sa Bible Examiner ng Setyembre 1846, si Storrs ay sumulat:
“Ang obligasyon na maglingkod sa Diyos ay mas mataas kaysa sa bagay lamang na ang araw ay tapos na tapos na. . . . Ang epekto na magaganap kung ang ’46 at ’47 ay lumipas na maaari nga, nang hindi nasasaksihan ang pagdating, ay magiging isang kabiguan na hindi maubos-maisip. Pinatutunayan ito ng karanasan—ang ibig kong sabihin ang karanasan ng ’43 at ’44. Nasaan ang lubhang karamihang yaon, na ayon sa pag-aangkin, mga ‘napukaw na maglingkod sa Diyos’ ayon sa nararapat sa kanila nang ipahayag na panahon na para sa pagparito ng Panginoon? At inuulit ko—NASAAN!!! Sa kanila’y isa lamang sa sampu ang ngayon ay lumalakad pa upang parangalan ang kanilang inaangking pagka-Kristiyano. Bakit nga hindi? Sila’y inudyukan ng maling mga motibo. Ang kanilang kaimbutan ang lalong higit na pinukaw at pinasigla. Kagayang-kagaya sila ng makasalanan na nag-aakalang malapit na siyang mamatay sa malubhang sakit o isang bagyo sa karagatan. Kung siya’y mamamatay na, siya ay magiging isang Kristiyano. Kung alam niya na siya’y malayo na sa panganib, iyon ay hindi na niya gaanong iintindihin.”
Paglilingkod na May Tamang Motibo
Ang pag-iimbot at ang takot na mapuksa ang maaaring magpakilos sa ilan na magkunwaring gumagawa ng kalooban ni Jehova. Ang iba naman ay maaaring mabighani sa pag-asang buhay sa Paraiso anupat paglilingkuran nila ang Diyos tangi lamang sa dahilang iyan. Gayunman, kung inaakala ng mga tao na pangunahing naudyukan ng gayong mga motibo na hindi gayong kalapit ang araw ni Jehova at ang malaking kapighatian, baka hindi sila maglingkod sa Diyos nang buong sigasig.
Mangyari pa, hindi isang pag-iimbot na magalak sa mga pangako at sa inihulang mga pagpapala ng Diyos. Ibig niya na maging maligaya tayo sa mga pag-asa na iniaalok sa atin bilang mga tagasunod ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. “Magalak sa pag-asa,” ang sabi ni apostol Pablo, at isinusog: “Magmatiisin sa ilalim ng kapighatian. Magmatiyaga sa pananalangin.” (Roma 12:12) Lakip ang panalangin, “ang kagalakan ni Jehova” ay tumutulong sa atin na matiis ang mga pagsubok at matiyagang hintayin ang katuparan ng mga pangako ng Diyos. (Nehemias 8:10) Samantala, marami tayong dahilan upang maglingkod kay Jehova. Ano ang ilan sa mga ito?
Tungkulin at Pribilehiyo
Bilang ang Pansansinukob na Soberano, si Jehova ay karapat-dapat bigyan at humihingi ng bukod-tanging debosyon. (Exodo 20:4, 5) Kaya bawat Kristiyano ay may magkakaparehong antas ng obligasyon sa Diyos kahit ang malaking kapighatian ay magsimula man bukas, sa susunod na taon, o pagkalipas pa. Siya’y obligado na maglingkod kay Jehova nang walang pag-iimbot dahilan sa pag-ibig sa Diyos ng kaniyang buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. (Marcos 12:30) Ang ilang mga Kristiyano noong una ay nag-akala na napipinto na noon ang araw ni Jehova, subalit ang kanilang inaasahan ay hindi natupad, at nangamatay sila nang hindi nakikita ang pangyayaring iyon. (1 Tesalonica 5:1-5; 2 Tesalonica 2:1-5) Subalit, kung sila’y tapat hanggang kamatayan, ang pinahirang mga tagasunod na iyon ni Kristo ay sa wakas tumanggap ng gantimpalang pagkabuhay-muli sa langit.—Apocalipsis 2:10.
Ang bautisadong mga Saksi ni Jehova ay dapat maglingkod sa kaniya nang may katapatan sapagkat sila’y kusang-loob na tumanggap ng obligasyon na gawin ang kaniyang kalooban. Isip-isipin lamang! Tulad ng banal na mga anghel, magagawa natin ang kalooban ng Pansansinukob na Soberano. (Awit 103:20, 21) Gayon na lamang ang pagpapahalaga ni Jesus sa gayong pribilehiyo na anupat kaniyang sinabi: “Ang pagkain ko ay ang aking gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawa.” (Juan 4:34) Kung tayo’y may katulad na espiritu, buong sigasig na ihahayag natin ang mga papuri kay Jehova at sasabihin sa iba ang tungkol sa kaniyang mga layunin, ayon sa isinisiwalat sa Kasulatan. Sa ganitong paraan, tayo’y may pribilehiyo na tulungan ang iba sa espirituwal na paraan. At tiyak, ang paggawa ng kalooban ng Diyos udyok ng pag-ibig sa kaniya ay isang kahanga-hangang pribilehiyo, kailanman magsimula ang araw ni Jehova.
Ang Pagtanaw ng Utang na Loob ay Nagsisilbing Motibo
Ang pagtanaw ng utang na loob dahil sa pag-ibig ng Diyos sa paglalaan ng haing pantubos ng kaniyang Anak ay dapat ding mag-udyok sa atin na maglingkod kay Jehova. Noong una tayo ay hiwalay sa Diyos na Jehova dahilan sa kasalanan. Gayunman, sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Si Jehova ang nagkusa sa bagay na ito, gaya ng isinulat ni Pablo: “Ipinadarama ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin sa paraan na, samantalang mga makasalanan pa tayo noon, si Kristo ay namatay alang-alang sa atin.” (Roma 5:8) Ang pagtanaw ng utang na loob dahil sa ganitong pagpapahayag ng Diyos ng pag-ibig ay dapat magpakilos sa atin na maglingkod sa kaniya nang buong puso.
Ang pagpapahalaga sa espirituwal at materyal na mga paglalaan ni Jehova ay nagbibigay sa atin ng isa pang dahilan upang maglingkod sa kaniya nang may katapatan. Ang Salita ng Diyos ay isang tiyak na patnubay—isang ilaw sa ating daan. Ang mga publikasyon na inilaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin” ay tumutulong sa atin upang maiayon ang ating buhay sa kalooban ng Diyos. (Mateo 24:45-47; Awit 119:105) At dahilan sa ang Kaharian ang ating unang pinaghahanap, pinaglalaanan din naman tayo ni Jehova sa materyal na paraan. (Mateo 6:25-34) Ipinakikita mo ba ang iyong pagpapahalaga sa mga bagay na ito?
Ang pagtanaw ng utang na loob dahil sa bigay-Diyos na kalayaan buhat sa huwad na relihiyon ay nagbibigay ng isa pang dahilan upang maglingkod kay Jehova nang may katapatan. Ang relihiyosong patutot na Babilonyang Dakila ay “nakaupo sa maraming tubig,” ibig sabihin “mga bayan at mga karamihan at mga bansa at mga wika.” (Apocalipsis 17:1, 15) Subalit, siya’y hindi nauupo sa mga lingkod ni Jehova, upang impluwensiyahan at makontrol sa relihiyon. Halimbawa, kanilang tinatanggihan ang doktrina ng huwad na relihiyon na ang kaluluwa ng tao ay walang kamatayan. Batid nila na ang tao ay nilalang na “isang kaluluwang buháy,” na ang patay ay “walang alam na anuman,” at na magkakaroon ng pagkabuhay-muli. (Genesis 2:7; Eclesiastes 9:5, 10; Gawa 24:15) Kaya sila’y hindi natatakot ni sumasamba man sa mga patay. Ang pagtanaw ba ng utang na loob dahil sa gayong espirituwal na kalayaan ay nag-uudyok sa iyo na labanan ang apostasya at kumapit nang mahigpit sa dalisay na pagsamba kay Jehova?—Juan 8:32.
Ang pagpapahalaga sa araw-araw na pag-alalay ni Jehova ay dapat makaragdag pa sa ating determinasyon na maglingkod sa kaniya nang may katapatan. Ipinahayag ng salmistang si David: “Purihin si Jehova, na sa araw-araw ay nagdadala ng pasan para sa atin.” (Awit 68:19) At sinabi rin ng salmista: “Bagaman pabayaan ako ng aking ama at ng aking ina, gayunma’y dadamputin ako ni Jehova.” (Awit 27:10) Oo, ang isang taong tapat na naglilingkod kay Jehova ay maipababahala sa Diyos ang kaniyang pasanin, tulad halimbawa ng mga alalahanin at mga pagsubok. Ikaw ba’y nagpapakita ng pagpapahalaga sa di-nabibigong pag-alalay ni Jehova sa pamamagitan ng paglilingkod sa kaniya nang may katapatan?—Awit 145:14.
Pakapurihin si Jehova at ang Kaniyang Paghahari
Ang pagnanasang purihin si Jehova ay dapat ding magpakilos sa atin na maglingkod sa kaniya. Ang mga nilalang sa langit ay inilarawan na lumuluwalhati sa Diyos sa mga salitang: “Karapat-dapat ka, Jehova, na aming Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahilan sa iyong kalooban kung kaya sila’y umiral at nangalalang.” (Apocalipsis 4:11) Ang Diyos ay pinakapuri ni Haring David sa pagsasabing: “Iyo, Oh Jehova, ang kadakilaan at ang kapangyarihan at ang kagandahan at ang pagtatagumpay at ang karangalan . . . Iyo ang kaharian, Oh Jehova . . . Ang mga kayamanan at ang kaluwalhatian ay nagmumula sa iyo, at ikaw ang nagpupuno sa lahat . . . Oh aming Diyos, kami ay nagpapasalamat sa iyo at nagpupuri sa iyong maningning na pangalan.” (1 Cronica 29:10-13) Bilang mga lingkod ni Jehova, hindi ba natin nadarama ang obligasyong luwalhatiin siya sa salita at sa gawa samantalang hinihintay ang katuparan ng kaniyang mga pangako?—1 Corinto 10:31.
Ang matinding hangaring magsalita tungkol sa Kaharian ng Diyos ay nagbibigay ng isa pang pangganyak na maglingkod kay Jehova. Ang magaling na motibong iyan ay mainam ang pagkapahayag sa mga salita ng salmista: “Lahat mong gawa ay magpupuri sa iyo, Oh Jehova, at pupurihin ka ng mga tapat sa iyo. Sila’y magsasalita tungkol sa kaluwalhatian ng iyong paghahari, at mangungusap tungkol sa iyong kapangyarihan, upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang kaniyang mga makapangyarihang gawa at ang kaluwalhatian ng kamahalan ng kaniyang paghahari. Ang iyong paghahari ay isang paghaharing walang-hanggan, at ang kapangyarihan mo’y sa lahat ng sali’t saling lahi.” (Awit 145:10-13) Ang paghahayag ng mensahe ng Kaharian ang utos sa Kristiyano at siyang pinakamahalagang gawain sa ating kaarawan. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ikaw ba ay may nagniningas na pagnanasang pakapurihin si Jehova at balitaan ang iba tungkol sa kaniyang Kaharian?
Ang pagbanal sa pangalan ni Jehova at pagbabangong-puri sa kaniyang soberanya ang dapat na lubhang pahalagahan natin na anupat nais natin na maglingkod sa kaniya nang buong katapatan. Maaari nating ipanalangin ang pagbanal sa pangalan ni Jehova at ang pagbabangong-puri ng kaniyang soberanya. (Mateo 6:9) Ang ating mga panalangin ay masasabayan natin ng palagiang paglahok sa ministeryong Kristiyano at pagpapalaganap ng katotohanan tungkol sa gayong napakahalagang mga bagay.—Ezekiel 36:23; 39:7.
Kagalakan at Kasiyahan
Sa pamamagitan ng paglilingkod kay Jehova nang may katapatan, taglay natin ang kasiyahan ng pagpapagalak sa kaniyang puso at pagpapatunay na sinungaling ang Diyablo. Bagaman may kasinungalingang sinasabi ni Satanas na ang mga tao’y may mapag-imbot na dahilan sa paglilingkod sa Diyos, ang ating tapat na paglilingkuran kay Jehova, na nagmumula sa puso, ay nagpapabulaan sa pag-aangkin ng manlilibak na iyon. (Job 1:8-12) Ito’y nagbibigay sa atin ng mabuting dahilan na patuloy na gawin ang sinasabi ng Kawikaan 27:11: “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” Isa pa, pagka tayo’y naglilingkod kay Jehova nang may katapatan sa kabila ng lahat ng paghadlang ni Satanas, ang ating pananatiling tapat ay malamang na magpalakas sa ating mga kapananampalataya.—Filipos 1:12-14.
Ang kagalakan at kasiyahan ng pakikibahagi sa espirituwal na pag-aani ay dapat ding mag-udyok sa atin na maglingkod kay Jehova nang buong katapatan. Si Jesus ay nakasumpong ng kaligayahan sa pagtulong sa mga tao, lalo na sa espirituwal na mga kaparaanan. Sinasabi ng Mateo 9:35-38: “Nilibot ni Jesus ang lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at ipinangangaral ang mabuting balita ng kaharian at pinagagaling ang sari-saring sakit at ang sari-saring karamdaman. Nang makita niya ang mga karamihan siya’y nahabag sa kanila, sapagkat sila ay pinagsasamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol. Nang magkagayo’y sinabi niya sa kaniyang mga alagad: ‘Oo, ang aanihin ay marami, datapuwat kakaunti ang mga manggagawa. Kung gayon, idalangin nga ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.’ ” Kung ang pag-aani ay tumagal pa nang higit kaysa ating inaasahan, ito’y magbibigay sa atin ng marami pang pagkakataon na makasumpong ng kagalakan at kasiyahan sa pagtulong sa iba sa espirituwal na mga bagay. Ito ay isa ring paraan upang magpakita ng pag-ibig sa kapuwa na inaasahan sa atin.—Mateo 22:39.
Bakit Ka Naglilingkod sa Diyos?
Ang naisaalang-alang natin ay kaunti lamang sa maraming mahigpit na mga dahilan upang maglingkod kay Jehova nang buong katapatan. Makabubuti na pag-isipan kasabay ng panalangin ang ating personal na mga dahilan sa paglilingkod sa Diyos, sapagkat bawat isa sa atin ay magsusulit sa kaniya. (Roma 14:12; Hebreo 4:13) At yaong mga nananatiling may mapag-imbot na mga motibo ay hindi magtatamasa ng pagsang-ayon ng Diyos.
Ano ang maaasahan kung tayo ay interesado unang-una sa pagbanal sa pangalan ni Jehova at nagbibigay sa Diyos ng banal na paglilingkod taglay ang dalisay na mga motibo? Aba, pagpapalain tayo ni Jehova pati ang ating ministeryo! (Kawikaan 10:22) Tayo’y tatanggap din ng buhay na walang-hanggan sapagkat naglingkod tayo kay Jehova nang buong katapatan.
[Larawan sa pahina 9]
Libu-libo ang naglilingkod kay Jehova sa Japan
[Larawan sa pahina 10]
Paglilingkod kay Jehova sa Côte d’Ivoire
[Picture Credit Line sa pahina 8]
SIX SERMONS, ni George Storrs (1855)