Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 5/15 p. 12-17
  • Kaniyang “Ipatawag ang Matatandang Lalaki”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaniyang “Ipatawag ang Matatandang Lalaki”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Naririto Na ang Tulong
  • “Kaloob na mga Lalaki”
  • Ang Pagkukusa
  • Papaano Tumutulong “ang Matatandang Lalaki”
  • Personal na Pananagutan at Panalangin
  • “Mga Kaloob na mga Tao” Upang Mangalaga sa Tupa ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Pagpapahalaga sa “Mga Kaloob na mga Tao”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Maging Masunurin sa mga Nangunguna
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • “Isaalang-alang Yaong mga Nagpapagal sa Gitna Ninyo”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 5/15 p. 12-17

Kaniyang “Ipatawag ang Matatandang Lalaki”

“Ang sinuman ba sa inyo’y may sakit? Ipatawag [niya] ang matatandang lalaki ng kongregasyon.”​—SANTIAGO 5:14.

1, 2. (a) Sa anong mapanganib na kalagayan napapaharap ang mga lingkod ni Jehova ngayon, at ano ang kanilang nadarama? (b) Anong mga tanong ang nangangailangan ng mga sagot ngayon?

“ANG mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan” ay naririto na. Ang mga tao ay kumikilos nang may pag-iimbot, mahilig sa materyalismo, mapagmataas, kadalasa’y siyang sanhi ng kaligaligan sa “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1-5) Bilang mga Kristiyanong namumuhay sa kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay, nakaharap sa atin ang tatlong malalaking panganib: si Satanas na Diyablo, ang sanlibutan ng balakyot na sangkatauhan, at ang ating sariling minanang pagkamakasalanan.​—Roma 5:12; 1 Pedro 5:8; 1 Juan 5:19.

2 Sa pagbabanta ng mga panganib na ito, kung minsan ating nadarama na tayo’y nagagapi. Kung gayon, saan tayo makasusumpong ng alalay na tutulong sa atin na magtiis nang may katapatan? Kanino tayo makalalapit para humingi ng patnubay kapag napaharap sa mga pagpapasiya tungkol sa ating mga gawaing Kristiyano at sa ating pagsamba?

Naririto Na ang Tulong

3. Kanino tayo makakakuha ng nakaaaliw na katiyakan, at papaano?

3 Ang pagkaalam na si Jehova ang Pinagmumulan ng ating lakas ay nagbibigay sa atin ng nakaaaliw na katiyakan. (2 Corinto 1:3, 4; Filipos 4:13) Ang salmistang si David, na nakaranas ng tulong na nagmumula sa Diyos, ay nagsabi: “Ihabilin mo kay Jehova ang iyong lakad, at tumiwala ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos.” “Ilagak mo kay Jehova mismo ang iyong pasanin, at siya mismo ang aalalay sa iyo. Hindi niya tutulutang gumiray-giray ang matuwid.” (Awit 37:5; 55:22) Anong laki ng ating pasasalamat na tumanggap ng gayong tulong!

4. Papaano kapuwa sina Pedro at Pablo ay naghandog ng pang-aliw?

4 Tayo’y makakukuha rin ng kaaliwan buhat sa pagkaalam na hindi tayo nag-iisa sa pagharap sa mga pagsubok at mga panganib. Si apostol Pedro ay nagpayo sa kapuwa mga Kristiyano: “Siya [si Satanas na Diyablo] ay labanan ninyo, matatag sa inyong pananampalataya, yamang inyong nalalaman na ang ganoon ding mga hirap ay nagaganap sa buong samahan ng inyong mga kapatid sa sanlibutan.” (1 Pedro 5:9) Tiyak, lahat ng Kristiyano ay nagnanasang manindigang matatag sa pananampalataya. Totoo, marahil ay malimit na nadarama natin na tayo’y “nagigipit sa magkabi-kabila,” gaya rin ni apostol Pablo. Gayunman, siya ay “nakakakilos pa rin.” Tulad niya, baka tayo’y natitilihan “ngunit may paraan pa rin upang makalabas dito.” Kahit na kung tayo ay pinag-uusig, tayo ay “hindi pinababayaan pagka nasa kagipitan.” Kung “inilulugmok,” tayo ay “hindi napapahamak.” Kaya naman, “tayo ay hindi sumusuko.” Ating sinisikap na “ipako ang ating mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita.” (2 Corinto 4:8, 9, 16, 18) Papaano natin magagawa ito?

5. Anong tatlong tulong ang ibinibigay ni Jehova?

5 Si Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin,” ay nagbibigay ng tatlong tulong. (Awit 65:2; 1 Juan 5:14) Una, siya’y naghahandog ng patnubay sa pamamagitan ng kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya. (Awit 119:105; 2 Timoteo 3:16) Ikalawa, ang kaniyang banal na espiritu ay nagbibigay-lakas sa atin na gawin ang kaniyang kalooban. (Ihambing ang Gawa 4:29-31.) At ikatlo, ang makalupang organisasyon ni Jehova ay handang tumulong sa atin. Ano ang kailangan nating gawin upang tumanggap ng tulong?

“Kaloob na mga Lalaki”

6. Anong tulong ang ibinigay ni Jehova sa Taberah, at papaano?

6 Ang isang pangyayari noong kaarawan ni propeta Moises ay tumutulong sa atin na pahalagahan ang maibiging pagkabahala ni Jehova sa pagbibigay ng tulong para sa Kaniyang mga lingkod. Ito’y nangyari sa Taberah, na ang kahulugan ay “nag-aapoy; malaking sunog; nagniningas.” Sa lugar na ito sa ilang ng Sinai, pinapangyari ng Diyos na magningas ang apoy laban sa mareklamong mga Israelita. “Ang halu-halong karamihan” na kasama ng bayang Israel na lumabas sa Ehipto ay sumama sa kanila sa pagpapahayag ng di-kasiyahan sa inilaan ng Diyos na pagkain. Nang mapansin ang pagkagalit ng Diyos at makadama ng panghihina dahil sa pananagutan ukol sa bayan at sa kanilang mga pangangailangan, si Moises ay bumulalas: “Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito, sapagkat sila’y totoong mabigat para sa akin. Kaya kung ako’y gagawan mo ng ganito, patayin mo na akong tuluyan, ipinamamanhik ko sa iyo, kung ako’y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, at huwag ko nang makita ang aking kahirapan.” (Bilang 11:1-15) Papaano tumugon si Jehova? Siya’y nag-atas ng “pitumpung lalaki ng matatandang lalaki ng Israel” at sa kanila’y inilagay ang espiritu upang sila’y angkop na makibahagi sa gawaing pamamanihala na kasama ni Moises. (Bilang 11:16, 17, 24, 25) Ngayong inatasan na ang gayong kuwalipikadong mga lalaki, agad nahanda ang tulong sa mga Israelita at sa “malaking halu-halong karamihan.”​—Exodo 12:38.

7, 8. (a) Papaano nagbigay si Jehova ng “kaloob na mga lalaki” sa sinaunang Israel? (b) Anong katuparan noong unang siglo ng Awit 68:18 ang binanggit ni Pablo?

7 Matapos na ang mga Israelita ay manirahan sa Lupang Pangako nang maraming taon, sa pangungusap na matalinghaga, si Jehova ay sumampa sa Bundok Sion at ang Jerusalem ay ginawang kabisera ng isang makalarawang kaharian na si David ang hari. Sa pagpuri sa Diyos, “ang Isang Makapangyarihan-sa-Lahat,” si David ay nagtaas ng kaniyang tinig upang umawit: “Umakyat ka sa mataas; nagdala ka ng mga bihag; nagbigay ka ng kaloob na mga lalaki.” (Awit 68:14, 18) Oo, ang mga lalaking nabihag nang masakop ang Lupang Pangako ay nakatulong sa mga Levita sa kanilang mga gawain.​—Ezra 8:20.

8 Noong unang siglo C.E., ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay tumawag ng pansin sa isang makahulang katuparan ng mga salita ng salmista. Sumulat si Pablo: “Sa bawat isa sa atin ay ipinagkaloob ang di-sana-nararapat na awa ayon sa sukat ni Kristo ng kaloob na walang bayad. Kaya sinasabi niya: ‘Nang umakyat siya sa mataas ay nagdala siya ng mga bihag; nagbigay siya ng kaloob na mga lalaki.’ Ngayon, ang pananalitang ‘umakyat siya,’ anong ibig sabihin nito kundi na bumaba siya sa kalaliman, samakatuwid nga, ang lupa? Ang bumaba ay siya ring umakyat sa karurukan ng mga langit, upang mabigyan niya ng kagalakan ang lahat ng mga bagay.” (Efeso 4:7-10) Sino “ang bumaba”? Walang iba kundi ang kinatawan ni Jehova, ang lalong-Dakilang David at Mesiyanikong Hari, si Jesu-Kristo. Siya ang isang binuhay-muli ng Diyos at itinaas sa “isang nakatataas na kalagayan.”​—Filipos 2:5-11.

9. (a) Sino ang kaloob na mga lalaki noong unang siglo? (b) Sino sa ngayon ang kaloob na mga lalaki?

9 Sino, kung gayon, itong “kaloob na mga lalaki” (o, “binubuo ng mga lalaki”)? Ipinaliliwanag ni Pablo na ibinigay ng Punong Kinatawan ng Diyos “ang ilan bilang mga apostol, ang ilan bilang mga propeta, ang ilan bilang mga ebanghelisador, ang ilan bilang mga pastol at mga guro, sa layuning muling maiwasto ang mga banal, para sa gawaing ministeryal, para sa ikatitibay ng katawan ng Kristo.” (Efeso 4:11, 12) Lahat ng mga tagasunod ni Kristo na naglingkod bilang mga apostol, propeta, ebanghelisador, pastol, at mga guro ay sumailalim ng teokratikong patnubay. (Lucas 6:12-16; Gawa 8:12; 11:27, 28; 15:22; 1 Pedro 5:1-3) Sa ating kaarawan, ang kuwalipikado sa espirituwal na matatandang lalaki na hinirang ng banal na espiritu ay naglilingkod bilang mga tagapangasiwa sa mga 70,000 na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Sila ang ibinigay sa atin na kaloob na mga lalaki. (Gawa 20:28) Sa paglawak sa buong daigdig ng gawaing pangangaral ng Kaharian na mabilis na nagaganap, parami nang parami pang mga kapatid na lalaki ang “nagsisikap makaabot” at bumabalikat sa mga pananagutan na kaugnay ng “katungkulang tagapangasiwa.” (1 Timoteo 3:1) Sa kanilang pagkahirang, sila man ay nagiging kaloob na mga lalaki.

10. Papaanong ang paglalarawan ni Isaias sa “mga prinsipe” ay bumabagay sa ginaganap na tungkulin ng Kristiyanong matatanda sa ngayon?

10 Itong Kristiyanong matatanda, o kaloob na mga lalaki, ay bumabagay sa paglalarawan na ibinigay ni propeta Isaias nang ihula ang ginaganap na tungkulin ng “mga prinsipe,” ang mga mangangasiwa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. Bawat isa ay kailangang maging “gaya ng isang kublihang dako buhat sa hangin at isang dakong kanlungan buhat sa bagyo, gaya ng mga ilog ng tubig sa lupaing salat sa tubig, gaya ng lilim ng isang malaking batuhan sa isang nakapapagod na lupain.” (Isaias 32:1, 2) Ito’y nagsisiwalat kung papaano dapat puspusang makatulong ang maibiging pangangasiwa ng inatasang mga lalaking ito. Papaano tayo makikinabang dito nang lubusan?

Ang Pagkukusa

11. Pagka tayo’y nanghihina sa espirituwal, papaano tayo matutulungan?

11 Likas na sa isang taong nalulunod na humingi ng saklolo. Siya’y hindi mag-aatubili. Pagka ang buhay ay nasa panganib, walang sinumang nangangailangang sabihan pa na siya’y humingi ng tulong. Si Haring David, hindi ba paulit-ulit na humingi siya ng tulong kay Jehova? (Awit 3:4; 4:1; 5:1-3; 17:1, 6; 34:6, 17-19; 39:12) Pagka ang isa’y nanghihina sa espirituwal, marahil ay nahihila na ng kawalang-pag-asa, tayo man ay lumalapit kay Jehova sa panalangin at isinasamo natin sa kaniya na tayo’y akayin sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. (Awit 55:22; Filipos 4:6, 7) Tayo’y humahanap ng kaaliwan buhat sa mga Kasulatan. (Roma 15:4) Tayo’y kumukunsulta sa Kristiyanong mga publikasyon ng Samahang Watch Tower para sa praktikal na payo. Malimit na ito’y tumutulong sa atin na lutasin ang ating sariling mga suliranin. At, kung waring tayo’y pinanghihina ng mga kahirapan, tayo’y makahihingi rin ng payo sa hinirang na matatanda sa kongregasyon. Sa katunayan, baka may mga panahon na talagang kailangan nating “ipatawag ang matatandang lalaki.” Bakit dapat ipatawag ang Kristiyanong matatanda? Papaano sila makatutulong sa mga nangangailangan ng espirituwal na tulong?

12-14. (a) Ano ang matalinong hakbang na dapat gawin pagka ang isa ay may sakit? (b) Ayon sa Santiago 5:14, ano ang ipinapayong gawin ng “maysakit” na mga Kristiyano? (c) Anong uri ng sakit ang tinutukoy sa Santiago 5:14, at bakit ganiyan ang sagot mo?

12 Pagka tayo’y may sakit, namamahinga tayo upang ang katawan ay mabigyan ng pagkakataon na magpagaling. Subalit kung patuloy pa rin ang ating sakit, tayo’y may katalinuhan na humahanap ng karapat-dapat na mga manggagamot. Hindi ba ganiyan din ang dapat nating gawin kung tayo’y manghina sa espirituwal?

13 Pansinin ang ipinapayo sa atin tungkol dito ng alagad na si Santiago. Kaniyang sinasabi: “Ang sinuman ba sa inyo’y may sakit? Ipatawag [niya] ang matatandang lalaki ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya, pahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova.” (Santiago 5:14) Ano bang uri ng sakit ang tinutukoy ni Santiago? Ang ilang komentarista sa Bibliya ay nanghihinuha na iyon ay literal na sakit, ikinakatuwiran na ang pagpapahid ng langis ay isang karaniwang paraan ng panggagamot noong panahong iyon. (Lucas 10:34) Sila’y naniniwala rin na ang nasa isip ni Santiago ay isang kahima-himalang panlunas sa pamamagitan ng kaloob na pagpapagaling. Ngunit, ano ba ang ipinakikita ng konteksto?

14 Ang ‘kagalakan’ ay naiiba sa ‘pagtitiis.’ Ito’y nagpapahiwatig na ang tinatalakay ni Santiago ay espirituwal na sakit. (Santiago 5:13) “Matatandang lalaki [elders, King James Version] ng kongregasyon,” hindi mga doktor o maging yaong mga may kahima-himalang kaloob ng pagpapagaling, ang kailangang tawagin. At ano ang kailangan nilang gawin? Sabi ni Santiago: “Ipanalangin nila siya. . . . At ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa maysakit.” (Santiago 5:14, 15; ihambing ang Awit 119:9-16.) Ang lubusang nagpapatotoo na espirituwal na sakit ang tinutukoy ni Santiago ay ang bagay na siya’y nanghihimok na ipagtapat ang mga kasalanan may kaugnayan sa inaasahang paggaling. Siya’y sumulat: “Ipagtapat nga ninyo sa isa’t isa ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa’t isa, upang kayo’y magsigaling.” Kung malubhang pagkakasala ang sanhi ng espirituwal na sakit, ang taong may sakit ay maaasahang gagaling tangi lamang kung siya’y tutugon nang naaayon sa payong nakasalig sa Salita ng Diyos, nagsisisi, at humiwalay na sa kaniyang dating landas ng pagkakasala.​—Santiago 5:16; Gawa 3:19.

15. Anong uri ng pagkilos ang ipinapayo ng Santiago 5:13, 14?

15 May isang bagay pa na dapat pansinin buhat sa payo ni Santiago. Pagka nagtitiis, ang isang Kristiyano ay dapat “patuloy na manalangin.” Kung siya’y nagagalak, “siya’y umawit ng mga salmo.” Bawat situwasyon​—nagtitiis man o nagagalak ang isa​—​ay humihingi ng pagkilos. Ang panalangin ay kinakailangan sa isang panig, may kagalakang pagpapahayag naman sa kabilang panig. Kung gayon, ano ang dapat nating asahan nang itanong ni Santiago: “Ang sinuman ba sa inyo’y may sakit?” Muling ipinapayo niya ang positibong pagkilos, oo, ang pagkukusa. “Ipatawag [niya] ang matatandang lalaki ng kongregasyon.”​—Awit 50:15; Efeso 5:19; Colosas 3:16.

Papaano Tumutulong “ang Matatandang Lalaki”

16, 17. Papaano tayo tinutulungan ng matatandang lalaki na ikapit ang mga simulain ng Bibliya?

16 Kung minsan ay nahihirapan tayo kung papaano ikakapit ang mga simulain ng Bibliya sa ating personal na kalagayan. Dito ang Kristiyanong matatanda ay mapatutunayang mahalagang pinagmumulan ng tulong. Halimbawa, kanilang ipinapanalangin ang maysakit sa espirituwal at ‘pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova’ sa pamamagitan ng may kasanayang pagkakapit ng nakaaaliw na turo buhat sa Salita ng Diyos. Sa gayo’y malaki ang nagagawa ng matatanda sa ating espirituwal na paggaling. (Awit 141:5) Kalimitan, ang kailangan lamang natin ay patotoo na tayo’y nangangatuwiran sa tamang paraan. Ang pakikipag-usap sa isang may-karanasang Kristiyanong matanda ay magpapatibay ng ating pagkadesididong gawin ang matuwid.​—Kawikaan 27:17.

17 Pagka ipinatawag upang dumalaw, ang Kristiyanong matatanda ay kailangang “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” Kanila ring ‘aalalayan ang mahihina, [at] magiging matiisin sa lahat.’ (1 Tesalonica 5:14) Ang gayong matalik, may-unawang ugnayan sa pagitan ng “matatandang lalaki” at ng “mahihina” ay malamang na makatulong para sa lubos na paggaling buhat sa espirituwal na sakit.

Personal na Pananagutan at Panalangin

18, 19. Anong papel ang ginagampanan ng Kristiyanong matatanda kaugnay ng Galacia 6:2, 5?

18 Ang Kristiyanong matatanda ay kailangang balikatin ang kanilang pananagutan tungkol sa kawan ng Diyos. Sila’y kailangang maging matulungin. Halimbawa, sinabi ni Pablo: “Mga kapatid, kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na kuwalipikasyon sikapin ninyong muling maituwid nang may kaamuan ang gayong tao, samantalang minamataan din naman ninyo ang inyong sarili, baka kayo man ay matukso rin. Patuloy na magdalahan kayo ng pasanin ng isa’t isa, at sa gayo’y tuparin ang kautusan ng Kristo.” Sumulat din ang apostol: “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.”​—Galacia 6:1, 2, 5.

19 Papaano tayo makapagdadalahan ng pasanin ng isa’t isa at gayon man ay dalhin ang ating sariling pasan? Ang pagkakaiba sa kahulugan ng mga salitang Griego na isinaling “mga pasanin” at “pasan” ang nagbibigay ng kasagutan. Kung sakaling ang isang Kristiyano ay mahulog sa espirituwal na suliranin na totoong nakabibigat sa kaniya, ang matatanda at iba pang kapananampalataya ay tutulong sa kaniya, sa gayo’y tinutulungan siya na dalhin ang kaniyang “mga pasanin.” Gayunman, ang taong iyon mismo ay inaasahang magdadala ng kaniyang sariling “pasan” ng pananagutan sa Diyos.a Ang matatanda ay may kagalakang magdadala ng “mga pasanin” ng kanilang mga kapatid sa pamamagitan ng pampatibay-loob, payo buhat sa Kasulatan, at panalangin. Gayunman, ang ating personal na “pasan” ng espirituwal na pananagutan ay hindi inaalis ng matatanda.​—Roma 15:1.

20. Bakit ang panalangin ay hindi dapat pabayaan?

20 Ang panalangin ay kailangan at hindi dapat pabayaan. Subalit maraming Kristiyanong may sakit sa espirituwal ang nahihirapang manalangin. Pagka ang matatanda ay naghahandog ng mga panalangin ng pananampalataya alang-alang sa isang may sakit sa espirituwal, ano ba ang layunin? “Ibabangon siya ni Jehova,” buhat sa kawalang-pag-asa, at siya’y palalakasin upang itaguyod ang katotohanan at katuwiran. Ang isang Kristiyanong may sakit sa espirituwal ay maaaring may maling saloobin subalit maaaring hindi naman siya nakagawa ng isang malubhang pagkakasala, sapagkat sinasabi ni Santiago: “At, kung nagkasala siya, ipatatawad iyon sa kaniya.” Ang maka-Kasulatang payo ng matatanda lakip na ang taimtim na panalangin ay kung minsan nag-uudyok sa taong mahina sa espirituwal na ipagtapat ang malulubhang pagkakasala na maaaring nagawa niya at magpakita ng isang nagsisising saloobin. Ito, sa kabilang dako, ang makapupukaw sa Diyos na patawarin siya.​—Santiago 5:15, 16.

21. (a) Bakit ang ilang mga Kristiyano ay nag-aatubili na ipatawag ang matatandang lalaki? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

21 Yamang nahaharap sa hamon ng pag-aasikaso sa marami sa mga baguhan na umuugnay sa kongregasyong Kristiyano, ang masisipag na matatandang lalaki ay maraming gawain sa paglalaan ng sapat na pangangasiwa. Oo, ang kaloob na mga lalaking ito ay isang mainam na paglalaan buhat kay Jehova upang tulungan tayo na magtiis sa mapanganib na panahong ito. Gayunman, ang ilang mga Kristiyano ay nag-aatubili na lumapit sa kanila upang patulong, sa pag-aakala na ang mga kapatid na ito ay totoong magawain o labis na napabibigatan ng mga suliranin. Ang susunod na artikulo ang magpapaunawa sa atin na ang mga lalaking ito ay nagagalak na makatulong, sapagkat sila’y kusang naglilingkod bilang katulong na mga pastol sa kongregasyong Kristiyano.

[Talababa]

a Ang A Linguistic Key to the Greek New Testament, ni Fritz Rienecker, ay nagbibigay-kahulugan sa phor·tiʹon bilang “isang pasan na inaasahang papasanin ng isa” at isinususog: “Ito’y ginamit na isang termino ng militar para sa dala-dalahan ng isang tao o isang kagamitan ng sundalo.”

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Pagka tayo’y nangangailangan ng tulong, anong tatlong tulong ang ibinibigay ni Jehova?

◻ Sino sa ngayon ang kaloob na mga lalaki?

◻ Kailan dapat nating ipatawag ang matatandang lalaki?

◻ Anong tulong ang ating maaasahan sa Kristiyanong matatanda?

[Larawan sa pahina 15]

Nakakamit mo ba ang espirituwal na mga kapakinabangan ng panalangin, pag-aaral sa Bibliya, at tulong buhat sa Kristiyanong matatanda?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share