Si Jehova—Ang Tunay at Buháy na Diyos
SI Paraon ng Ehipto ay nagsalita nang may paglaban at paghamak nang kaniyang itanong: “Sino si Jehova?” (Exodo 5:2) Gaya ng ipinakita sa naunang artikulo, ang gayong saloobin ay nagdala ng mga salot at kamatayan sa mga Ehipsiyo, at ng pagkalibing sa dagat kay Paraon at sa kaniyang hukbong militar.
Sa sinaunang Ehipto, pinatunayan ng Diyos na Jehova ang kaniyang higit na kapangyarihan kaysa huwad na mga diyos. Subalit marami pa ang kailangang matutuhan tungkol sa kaniya. Ano ba ang ilan sa mga pitak ng kaniyang personalidad? At ano ang hinihiling niya sa atin?
Ang Kaniyang Pangalan at Kabantugan
Nang may hilingin siya kay Paraon ng Ehipto, hindi sinabi ni Moises: ‘Sinabi ng Panginoon ang ganito’t ganoon.’ Mga panginoon din ang nasa isip ni Paraon at ng iba pang mga Ehipsiyo kung tungkol sa kanilang maraming huwad na mga diyos. Hindi, ginamit ni Moises ang pangalan ng Diyos, na Jehova. Siya mismo ang nakarinig nang iyon ay bigkasin mula sa itaas nang siya’y nasa nagniningas na mababang punungkahoy sa lupain ng Midian. Ganito ang sinasabi ng kinasihang ulat:
“Nagpatuloy ang Diyos ng pakikipag-usap kay Moises at sinabi sa kaniya: ‘Ako ay si Jehova. . . . Ako, ako nga, ang nakarinig sa hibik ng mga anak ni Israel, na inaalipin ng mga Ehipsiyo, at aking naalaala ang aking tipan. Kaya sabihin mo sa mga anak ni Israel, “Ako ay si Jehova, at aking ilalabas kayo sa ilalim ng mga atang ng mga Ehipsiyo at aking hahanguin kayo sa pagkaalipin sa kanila, at aking tutubusin kayo sa pamamagitan ng isang unát na bisig at taglay ang dakilang mga kahatulan. At kayo ay aking aariin na pinakabayan, at patutunayan ko nga sa inyo na ako’y Diyos; at inyong makikilala na ako’y si Jehova na inyong Diyos na naglalabas sa inyo sa ilalim ng mga atang ng Ehipto. At aking dadalhin kayo sa lupain [ng Canaan] na siyang sinumpaan ko na ibibigay [sa inyong mga ninuno,] kina Abraham, Isaac at Jacob; at aking ibibigay sa inyo na pinakamana. Ako ay si Jehova.” ’ ”—Exodo 6:1-8.
Gayon nga ang ginawa ni Jehova. Pinalaya niya ang mga Israelita buhat sa pagkaalipin sa mga Ehipsiyo at pinangyari niya na maokupahan nila ang lupain ng Canaan. Gaya ng ipinangako, pinangyari ng Diyos na lahat na ito ay matupad. Angkop na angkop nga! Ang kaniyang pangalan, na Jehova, ay nangangahulugan na “Kaniyang Pinangyayaring Matupad.” Sa Bibliya, si Jehova ay tinutukoy ng mga titulong “Diyos,” “Soberanong Panginoon,” “Maylikha,” “Ama,” “ang Makapangyarihan-sa-Lahat,” at “ang Kataastaasan.” Gayunman ang kaniyang pangalang Jehova ay nagpapakilala sa kaniya bilang ang tunay na Diyos na tumutupad sa sumusulong na paraan ng kaniyang dakilang mga layunin.—Isaias 42:8.
Kung babasahin natin ang Bibliya sa orihinal na mga wika nito, makikita natin nang libu-libong beses ang pangalan ng Diyos. Sa Hebreo iyon ay kinakatawan ng apat na katinig na Yod He Waw He (יהוה), tinatawag na ang Tetragrammaton, mula sa kanan pakaliwa kung basahin. Ang mga taong nagsasalita ng wikang Hebreo ang naglalagay ng tunog ng patinig, subalit hindi tiyak ng mga tao sa ngayon kung ano ang mga iyon. Samantalang ang ilan ay pabor sa baybay na Yahweh, ang anyong Jehova ay karaniwan at angkop na nagpapakilala sa ating Maylikha.
Ang paggamit ng pangalang Jehova ay nagpapakita rin ng pagkakaiba ng Diyos sa isang tinatawag na “aking Panginoon” sa Awit 110:1, na ang isang salin ay: “Ang PANGINOON [Hebreo, יהוה] ay nagsabi sa aking Panginoon, Umupo ka sa aking kanan, hanggang ang mga kaaway mo ay gawin ko na iyong tuntungan.” (King James Version) Upang ipakita na nasa tekstong Hebreo ang pangalan ng Diyos, mababasa ang ganito sa New World Translation: “Ang sabi ni Jehova sa aking Panginoon ay: ‘Maupo ka sa aking kanan hanggang sa aking gawing tuntungan mo ang iyong mga kaaway.’ ” Ang makahulang mga salitang iyan ng Diyos na Jehova ay tumutukoy kay Jesu-Kristo, na tinawag ng sumulat na “aking Panginoon.”
Pinatanyag ni Jehova ang kaniyang pangalan noong kaarawan ni Paraon. Sa pamamagitan ni Moises, sinabi ng Diyos sa matigas-ang-pusong haring iyon: “Ngayo’y ibubuhos ko na ang lahat ng aking salot sa iyong puso at sa iyong mga lingkod at sa iyong bayan, upang iyong maalaman na walang gaya ko sa buong lupa. Sapagkat ngayo’y iniunat ko na sana ang aking kamay upang salutin ka at ang iyong bayan at upang malipol ka na sa lupa. Subalit, ang totoo, dahil dito ay pinamalagi pa kitang buháy, upang maipakilala sa iyo ang aking kapangyarihan at upang ang aking pangalan ay maihayag sa buong lupa.”—Exodo 9:14-16.
Tungkol sa paglabas ng Israel mula sa Ehipto at sa pagbagsak ng ilang haring Cananeo, ang babaing si Rahab ng Jerico ay nagsabi sa dalawang tiktik na Hebreo: “Talastas ko na ibibigay ni Jehova sa inyo [na mga Israelita] ang lupain, at dinatnan kami ng pangingilabot sa inyo, at ang lahat ng nananahan sa lupain ay nauupos dahil sa inyo. Sapagkat aming nabalitaan kung papaano tinuyo ni Jehova ang tubig sa Mapulang Dagat sa harap ninyo nang kayo’y lumabas sa Ehipto, at kung ano ang inyong ginawa sa dalawang hari ng mga Amorrheo na nasa kabilang panig ng Jordan, samakatuwid baga, si Sihon at Og, na inyong lubos na pinuksa. Pagkabalita namin niyaon, nanlumo nga ang aming puso, ni walang diwa na naiwan sa kaninumang tao dahil sa inyo, sapagkat si Jehova na inyong Diyos ay siyang Diyos sa langit sa itaas at sa lupa sa ibaba.” (Josue 2:9-11) Oo, kumalat ang kabantugan ni Jehova.
Si Jehova at ang Kaniyang mga Katangian
Ipinahayag ng salmista ang ganitong taos-pusong hangarin: “Upang maalaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataastaasan sa buong lupa.” (Awit 83:18) Yamang sakop ng soberanya ni Jehova ang buong sansinukob, ang pinag-uusig na mga tagasunod ni Jesus ay makapananalangin: “Soberanong Panginoon, ikaw ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at lahat ng bagay na narito.” (Gawa 4:24) At anong laking kaaliwan na maalaman na si Jehova ang “Dumirinig ng panalangin”!—Awit 65:2.
Ang pangunahing katangian ni Jehova ay pag-ibig. Oo, “ang Diyos ay pag-ibig”—ang mismong modelo ng katangiang ito. (1 Juan 4:8) Bukod diyan, “siya ay may karunungan at kapangyarihan.” Si Jehova ay sakdal-dunong at makapangyarihan-sa-lahat, subalit hindi niya inaabuso ang kaniyang kapangyarihan. (Job 12:13; 37:23) Matitiyak din natin na si Jehova ay lagi nang makikitungo sa atin nang may katarungan, sapagkat “ang katuwiran at ang kahatulan ang tatag na dako ng kaniyang luklukan.” (Awit 97:2) Kung tayo’y nagkasala ngunit nagsisisi, maaaliw tayo sa pagkaalam na si Jehova ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan.” (Exodo 34:6) Hindi nga kataka-takang tayo’y magalak sa paglilingkod kay Jehova!—Awit 100:1-5.
Ang Walang Katulad na Makalangit na Hari
Sinabi ng Anak ni Jehova, na si Jesu-Kristo: “Ang Diyos ay isang Espiritu.” (Juan 4:24) Sa gayon, si Jehova ay hindi nakikita ng mga mata ng tao. Sa katunayan, sinabi ni Jehova kay Moises: “Hindi mo makikita ang aking mukha, sapagkat hindi maaaring makita ako ng tao at mabuhay.” (Exodo 33:20) Ang makalangit na Haring ito ay napakaningning na anupat hindi matatagalan ng mga tao ang karanasan ng pagkakita sa kaniya.
Bagaman si Jehova ay di-nakikita ng ating mga mata, napakaraming patotoo na siya’y umiiral bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Oo, “ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita magmula pa nang paglalang sa sanlibutan, sapagkat nauunawaan sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniya mang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” (Roma 1:20) Ang lupa—at mga damo nito, mga punungkahoy, bungangkahoy, gulay, at mga bulaklak—ay nagpapatotoo sa pagka-Diyos ni Jehova. Di-tulad ng walang-kabuluhang idolong mga diyos, si Jehova ay nagbibigay ng ulan at ng mabungang mga kapanahunan. (Gawa 14:16, 17) Masdan ang mga bituin sa kalangitan kung gabi. Anong laking patotoo sa pagka-Diyos ni Jehova at sa kaniyang kakayahang mag-organisa!
Inorganisa rin ni Jehova ang kaniyang banal, matalinong mga espiritung nilalang sa langit. Bilang isang may pagkakasuwatong organisasyon, kanilang ginaganap ang kalooban ng Diyos, gaya ng sinasabi ng salmista: “Purihin ninyo si Jehova, Oh ninyong mga anghel niya, ninyong makapangyarihan sa kalakasan, na gumaganap ng kaniyang salita, at nakikinig sa tinig ng kaniyang salita. Purihin ninyo si Jehova, ninyong lahat ng hukbo niya, ninyong mga ministro niya, na nagsisigawa ng kaniyang kalooban.” (Awit 103:20, 21) Inorganisa rin ni Jehova ang kaniyang bayan sa lupa. Ang bansang Israel ay mainam ang pagkaorganisa, gayundin ang sinaunang mga tagasunod ng Anak ng Diyos. Katulad din ngayon, si Jehova ay may pambuong-daigdig na organisasyon ng masigasig na mga Saksi, na naghahayag ng mabuting balita na ang kaniyang Kaharian ay malapit na.—Mateo 24:14.
Si Jehova ang Tunay at Buháy na Diyos
Ang pagka-Diyos ni Jehova ay naipakita na sa napakaraming paraan! Ginawa niyang mapahiya ang huwad na mga diyos ng Ehipto at ang mga Israelita ay dinala niyang ligtas sa Lupang Pangako. Ang sangnilalang ay may saganang patotoo ng pagka-Diyos ni Jehova. At hindi siya maihahambing sa walang-kabuluhang idolong mga diyos ng huwad na relihiyon.
Ipinakita ni propeta Jeremias ang napakalaking pagkakaiba ni Jehova, ang Diyos na buháy, at ng walang-buhay na gawang-taong mga idolo. Ang pagkakaibang iyan ay mainam ang pagkapahayag sa Jeremias kabanata 10. Bukod sa iba pang mga bagay, si Jeremias ay sumulat: “Si Jehova ay tunay na Diyos. Siya ang buháy na Diyos at walang-hanggang Hari.” (Jeremias 10:10) Ang buháy at tunay na Diyos, si Jehova, ang lumalang ng lahat ng bagay. Pinalaya niya ang mga Israelita na nanlulupaypay na sa pagkaalipin sa Ehipto. Walang bagay na hindi niya magagawa.
Si Jehova, “ang Haring walang-hanggan,” ang sasagot sa panalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung papaano sa langit, gayundin sa lupa.” (1 Timoteo 1:17; Mateo 6:9, 10) Ang makalangit na Mesiyanikong Kaharian, na nasa kamay na ni Jesu-Kristo, ay hindi na magtatagal at kikilos laban sa balakyot at pupuksain ang lahat ng kaaway ni Jehova. (Daniel 7:13, 14) Ang Kahariang iyon ay maghahatid din ng isang bagong sanlibutan ng walang-hanggang mga pagpapala para sa masunuring sangkatauhan.—2 Pedro 3:13.
May higit pang dapat na malaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. Bakit hindi ka maging desidido na kumuha ng gayong kaalaman at kumilos na kasuwato niyan? Kung gagawin mo ito, ikaw ay magkakapribilehiyo na tamasahin ang buhay na walang-hanggan sa isang makalupang paraiso sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. Mabubuhay ka pagka ang kalumbayan, sakit, at maging ang kamatayan ay naparam na at ang lupa ay mapupuno ng kaalaman kay Jehova. (Isaias 11:9; Apocalipsis 21:1-4) Iyan ang maaaring maging kinabukasan mo kung ikaw ay naghahanap, nakasusumpong, at kumikilos na kasuwato ng salig-sa-Bibliyang mga sagot sa tanong na, “Sino si Jehova?”
[Picture Credit Line sa pahina 7]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.