Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa
Si Juan ba na nagbautismo kay Jesus ay dapat na tawaging “si Juan Bautista” o “si Juan na Tagapagbautismo”?
Ang kapuwa katawagang iyan ay tama at sinusuportahan ng Bibliya.
Si Juan ay “kailangang magsaayos para kay Jehova ng isang handang bayan,” na kaniya ngang ginawa sa pamamagitan ng “pangangaral ng bautismo bilang sagisag ng pagsisisi ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.” (Lucas 1:17; 3:3) Si apostol Mateo ay sumulat: “Si Juan Bautista ay naparito na nangangaral sa iláng ng Judea na nagsasabi: ‘Mangagsisi kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.’ . . . Nang magkagayo’y nilabas siya ng Jerusalem at ng buong Judea, . . . at ang mga tao ay binautismuhan niya sa Ilog Jordan, anupat hayagang ipinagtatapat ang kanilang mga kasalanan.”—Mateo 3:1-6.
Pansinin na siya’y ipinakikilala ni Mateo bilang si Juan “Bautista.” Si Mateo, na marahil iniaangkop ang ulat na ito sa mga Judio, ay tiyak na may paniwalang kilala ng mga Judio kung sino ang “Bautista.” Ginamit niya ang “Bautista” bilang isang klase ng apelyido. Ginamit ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang pananalitang “si Juan Bautista,” gaya rin ng pagkagamit ng mga utusan ni Herodes.a—Mateo 11:11, 12; 14:2; 16:14.
Ang alagad na si Marcos ay nag-uulat ng isang nahahawig na pagkagamit sa “Bautista.” (Marcos 6:25; 8:28) Subalit sa pagpapakilala kay Juan, siya’y tinawag ni Marcos na “si Juan na tagapagbautismo.” (Marcos 1:4) Ang Griegong ginamit sa Marcos 1:4 ay may bahagyang pagkakaiba sa ibang mga talata. Ang Marcos 1:4 ay maaari ring isalin na “ang isang nagbabautismo.” Itinampok ni Marcos ang ginagawa ni Juan; siya ang isang gumawa ng pagbabautismo, ang tagapagbautismo.
Gayunman, hindi lumilitaw na kailangan nating makilala ang mga pagkakaiba sa mga paraang ito ng pagtukoy kay Juan. Sa Marcos 6:24, 25, mababasa natin ang tungkol kay Salome: “Siya’y lumabas at sinabi sa kaniyang ina: ‘Ano ba ang dapat kong hingin?’ Sinabi niya: ‘Ang ulo ni Juan na tagapagbautismo.’ Kaagad-agad na siya’y naparoon sa hari at humiling, na nagsasabi: ‘Ibig ko na ngayon din ay ibigay mo sa akin na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.’ ” Ang dalawang katawagan ay ginamit nang pinagpapalit-palit.
May ilang mga tao na baka ang unawa sa “Bautista” ay ayon sa ikalawang katuturan sa isang diksiyunaryo: “Isang miyembro o tagapagtaguyod ng isang denominasyong ebangheliko na Protestante na may pangkongregasyong organisasyon at bautismo sa pamamagitan ng paglulubog ng mga mananampalataya lamang.” Tiyak na si Juan ay hindi gayon.
Kaya nga, ang “Juan Bautista” at “Juan na Tagapagbautismo” ay parehong tama at angkop.
[Talababa]
a Ang Judiong historyador na si Flavius Josephus ay sumulat tungkol kay “Juan, na may apelyidong Bautista.”