Kung Papaano Patitibayin ang Buklod ng Pag-aasawa
“MATUWID ba para sa isang lalaki na hiwalayan ang kaniyang asawa sa anumang kadahilanan?” ang tanong ng mga Pariseo na nagsisikap siluin ang Dakilang Guro, si Jesu-Kristo. Kaniyang sinagot sila sa pamamagitan ng pagbanggit sa unang pag-aasawa ng tao at nagbigay ng isang pamantayan sa bagay na iyan: “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
Ikinatuwiran ng mga Pariseo na naglaan si Moises para sa diborsiyo sa pamamagitan ng pagsulat ng “isang katibayan sa paghihiwalay.” Sinagot sila ni Jesus: “Dahil sa katigasan ng inyong puso, ay ipinaubaya sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyu-inyong asawa, datapuwat hindi gayon buhat sa pasimula. Sinasabi ko sa inyo na sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban nang dahil sa pakikiapid, at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya.”—Mateo 19:3-9.
Noong pasimula, ang pag-aasawa ay itinakdang maging permanenteng buklod. Kahit man ang kamatayan ay hindi makapaghihiwalay sa mag-asawa, sapagkat sila’y nilalang bilang sakdal na mga tao na may pag-asang mabuhay nang walang-hanggan. Subalit, sila’y nagkasala. Ang kanilang kasalanan ang sumira ng pag-aasawa ng tao. Ang kaaway na kamatayan ang nagsimulang maghiwalay sa mga mag-asawa. Minamalas ng Diyos ang kamatayan bilang ang katapusan ng pagsasama ng mag-asawa, gaya ng mababasa natin sa Bibliya: “Nakatali ang babae sa kaniyang asawa habang nabubuhay ito. Ngunit kung mahimbing sa kamatayan ang kaniyang asawang lalaki, malaya siyang mag-asawa sa kaninumang nais niya, sa nasa Panginoon lamang.” (1 Corinto 7:39) Ito’y ibang-iba sa relihiyosong mga idea gaya ng suttee, na dito ang isang asawang babae ay hinihikayat o pinipilit na sunugin ang kaniyang sarili sa panahon ng kamatayan ng kaniyang asawa sa paniniwala na ang buklod ng pag-aasawa ay nagpapatuloy sa kabilang buhay.
Paglalaan ng Batas Mosaico
Nang panahon na ibigay ang Batas Mosaico, ang relasyon ng mag-asawa ay lubhang humina na hanggang sa punto na si Jehova, dahil sa katigasan ng puso ng mga Israelita, ay gumawa ng paglalaan ukol sa diborsiyo. (Deuteronomio 24:1) Hindi layunin ng Diyos na ang batas na ito ay gamitin ng mga Israelita upang humiwalay sa kani-kanilang asawa nang dahil sa maliliit na pagkakamali, gaya ng pinatutunayan ng kaniyang utos na iibigin nila ang kanilang kapuwa gaya ng kanilang sarili. (Levitico 19:18) Kahit ang pagbibigay ng isang katibayan ng diborsiyo ay nagsilbing isang panghadlang sapagkat, bilang bahagi ng kaayusan ng pagsulat ng katibayan, ang asawang lalaki na nagnanais ng diborsiyo ay kailangang sumangguni sa awtorisadong mga lalaki, na magsisikap na pagkasunduin ang mga kasangkot. Hindi, hindi ibinigay ng Diyos ang batas na ito upang itatag ang anumang karapatan na hiwalayan ng isa ang kaniyang asawa “sa anumang kadahilanan.”—Mateo 19:3.
Gayunman, sa kalaunan ay hindi sinunod ng mga Israelita ang layunin at tunay na kahulugan ng batas at ginamit ang sugnay na ito upang makipagdiborsiyo sa anumang maisip nilang kadahilanan. Nang sumapit na ang ikalimang siglo B.C.E., sila’y nagtataksil na sa naging asawa nila sa panahon ng kanilang kabataan, anupat hinihiwalayan sila sa lahat ng uri ng kadahilanan. Buong katatagang sinabi sa kanila ni Jehova na kinapopootan niya ang paghihiwalay. (Malakias 2:14-16) Ganito ang pangyayari nang hatulan ni Jesus ang diborsiyo nang ito’y sinusunod ng mga Israelita noong kaniyang kaarawan.
Ang Tanging Legal na Batayan ng Diborsiyo
Subalit, binanggit ni Jesus ang isang legal na batayan ng diborsiyo: pakikiapid. (Mateo 5:31, 32; 19:8, 9) Kasali sa salitang isinaling “pakikiapid” ang lahat ng uri ng bawal na pagtatalik ng mga hindi mag-asawa ayon sa Kasulatan, maging iyon man ay sa isang kasekso o sa isang di-kasekso o sa isang hayop.
Magkagayon man, hindi inirerekomenda ni Jesus ang paghiwalay sa di-tapat na kapareha. Ang pinagtaksilang kabiyak ang magpapasiya kung nais niyang makipagdiborsiyo pagkatapos na pagtimbang-timbangin ang magiging resulta. Ang mga asawang babae na nag-iisip na makipagdiborsiyo salig sa maka-Kasulatang batayang ito ay marahil magnanais din na isaalang-alang ang sinabi ng Diyos nang kaniyang hatulan ang unang babae sa kaniyang kasalanan. Bukod sa sentensiyang kamatayan, tiyakang sinabi ng Diyos kay Eva: “Labis na pagmimithian mo ang iyong asawa, at ikaw ay magiging dominado niya.” (Genesis 3:16) Sa Commentary on the Old Testament, nina C. F. Keil at F. Delitzsch, tinutukoy ang ‘pagmimithing’ ito bilang “isang pagnanasang halos nakakatulad ng isang sakit.” Totoo, ang pagmimithing ito ay hindi ganiyang katindi sa bawat asawang babae, subalit pagka ang pinagtaksilang asawang babae ay nag-iisip ng diborsiyo, isang katalinuhan para sa kaniya na isaalang-alang ang emosyonal na mga pangangailangan na minana ng mga babae kay Eva. Gayunman, yamang ang pakikipagtalik sa iba ng isang nagtaksil na kabiyak ay maaaring humantong sa kalagayan na ang pinagtaksilang kabiyak ay mahawahan ng mga sakit na naisasalin sa pamamagitan ng pagtatalik, kasali na ang AIDS, minabuti ng ilan na makipagdiborsiyo ayon sa paliwanag ni Jesus.
Ang Pinagmulan ng Gulo sa Pamilya
Ang katigasan ng puso ng mga tao ay nagsimula sa kasalanan laban sa Diyos ng unang mag-asawa. (Roma 5:12) Ang gulo sa pamilya ay nagsimula nang ang unang mag-asawa ay magkasala laban sa kanilang makalangit na Ama. Sa papaano ito nagkagayon? Nang ang unang babae, si Eva, ay tuksuhin ng isang ahas upang kumain ng bunga ng ibinawal na punungkahoy, nagpatuloy siya at kinain ang bunga. Pagkatapos na magawa niya ang mahalagang desisyong iyon ay saka lamang niya kinausap ang kaniyang asawa tungkol sa sinabi sa kaniya ng ahas. (Genesis 3:6) Oo, siya’y kumilos nang hindi sumasangguni sa kaniyang asawa. Narito ang karaniwang halimbawa ng mga suliranin na napapaharap sa maraming pamilya sa ngayon—ang kawalan ng puso-sa-pusong komunikasyon.
Pagkatapos, nang mapaharap sa mga resulta ng kanilang pagkakasala, kapuwa sina Adan at Eva ay gumamit ng pamamaraan na ginagamit din ng maraming mag-asawa sa ngayon pagka sila’y napasubo sa gulo, samakatuwid nga, ang sisihin ang iba. Isinisi ng unang tao, si Adan, ang kaniyang ginawa kapuwa sa kaniyang asawa at kay Jehova, na nagsabi: “Ang babae na ibinigay mo upang aking makasama, siya ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at aking kinain.” Sinabi naman ng babae: “Ang ahas—ito ang luminlang sa akin at ako’y kumain.”—Genesis 3:12, 13.
Ang hatol ni Jehova kina Adan at Eva ay humula ng isa pang salik sa mga gulo na babangon. Tungkol sa kaugnayan niya sa kaniyang asawa, sinabi ni Jehova kay Eva: “Ikaw ay magiging dominado niya.” Tulad ni Isao na binanggit sa ating unang artikulo, maraming lalaki sa ngayon ang dominante sa kani-kanilang asawa sa malupit na paraan na hindi isinasaalang-alang ang damdamin ng kani-kanilang asawa. Bagaman ganito, maraming asawang babae ang patuloy na nagmimithi ng atensiyon buhat sa kani-kanilang asawang lalaki. Pagka hindi nabigyang-kasiyahan ang pagmimithing iyan, marahil ay sapilitang hihilingin ng asawang babae ang atensiyong iyon at sila’y kikilos nang may kaimbutan. Yamang maraming asawang lalaki ang dominante at marami namang asawang babae ang nagmimithi ng kanilang atensiyon, nananaig ang pag-iimbot, at nawawala ang kapayapaan. Sa isang report na pinamagatang “Kung Papaano Susuriin ang mga Diborsiyo sa Ngayon,” si Shunsuke Serizawa ay nagsabi: “Kung ating ipagwawalang-bahala ang pinakasentro ng isyung ‘masunod ang gusto ng isa,’ samakatuwid nga, ay na unahin ang sariling kapakanan ng isa, biglang magiging imposible na suriin ang mga diborsiyo sa ngayon.”
Gayunman, si Jehova ay naglaan ng patnubay sa kaniyang Salita upang ang masunuring mga mag-asawa ay makapagtamasa ng isang antas ng kaligayahan sa pag-aasawa kahit na sila ay mga di-sakdal. Sinunod ni Isao ang patnubay ng Diyos at siya ngayon ay nagtatamasa ng isang maligayang buhay pampamilya. Tingnan natin kung papaano tinutulungan ng mga simulain ng Bibliya ang mga tao upang patibayin ang buklod ng pag-aasawa.
Pag-usapan Ninyo ang mga Bagay-bagay
Sa maraming pag-aasawa, dahilan sa kakulangan ng komunikasyon, sa hilig na sisihin ang iba, at mapag-imbot na mga saloobin, mahirap para sa mag-asawa na maunawaan ang damdamin ng isa’t isa. “Lubhang kailangan sa pagkakaunawaan ng damdamin, ang matalik na ugnayan ay humihiling ng lubusang pagtitiwala. At sa ngayon ang pagtitiwala ay kapos na kapos,” ang sabi ng mananaliksik na si Caryl S. Avery. Ang natipong pinag-isang pinakaloob na damdamin ang nagpapatibay ng gayong pagtitiwala. Ito’y nangangailangan ng puso-sa-pusong komunikasyon sa pagitan ng mag-asawa.
Ang Mga Kawikaan ay gumagamit ng isang talinghaga upang pasiglahin ang pagtatapatan ng kanilang niloloob, na nagsasabi: “Ang payo sa puso ng isang tao ay parang malalim na tubig, ngunit ang taong may pang-unawa ang iigib niyaon.” (Kawikaan 20:5) Ang mga mag-asawa ay kailangang marunong umunawa at palabasin ang mga kaisipan na nasa kalalim-laliman ng puso ng kani-kanilang asawa. Gunigunihin na nagagalit ang iyong kabiyak. Sa halip na tumugon na: “Ako’y pagod din sa maghapon,” bakit hindi may kabaitang tanungin: “Ikaw ba ay napagod din? Ano ang nangyari?” Mangangailangan ng panahon at pagsisikap upang makinig sa iyong kabiyak, ngunit karaniwan nang iyon ay mas nakalulugod, kasiya-siya at nakatitipid ng panahon na gugulin iyon sa ganoong paraan kaysa ipagwalang-bahala ang inyong kabiyak at mapaharap sa nagbabagang damdamin na sisiklab pagtatagal.
Upang kamtin ang pagtitiwala, bawat isa ay kailangang maging mapagtapat at sikaping magpahayag ng damdamin sa paraan na mauunawaan ng iyong asawa. “Magsalita [ang bawat isa sa inyo] ng katotohanan,” ang payo ng Salita ng Diyos, “sapagkat tayo’y mga sangkap na nauukol sa isa’t isa.” (Efeso 4:25) Ang pagsasalita ng katotohanan ay nangangailangan ng pang-unawa. Ipagpalagay na ang isang asawang babae ay nag-aakala na hindi siya pinakikinggan. Bago siya magsalita, dapat muna niyang isaalang-alang ang kawikaan: “Siyang nagtitipid ng kaniyang mga salita ay may kaalaman, at ang taong may unawa ay may malamig na kalooban.” (Kawikaan 17:27) Sa halip na akusahan ang kaniyang asawang lalaki, “Kailanman ay hindi ka nakikinig sa akin!” makapupong mabuti na ipahayag ang kaniyang damdamin bago siya tuluyang makadama ng kabiguan at pagkasira ng loob. Marahil siya’y makapagsisiwalat ng kaniyang damdamin sa pamamagitan ng pagsasabi ng ganito, “Alam ko na marami kang gawain, ngunit ang pagkakaroon ng kaunti pang panahon na kasama ka ay lubhang magpapaligaya sa akin.”
Totoo naman, “nabibigo ang mga plano kung saan walang pag-uusap na may pagtitiwala.” (Kawikaan 15:22) Iniibig ka ng iyong kabiyak, ngunit hindi iyan nangangahulugan na alam niya kung ano ang iyong iniisip. Ipaalam mo sa iyong kabiyak kung ano ang iyong damdamin sa mataktikang paraan. Ito’y tutulong sa inyo, bilang mag-asawang Kristiyano, na gumawa ng mapagmahal na mga pagbabago upang “ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa tagapagkaisang buklod ng kapayapaan.”—Efeso 4:2, 3.
Nariyan si Kazuo, halimbawa, na isang lalaking dominado ng kaniyang asawa at pusakal na sugarol. Siya’y napabaon sa utang na kung ilang daang libong dolyar. Nang siya’y manghiram ng salapi upang mabayaran ang kaniyang mga pagkakautang, lalo siyang napabaon sa utang. Nang magkagayo’y sinimulan niyang mag-aral ng Bibliya at sa wakas ay nagkalakas-loob na sabihin sa kaniyang asawa ang tungkol sa kaniyang mga suliranin. Siya’y handang harapin ang mga paratang ng kaniyang asawa. Subalit, nagtaka siya nang ang kaniyang asawa, na mas matagal nang nag-aaral ng Bibliya kaysa kaniya, ay mahinahong sumagot: “Tingnan natin kung papaano natin mababayaran ang ating mga pagkakautang.”
Sila’y nagsimula kinabukasan, dinalaw nila ang mga pinagkakautangan nila at sinimulang bayaran ang kanilang mga pagkakautang, at ipinagbili pa ang kanilang bahay. Halos isang taon bago nila nabayaran ang mga pagkakautang. Ano ang bumago kay Kimie, na kaniyang maybahay? Ganito ang sabi niya: “Ang mga salitang nasa Filipos kabanata 4, talatang 6 at 7, ay totoong-totoo. ‘Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong puso at sa inyong kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.’ ” Kaniyang isinusog: “Isang kaibigan ko, na nagtaka nang makitang ako’y masaya sa kabila ng mga kahirapan, ang nagsimulang makipag-aral sa akin ng Bibliya.” Si Kazuo at ang kaniyang maybahay ay nabautismuhan na at ngayon ay nagtatamasa ng isang maligayang buhay pampamilya.
Bukod sa pagtitiwala sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagsasabi ng katotohanan, ang mga mag-asawa na may nabanggit na mga karanasan ay gumawa ng isang bagay na tumutulong sa mga mag-asawa na lutasin ang kanilang mga suliranin. Sila’y nakipagtalastasan sa Maygawa ng kaayusan ng pag-aasawa, ang Diyos na Jehova. Sa kabila ng mga kagipitan at mga suliranin na nakaharap sa mga mag-asawa, kaniyang pagpapalain sila ng kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan kung gagawin nila ang pinakamagaling na magagawa nila upang ikapit ang kaniyang mga simulain at sa kaniya ipaubaya ang iba. Ang pananalanging magkasama ay higit na nakatutulong. Ang asawang lalaki ang dapat manguna at ‘magbuhos ng laman ng kaniyang puso’ sa harap ng Diyos, na hinahangad ang kaniyang pag-akay at patnubay sa anumang suliranin na nakaharap sa kanilang mag-asawa. (Awit 62:8) Tiyak na diringgin ng Diyos na Jehova ang gayong mga panalangin.
Oo, maaaring patibayin ang buklod ng pag-aasawa. Kahit na ngayon, samantalang namumuhay na taglay ang lahat ng ating di-kasakdalan sa isang maligalig na lipunan, ang mga mag-asawa ay makasusumpong ng malaking kagalakan sa kanilang pagsasama. Masusumpungan mo ang karagdagang praktikal na mga mungkahi at maka-Diyos na payo sa aklat na Pinaliligaya ang Iyong Buhay Pampamilya, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. Bukod dito, ang mga mag-asawa na taimtim na nagsisikap ikapit ang mga simulain ng Bibliya ay may pag-asang mabuklod nang sama-sama sa pag-ibig sa malapit-nang-dumating na bagong sanlibutan na likha ng Diyos.