Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako
Gilead—Rehiyon Para sa mga Taong May Tibay ng Loob
BAGO pa man tumawid ang Israel sa Ilog Jordan patungo sa Lupang Pangako, sila’y pinayuhan ni Moises: “Kayo’y magpakatibay-loob at magpakalakas. . . . Si Jehovang inyong Diyos ang kaalinsabay ninyo sa paglalakad.”—Deuteronomio 31:6.
Ang mga tribo nina Ruben at Gad at kalahati ng tribo ni Manases ay kasali sa payo ni Moises. Kanilang nakita ‘na ang lupain ng Gilead ay isang dako para sa mga hayupan,’ kaya hiniling nila na sila’y atasan na manirahan sa rehiyon ng Gilead.—Bilang 32:1-40.
Ang Gilead ay nasa kabilang panig, ang silangang panig, ng Jordan. Iyon talaga ang buong silangang panig, mula sa hilagang dulo ng Dagat na Patay hanggang sa Dagat ng Galilea. Ang rehiyon na ito ay sumasaklaw ng mula sa Libis ng Jordan hanggang sa natutubigang mga talampas at pabilog na mga burol. Kaya ang Gilead ay isang mainam na rehiyon para tamnan ng mga binutil at para pastulan ng mga hayop. Ang larawan sa itaas ay nagbibigay sa iyo ng idea ng kung ano ang katulad ng bahaging iyan ng Gilead. Subalit bakit iuugnay ang tibay ng loob sa gayong kaaya-ayang lugar?
Ang mga tribong pumili na mamuhay sa Gilead ay maliwanag na hindi nagpasiya nang gayon nang dahil sa takot. Alalahanin na sila’y pumayag na tumawid sa Jordan upang makipagbaka sa mga kaaway sa Lupang Pangako. At sa pagbabalik nila sa Gilead, sila’y nangangailangan ng higit pang tibay ng loob. Bakit? Buweno, sila’y naroroon sa hangganan, nakalantad sa mga pag-atake ng mga Amonita sa timog-silangan at sa mga taga-Siria sa hilaga. At sila nga’y inatake.—Josue 22:9; Hukom 10:7, 8; 1 Samuel 11:1; 2 Hari 8:28; 9:14; 10:32, 33.
Ang mga pag-atakeng iyon ay tiyak na mga okasyon na nangangailangan ng tibay ng loob. Halimbawa, pagkatapos na payagan ni Jehova ang pang-aapi ng mga Amonita sa Gilead, ang bayan ng Diyos ay nagsisi at sumunod sa pangunguna ng “isang makapangyarihan, matapang na lalaki,” na ang ama ay may pangalan din na Gilead. Ang matapang, o may tibay-loob na lalaking ito ay si Jepte. Siya’y kilalang-kilala dahil sa isang panunumpa na nagpakita na, bagaman siya’y may tibay ng loob, ang Diyos ang hiningan niya ng patnubay at alalay. Nagpanata si Jepte na kung sakaling pangyarihin ng Diyos na masupil niya ang mapang-aping mga Amonita, ang unang lalabas mula sa kaniyang bahay upang sumalubong sa kaniya ay ‘ihahandog bilang handog na susunugin,’ o isasakripisyo, sa Diyos.a Nangyari na ito ay ang kaisa-isang anak ni Jepte, ang kaniyang anak na babae, na pagkatapos ay naglingkod sa santuwaryo ng Diyos. Oo, si Jepte at, sa naiibang paraan, ang kaniyang anak na babae, ay nagpakita ng tibay ng loob.—Hukom 11:1, 4-40.
Ang pagpapakita ng tibay ng loob na marahil hindi gaanong kilala ay naganap noong panahon ni Saul. Upang mailarawan ang tagpo, alalahanin na nang maging hari si Saul, nagbanta ang mga Amonita na dudukitin ang kanang mata ng mga lalaking taga-Jabesh-gilead, isang bayan na maaaring naroroon sa isang libis na dumaraan sa mga burol hanggang sa Jordan. Agad kumalap si Saul ng isang hukbo upang palakasin ang Jabesh. (1 Samuel 11:1-11) Samantalang isinasaisip ang ganiyang kapaligiran, tumungo tayo sa katapusan ng paghahari ni Saul at tingnan kung papaano naipakita ang tibay ng loob.
Marahil ay matatandaan mo na si Saul at tatlo sa kaniyang mga anak na lalaki ay namatay samantalang nakikipagbaka sa mga Filisteo. Pinugutan ng ulo si Saul ng mga kaaway na iyon at matagumpay na ibinitin ang mga bangkay ni Saul at ng kaniyang mga anak sa pader ng Beth-shan. (1 Samuel 31:1-10; sa kanan, makikita mo ang hinukay na burol ng Beth-shan.) Nakarating ang balitang ito sa Jabesh, sa mga burol ng Gilead sa kabilang ibayo ng Jordan. Ano ang magagawa ng mga taga-Gilead sa harap ng isang kaaway na malakas anupat magagapi ang hari ng Israel?
Sundan mo sa mapa. “Karaka-raka, lahat ng matatapang na lalaki ay nagbangon at naparoon nang buong magdamag at kinuha ang bangkay ni Saul at ang mga bangkay ng kaniyang mga anak buhat sa pader ng Beth-shan at dumating sa Jabesh at sinunog doon ang mga ito.” (1 Samuel 31:12) Oo, sila’y nagsagawa ng isang panggabing pananalakay sa moog ng kaaway. Mauunawaan mo kung bakit sa Bibliya sila’y tinatawag na magigiting, o matatapang.
Dumating ang panahon, sampung tribo ang humiwalay upang bumuo ng hilagang kaharian ng Israel, at kasali na rito ang Gilead. Ang nakapalibot na mga bansa, una’y ang mga taga-Siria at pagkatapos ang mga Asirio, ay nagsimulang sumakop sa mga bahagi ng teritoryong iyon sa silangang panig ng Jordan. Kaya sa kabila ng nakalipas na halimbawa ng katapangan, pinagbayaran ng mga taga-Gilead ang kanilang pagiging nasa hangganan.—1 Hari 22:1-3; 2 Hari 15:29
[Talababa].
a Ang maingat na pagsusuri sa ulat ay nagpapabulaan sa paratang na ang kaniyang anak ay inihandog ni Jepte bilang isang hain. Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 27-8, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mapa sa pahina 8]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
DAGAT NG GALILEA
PATAY NA DAGAT
Ilog Jordan
Beth-shan
Ramoth-gilead
Jabesh
GILEAD
[Credit Line]
Base sa isang mapa na ikinuha ng karapatang ilathala ng Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. at ng Survey of Israel.
[Picture Credit Line sa pahina 8]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 9]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.