Ang Espirituwal na mga Bagay ang Inuuna ng Pamilyang Kristiyano
“Kayong lahat ay magkaisang-isip, na nakikiramay sa kapuwa, nag-iibigang tulad sa magkakapatid, malumanay sa kaawaan, mapagpakumbabang-isip.”—1 PEDRO 3:8.
1. Anong pagkakataong makapili ang taglay nating lahat, at papaano makakaapekto sa ating hinaharap ang ating napili?
ANGKOP na angkop na kumakapit ang nabanggit na teksto sa pinakamatandang institusyon ng sangkatauhan—ang pamilya! At anong pagkahala-halaga na ang mga magulang ay magpakita ng pangunguna sa mga bagay na ito! Ang kanilang positibo at ang kanilang negatibong mga katangian ay karaniwan nang makikita sa mga anak. Gayunman, ang pagkakataong makapili ay taglay ng bawat miyembro ng isang pamilya. Bilang mga Kristiyano, tayo’y makapipili na maging mga taong espirituwal o mga taong makalaman. Tayo’y makapipili na makalugod sa Diyos o hindi makalugod sa kaniya. Ang pagpiling iyan ay maaaring magbunga ng isang pagpapala, buhay na walang-hanggan at kapayapaan—o ng isang sumpa, walang-hanggang kamatayan.—Genesis 4:1, 2; Roma 8:5-8; Galacia 5:19-23.
2. (a) Papaano ipinakita ni Pedro ang kaniyang pagkabahala ukol sa pamilya? (b) Ano ba ang espirituwalidad? (Tingnan ang talababa.)
2 Ang mga salita ng apostol sa 1 Pedro kabanata 3, talatang 8, ay sumunod karaka-raka pagkatapos ng ilang maiinam na payo niya sa mga mag-asawa. Tunay na interesado si Pedro sa kapakanan ng mga pamilyang Kristiyano. Batid niya na ang matibay na espirituwalidad ang susi sa isang nagkakaisa, nagmamahalang sambahayan. Sa gayon, kaniyang ipinahiwatig sa 1Ped 3 talatang 7 na kung ang kaniyang payo sa mga asawang lalaki ay ipinagwalang-bahala, ang resulta ay isang espirituwal na balakid sa pagitan ng asawang lalaki at ni Jehova.a Ang mga panalangin ng asawang lalaki ay maaaring mahadlangan kung pinabayaan niya ang mga pangangailangan ng kaniyang kabiyak o pinakitunguhan siya nang may kalupitan.
Si Kristo—Isang Sakdal na Halimbawa ng Espirituwalidad
3. Papaano itinampok ni Pablo ang halimbawa ni Kristo para sa mga asawang lalaki?
3 Ang espirituwalidad ng isang pamilya ay depende sa mabuting halimbawa. Pagka ang asawang lalaki ay nagkakapit ng mga simulaing Kristiyano, siya ang nangunguna sa pagpapakita ng espirituwal na mga katangian. Kung walang asawang sumasampalataya, ang ina ang karaniwan nang nagsisikap na balikatin ang pananagutang iyan. Sa anumang kaso, si Jesu-Kristo ang sakdal na halimbawa na dapat sundin. Ang kaniyang asal, ang kaniyang mga salita, at ang kaniyang kaisipan ay palaging nagpapatibay at nakagiginhawa. Paulit-ulit, itinatawag-pansin ni apostol Pablo sa mambabasa ang maibiging pamarisan na si Kristo. Halimbawa, kaniyang sinasabi: “Ang lalaki ay ulo ng kaniyang asawa gaya ng Kristo na siya ring ulo ng kongregasyon, yamang siya ang tagapagligtas ng katawang ito. Mga lalaki, patuloy na ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, kung paano inibig din ni Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili alang-alang doon.”—Efeso 5:23, 25, 29; Mateo 11:28-30; Colosas 3:19.
4. Anong halimbawa ng espirituwalidad ang ipinakita ni Jesus?
4 Si Jesus ang pangunahing halimbawa ng espirituwalidad at pagkaulo na ipinakita nang may pag-ibig, kabaitan, at pagkahabag. Siya ay mapagsakripisyo-sa-sarili, hindi mapagpalayaw-sa-sarili. Sa tuwina’y niluwalhati niya ang kaniyang Ama at iginalang ang kaniyang pagkaulo. Sinunod niya ang patnubay ng Ama, kung kaya nasabi niya: “Hindi ako makagagawa ng anuman kung sa ganang aking sarili; humahatol ako ayon sa aking narinig; at ang paghatol ko’y matuwid, sapagkat pinaghahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” “Wala akong ginagawa sa ganang sarili ko; kundi sinasalita ko ang mga bagay na ito ayon sa itinuro sa akin ng Ama.”—Juan 5:30; 8:28; 1 Corinto 11:3.
5. Sa paglalaan para sa kaniyang mga tagasunod, anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus para sa mga asawang lalaki?
5 Ano ba ang kahulugan nito para sa mga asawang lalaki? Nangangahulugan ito na ang halimbawang kailangang sundin nila sa lahat ng bagay ay si Kristo, na lagi nang nagpapasakop sa kaniyang Ama. Halimbawa, kung papaano pinaglaanan ng pagkain ni Jehova ang lahat ng uri ng buhay sa lupa, si Jesus naman ay naglaan ng pagkain para sa kaniyang mga tagasunod. Hindi siya nagpabaya sa kanilang pangunahing materyal na mga pangangailangan. Ang kaniyang mga himala na pagpapakain sa 5,000 lalaki at sa 4,000 ay patotoo ng kaniyang pagmamalasakit at ng kaniyang pagkadama ng pananagutan. (Marcos 6:35-44; 8:1-9) Gayundin sa ngayon, ang responsableng mga ulo ng pamilya ay nag-aasikaso sa pisikal na mga pangangailangan ng kanilang sambahayan. Subalit ang kanila bang pananagutan ay natatapos diyan?—1 Timoteo 5:8.
6. (a) Anong mahalagang mga pangangailangan ng pamilya ang kailangang pangalagaan? (b) Papaano makapagpapakita ng kaunawaan ang mga asawang lalaki at mga ama?
6 Ang mga pamilya ay mayroon ding iba, higit na mahalagang mga pangangailangan, gaya ng tinukoy ni Jesus. Sila’y may espirituwal at emosyonal na mga pangangailangan. (Deuteronomio 8:3; Mateo 4:4) Tayo’y gumagawang kasama ng iba, kapuwa sa pamilya at sa kongregasyon. Nangangailangan tayo ng mabuting gabay upang akayin tayo na maging nakapagpapatibay. Sa bagay na ito may pangunahing papel na kailangang gampanan ang mga asawang lalaki at mga ama—lalo na kung sila ay matatanda o ministeryal na mga lingkod. Ang nagsosolong mga magulang ay nangangailangan ng ganoon ding mga katangian pagka tumutulong sa kanilang mga anak. Kailangang maunawaan ng mga magulang hindi lamang ang sinasabi ng mga miyembro ng pamilya kundi pati na rin ang hindi nasabi. Iyan ay nangangailangan ng pang-unawa, panahon, at pagtitiyaga. Ito ang isang dahilan kung bakit nasabi ni Pedro na ang mga asawang lalaki ay dapat na maging makonsiderasyon at makipamahay sa kani-kanilang asawa ayon sa kaalaman.—1 Timoteo 3:4, 5, 12; 1 Pedro 3:7.
Mga Panganib na Dapat Iwasan
7, 8. (a) Ano ang kailangan upang maiwasan ng isang pamilya ang paglubog ng kanilang espirituwalidad? (b) Ano ang kailangan bukod sa isang mabuting pasimula sa landasing Kristiyano? (Mateo 24:13)
7 Bakit nga napakahalaga na bigyang-pansin ang espirituwalidad ng pamilya? Upang ilarawan, maitatanong natin, Bakit mahalaga na ang piloto ng isang barko ay palaging magbigay-pansin sa kaniyang mga tsart pagka naroon na ang barko sa mapanganib na katubigan na may mga balakid na buhanginan? Noong Agosto 1992 ang barko sa pagliliwaliw na Queen Elizabeth 2 (QE2) ay pinaraan sa isang lugar na may balakid na mga buhangin at batuhan na kung saan sinasabing karaniwan nang dumaranas ng pagkakamali sa nabigasyon. Isang lokal na residente ang nagkomento: “Kaydaming nawalan ng trabaho dahilan sa lugar na iyan.” Ang QE2 ay sumalpok sa isang nakaungos na bato sa ilalim ng tubig. Ito’y naging isang magastos na pagkakamali. Ang ikatlong bahagi ng katawan ng barko ay napinsala, at kinailangang ihinto ang serbisyo ng barko sa loob ng ilang linggo para makumpuni.
8 Gayundin, kung hindi maingat na susuriin ng “piloto” ng pamilya ang tsart, na Salita ng Diyos, ang kaniyang pamilya ay madaling magdaranas ng espirituwal na pinsala. Para sa isang matanda o isang ministeryal na lingkod, baka ang resulta ay ang pagkawala ng mga pribilehiyo sa loob ng kongregasyon at marahil ang malubhang pinsala sa iba pang miyembro ng pamilya. Kung gayon, bawat Kristiyano ay dapat pakaingat na huwag madaig ng espirituwal na pagkakampante, na nagtitiwala lamang sa dating mabubuting kaugalian sa pag-aaral at sigasig. Sa ating landasing Kristiyano, hindi sapat na magkaroon ka lamang ng mabuting pasimula; ang paglalakbay ay kailangang matapos nang matagumpay.—1 Corinto 9:24-27; 1 Timoteo 1:19.
9. (a) Gaano kahalaga ang personal na pag-aaral? (b) Anong kaugnay na mga tanong ang maitatanong natin sa ating sarili?
9 Upang maiwasan ang espirituwal na mga balakid, batuhan, at bunton ng buhangin, kailangang panatilihin nating nakaalinsabay sa panahon ang ating “mga tsart” sa pamamagitan ng isang regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos. Tayo’y hindi makaaasa lamang sa saligang pag-aaral na umakay sa atin sa katotohanan. Ang ating espirituwal na lakas ay depende sa isang regular at balanseng programa sa pag-aaral at paglilingkod. Halimbawa, samantalang tayo’y dumadalo sa Pag-aaral sa Bantayan ng kongregasyon sa mismong labas na ito, maitatanong natin sa ating sarili, ‘Ako ba, o kami ba bilang isang pamilya, ay talagang nag-aral ng artikulong ito, na hinahanap ang mga teksto at binubulay-bulay ang pagkakapit ng mga ito? O amin bang sinalungguhitan na lamang ang mga sagot? Baka hindi man lamang namin nabasa ang artikulo bago dumalo sa pulong?’ Ang taimtim na mga sagot sa mga tanong na ito ay maaaring pumukaw sa atin na matamang pag-isipan ang ating mga kaugalian sa pag-aaral at mapaningas ang pagnanasang sumulong—kung kinakailangan iyan.—Hebreo 5:12-14.
10. Bakit mahalaga ang pagsusuri sa sarili?
10 Bakit mahalaga ang gayong pagsusuri-sa-sarili? Sapagkat namumuhay tayo sa isang sanlibutan na dominado ng espiritu ni Satanas, isang sanlibutan na, sa maraming mapandayang paraan, nagsisikap na sirain ang ating pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang mga pangako. Ito’y isang sanlibutan na nagnanais na tayo’y panatilihing lubhang magawain anupat wala na tayong panahon na mag-asikaso sa ating espirituwal na mga pangangailangan. Kaya maitatanong natin sa ating sarili, ‘Ang akin bang pamilya ay malakas sa espirituwal? Ako ba bilang isang magulang ay kasinlakas na gaya nang nararapat? Kami ba bilang isang pamilya ay naglilinang ng espirituwal na puwersang iyon na nagpapakilos sa isip na tumulong sa atin na magpasiya nang nakasalig sa katuwiran at katapatan?’—Efeso 4:23, 24.
11. Bakit kapaki-pakinabang sa espirituwal ang mga pulong ng mga Kristiyano? Magbigay ng isang halimbawa.
11 Ang ating espirituwalidad ay dapat na patibayin ng bawat pulong na ating dinadaluhan. Ang mahalagang mga oras na iyon sa Kingdom Hall o sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay tumutulong upang maginhawahan tayo pagkaraan ng mahahabang oras na ginugugol natin sa pagsisikap na makapagtiis sa masamang sanlibutan ni Satanas. Anong laking kaginhawahan, halimbawa, na mapag-aralan ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman! Ito’y tumulong sa atin na higit pang maunawaan si Jesus, ang kaniyang buhay, at ang kaniyang ministeryo. Buong ingat na binasa natin ang binanggit na mga kasulatan, gumawa tayo ng personal na pananaliksik, at sa gayo’y malaki ang natutuhan buhat sa halimbawa ni Jesus.—Hebreo 12:1-3; 1 Pedro 2:21.
12. Papaano sinusubok ng ministeryo sa larangan ang ating espirituwalidad?
12 Ang isang mainam na pagsubok sa ating espirituwalidad ay ang ministeryong Kristiyano. Upang makapagtiyaga sa ating pormal at impormal na pagpapatotoo, kalimitan sa harap ng isang nagwawalang-bahala o salansang na publiko, nangangailangan tayo ng tamang motibo, pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapuwa. Mangyari pa, walang sinuman ang natutuwang siya’y tanggihan, at maaaring mangyari iyan sa ating ministeryo sa larangan. Subalit tandaan natin na ang tinatanggihan ay ang mabuting balita, hindi tayo bilang mga indibiduwal. Sinabi ni Jesus: “Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan, talastas ninyo na ako muna ang kinapopootan bago kayo. Kung kayo’y bahagi ng sanlibutan, iibigin ng sanlibutan ang sa kaniyang sarili. Ngayon sapagkat kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, kundi kayo’y pinili ko sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. . . . Datapuwat ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang sa akin ay nagsugo.”—Juan 15:18-21.
Mas Malakas Mangusap ang Kilos Kaysa Salita
13. Papaano maaaring pinsalain ng isang tao ang espirituwalidad ng isang pamilya?
13 Ano ang mangyayari sa isang pamilya kung lahat maliban sa isa ay gumagalang sa kalinisan at pagkamaayos ng bahay? Sa isang araw na maulan, lahat maliban sa isang iyon na makakalimutin ay nagpapakaingat upang huwag makapagdala ng bakas ng putik sa loob ng bahay. Ang mga bakas ng mga paang may putik sa lahat ng dako ay katunayan ng pagkawalang-ingat ng taong iyon, anupat nagdaragdag ng trabaho para sa iba. Ganiyan din kung tungkol sa espirituwalidad. Dahil sa iisang mapag-imbot o pabayang tao ay maaaring madungisan ang mabuting pangalan ng pamilya. Lahat sa sambahayan, hindi lamang ang mga magulang, ay dapat magsumikap na mabanaag sa kanila ang hilig ng kaisipan ni Kristo. Anong laking kaginhawahan kung lahat ay gumagawang sama-sama na taglay ang pag-asa sa buhay na walang-hanggan! Ang direksiyon ng kaisipan ng pamilyang iyon ay espirituwal (subalit hindi matuwid sa sarili). Bihirang makita ang mga bakas ng pagpapabaya sa espirituwal sa gayong sambahayan.—Eclesiastes 7:16; 1 Pedro 4:1, 2.
14. Anong materyal na mga tukso ang inilalagay ni Satanas sa ating daan?
14 Lahat tayo ay may pangunahing materyal na mga pangangailangan na kailangang matustusan upang magpatuloy ang ating buhay sa araw-araw. (Mateo 6:11, 30-32) Subalit malimit na ang ating mga pangangailangan ay nahihigitan pa ng mga bagay na ibig nating makamtan. Halimbawa, ang pamamalakad ni Satanas ay nag-aalok sa atin ng bawat uri ng kagamitan at kasangkapan. Kung ang ibig nating lagi ay magkaroon ng pinakabago at ng pinakauso sa lahat ng bagay, kailanman ay hindi tayo masisiyahan, sapagkat ang pinakabago ay madaling naluluma, at isang bagong modelo ng isang produkto ang makikita. Ang daigdig ng komersiyo ay nagtayo ng isang siklo na hindi kailanman humihinto sa pag-ikot. Ito’y umaakit sa atin upang humanap ng higit at higit pang salapi upang may maitustos sa dumarami pang bagay na gusto nating makamit. Ito’y maaaring humantong sa “maraming walang-kabuluhan at nakapipinsalang mga pita,” o “hangal at mapanganib na mga ambisyon.” Maaari itong magbunga ng isang di-timbang na pamumuhay na pakaunti nang pakaunti ang panahon para sa espirituwal na mga gawain.—1 Timoteo 6:9, 10; The Jerusalem Bible.
15. Sa papaano mahalaga ang halimbawa na ipinakikita ng ulo ng pamilya?
15 Dito, ang halimbawang ipinakikita ng ulo ng sambahayang Kristiyano ay napakahalaga. Ang kaniyang balanseng saloobin tungkol sa sekular at espirituwal na mga pananagutan ay dapat na magsilbing inspirasyon sa iba pang miyembro ng pamilya. Tunay na makapipinsala kung ang ama ay mahusay magturo sa pamamagitan ng salita subalit bigo sa pagtupad ng kaniyang sinasabi. Madaling mahalata ng mga anak ang saloobing gawin mo ang sinasabi ko, hindi ang ginagawa ko. Gayundin, ang isang matanda o ang isang ministeryal na lingkod na nanghihimok sa iba na makibahagi sa ministeryo ng pagbabahay-bahay ngunit bihirang makasama ng kaniyang pamilya sa gawaing iyan ay hindi paniniwalaan kapuwa ng kaniyang pamilya at ng kongregasyon.—1 Corinto 15:58; ihambing ang Mateo 23:3.
16. Anong mga tanong ang maihaharap natin sa ating sarili?
16 Kung gayon, kapaki-pakinabang na masusuri natin ang ating buhay. Tayo ba ay abala sa pagsisikap na magtamo ng makasanlibutang tagumpay at sa gayo’y napapabayaan natin na gumawa ng espirituwal na pagsulong? Tayo ba ay sumusulong sa makasanlibutang mga tunguhin ngunit umuurong naman sa kongregasyon? Alalahanin ang payo ni Pablo: “Tapat ang pasabing iyan. Kung ang sinumang lalaki ay nagsisikap na makaabot sa katungkulang tagapangasiwa, siya’y naghahangad ng isang mabuting gawain.” (1 Timoteo 3:1) Ang pagkadama ng pananagutan sa kongregasyon ay higit pa ang naipahahayag tungkol sa ating espirituwalidad kaysa isang pagkataas sa tungkulin sa trabaho. Isang maingat na pagkatimbang ang kailangan upang hindi makapanaig sa atin ang ating amo na parang tayo’y sa kanila nag-alay ng ating sarili at hindi kay Jehova.—Mateo 6:24.
Ang Makabuluhang Komunikasyon ay Nagpapaunlad ng Espirituwalidad
17. Ano ang tumutulong sa paglinang ng tunay na pag-iibigan sa isang pamilya?
17 Milyun-milyong tahanan sa ngayon ang naging halos mga tulugáng bahay na lamang. Sa papaano? Ang mga miyembro ng pamilya ay umuuwi lamang upang doon matulog at kumain, at pagkatapos sila’y agad nang aalis. Bihira silang uupo sa palibot ng isang mesa upang masayang magsalu-salo sa pagkain. Wala na ang mainit na damdamin ng pagiging malapít sa isa’t isa sa pamilya. Ang resulta? Kulang ng komunikasyon, walang makabuluhang pag-uusap. At iyan ay maaaring humantong sa kakulangan ng interes sa ibang mga miyembro, marahil sa kakulangan ng tunay na pagmamalasakit. Kung tayo’y umiibig sa isa’t isa, naglalaan tayo ng panahon upang makipag-usap at upang makinig. Tayo’y nagpapatibayan, at tayo’y tumutulong. Ang pitak na ito ng espirituwalidad ay may kasangkot na mahalagang komunikasyon sa pagitan ng mga mag-asawa at sa pagitan ng mga magulang at mga anak.b Ito’y nangangailangan ng panahon at pamamaraan samantalang pinalalabas natin ang niloloob ng isa’t isa upang ibahagi ang ating mga kagalakan, karanasan, at mga suliranin.—1 Corinto 13:4-8; Santiago 1:19.
18. (a) Ano kadalasan ang isang pangunahing hadlang sa komunikasyon? (b) Sa ano nakasalig ang makabuluhang mga ugnayan?
18 Ang mabuting komunikasyon ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap. Ito’y nangangahulugan ng paglalaan ng panahon upang makipag-usap at makinig sa isa’t isa. Isa sa pinakamalaking hadlang dito ay yaong umuubos-ng-panahong aparato na nasa dakong pandangal sa maraming tahanan—ang TV. Naghaharap ito ng isang hamon—ang TV ba ang kumukontrol sa iyo, o ikaw ang kumukontrol dito? Ang pagkontrol sa TV ay nangangailangan ng matatag na pasiya—kasali na ang matinding determinasyon na isara iyon. Subalit ang paggawa nito ay magbubukas ng daan para sa atin na maging sensitibo sa mga pangangailangan ng isa’t isa bilang mga miyembro ng pamilya at bilang espirituwal na magkakapatid. Ang makabuluhang mga ugnayan ay nangangailangan ng mabuting komunikasyon, ng pagkaunawa sa isa’t isa, sa ating mga pangangailangan at mga kagalakan, ng pagsasabi sa isa’t isa kung gaano natin pinahahalagahan ang lahat ng kabaitan na ginawa para sa atin. Sa ibang pananalita, ang makabuluhang pag-uusap-usap ay nagpapakita na hindi natin ipinagwawalang-bahala ang iba.—Kawikaan 31:28, 29.
19, 20. Kung mahal natin ang lahat sa pamilya, ano ang gagawin natin?
19 Samakatuwid, kung tayo’y may pagmamalasakit sa isa’t isa sa pamilya—at kasali na riyan ang pag-aasikaso sa di-kapananampalatayang mga miyembro ng pamilya—malaki ang magagawa natin upang mapatibay at mapanatili ang ating espirituwalidad. Sa kaayusang pampamilya, susundin natin ang payo ni Pedro: “Sa katapus-tapusan, kayong lahat ay magkaisang-isip, na nakikiramay sa kapuwa, nag-iibigang tulad sa magkakapatid, malumanay sa kaawaan, mapagpakumbabang-isip, na huwag ninyong gantihin ng masama ang masama o ng pag-alipusta ang pag-alipusta, kundi, bagkus, gantihin ninyo ng pagpapala, sapagkat sa landasing ito kayo tinawag, upang kayo’y magmana ng pagpapala.”—1 Pedro 3:8, 9.
20 Matatamo natin ngayon ang pagpapala ni Jehova kung sisikapin nating mapanatili ang ating espirituwalidad, at maaari itong magbunga ng ating pagmamana ng kaniyang pagpapala sa hinaharap pagka ating tinanggap na ang kaloob na buhay na walang-hanggan sa isang paraisong lupa. May iba pang mga bagay na magagawa tayo bilang isang pamilya upang tulungan ang isa’t isa sa espirituwal. Ang susunod na artikulo ay tatalakay sa mga kapakinabangan ng paggawa ng mga bagay-bagay nang sama-sama bilang isang pamilya.—Lucas 23:43; Apocalipsis 21:1-4.
[Mga talababa]
a Ang espirituwalidad ay nangangahulugan na “pagkasensitibo o mahigpit na kapit sa mga pamantayang relihiyoso: ang katangian o kalagayan na pagiging espirituwal.” (Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary) Ang isang taong espirituwal ang kabaligtaran ng isang taong makalaman, makahayop.—1 Corinto 2:13-16; Galacia 5:16, 25; Santiago 3:14, 15; Judas 19.
b Para sa higit pang mga mungkahi tungkol sa komunikasyon sa pamilya, tingnan Ang Bantayan ng Setyembre 1, 1991, pahina 20-2.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ba ang espirituwalidad?
◻ Papaano matutularan ng isang ulo ng pamilya ang halimbawa ni Kristo?
◻ Papaano natin maiiwasan ang mga panganib sa ating espirituwalidad?
◻ Ano ang makakapinsala sa espirituwalidad ng pamilya?
◻ Bakit ang makabuluhang komunikasyon ay mahalaga?
[Larawan sa pahina 12]
Ang pagdalo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay nagpapatibay ng espirituwalidad ng pamilya