Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa
Angkop ba para sa isang Kristiyano na makisosyo sa negosyo sa isang di-sumasampalataya, yamang sinasabi sa atin ng Bibliya: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya”?
Ang payong iyan ay makikita natin sa 2 Corinto 6:14-16: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? Isa pa, anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa isang di-sumasampalataya? At anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo?”
Walang dahilang maniwala na ibinigay ni apostol Pablo ang payong ito sa layuning magtatag ng espesipikong mga pagbabawal, gaya ng pagbabawal sa isang Kristiyano na makisosyo sa negosyo sa isang di-sumasampalataya. Gayunman, ang kaniyang payo ay may kaugnayan diyan, gayundin sa iba pang pitak ng buhay.
Ang payong iyan ay isinulat ni Pablo sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano sa sinaunang Corinto. Yamang sila’y nasa isang lunsod na natatangi sa katiwalian, sa araw-araw ay kailangang makipagpunyagi sila laban sa mga panganib sa moral at sa espirituwal. Kung sila’y hindi maingat, ang pagkahantad sa di-mabubuting impluwensiya ay maaaring unti-unting magpahina sa kanilang pasiya na maging isang bayang naiiba, “isang piniling lahi, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang tanging pag-aari.”—1 Pedro 2:9.
Bago isinulat ang nasa 2 Corinto 6:14-16, si Pablo ay may isinaayos na isang malubhang suliranin sa gitna ng kaniyang mga kapatid sa Corinto. Kanilang pinayagang umiral sa gitna nila ang isang malubhang kaso ng imoralidad, kaya ipinayo sa kanila ni Pablo na alisin, o itiwalag, ang makasalanang hindi nagsisi. (1 Corinto 5:1) Ipinakita ng pagkakasala ng taong iyon na ang masasamang kasama o walang-ingat na pagkalulong sa umiiral na kalagayan sa moral ng sanlibutan ay maaaring makaapekto sa mga Kristiyano.
Ang mga Kristiyano sa Corinto ay binawalang makisama sa taong itiniwalag, subalit nangangahulugan ba ito na sila’y kailangang lubusang humiwalay sa mga di-sumasampalataya? Sila ba’y kailangang umiwas sa lahat ng pakikipag-ugnayan at pakikitungo sa mga di-Kristiyano, maging mistulang isang sektang nagkukulong sa monasteryo, gaya ng mga Judio na umurong tungo sa Qumran malapit sa Dagat na Patay? Hayaang si Pablo ang sumagot: “Sa aking sulat binanggit ko sa inyo na huwag kayong makisama sa mga mapakiapid, hindi nangangahulugang ang mga mapakiapid ng sanlibutang ito . . . Sapagkat kung gayon, kinakailangan na magsialis kayo sa sanlibutan.”—1 Corinto 5:9, 10.
Maliwanag ang ipinahihiwatig ng mga salitang iyan. Batid ni Pablo na ang mga Kristiyano ay narito pa sa planetang ito, namumuhay sa gitna ng mga di-sumasampalataya at may pakikihalubilo halos sa araw-araw sa mga di-sumasampalataya na may mababang moral at naiiba ang mga pamantayan. Yamang talagang hindi maiiwasan iyan, dapat na laging gising ang mga Kristiyano sa mga panganib ng gayong pakikihalubilo.
Ngayon ay muli nating isaalang-alang ang ikalawang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto. Kaniyang tinukoy na ang pinahirang mga Kristiyano ay kuwalipikado bilang mga ministro ng Diyos, mga embahador na kumakatawan kay Kristo. Sila’y pinayuhan niya na layuan ang anumang bagay na ikatitisod na maaaring magdulot ng ikapupula sa kanilang ministeryo. (2 Corinto 4:1–6:3) Tuwirang hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapatid sa Corinto, na mistulang kaniyang espirituwal na mga anak, na palawakin pa ang kanilang pagmamahal. (2 Corinto 6:13) Pagkatapos ay ipinayo niya: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya.” Siya’y gumamit ng sunud-sunod na mga tanong na retoriko upang idiin ang puntong iyan.
Ipinakikita ng konteksto na si Pablo ay hindi nagtututok ng pansin sa isang espesipikong pitak ng buhay, tulad halimbawa ng negosyo o hanapbuhay, at bumubuo ng isang alituntunin na maipatutupad. Bagkus, siya’y nagbibigay ng malawak, matatag, kapaki-pakinabang na payo sa mga kapatid na lubhang minamahal niya.
Ang payong ito kaya ay kakapit, halimbawa, sa kaso ng isang Kristiyano na interesado sa pag-aasawa? Oo. Sa kaniyang unang liham, ang mga taga-Corintong nagnanais mag-asawa ay pinayuhan ng apostol na mag-asawa ng “nasa Panginoon lamang.” (1 Corinto 7:39) Idiniin niya ang karunungan ng mga salitang iyon sa pamamagitan ng kaniyang isinulat nang malaunan, gaya ng sinasabi sa 2 Corinto 6:14-18. Kung ang isang Kristiyano ay magbabalak mag-asawa sa isang hindi lingkod ni Jehova at hindi tagasunod ni Kristo, kaniyang isasaalang-alang ang pakikipagkaisa sa isang di-sumasampalataya. (Ihambing ang Levitico 19:19; Deuteronomio 22:10.) Maliwanag, yamang magkaiba sila malamang na lalong dumami ang kanilang mga suliranin, kasali na ang sa espirituwal. Halimbawa, ang di-sumasampalataya baka sa kasalukuyan o sa hinaharap ay sumamba sa isang diyus-diyosan. Si Pablo ay nangatuwiran: “Anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial?”
Ngayon, kumusta naman ang isa pang pitak ng buhay—ang pakikisosyo sa negosyo sa isang di-sumasampalataya? Sa ilang kaso baka madama ng isang Kristiyano na ang paghahanapbuhay at pag-aasikaso sa kaniyang pamilya ay nangangailangan ng pagpasok sa isang ugnayang pang-negosyo sa isang hindi kapuwa Kristiyano. (1 Timoteo 5:8) Isaalang-alang ang mga halimbawa lamang:
Baka nais ng isang Kristiyano na magsimula ng isang negosyo ng pagbebenta ng isang uri ng kalakal, subalit ang tanging paraan ay ang makisosyo sa isang tao na makakakuha ng kinakailangang mga produkto o pondo. Ang isa namang Kristiyano ay nais magsaka (o magbakahan); subalit walang lupang magagamit, kaya kailangang siya’y makisosyo sa isang mayroong lupa at kaparte sa anumang kikitain niyaon. Baka ang isa pang Kristiyano ay hindi makapasok sa negosyong pagtutubero dahilan sa ang gobyerno ay nagkakaloob ng iilan lamang na lisensiya, at ang mga ito ay naipagkaloob na; ang tanging magagawa na lamang niya ay makisosyo sa isang di-sumasampalatayang kamag-anak na may lisensiya.—Marcos 12:17.
Ang mga ito ay mga halimbawa lamang. Hindi namin sinisikap na iharap ang lahat ng posibilidad, ni nangungusap man nang may pagsang-ayon o di-pagsang-ayon. Subalit sa pagsasaisip ng mga halimbawang ito, hindi mo ba nakikita kung bakit ang payo sa 2 Corinto 6:14-18 ay hindi dapat ipagwalang-bahala?
Ang isang Kristiyano na nakisosyo sa negosyo sa isang di-kapananampalataya, kamag-anak man iyon o hindi, ay maaaring mapaharap sa di-inaasahang mga suliranin at mga tukso. Baka isipin ng kasosyo na upang kumita ng makatuwirang tubo ay kailangang mag-ulat ng mas maliit na kita o kumuha ng mga manggagawa na hindi nakarekord ang kahilingang mga ulat pati ang kanilang suweldo, kahit na iyon ay labag sa mga alituntunin ng gobyerno. Baka siya ay pumapayag na bayaran ang mga pahinante sa mga kalakal na hindi nakalista sa opisyal na invoice o resibo. Ang isa bang Kristiyano ay maaaring sumali sa ganiyan o nahahawig na pandaraya? At ano ang gagawin ng Kristiyano pagka kapuwa sila kailangang pumirma sa mga papeles sa buwis o sa iba pang legal na mga dokumento tungkol sa kung papaano sila nagnenegosyo?—Exodo 23:1; Roma 13:1, 7.
O ang di-sumasampalatayang kasosyo sa negosyo ay nais magbenta ng mga kalakal na kaugnay ng mga kapistahang pagano, magpadala ng mga holiday card sa pangalan ng kompanya, at gayakan ang tindahan para sa mga kapistahang relihiyoso. Ang tanong ni Pablo: “Anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo? Sapagkat tayo’y templo ng Diyos na buháy.” Anong pagkaangkop-angkop ng sinabing: “ ‘ “Kaya nga magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo,” sabi ni Jehova, “at huwag nang humipo ng maruming bagay” ’; ‘ “at kayo’y aking tatanggapin.” ’ ” (2 Corinto 6:16, 17) Sa pagkakapit ng may karunungang payong iyan, maraming Kristiyano ang pumili ng mga uri ng sekular na trabaho na hindi gaanong magsasangkot sa kanila sa mga suliranin hanggat maaari.—Hebreo 13:5, 6, 18.
Ang kongregasyon ay walang tinanggap na tagubilin na laging bantayan o siyasatin ang lahat ng ginagawa ng mga Kristiyano sa kanilang sekular na trabaho, sila man ay mga empleyado o mga may-ari ng negosyo. Mangyari pa, pagka nahayag na ang isang Kristiyano ay kasali sa gawang masama, tulad ng pagtataguyod ng huwad na pagsamba o ng isang anyo ng pagsisinungaling o pagnanakaw, ang kongregasyon ay gagawa ng hakbang upang maitaguyod ang mga pamantayan ni Jehova.
Gayunman, ang pangunahing punto sa kinasihang payo ni Pablo na, “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya,” ay makatutulong sa mga Kristiyano na maiwasan ang mga suliranin at ang anumang kinakailangang aksiyon ng matatanda kaugnay ng anumang kaso. Ang payong iyan ay isasapuso ng marurunong na Kristiyano at hindi sila papasok sa mga situwasyon na sila’y sasailalim ng higit pang panggigipit na ikompromiso ang mga simulain ng Bibliya. Kung inaakala ng sinuman na siya’y kailangang makisosyo sa negosyo sa isang di-sumasampalataya, ang iba ay hindi dapat maging mabilis sa paghatol o pamimintas sa kaniya, sa pagkatanto na siya ang magdadala ng pananagutan tungkol sa kaniyang pasiya. Sa simpleng pananalita, si Pablo ay hindi nagtatakda ng isang pormal, sapilitang ipatutupad na alituntunin laban sa pakikisosyo sa negosyo sa isang di-sumasampalataya. Gayunman, ang kaniyang payo ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Ang payong iyan ay kinasihan ng Diyos at pinangyaring maisulat sa Bibliya para sa ating kapakinabangan. Tayo’y marurunong kung susundin natin iyan.