Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 10/15 p. 12-16
  • Natuklasan ang Susi sa Pagmamahal sa Kapatid

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Natuklasan ang Susi sa Pagmamahal sa Kapatid
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Halimbawa ng Lubhang Natatanging Pagmamahal sa Kapatid
  • Ang Halimbawa ni Apostol Pablo
  • Pagpapahalaga​—Ang Susi sa Pagmamahal sa Kapatid
  • Pagpapakita ng Pagmamahal sa Kapatid
  • Maging Determinadong ‘Ipagpatuloy ang Inyong Pag-ibig na Pangkapatid’!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • “Magkaroon Kayo ng Magiliw na Pagmamahal sa Isa’t Isa”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Ikaw ba’y May Pagmamahal kay Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Pagpapahalaga sa Ating mga Kapatid
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 10/15 p. 12-16

Natuklasan ang Susi sa Pagmamahal sa Kapatid

“Ilakip sa inyong . . . banal na debosyon ang pagmamahal sa kapatid.”​—2 PEDRO 1:5-7.

1. Ano ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit ang mga pagtitipon ng bayan ni Jehova ay napakasasayang okasyon?

MINSAN noong nakaraan isang doktor na hindi naman isa sa mga Saksi ni Jehova ang dumalo sa pagtatapos ng kaniyang anak na babae buhat sa Watch Tower Bible School of Gilead, na kung saan siya’y sinanay upang maging misyonera. Siya’y lubhang humanga sa masayang pulutong na sa palagay niya’y mga taong hindi gaanong nagkakasakit. Ano’t napakasaya ng pulutong na iyon? Sa bagay ring iyan, ano nga ba at lahat ng mga pagtitipon ng bayan ni Jehova, sa mga kongregasyon, sa mga asambleang pansirkito, at sa mga kombensiyong pandistrito, ay pawang masasayang okasyon? Hindi ba iyon ay ang pagmamahal sa kapatid na kanilang ipinakikita sa isa’t isa? Walang alinlangan, ang pagmamahal sa kapatid ang isang dahilan kung bakit naging kasabihan na walang ibang grupong relihiyoso ang may gayong kalaking kaluguran, kaligayahan, at kasiyahan na natatamo sa relihiyon na gaya ng mga Saksi ni Jehova.

2, 3. Anong dalawang salitang Griego ang tungkol sa damdamin na dapat nating madama para sa isa’t isa, at ano ang mga pagkakaiba ng mga ito?

2 Aasahan natin na makakita ng gayong pagmamahal sa kapatid dahil sa sinabi ni apostol Pedro sa 1 Pedro 1:22: “Yamang nilinis na ninyo ang inyong mga kaluluwa sa inyong pagtalima sa katotohanan sa hindi pakunwaring pagmamahal sa kapatid, kayo ay mag-ibigan sa isa’t isa nang buong ningas mula sa inyong puso.” Isa sa saligang bahagi ng salitang Griego na isinalin dito na “pagmamahal sa kapatid” ay phi·liʹa (pagmamahal). Ang kahulugan nito ay may malapit na kaugnayan sa kahulugan ng a·gaʹpe, ang salitang karaniwan nang isinalin na “pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Bagaman ang pagmamahal sa kapatid at ang pag-ibig ay kalimitang pinagpapalit kung gamitin, ang mga ito ay may espesipikong mga katangian. Hindi natin dapat ipagkamali sa isa’t isa ang mga ito, gaya ng ginagawa ng maraming tagapagsalin ng Bibliya. (Sa artikulong ito at sa sumusunod, tatalakayin natin ang bawat isa sa mga salitang ito.)

3 Tungkol sa pagkakaiba ng dalawang salitang Griego na ito, binanggit ng isang iskolar na ang phi·liʹa ay “tiyakang isang salita na may init at pagkamatalik at pagmamahal.” Sa kabilang panig, ang a·gaʹpe ay mas may kinalaman sa isip. Sa gayon samantalang tayo’y pinapayuhan na ibigin (a·gaʹpe) ang ating mga kaaway, sila’y hindi natin minamahal. Bakit hindi? Sapagkat “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Nagpapakilala pa rin na may pagkakaiba ay ang mga salita ni apostol Pedro: “Ilakip sa inyong . . . pagmamahal sa kapatid ang pag-ibig.”​—2 Pedro 1:5-7; ihambing ang Juan 21:15-17.a

Mga Halimbawa ng Lubhang Natatanging Pagmamahal sa Kapatid

4. Bakit si Jesus at si Juan ay may natatanging pagmamahal sa isa’t isa?

4 Ang Salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng ilang maiinam na halimbawa ng lubhang natatanging pagmamahal sa kapatid. Ang natatanging pagmamahal na ito ay hindi bunga ng isang kapritso kundi nakasalig sa pagpapahalaga sa litaw na mga katangian. Tiyak na ang pinakakilaláng halimbawa ay yaong pagmamahal ni Jesu-Kristo kay apostol Juan. Walang alinlangan, si Jesus ay may pagmamahal-kapatid sa lahat ng kaniyang tapat na mga apostol, at iyan ay may mabuting dahilan. (Lucas 22:28) Ang isang paraan na ipinakita niya ito ay sa pamamagitan ng paghuhugas ng kanilang mga paa, sa gayo’y binibigyan sila ng isang aralin sa pagpapakumbaba. (Juan 13:3-16) Subalit si Jesus ay may natatanging pagmamahal kay Juan, na paulit-ulit na binanggit ni Juan. (Juan 13:23; 19:26; 20:2) Kung papaanong may dahilan si Jesus na magpakita ng pagmamahal sa kaniyang mga alagad at sa kaniyang mga apostol, malamang na si Juan ay nagbigay kay Jesus ng dahilan na magkaroon ng natatanging pagmamahal sa kaniya dahil sa kaniyang mas matimyas na pagpapahalaga kay Jesus. Makikita natin ito sa mga isinulat ni Juan, kapuwa sa kaniyang Ebanghelyo at sa kaniyang kinasihang mga liham. Anong dalas na binabanggit niya ang pag-ibig sa mga sulat na iyon! Ang lalong malaking pagpapahalaga ni Juan sa espirituwal na mga katangian ni Jesus ay makikita sa kaniyang isinulat sa Juan kabanata 1 at 13 hanggang 17, gayundin sa paulit-ulit na pagbanggit niya sa pag-iral ni Jesus bago pa naging tao.​—Juan 1:1-3; 3:13; 6:38, 42, 58; 17:5; 18:37.

5. Ano ang masasabi tungkol sa natatanging pagmamahal na namagitan kina Pablo at Timoteo?

5 Gayundin, hindi natin ibig kaligtaan ang lubhang natatanging pagmamahal sa kapatid na namagitan kay apostol Pablo at sa kaniyang kasamahang Kristiyano na si Timoteo, na, tunay, nakasalig sa pagpapahalaga sa mga katangian ng isa’t isa. Ang mga isinulat ni Pablo ay may maiinam na komento tungkol kay Timoteo, tulad halimbawa ng: “Wala akong alam na taong katulad niya ang pag-iisip na nagmamalasakit na totoo sa inyong kalagayan. . . . Nalalaman ninyo ang pagpapatotoo niya tungkol sa kaniyang sarili, na gaya ng paglilingkod ng anak sa ama, ganoon siya naglingkod na kasama ko sa ikalalaganap ng mabuting balita.” (Filipos 2:20-22) Marami ang personal na pagtukoy niya kay Timoteo sa kaniyang mga liham na nagsisiwalat ng mainit na pagmamahal ni Pablo kay Timoteo. Halimbawa, pansinin ang 1 Timoteo 6:20: “Oh Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo.” (Tingnan din ang 1 Timoteo 4:12-16; 5:23; 2 Timoteo 1:5; 3:14, 15.) Higit na tumitingkad ang natatanging pagmamahal ni Pablo kay Timoteo lalo na kung paghahambingin ang mga liham ni Pablo sa binatang ito at ang kaniyang liham kay Tito. Tiyak na ganoon din ang nadama ni Timoteo tungkol sa kanilang pagkakaibigan, gaya ng mapapansin natin sa mga salita ni Pablo sa 2 Timoteo 1:3, 4: “Walang patid na inaalaala kita sa aking mga daing, . . . kinasasabikan kong makita kita, na inaalaala ang iyong mga pagluha, upang ako’y mapuspos ng kagalakan.”

6, 7. Anong damdamin ang namagitan kina David at Jonathan, at bakit?

6 Ang Kasulatang Hebreo ay nagbibigay rin ng maiinam na halimbawa, tulad nina David at Jonathan. Ating mababasa na pagkatapos mapatay ni David si Goliat, “ang mismong kaluluwa ni Jonathan ay nalakip sa kaluluwa ni David, at siya’y minahal ni Jonathan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.” (1 Samuel 18:1) Ang pagpapahalaga sa halimbawa ni David ng kasigasigan ukol sa pangalan ni Jehova at ang kaniyang kawalang-takot sa pagharap sa higanteng si Goliat ang tiyak na nagpangyaring si Jonathan ay magkaroon ng natatanging pagmamahal kay David.

7 Ganiyan na lamang ang pagmamahal ni Jonathan kay David kung kaya isinapanganib niya ang kaniyang sariling buhay sa pagtatanggol kay David buhat kay Haring Saul. Kailanman ay hindi ikinagalit ni Jonathan ang pagkahirang ni Jehova kay David upang maging ang susunod na hari ng Israel. (1 Samuel 23:17) Si David ay mayroon ding nakakatulad na matinding pagmamahal kay Jonathan, na mapatutunayan sa kaniyang sinabi nang ipinagdadalamhati ang pagkamatay ni Jonathan: “Ako’y namamanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan, ikaw na naging totoong kalugud-lugod sa akin. Ang iyong pag-ibig sa akin ay lalong kagila-gilalas kaysa pag-ibig buhat sa mga babae.” Oo, ang matinding pagpapahalaga ang katangian ng kanilang ugnayan.​—2 Samuel 1:26.

8. Sinong dalawang babae ang nagpakita ng natatanging pagmamahal sa isa’t isa, at bakit?

8 Mayroon din tayong isang mainam na halimbawa sa Kasulatang Hebreo ng natatanging pagmamahal na namagitan sa dalawang babae, si Naomi at ang kaniyang nabiyudang manugang na si Ruth. Alalahanin ang mga salita ni Ruth kay Naomi: “Huwag mong ipamanhik na kita’y iwan, at bumalik na humiwalay sa iyo; sapagkat kung saan ka pumaroon ay doon ako paroroon, at kung saan ka magpalipas ng gabi ay doon din ako magpapalipas ng gabi. Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.” (Ruth 1:16) Hindi ba tayo manghihinuha na si Naomi, sa pamamagitan ng kaniyang ugali at ng kaniyang pagsasalita tungkol kay Jehova, ay nakatulong upang gisingin ang pagpapahalagang ito ni Ruth?​—Ihambing ang Lucas 6:40.

Ang Halimbawa ni Apostol Pablo

9. Ano ang nagpapakita na si Pablo ay uliran kung tungkol sa pagmamahal sa kapatid?

9 Gaya ng ating nakita, si apostol Pablo ay may lubhang natatanging pagmamahal sa kapatid kay Timoteo. Subalit siya rin naman ay nagpakita ng isang kahanga-hangang halimbawa ng pagpapahayag ng mainit na pagmamahal sa lahat ng kaniyang mga kapatid sa pangkalahatan. Kaniyang sinabi sa matatanda sa Efeso na “may tatlong taon, gabi at araw, [siya] ay hindi huminto ng pagpapaalaala sa bawat isa kasabay ng pagluha.” Mainit bang pagmamahal sa kapatid? Walang bahagya mang alinlangan! At ganoon din ang nadama nila tungkol kay Pablo. Nang marinig nila na siya’y hindi na nila makikita, “silang lahat ay nagpanangisan nang ganiyan na lamang, at nagsiyakap sa leeg ni Pablo at kanilang hinagkan siya nang magiliw.” (Gawa 20:31, 37) Pagmamahal ba sa kapatid na nakasalig sa pagpapahalaga? Oo! Ang kaniyang pagmamahal sa kapatid ay makikita rin buhat sa kaniyang mga salita sa 2 Corinto 6:11-13: “Ang aming bibig ay bukás sa inyo, mga taga-Corinto, ang aming puso ay lumalaki. Hindi kayo nakasisikip sa amin, kundi nasisikipan kayo sa inyong sariling malumanay na pagmamahal. Kaya nga, bilang ganti​—ako’y parang nakikipag-usap sa mga bata​—kayo man ay magsilaki rin.”

10. Anong kakulangan ng pagmamahal sa kapatid ang umakay sa paglalahad ni Pablo sa 2 Corinto kabanata 11 ng tungkol sa kaniyang mga pagsubok?

10 Maliwanag, marami sa mga taga-Corinto ay kulang ng nagpapahalagang pagmamahal sa kapatid para kay apostol Pablo. Kaya naman, ang ilan sa kanila ay nagreklamo: “Ang kaniyang mga sulat ay malamán at mabisa, datapuwat ang kaniyang mismong pagkatao ay mahina at ang kaniyang pagsasalita ay kadusta-dusta.” (2 Corinto 10:10) Iyan ang dahilan kaya binanggit ni Pablo ang kanilang “labis na pinong mga apostol” at naganyak na sabihin ang mga pagsubok na kaniyang pinagtiisan, ayon sa nasusulat sa 2 Corinto 11:5, 22-33.

11. Ano ang patotoo tungkol sa pagmamahal ni Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica?

11 Ang mainit na pagmamahal ni Pablo sa kaniyang mga pinaglingkuran ay lalong mahahalata buhat sa kaniyang mga sinabi sa 1 Tesalonica 2:8: “Dahil sa aming magiliw na pagmamahal sa inyo, ganiyan na lamang ang aming kagalakan na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi pati ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat kayo ay napamahal na sa amin.” Ang totoo, ganiyan na lamang ang kaniyang pagmamahal sa bagong mga kapatid na ito kung kaya nang hindi na siya makatiis​—sabik na sabik siyang maalaman kung papaano nila tinitiis ang pag-uusig​—kaniyang sinugo si Timoteo, na nagbigay ng mabuting pag-uulat na lubhang nakapagpasigla kay Pablo. (1 Tesalonica 3:1, 2, 6, 7) Mainam ang pagkabanggit sa Insight on the Scriptures: “Isang matalik na buklod ng pagmamahal sa kapatid ang namagitan kay Pablo at sa mga pinaglilingkuran niya.”

Pagpapahalaga​—Ang Susi sa Pagmamahal sa Kapatid

12. Ano ang mga dahilan upang tayo’y magpakita ng mainit na pagmamahal para sa ating mga kapatid?

12 Tiyak, ang susi sa pagmamahal sa kapatid ay pagpapahalaga. Hindi ba lahat ng nag-alay na mga lingkod ni Jehova ay may mga katangian na ating pinahahalagahan, na pumupukaw ng ating pagmamahal, na tayo’y natutuwang makisama sa kanila? Ang inuuna nating lahat na hanapin ay ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran. Lahat tayo ay magiting na nakikipagbaka laban sa ating tatlong kaaway: si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, ang balakyot na sanlibutan sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at ang minanang mapag-imbot na mga hilig ng makasalanang laman. Hindi ba dapat na laging isipin natin na ginagawa ng ating mga kapatid ang pinakamagaling na magagawa nila kung tungkol sa mga kalagayan? Ang bawat isa sa lupa, kung hindi nasa panig ni Jehova, ay nasa panig ni Satanas. Ang ating nag-alay na mga kapatid ay nasa panig ni Jehova, oo, nasa ating panig, at samakatuwid karapat-dapat sa ating pagmamahal sa kapatid.

13. Bakit tayo dapat magkaroon ng mainit na pagmamahal sa matatanda (elders)?

13 Kumusta naman ang pagpapahalaga sa ating matatanda (elders)? Hindi ba dapat nating higit na mahalin sila dahil sa kanilang pagpapagal sa kapakanan ng kongregasyon? Tulad ng lahat sa atin, sila’y kailangang maglaan ng panustos para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya. Sila’y mayroon ding obligasyon gaya natin na gumawa ng personal na pag-aaral, dumalo sa mga pulong ng kongregasyon, at makibahagi sa ministeryo sa larangan. Bukod dito, sila’y may obligasyon na maghanda ng mga bahagi sa programa para sa mga pulong, magbigay ng mga pahayag pangmadla, at mag-asikaso sa mga suliranin na bumabangon sa kongregasyon, na kung minsan ay gumugugol ng mga oras sa paglilitis. Tunay, nais natin na “patuloy na mahalin ang gayong uri ng mga tao.”​—Filipos 2:29.

Pagpapakita ng Pagmamahal sa Kapatid

14. Anong mga teksto ang may utos na tayo’y magpakita ng pagmamahal sa kapatid?

14 Upang makalugod kay Jehova, kailangang ipahayag natin ang mainit na damdamin ng pagmamahal-kapatid sa ating mga kapananampalataya, gaya ng ginawa ni Jesu-Kristo at ni Pablo. Ating mababasa: “Sa [pagmamahal sa kapatid] magkaroon kayo ng malumanay na pagmamahal sa isa’t isa.” (Roma 12:10, Kingdom Interlinear) “Kung may kinalaman sa [pagmamahal sa kapatid], hindi na kailangan na kami’y sumulat sa inyo, sapagkat kayo ay tinuturuan na ng Diyos na mag-ibigan sa isa’t isa.” (1 Tesalonica 4:9, Int) “Ipagpatuloy ang inyong [pagmamahal sa kapatid].” (Hebreo 13:1, Int) Tiyak na ang ating Ama sa langit ay nalulugod pagka tayo’y nagpakita ng pagmamahal-kapatid sa kaniyang makalupang mga anak!

15. Ano ang ilang paraan ng pagpapahayag ng pagmamahal sa kapatid?

15 Noong panahon ng mga apostol, ang mga Kristiyano ay sanay magbatian sa isa’t isa ng “banal na halik” o “halik ng pag-ibig.” (Roma 16:16; 1 Pedro 5:14) Tunay ngang isang pagpapakita ng pagmamahal sa kapatid! Sa ngayon, sa maraming lugar sa lupa, ang lalong angkop na pagpapakita nito ay ang taimtim na palakaibigang ngiti at ang mahigpit na pagkakamayan. Sa mga bansang Latin, tulad halimbawa sa Mexico, nariyan ang pagbati na may pagyayakapan, tunay na isang pagpapakita ng pagmamahal. Ang ganitong mainit na pagmamahal na ipinakikita ng mga kapatid na ito ay maaaring nakatutulong para sa malalaking pagsulong na nagaganap sa kanilang mga bansa.

16. Ano ang mga pagkakataon natin na magpakita ng pagmamahal sa kapatid sa ating mga Kingdom Hall?

16 Pagpasok natin sa Kingdom Hall, tayo ba’y gumagawa ng pantanging pagsisikap na magpahayag ng pagmamahal sa kapatid? Ito’y mag-uudyok sa atin na magkaroon ng masasabing nakapagpapatibay-loob na mga salita, lalo na sa mga taong waring nanlulumo. Tayo’y pinapayuhan na “aliwin ang mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tesalonica 5:14) Tiyak na iyan ay isang paraan na magagamit natin upang maipatalastas ang init ng pagmamahal sa kapatid. Ang isa pang mainam na paraan ay ang magpahayag ng pagpapahalaga sa isang mainam na pahayag pangmadla, sa isang bahagi ng programa na mahusay ang pagkaganap, sa puspusang pagsisikap ng isang tagapagsalitang estudyante sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, at iba pa.

17. Papaano natamo ng isang matanda (elder) ang pagmamahal ng kongregasyon?

17 Kumusta naman ang pag-aanyaya ng iba’t iba sa ating tahanan para sa pagkain o marahil sa isang meryenda pagkatapos ng pulong kung hindi pa masyadong gabi na? Hindi ba ang payo ni Jesus sa Lucas 14:12-14 ang dapat sundin? Minsan isang dating misyonero ang inatasan na maging punong tagapangasiwa sa isang kongregasyon na kung saan lahat ng iba pa ay may naiibang lahi. Nahalata niya ang kakulangan ng pagmamahal sa kapatid, kaya kaniyang isinagawa ang isang plano na ituwid ang kalagayan. Papaano? Sa bawat Linggo, siya’y nag-anyaya ng isang naiibang pamilya para makasalo sa pagkain. Sa dulo ng isang taon, lahat ay nagpapakita sa kaniya ng mainit na pagmamahal sa kapatid.

18. Papaano tayo makapagpapakita ng pagmamahal-kapatid sa ating may sakit na mga kapatid?

18 Pagka ang isang kapatid ay maysakit, nasa tahanan man o nasa isang ospital, ang pagmamahal sa kapatid ang magtutulak sa atin na ipaalam sa isang iyon na tayo’y may malasakit. O kumusta naman yaong mga nakatira sa mga ampunan para sa mga may edad (nursing home)? Bakit hindi sila personal na dalawin, tawagan sa telepono, o padalhan ng isang kard na nagpapahayag ng mainit na damdamin?

19, 20. Papaano natin maipakikita na ang ating pag-ibig sa kapatid ay napalaki natin?

19 Pagka nagpapakita ng gayong pagmamahal sa kapatid, maitatanong natin sa ating sarili, ‘Ang akin bang pagmamahal sa kapatid ay may itinatangi? Ang mga bagay ba na gaya ng kulay ng balat, edukasyon, o materyal na mga ari-arian ay nakaiimpluwensiya sa aking pagpapakita ng pagmamahal sa kapatid? Kailangan bang palakihin ko pa ang aking pagmamahal sa kapatid, gaya ng ipinayo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto?’ Ang pagmamahal sa kapatid ay aakay sa atin na malasin sa positibong paraan ang ating mga kapatid, na pinahahalagahan sila sa kanilang mabubuting katangian. Ang pagmamahal sa kapatid ay tutulong din sa atin na magalak sa espirituwal na pagsulong ng ating kapatid sa halip na kainggitan iyon.

20 Ang pagmamahal sa kapatid ay dapat tumulong sa atin na maging listo sa pagtulong sa ating mga kapatid sa ministeryo. Iyon ay dapat kagaya ng sinasabi ng isa sa ating mga awit (Numero 92):

“Mga mahina ay tulungan,

Nang katapangan ay makamtan.

Kabataa’y huwag kaligtaan,

Palakasin, takot ay talikdan.”

21. Anong resulta ang maaasahan natin pagka nagpakita tayo ng pagmamahal sa kapatid?

21 Kaya huwag nating kalimutan na sa pagpapahayag ng pagmamahal sa kapatid, ang prinsipyo na pinalitaw ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok ay kumakapit: “Ugaliin ninyo ang pagbibigay, at kayo’y bibigyan ng mga tao. Ibubuhos nila iyon sa inyong kandungan na takal na mabuti, pikpik, liglig at umaapaw. Sapagkat sa panukat na inyong isinusukat ay doon din naman kayo susukatin.” (Lucas 6:38) Tayo’y nakikinabang pagka tayo’y nagpakita ng pagmamahal sa kapatid, nagpapahayag ng pagpapahalaga sa mga lingkod ni Jehova na kagaya natin. Tunay na maligaya yaong mga nalulugod na magpakita ng pagmamahal sa kapatid!

[Talababa]

a Tingnan ang sumusunod na artikulo: “Pag-ibig (Agape)​—Ang Hindi Kahulugan at ang Kahulugan Nito.”

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Anong mga salitang Griego ang may kinalaman sa ating damdamin, at papaanong may pagkakaiba ang mga ito?

◻ Ano ang susi sa pagmamahal sa kapatid?

◻ Anong maka-Kasulatang mga halimbawa mayroon tayo tungkol sa natatanging pagmamahal sa kapatid?

◻ Bakit tayo dapat magkaroon ng mainit na pagmamahal sa ating mga kapatid at sa matatanda (elders)?

[Larawan sa pahina 15]

Si apostol Pedro ay nagpayo sa kaniyang mga kapatid na lakipan ng pagmamahal sa kapatid at ng iba pang mga katangiang Kristiyano ang kanilang pananampalataya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share