Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 11/1 p. 3-5
  • Paglutas sa Hiwaga ng Pinakadakilang Pangalan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paglutas sa Hiwaga ng Pinakadakilang Pangalan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinaghahanap ang Pinakadakilang Pangalan
  • Papaano ba Naging Isang Hiwaga ang Pangalan?
  • Ang Pinakadakilang Pangalan at ang Ating Kinabukasan
  • Bakit Kailangang Makilala Natin ang Pangalan ng Diyos
    Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman
  • Kung Paano Mo Makikilala ang Diyos sa Pangalan
    Gumising!—2004
  • Pangalan ng Diyos
    Gumising!—2017
  • Parangalan ang Dakilang Pangalan ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 11/1 p. 3-5

Paglutas sa Hiwaga ng Pinakadakilang Pangalan

Kawili-wiling malaman na kapuwa ang Koran ng mga Muslim at ang Bibliya ng mga Kristiyano ay tumutukoy sa pinakadakilang pangalan. Ang talakayang ito ay nagpapaliwanag ng kahulugan at kahalagahan ng pinakadakilang pangalan. Ipinakikita rin kung papaano naaapektuhan ng pangalang iyan ang buong sangkatauhan at ang ating kinabukasan dito sa lupa.

MILYUN-MILYONG lalaki at babae ang nabuhay at namatay sa lupang ito. Pangkaraniwan nang ang kanilang pangalan ay naparam na kasama nila, at sila’y nakalimutan na. Subalit ang ilang dakilang mga pangalan​—tulad halimbawa ng Avicenna, Edison, Pasteur, Beethoven, Gandhi, at Newton​—​ay nagpapatuloy na nabubuhay. Ang mga pangalang ito ay may kaugnayan sa mga nagawa, tuklas, at mga imbensiyon ng mga taong may taglay ng mga ito.

Gayunman, may isang pangalan na lalong dakila kaysa lahat ng iba pa. Lahat ng nakaraan at kasalukuyang kababalaghan sa buong sansinukob ay may kaugnayan dito. Aba, ang pag-asa ng sangkatauhan para sa pagtatamo ng isang mahaba at maligayang buhay ay nauugnay sa pangalang ito!

Marami ang may ibig makilala ang pangalang ito. Kanilang hinanap ito at nagtanong sila tungkol dito, ngunit hindi nila natuklasan ito. Para sa kanila ay nanatili itong isang hiwaga. Ang totoo, walang tao ang makatutuklas ng pangalang ito maliban sa ang May-ari nito ang magsiwalat sa kaniya. Nakatutuwa naman, ang hiwaga ng walang-katulad na pangalang ito ay nalutas na. Ang Diyos mismo ang gumawa nito upang ang mga naniniwala sa kaniya ay magkaroon ng kaalaman tungkol sa kaniya. Isiniwalat niya ang kaniyang pangalan kay Adan, pagkatapos ay kay Abraham, kay Moises, at sa Kaniyang iba pang tapat na mga lingkod noong una.

Pinaghahanap ang Pinakadakilang Pangalan

May sinasabi ang Koran tungkol sa isang “lubhang maalam sa Kasulatan.” (27:40) Sa pagpapaliwanag ng talatang ito, isang komentaryo na tinatawag na Tafsīr Jalālayn ay nagsasabi: “Si Asaf na anak ni Barkhiyā ay isang taong matuwid. Alam niya ang pinakadakilang pangalan ng Diyos, at kailanma’t tatawag siya roon, siya ay sinasagot.” Ito’y nagpapaalaala sa atin ng manunulat ng Bibliya na si Asaph, na nagsabi sa Awit 83:18: “Upang maalaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”

Sa Koran 17:2, mababasa natin: “Aming ibinigay kay Moises ang Kasulatan at ginawa ang mga iyon na isang giya para sa mga Israelita.” Sa mga Kasulatang iyon, ang Diyos ay kinakausap ni Moises, na ang sabi: “Halimbawa ako’y dumating na ngayon sa mga anak ni Israel at sasabihin ko sa kanila, ‘Sinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,’ at sasabihin nila sa akin, ‘Ano ba ang kaniyang pangalan?’ Ano ang sasabihin ko sa kanila?” Ang Diyos ay sumagot kay Moises: “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Si Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob, ang nagsugo sa akin sa inyo.’ Ito ang aking pangalan hanggang sa panahong walang takda.”​—Exodo 3:13, 15.

Noong sinaunang panahon, kilala ng mga Israelita ang dakilang pangalang ito ng Diyos. Ginagamit pa nga ito bilang isang bahagi ng kanilang sariling pangalan. Gaya ng masusumpungan ngayon sa pangalang Abdullah, na nangangahulugang “Lingkod ng Diyos,” ang mga mamamayan ng sinaunang Israel ay may pangalang Obadias, na nangangahulugang “Lingkod ni Jehova.” Ang ina ng propetang si Moises ay pinanganlang Jochebed, na posibleng nangangahulugang “Si Jehova Ay Kaluwalhatian.” Ang pangalang Juan ay nangangahulugang “Si Jehova ay Naging Mapagmahal.” At ang pangalan ni propeta Elias ay nangangahulugang “Ang Diyos Ko Ay si Jehova.”

Alam ng mga propeta ang dakilang pangalang ito at ginamit ito na taglay ang malaking paggalang. Ito’y matatagpuan nang mahigit na 7,000 ulit sa Banal na Kasulatan. Itinampok ito ni Jesu-Kristo, ang anak ni Maria, nang kaniyang sabihin sa kaniyang panalangin sa Diyos: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin . . . Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ko, upang ang pag-ibig na ipinakita mo sa akin ay sumakanila.” (Juan 17:6, 26) Sa kaniyang tanyag na komentaryo sa Koran, si Bayḍāwī ay nagkokomento tungkol sa Koran 2:87, na nagsasabing naging gawain na ni Jesus na “ang mga taong namatay ay buhayin sa pamamagitan ng pinakadakilang pangalan ng Diyos.”

Kung gayon, ano ang nangyari at ang pangalang iyan ay naging isang hiwaga? Ano ang kaugnayan ng pangalang iyan sa kinabukasan ng bawat isa sa atin?

Papaano ba Naging Isang Hiwaga ang Pangalan?

May akala ang iba na ang “Jehova” sa Hebreo ay nangangahulugang “Allah” (Diyos). Subalit ang “Allah” ay katumbas ng Hebreong ’Elo·himʹ, ang pangmaramihan ng kamahalan ng salitang ’elohʹah (diyos). Isang pamahiin ang bumangon sa gitna ng mga Judio na humadlang sa kanila sa pagbigkas sa banal na pangalan, na Jehova. Sa gayon, pagka sila’y bumabasa ng Banal na Kasulatan at nakita nila ang pangalang Jehova, naging kaugalian na nila na sabihing ’Adho·naiʹ, na nangangahulugang “Panginoon.” Sa ilang lugar, ang orihinal na tekstong Hebreo ay binago pa nila mula sa “Jehova” at ginawang ’Adho·naiʹ.

Ganiyan din ang sinusunod ng relihiyosong mga lider ng Sangkakristiyanuhan. Ang pangalang Jehova ay kanilang hinalinhan ng “Diyos” (“Allah” sa Arabico) at “Panginoon.” Iyan ay may nagawa sa pagkabuo ng huwad na doktrina ng Trinidad, na walang batayan sa Banal na Kasulatan. Dahilan dito, milyun-milyon ang may kamaliang sumasamba kay Jesus at sa banal na espiritu at itinuturing ang mga ito na kapantay ng Diyos.a

Kung gayon, ang mga lider ng Judaismo at ng Sangkakristiyanuhan ay parehong masisisi sa malaganap na kawalang-alam tungkol sa pinakadakilang pangalan. Subalit ang Diyos ay humula: “Tunay na babanalin ko ang aking dakilang pangalan, . . . at makikilala ng mga bansa na ako’y si Jehova.” Oo, ipakikilala ni Jehova ang kaniyang pangalan sa gitna ng lahat ng bansa. Bakit? Sapagkat siya’y hindi lamang ang Diyos ng mga Judio o ng alinmang ibang indibiduwal na bansa o bayan. Si Jehova ang Diyos ng buong sangkatauhan.​—Ezekiel 36:23; Genesis 22:18; Awit 145:21; Malakias 1:11.

Ang Pinakadakilang Pangalan at ang Ating Kinabukasan

Ang Banal na Kasulatan ay nagsasabi: “Bawat nagsisitawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Roma 10:13) Ang ating kaligtasan sa araw ng paghuhukom ay makakaugnay sa ating pagkakilala sa pangalan ng Diyos. Sa pagkilala sa kaniyang pangalan ay kasangkot ang pagkilala sa kaniyang mga katangian, mga gawa, at mga layunin at pamumuhay na kasuwato ng kaniyang matataas na prinsipyo. Halimbawa, alam ni Abraham ang pangalan ng Diyos at tumawag siya sa pangalang iyan. Kaya naman, siya’y nagtamasa ng isang mabuting kaugnayan sa Diyos, nagpakita ng pananampalataya sa kaniya, umasa sa kaniya, at tumalima sa kaniya. Sa gayo’y naging kaibigan ng Diyos si Abraham. Gayundin, ang pagkakilala sa pangalan ng Diyos ay naglalapit sa atin sa kaniya at tumutulong sa atin na makabuo ng isang personal na kaugnayan sa kaniya, anupat kumakapit nang mahigpit sa kaniyang pag-ibig.​—Genesis 12:8; Awit 9:10; Kawikaan 18:10; Santiago 2:23.

Sa Bibliya ay mababasa natin: “Si Jehova ay patuloy na nagbigay-pansin at nakinig. At isang aklat ng alaala ang sinimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.” (Malakias 3:16) Bakit tayo kailangang maging “palaisip” sa pinakadakilang pangalan? Ang pangalang Jehova ay literal na nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Matupad.” Ito’y nagsisiwalat na si Jehova ang Isa na nagpapangyari sa kaniyang sarili na maging Tagatupad ng mga pangako. Sa tuwina’y pinangyayari niyang matupad ang kaniyang mga layunin. Siya ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, ang tanging Maylikha, na may taglay ng bawat mabuting katangian. Walang nag-iisang salita na lubusang makapaglalarawan sa banal na kalikasan ng Diyos. Subalit pinili ng Diyos para sa kaniyang sarili ang pinakadakilang pangalan​—Jehova​—​at ipinagugunita nito ang lahat ng kaniyang katangian at mga layunin.

Sa Banal na Kasulatan, sinasabi sa atin ng Diyos ang kaniyang mga layunin tungkol sa sangkatauhan. Nilalang ng Diyos na Jehova ang tao upang magtamasa ng isang walang-hanggan, maligayang buhay sa Paraiso. Layunin niya para sa sangkatauhan na lahat ng tao ay maging isang pamilya, pinagkakaisa sa pag-ibig at kapayapaan. Tutuparin ng Diyos ng pag-ibig ang layuning ito sa malapit na hinaharap.​—Mateo 24:3-14, 32-42; 1 Juan 4:14-21.

Ipinaliliwanag ng Diyos ang mga dahilan ng pagdurusa ng sangkatauhan at ipinakikita na posible ang kaligtasan. (Apocalipsis 21:4) Sa Awit 37:10, 11, ating mababasa: “Sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya’y mawawala na. Ngunit ang maaamo ay magmamana ng lupa, at sila’y lubusang masisiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Tingnan din ang Koran 21:105.

Oo, ang Diyos ay makikilala sa kaniyang dakilang pangalan. Makikilala ng mga bansa na siya ay si Jehova. Anong kahanga-hangang pribilehiyo na makilala ang pinakadakilang pangalan, ang magpatotoo tungkol dito, at mangunyapit dito! Sa ganiyang paraan, ang masayang layunin ng Diyos ay matutupad sa bawat isa sa atin: “Sapagkat kaniyang inilagak sa akin ang pagmamahal niya, siya naman ay aking ililigtas. Aking bibigyan siya ng proteksiyon sapagkat kaniyang nakilala ang aking pangalan. Siya’y tatawag sa akin, at sasagutin ko siya. . . . Aking bubusugin siya ng mahabang buhay, at ipakikita ko sa kaniya ang aking pagliligtas.”​—Awit 91:14-16.

[Talababa]

a Bilang patotoo na ang Trinidad ay hindi isang turo ng Bibliya, tingnan ang brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad? inilathala noong 1989 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 5]

Sa nagniningas na mababang punungkahoy, ipinakilala ng Diyos ang kaniyang sarili kay Moises bilang ‘si Jehova, ang Diyos ni Abraham’

[Credit Line]

Si Moises at ang Nagniningas na Mababang Punungkahoy, ni W Thomas, Sr.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share