Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 12/1 p. 2-4
  • Likas na mga Kapahamakan—Isang Tanda ng Panahon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Likas na mga Kapahamakan—Isang Tanda ng Panahon?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Likas na mga Sakuna?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Likas na mga Sakuna—Bakit Napakarami?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Likas na mga Kapahamakan—Kagagawan ba ng Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Ang Pakikibaka ng Tao Laban sa mga Sakuna
    Gumising!—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 12/1 p. 2-4

Likas na mga Kapahamakan​—Isang Tanda ng Panahon?

“ANG bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako. Lahat ng bagay na ito ay pasimula ng mga bugso ng kahirapan.” Sa mga salitang ito ipinaliwanag ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad 19 na siglo na ang lumipas na ang gayong kapaha-pahamak na mga pangyayari, kasali na ang paglago ng katampalasanan at ang pambuong daigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ay magpapakilala ng isang kabuuang tanda ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.”​—Mateo 24:3-14.

Dahil diyan, maitatanong natin, Tayo ba’y nakasasaksi ng lalong maraming kapaha-pahamak na mga lindol, bagyo, baha, tagtuyot, at mga taggutom kaysa nakalipas na mga salinlahi? At sa kabila ng pagsulong sa siyensiya at teknolohiya, lalo bang maraming tao ang nagdurusa bilang resulta ng mga nabanggit?

Sa marami ang sagot ay oo. Halimbawa, ang magasing New Scientist ay nagbabala na “ang daigdig ay makaaasa ng higit pang mga kapahamakan sa mga taon ng 1990 kaysa noong nakalipas na mga dekada.” Gayundin, sa UN Chronicle ng Hunyo 1991, ang direktor ng World Meteorological Organization ay nagsabi: “Ang kalakaran ay lubhang maliwanag. Mula nang mga taon ng 1960 hanggang sa mga taon ng 1980 . . . , makalimang ibayo ang naparagdag sa dalas ng malalaking likas na mga kapahamakan, at lahat-lahat makatatlong ibayong pagdami ng mga bumagsak na kabuhayan.” Sa pagbibigay ng kaunting linaw tungkol sa paksa, ang World Health, ang magasin ng UN World Health Organization, ay may ganitong puna: “Ang mga halimbawa ng likas na mga kapahamakan at ang pinsalang dulot ng mga ito ay matutunton sa buong kasaysayan. Gayunman, habang papalapit ang ika-21 siglo, nakaharap tayo sa nagbabagong halu-halong demograpiko, ekolohiko at teknolohikong mga kalagayan na nagpapangyaring maraming populasyon ang lalong madaling maapektuhan ng kapuwa likas at gawang-taong mga kapahamakan.”

Sinumang nagbibigay-pansin sa kasalukuyang mga pangyayari ay hindi nagtataka sa ganiyang mga pangungusap. Ang larangan sa pagbabalita ay hindi kinukulang ng kahindik-hindik na mga istorya, maging iyon man ay ang pagputok ng isang bulkan sa Pilipinas, lindol sa California, baha sa Bangladesh, taggutom sa Somalia, malakas na bagyo sa Hawaii, o daluyong sa Nicaragua. Halos hindi lumilipas ang isang buwan na walang balita ng isang kapahamakan sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Ito ay ipinagwawalang-bahala ng ilang tao. Ikinakatuwiran nila na ang nakikitang pagdami ng mga kapahamakan sa panahon natin ay dahil lamang sa mas mainam na pag-uulat o sa lalong mahusay na pagrerekord. Ikinakatuwiran pa nila na mas maraming tao ang dumaranas ng epekto ng kapahamakan sapagkat mas maraming tao ngayon. Kapani-paniwala ba ang mga pangangatuwirang ito, o mayroon pang higit na mga detalye na kailangang malaman?

Pansinin ang sinasabi sa artikulo sa New Scientist na sinipi sa itaas. “May 523 kapahamakang naiulat noong mga taon ng 1960 at 767 noong mga taon ng 1970. Nang sumapit na ang mga taon ng 1980, ang bilang ay umabot na sa 1387.” Ito’y nagpatuloy sa pagpapaliwanag na “bahagi ng nakitang pagdami ng likas na mga kapahamakan noong lumipas na dekada ay bunga ng lalong tuwirang pag-uulat ng mga kapahamakang iyon sa Tsina at sa Unyong Sobyet.” Pagkatapos ay isinusog pa: “Magkagayon man, ang bilang ay tumataas.” Ang napakabilis na pagdami ng likas na mga kapahamakan ay hindi maipaliliwanag na bunga lamang ng lalong mahusay na pag-uulat at pag-iingat ng rekord.

Isa pa, nag-uulat ang UN Chronicle ng Marso 1992: “Noong nakalipas na dalawang dekada, mga 3 milyong katao ang nasawi at 800 milyon pa ang naapektuhan ng ‘pananalanta, kahirapan at pagdurusa’ na likha ng likas na kapahamakan.” Ang ibig sabihin ay mga 1 sa bawat 7 katao na nabubuhay sa lupa ang naapektuhan ng isang uri ng kapahamakan o trahedya. Iyan ay talagang nakagugulat at may dahilan na maniwala na ang panahon natin ay punô ng kaligaligan at kaguluhan.

Yamang inihula ng Bibliya ang gayong panahon ng laganap na kagipitan, nangangahulugan ba ito na kagagawan ng Diyos ang mga kapahamakan at ang pagdurusa na bunga ng mga ito? Maraming tao ang may ganiyang paniwala. Subalit ano ba ang ipinakikita ng mga ebidensiya? At lalong mahalaga, ano ba ang ipinakikita ng Bibliya?

[Picture Credit Line sa pahina 2]

Cover: W. Faidley/Weatherstock

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Larawan sa gitna: Mark Peters/Sipa Press

WHO/League of Red Cross

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share