Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 12/1 p. 10-13
  • Ang mga Pagliligtas Ngayon ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Pagliligtas Ngayon ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-ibig na Nilalakipan ng Gawa
  • Isang Pandaigdig na Pagkakapatiran
  • Ang Pinagmumulan ng Tunay na Kaligtasan
  • Sama-samang Sumusulong sa Pag-ibig
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Mga Bagay na Hindi Kayang Sirain ng Bagyong si Andrew
    Gumising!—1993
  • Isang Bagay na Hindi Matatangay ng Bagyo
    Gumising!—2003
  • Pagbibigay ng Tulong—Lumuluwalhati kay Jehova
    Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 12/1 p. 10-13

Ang mga Pagliligtas Ngayon ni Jehova

ANG Bibliya ay nagsasabi sa atin ng ganito tungkol kay Jehova: “Marami ang kadalamhatian ng matuwid, ngunit inililigtas siya ni Jehova sa lahat ng iyan” at, “si Jehova ay marunong magligtas buhat sa tukso sa mga taong may maka-Diyos na debosyon.”​—Awit 34:19; 2 Pedro 2:9.

Papaano sinasaklolohan ni Jehova ang kaniyang bayan pagka sila’y nasa kagipitan? Hindi sa pamamagitan ng makahimalang pagpigil sa mga puwersa ng kalikasan o sa anumang ibang mahiwagang gawa, gaya ng iniisip ng maraming tao na dapat niyang gawin, kundi sa pamamagitan ng isa pang lakas na hindi talagang nauunawaan ng maraming tao​—ang pag-ibig. Oo, iniibig ni Jehova ang kaniyang bayan, at kaniyang pinaunlad sa gitna nila ang pag-ibig sa isa’t isa na napakatindi anupat kaniyang nagagawa ang para sa kanila ay waring halos kahima-himala.​—1 Juan 4:10-12, 21.

Ang ilan ay maaaring mangatuwiran na sa panahon ng kagipitan, ang kinakailangan ay pagkain, gamot, at kagamitan​—hindi pag-ibig. Kung sa bagay, ang pagkain, gamot, at kagamitan ay mahalaga. Gayunman, si apostol Pablo ay nangangatuwiran ng ganito: “Kung magkaroon ako ng buong pananampalataya na anupat mapalilipat ko ang mga bundok, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking ari-arian upang pakainin ang iba, at kung ibigay ko ang aking katawan, upang maipagmalaki ko, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang anumang pakikinabangin.”​—1 Corinto 13:2, 3.

Malimit na nababasa natin ang tungkol sa pagkain at mga panustos na nilayong makatulong ngunit nakatambak lamang sa mga piyer at nabubulok o kinakain ng mga daga samantalang ang mga taong nangangailangan ay namamatay dahil sa sakit at pagkagutom. O lalong masama pa rito, ang gayong mga pantulong ay maaaring mapasakamay ng masasakim at masasamang tao na nakikinabang doon nang husto. Sa gayon, isang bagay ang magkaroon ng mga panustos, ngunit iba naman ang makita na yaong mga nasa kahirapan ay nakikinabang sa mga yaon. Malaki ang nagagawa ng tunay na pag-ibig at pagmamalasakit.

Pag-ibig na Nilalakipan ng Gawa

Noong Setyembre 1992, ang Hurricane Iniki ay dumating sa isla ng Kauai sa Hawaii, na may populasyong 55,000. Taglay nito ang hangin na may bilis na 210 kilometro bawat oras at bugso ng hangin na hanggang 260 kilometro bawat oras, anupat pumatay ito ng 2 katao at 98 ang napinsala, sinira ang 75 porsiyento ng mga tahanan, nag-iwan ng 8,000 kataong walang tahanan, at tinatayang $1 bilyon ang halaga ng nawasak. Kabilang sa mga naninirahan sa munting islang ito ay humigit-kumulang 800 Saksi ni Jehova sa anim na kongregasyon. Papaano sila nakaagwanta?

Bago aktuwal na dumating si Iniki, ang matatanda sa kongregasyon, sa ilalim ng pangangasiwa ng naglalakbay na tagapangasiwa, ay nakipag-alam na sa lahat ng miyembro ng mga kongregasyon upang tiyaking sila’y ligtas at tiwasay, handa para sa pagdating ng bagyo. Ang ganiyang maibiging pangangalaga ay nakatulong upang maiwasan ang malulubhang kapinsalaan o kamatayan sa gitna ng mga Saksi.​—Ihambing ang Isaias 32:1, 2.

Bagaman malaki ang pinsala sa komunikasyon at transportasyon, tatlong kinatawan ng tanggapang sangay sa Honolulu ng Watch Tower Bible and Tract Society ang kabilang sa mga unang dumating doon pagkaraan ng bagyo, yamang sila’y binigyan ng pantanging permiso ng civil defense upang sumakay sa eroplano patungong Kauai. Karaka-raka, sila’y nakipag-alam sa lokal na mga Saksi at, kinabukasan, nag-organisa ng isang pulong upang isaplano ang mga hakbang para sa pagtulong. Isang komite sa pagtulong ang binuo upang alamin ang mga pangangailangan at kumuha ng kinakailangang materyales sa pamamagitan ng tanggapang sangay sa Honolulu. Sa patuloy na paggawa nang walang hinto, sila ang nangasiwa sa gawaing pagdadala ng mga panustos sa mga nangangailangan at sa paglilinis at pagkukumpuni ng mga tahanan na napinsala.

Ang mga Saksi sa ibang mga isla ay mabilis na tumugon sa pagtulong sa kanilang mga kapatid na nangangailangan. Nang nabuksan ang airport sa Kauai, 70 Saksi ang nag-eroplano para makarating doon upang makatulong. Mga panustos na nagkakahalaga ng $100,000, kasali na ang mga generator, mga kusinilya, lampara, at pagkain, ang ipinadala. Isa sa mga Kingdom Hall sa isla ang ginamit bilang pinakabodega; subalit may kaunting pangamba na baka ito ay nakawin. Nang magkagayon ang ilang trak ng Hukbo ay pumarada sa parking lot ng Kingdom Hall, at ang mga tsuper ay nagtanong kung maaari nilang iparada roon ang kanilang mga trak. Dahilan sa mga sundalong inilagay upang bantayan ang mga trak, ang mga panustos na naroon ay hindi ginalaw ng mga magnanakaw.

Ang mga generator ay dinala ng mga kapatid sa bahay-bahay, pinaandar sa bawat tahanan nang may dalawa o tatlong oras upang tulungan ang mga tao na magamit ang kanilang mga freezer. Grupu-grupong mga kapatid ang pinapunta sa iba’t ibang tahanan upang tumulong maglinis at magkumpuni ng nasira. Nang sila’y gumawa sa bahay ng isang sister na may asawang lubhang salungat sa kaniya noong nakaraan, gayon na lamang ang pagkabagbag ng damdamin ng asawang lalaki anupat wala siyang ibang nagawa kundi magmasid at umiyak. Isang panauhin buhat sa mismong kontinente na nakakita sa isa pang grupo ng mga Saksi na gumagawa ang lubhang humanga sa kanilang iginawi at organisasyon anupat kaniyang nilapitan sila at itinanong kung bakit sila ibang-iba. Nang isang kapatid ang nagpaliwanag na ang dahilan ay ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kanilang kapuwa Kristiyano, ang tao ay tumugon: “Papaano ko makikilala ang Diyos?” (Mateo 22:37-40) Pagkatapos ay kaniyang isinusog: “Kayo ay totoong organisado anupat marahil ay may isa sa inyo na naghihintay sa akin sa bahay pagbalik ko sa Florida!”

Lahat-lahat, ang mga Saksi ni Jehova ay tumulong sa paglilinis at pagkukumpuni sa 295 tahanan sa Kauai. Sa mga ito, 207 ang nangailangan ng bahagyang pagkukumpuni, ngunit 54 ang malubhang nasalanta, at 19 ang lubusang nawasak. Sa kanilang gawain ay kasali rin ang pagdalaw sa bawat kilalang Saksi sa isla upang matiyak na bawat isa ay inaasikaso. Nang ang mga panustos ay inihatid sa isang sister, isang kapitbahay na Buddhist ang nakapuna na siya’y wala kahit isang bag ng tsa na tinanggap buhat sa kaniyang grupo. Isa pang ginang, na ang tahanan ay nilinis ng isang grupo ng mga Saksi, ay nagsabi: “Matagal nang kayo’y pumaparito sa aking tahanan, at naisip kong kayo’y mabubuting kapitbahay, subalit ang kapahayagang ito ng pag-ibig sa kapuwa ang nagpapakita sa akin kung anong uri ang inyong organisasyon. Salamat para sa lahat ng inyong pagpapagal.”

Bukod sa pag-aasikaso sa lahat ng materyal na pangangailangan ng kanilang mga kapuwa Kristiyano, yaong nangangasiwa sa pagtulong ay may katumbas na pagkabahala rin tungkol sa kanilang espirituwalidad. Wala pang dalawang araw pagkatapos ng bagyo, ang ilang kongregasyon ay nagdaraos na ng kanilang mga pulong. Agad-agad, ang maliliit na grupo sa pag-aaral ng aklat ay napabalik na. Sampung matatanda buhat sa ibang mga isla ang naparoon sa Kauai upang tumulong sa lokal na matatanda na dalawin ang bawat Saksi sa isla. Nang sumunod na Linggo, lahat ng anim na kongregasyon ay nagdaos na ng Pag-aaral sa Bantayan, isang 30-minutong pahayag ng isang miyembro ng Komite sa Pagtulong tungkol sa mga pamamaraan ng pagtulong, at isang 30-minutong pangwakas na pahayag ng isang miyembro ng Komite ng Sangay na nanggaling pa sa Honolulu para sa layuning ito. Isang nakasaksi ang nag-uulat ng ganito: “Lahat ay naaliw ng mainam na patnubay na ibinigay at handa na sa espirituwal upang lutasin ang kanilang natitirang mga suliranin. Marami sa mga naroong tagapakinig ang umiiyak samantalang nagtatapos na ang programa, at malakas ang kusang pagpapalakpakan.”

Isang Pandaigdig na Pagkakapatiran

Ang gayong pag-ibig at pagkabahala ay isang tanda ng bayan ni Jehova sa buong daigdig. Nang ang Cyclone Val ay dumaan sa Western Samoa mga isang taon na ang nakalipas, malaki rin ang napinsala, subalit ang mga Saksi ni Jehova sa mga ibang panig ng daigdig ay agad na sumaklolo sa kanilang mga kapatid doon. Nang maglaon, nang maglaan ang pamahalaan ng pondo para sa lahat ng relihiyon​—kasali na ang mga Saksi ni Jehova​—para sa pagkumpuni ng kanilang mga looban, isinauli ng mga Saksi ang mga pondo kalakip ang isang liham na nagsasabing ang lahat ng kanilang pinsala ay nakumpuni na, at ang pondo ay magagamit upang kumpunihin ang ilang gusali ng gobyerno. Ang kanilang ginawang ito ay iniulat ng isang lokal na pahayagan. Sa pagkabasa nito, isang opisyal ng gobyerno ang nagsabi sa isang Saksi na medyo ikinahihiya niya ang kaniyang sariling simbahan sapagkat kanilang tinanggap ang salapi buhat sa gobyerno kahit na lahat ng kanilang gusali na napinsala ng buhawi ay nakukubrehan ng seguro.

Gayundin, noong Setyembre 1992, nang ang Ouvèze River sa timog-silangang Pransya ay bumaha at sinalanta ang Vaison-la-Romaine at ang 15 nakapalibot na mga komunidad, tumugon agad-agad ang mga Saksi. Sa magdamag, 40 katao ang nasawi sa baha, 400 tahanan ang nawasak, napinsala ang daan-daang iba pa, at libu-libong pamilya ang walang magamit na tubig o koryente. Kinaumagahan, mga Saksi buhat sa lokal na mga kongregasyon ang unang dumating upang tumulong sa mga biktima ng baha. Yaong mga nangangailangan ng tirahan ay buong pagmamahal na kinupkop ng mga pamilyang Saksi sa buong rehiyon. Daan-daang Saksi ang nanggaling sa malayo at malapit upang mag-alok ng tulong. Isang komite sa pagtulong ang binuo sa karatig lunsod ng Orange upang makipagtulungan sa apat na grupo ng mga boluntaryo, na nag-alis ng putik at naglinis ng mga bahay, naglaba ng gabundok na mga damit na napalubog sa putik, at naghanda at naghatid ng pagkain at inuming tubig sa buong lugar na apektado. Sila’y nagboluntaryo pa nga na linisin ang isang lokal na paaralan at ang ilang gusali ng munisipyo. Ang kanilang walang-kapagurang pagsisikap ay pinahalagahan ng kanilang mga kapatid at ng mga tao sa komunidad.

Sa maraming iba pang lugar, ang mga Saksi ni Jehova ay dumanas ng kahirapan buhat sa mga kapahamakan, tulad ng mga baha, unos, at mga lindol, gaya ng dinaranas ng sinuman. Sa pagkaunawa na lahat ng ito ay bunga ng di-inaasahan o di-maiiwasang mga pangyayari, hindi nila sinisisi ang Diyos o ang sinuman. (Eclesiastes 9:11) Bagkus, sila’y nagtitiwala na ang may pagsasakripisyo-sa-sariling pag-ibig ng kanilang mga kapananampalataya ay sasagip sa kanila anumang mahirap na mga kalagayan ang sumapit sa kanila. Ang gayong maibiging mga gawa ay bunga ng kanilang iisang pananampalataya. Nagpapaliwanag ang alagad na si Santiago: “Kung ang isang kapatid na lalaki o babae ay hubad at walang sapat na makain para sa araw na iyon, gayunma’y isa sa inyo ay magsabi sa kanila: ‘Humayo ka na, magpakainit ka at magpakabusog,’ ngunit hindi naman ninyo binibigyan sila ng kanilang mga kailangan sa buhay, ano ang kabuluhan nito? Gayundin ang pananampalataya, kung walang mga gawa, iyon ay patay sa ganang sarili.”​—Santiago 2:15-17.

Ang Pinagmumulan ng Tunay na Kaligtasan

Imbes na umasa sa mga himala sa anyo ng isang uri ng pagliligtas ng Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay nakaaalam na ang kaligtasan ay masusumpungan sa kanilang pambuong daigdig na kapatirang Kristiyano. Ang totoo, ang nagagawa ng kapatirang iyan kung mga panahon ng kagipitan ay halos kahima-himala. Kanilang nagugunita ang mga salita ni Jesus na masusumpungan sa Mateo 17:20: “Kung ikaw ay may pananampalataya na kasinlaki ng isang binhi ng mustasa, masasabi mo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka mula rito,’ at iyon ay lilipat, at walang magiging imposible para sa iyo.” Oo, ang gabundok na mga balakid ay napapawi pagka ang tunay na pananampalatayang Kristiyano, na may kasamang pag-ibig, ay nilakipan ng gawa.

Ang bayan ni Jehova sa buong daigdig ay nakadarama ng nagliligtas na kamay ng kanilang Diyos sa mga panahong ito ng kawalang-kapanatagan at kapanganiban. Nadarama nila ang gaya ng nadama ng salmista: “Payapa akong hihiga at gayundin matutulog, sapagkat ikaw lamang, Oh Jehova, pinatatahan mo ako sa katiwasayan.” (Awit 4:8) May pagtitiwala, kanilang itinututok ang kanilang pansin sa gawain ngayon: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) At taglay ang katiyakan kanilang inaasam-asam ang katuparan ng ipinangako ni Jehova na isang mapayapa, matuwid na bagong sanlibutan, na kung saan hindi na sila makararanas ng anumang uri ng mga kapahamakan, gawa man ng tao o ng kalikasan.​—Mikas 4:4.

[Mga larawan sa pahina 12]

Mga Saksi ang nanggaling sa malayo at malapit upang tumulong sa mga biktima ng baha

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share