Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Ang Katatagan ay Nagbubunga ng Saganang Gantimpala
INIHULA ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay pag-uusigin, at gayundin ang sinabi ni apostol Pablo, na nakaulat sa 2 Timoteo 3:12: “Sa katunayan, lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may maka-Diyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” Subalit ang katatagan sa paglilingkuran sa Diyos na Jehova ay nagbubunga ng saganang gantimpala.
◻ Ito ay totoo sa isang bayan sa hilagang-silangang baybayin ng Malaysia. Bagaman siya ay isang panatikong Buddhista na mahigpit na sinaway ang kaniyang mga anak, hindi nahadlangan ng isang ama ang kaniyang tatlong anak na babae at tatlong anak na lalake sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Maging ang kaniyang asawang babae ay nagpakita ng interes sa katotohanan. Isang araw siya’y tinuya ng isang kapitbahay: “Ano’t hindi mo masupil ang iyong mga anak at pinapayagan mong sila’y maging mga Saksi ni Jehova? Ang lahat ng aking anak ay nananatili sa akin at sa relihiyong Buddhista ng ating mga ninuno. Kaawa-awa ka naman!”
Nagmamadaling umuwi ang ama na nagbabantang gugulpihin ang sister na nagdaraos ng mga pag-aaral sa kaniyang mga anak. Gayunman, ang mga anak ay nagsikap na siya’y payapain at nagpatuloy sila ng pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at ng pagdalo sa mga pulong sa tulong ng kanilang ina.
Gayunman, sa wakas ay ipinatawag ng ama ang buong pamilya. “Pumili kayo,” ang utos niya, “ako at ang pananatili sa tahanan o ang pagiging mga Kristiyano at ang pag-alis sa bahay.” Ang panganay na lalaki, isang napakamalumanay na bata, ay agad nagsimulang mag-impake upang umalis. “Hindi!” ang sigaw ng ama. “Yamang kayong lahat ay mga anak na mapaghimagsik, mas mabuti pang mamatay na ako.” Pagkatapos siya’y nagmamadaling lumabas ng bahay, samantalang hinahabol ng kaniyang pamilya, na namanhik sa kaniya na huwag siyang magpakamatay. Palibhasa’y nabagbag ang damdamin dahil sa kanilang pakiusap, siya’y bumalik sa tahanan.
Lumipas ang panahon. Napansin ng ama ang mabuting epekto ng katotohanan ng Bibliya sa asal ng kaniyang mga anak. Isang araw nakasalubong niya ang kaniyang nangungutyang kaibigan, ngayon ay isang taong malungkot, na ang sabi: “Ako’y bigung-bigo sa aking mga anak. Dinaraya nila ako at pinagnanakawan pa ako.” Subalit ang amang may mga anak na nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova ay nagsabi: “Ah, ibang-iba naman ang aking mga anak! Napakabait nila sa akin at tinulungan pa nga ako na bayaran ang hinuhulugan kong kotse nang ako’y walang trabaho.”
Sa ngayon, ang tatlong anak na babae at ang ina ay nabautismuhan na. Ang isang anak na lalaki ay special pioneer. At kumusta naman ang isang panatiko at galít na ama? Siya ngayon ay palakaibigan at nakadalo na sa Memoryal.
Ginantimpalaan ni Jehova ang anak na lalaki at ang kaniyang tatlong kapatid na babae pati na ang kanilang ina dahilan sa kanilang katatagan sa Kaniyang panig. Sila ngayon ay masisigasig na mangangaral ng Kaharian, anupat pinagagalak ang puso ni Jehova.—Kawikaan 27:11.