Ang mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig—Ang Republika ng Pilipinas
ANG 7,083 di-patag na tropikong mga islang bumubuo ng Republika ng Pilipinas ang kaitaasang bahagi ng isang halos nakalubog na mga kabundukan.a At ang 62,000,000 mamamayan ng Pilipinas ay mahilig na makipag-usap tungkol sa halos anumang paksa. Ang resulta ng palakaibigang ugaling ito ay isang matabang lupa sa pagpapatotoo sa Kaharian.
Pagpapatotoo sa Paaralan
Sa isla ng Masbate, isang kabataang estudyante sa high school ang nakapagpatotoo sa kaniyang guro at mga kaklase sa panahon ng isang pagsusulit na sinasagot ng tama o mali. Siya ay nag-uulat:
“Ang pangungusap ay, ‘Kung iniibig ako ng Diyos, hindi niya ako bibigyan ng mga suliranin o pahihintulutang maghirap.’ Nang basahin upang markahan ng aking guro ang aming mga papel, nakita niya na lahat maliban sa akin ay sumagot ng tama. Pinayagan ako ng aking guro upang ipaliwanag sa klase kung bakit ang sagot ko ay mali. Sinabi kong hindi ang Diyos ang nagbigay sa atin ng mga suliranin, bagaman kaniyang pinapayagan ang paghihirap at ang pagsubok sa atin. Samantalang ginagamit ko ang aking Bibliya, na lagi kong dala-dala sa paaralan, ipinangatuwiran ko sa harap ng klase ang mga salita sa 1 Juan 4:8, ‘ang Diyos ay pag-ibig.’ Pagkatapos ng aking paliwanag, nakumbinsi ang aking guro, tumuktok sa kaniyang desk, at sinabi: ‘Tama si Marilou.’ Ako lamang ang nakakuha ng tamang sagot sa tanong na ito at tumanggap ng pinakamataas na marka.”
Ang Mensahe ng Kaharian ay Nasa Lahat ng Dako
Samantalang nagbabahay-bahay sa isa pang bahagi ng Pilipinas, natagpuan ng isang regular pioneer (buong-panahong mamamahayag ng mabuting balita) ang isang ina na may tatlong maliliit na anak. Ang babae ay nagpakita ng malaking interes sa mensahe ng Kaharian, at ito ang nagpadali upang mapasimulan sa kaniya ang isang pag-aaral ng Bibliya. Bagaman hindi ikinatuwa ng asawang lalaki ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya, lalo na sa tulong ng mga Saksi ni Jehova, ang pag-aaral ay nagpatuloy.
Inilipat ng lalaki ang kaniyang pamilya sa ibang lunsod, sa pag-aakala na hindi na maipagpapatuloy ng kaniyang asawa ang pakikisama sa mga Saksi. Gayunman, hindi nagtagal at kanilang natagpuan ang babaing ito, at ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya. Mangyari pa, nagalit ang asawang lalaki. Taglay pa rin niya ang kaniyang galit hanggang sa kaniyang trabaho, at doon ay naipahayag niya ang kaniyang damdamin sa isang parokyano na ang sasakyan ay kaniyang kinukumpuni. Hindi alam ng lalaki, ang parokyanong iyon ay isa sa mga Saksi ni Jehova.
Ipinaliwanag ng Saksi na makabubuti para sa buong pamilya kung magpapatuloy ang kaniyang asawa sa pag-aaral ng Bibliya. Kaniyang maikakapit ang mga simulain ng Bibliya doon mismo sa tahanan. Iminungkahi rin na makikinabang ang asawang lalaki kung magkakaroon siya ng kaalaman tungkol sa Kaharian ng Diyos.
Ano ang naging resulta ng pag-uusap na ito? Ang asawa ng lalaki ay nagkaroon ng higit na kalayaan na mag-aral ng Bibliya, at ipinasiya ng lalaking iyon na silang mag-anak ay bumalik sa kanilang dating tahanan. Doon ang babae ay sumulong sa espirituwal hanggang sa punto na pagiging isang di-bautisadong mamamahayag ng Kaharian. Ang kaniyang asawa ay pumayag ding mag-aral ng Bibliya, at ang buong pamilya ay nagsimulang dumalo sa mga pulong Kristiyano.
[Talababa]
a Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 1994 Calendar of Jehovah’s Witnesses.
[Kahon sa pahina 8]
ANG KALAGAYAN NG BANSA
1993 Taon ng Paglilingkuran
PINAKAMATAAS NA BILANG NG NAGPAPATOTOO: 116,576
KATUMBASAN: 1 Saksi sa 549
DUMALO SA MEMORYAL: 357,388
ABERIDS MAMAMAHAYAG NA PAYUNIR: 22,705
ABERIDS PAG-AARAL SA BIBLIYA: 94,370
BILANG NG NABAUTISMUHAN: 7,559
BILANG NG MGA KONGREGASYON: 3,332
TANGGAPANG PANSANGAY: MAYNILA
[Larawan sa pahina 9]
Nagdudulot ng maiinam na resulta ang pagpapatotoo sa mga pamilihan
[Larawan sa pahina 9]
Tanggapang pansangay ng Samahang Watchtower sa Maynila