Ang mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig—Ang Bahamas
ANG Commonwealth ng Bahamas—isang kapuluan na may 3,000 isla at mumunting pulo—ay mistulang isang kuwintas na korales sa 900 kilometrong kulay nangangasul-berdeng karagatan sa pagitan ng Florida at Cuba. Kabilang sa 267,000 naninirahan doon ay ang lumalakas na koro ng mga tagapagbalita ng Kaharian. Ang kanilang awit ng papuri ay nagpapagunita ng Isaias 42:10-12: “Magsiawit kayo kay Jehova ng isang bagong awit, ng kapurihan niya mula sa wakas ng lupa, kayong mga tao na nagsisibaba sa dagat at ang buong nariyan, kayong mga pulo at kayong mga nananahan sa kanila. . . . Magsihiyaw sila mula sa mga taluktok ng mga bundok. Magbigay luwalhati sila kay Jehova, at magpahayag ng kaniyang kapurihan sa mga pulo.”
Hinamon ang Bagong Pananampalataya
Noong Hulyo 1992, isang regular pioneer (isang buong-panahong mangangaral ng Kaharian) ang nakapagpasakamay ng aklat na pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa sa isang kakilala sa negosyo. Matapos basahin ng lalaki ang aklat, nasabi niya sa kaniyang sarili, ‘Dapat kong suriin ang relihiyong ito.’ Nang sumunod na dalawang Linggo, dumalo siya sa mga pulong sa dalawang magkaibang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Sumunod, pinasimulan sa kaniya ang isang pag-aaral sa Bibliya. Subalit, anim na linggo lamang pagkatapos na simulan ang kaniyang mga aralin sa Bibliya, bumangon ang isang hamon na susubok sa kaniyang bagong pananampalataya—mga pagdiriwang ng kompleanyo.
Ang pamilya ng negosyante ay lubhang interesado sa gayong mga pagdiriwang, subalit ang pag-ibig niya sa Salita ng Diyos ay pumukaw sa kaniya na ipagpatuloy ang kaniyang mga aralin sa Bibliya. Habang lumalawak ang kaniyang kaalaman sa maka-Kasulatang katotohanan, gayundin ang kaniyang pagkaunawa tungkol sa mga pagdiriwang ng kompleanyo at makasanlibutang mga kapistahan at ang pangmalas ni Jehova sa mga iyon.
Nang ang maybahay ng lalaking ito ay mag-organisa ng isang sosyal na pagtitipon para sa Araw ng Ama, siya’y magalang na tumanggi sa pagdalo. Subalit, inakala ng babae na wala nang pag-ibig sa kaniya ang kaniyang asawa at inuuna ang kaniyang relihiyon sa halip na siya at ang pamilya. May kabaitang ipinaliwanag ng lalaki na ang pagkakapit ng kaniyang natutuhan buhat sa Bibliya ay tumutulong upang siya ay baguhin at maging isang lalong mabuting asawang lalaki at ama. Sa wakas, lumago ang pagpapahalaga ng babae sa pag-ibig ng kaniyang asawa sa katotohanan ng Kasulatan at siya ay pumayag na mag-aral ng Bibliya. Ngayon ang lalaki ay nagdaraos ng pag-aaral ng Bibliya sa kaniyang pamilya. At anong laki ng kaniyang kagalakan sa “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon nitong nakaraang taon! Ang kaniyang maybahay at anak na babae ay naroroon at nasaksihan ang kaniyang pagpapabautismo.
Narinig ng mga Dayuhan ang Bagong Awit
Libu-libong dayuhan mula sa Haiti ang nagiging bahagi na sa lipunan sa Bahamas. Sila man ay nangangailangang makapakinig ng bagong awit ng katotohanan ng Kaharian. Ang mga Saksing naninirahan sa Bahamas ay napasasalamat na dumating doon ang dalawang mag-asawang Haitiano-Amerikano. Ang mga taong ito ay tumulong upang palakasin ang bagong katatatag na mga grupong Haitiano sa mga isla ng Grand Bahama at Abaco.
Bilang karagdagang tulong sa mga Haitianong interesado sa mensahe ng Kaharian, ang unang pandistritong kombensiyon sa Bahamas sa wikang Creole ay naganap mula Hulyo 31 hanggang Agosto 1, 1993. Ang dumalo ay umabot sa 214, anupat tatlong bagong nag-alay ang nabautismuhan. Maraming Haitiano na natuto ng katotohanan sa Bahamas ang nagsibalik na sa kanilang islang tahanan o lumipat na sa ibang lugar upang mairagdag ang kanilang tinig sa tinig ng lokal na mga Saksi sa pag-awit ng papuri kay Jehova.
[Kahon sa pahina 8]
LARAWAN NG BANSA
1993 Taon ng Paglilingkoda
PINAKAMATAAS NA BILANG NG NAGPAPATOTOO: 1,294
KATUMBASAN: 1 Saksi sa 197
DUMALO SA MEMORYAL: 3,794
ABERIDS MAMAMAHAYAG NA PAYUNIR: 186
ABERIDS PAG-AARAL SA BIBLIYA: 1,715
BILANG NG NABAUTISMUHAN: 79
BILANG NG MGA KONGREGASYON: 22
TANGGAPANG PANSANGAY: NASSAU
[Talababa]
a Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 1994 Calendar of Jehovah’s Witnesses.
[Larawan sa pahina 9]
Ang unang Kingdom Hall, pati ang tanggapang pansangay at tahanang misyonero
[Larawan sa pahina 9]
Buong sigasig na inihahayag ng mga Saksi ang mabuting balita
[Larawan sa pahina 9]
Sina Milton G. Henschel at Nathan H. Knorr kasama ang mga misyonero sa Nassau mga 45 taon na ang lumipas
[Larawan sa pahina 9]
Ang bagong tanggapang pansangay, inialay noong Pebrero 8, 1992