Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 4/1 p. 4-7
  • Isang Lalong Mabuting Sanlibutan—Malapit Na!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Lalong Mabuting Sanlibutan—Malapit Na!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Pananabik na Mabuhay sa Paraiso”​—Bakit?
  • Paghanap sa Paraiso​—Kasaysayan ng Isang Idea
  • Mga Utopia​—Ulirang mga Lugar Ba?
  • Ang mga Kristiyano at ang Isang Lalong Mabuting Sanlibutan
  • Paraiso sa Lupa—Panaginip Lang Ba Ito o Magkakatotoo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2017
  • “Magkita-kita Tayo sa Paraiso!”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Nasaan ba ang Paraisong Binabanggit sa Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Paraiso
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 4/1 p. 4-7

Isang Lalong Mabuting Sanlibutan​—Malapit Na!

“ANG pananabik na mabuhay sa paraiso ay isa sa pinakamatinding pagnanasa na waring laging nasa isip ng mga tao. Maaaring ito ang pinakamatindi at hindi mapawi sa isip. Ang paghahangad ng paraiso ay mapatutunayan sa lahat ng antas ng relihiyosong buhay,” ang sabi ng The Encyclopedia of Religion.

Lahat ng kultura ay waring may taglay ng kaparehong hangaring mamuhay sa isang lalong mabuting sanlibutan, na para bang ipinaghihinagpis ang isang orihinal na mithiin na hindi na umiiral. Ito’y nagpapahiwatig ng posibilidad ng pag-iral ng isang orihinal na paraiso, subalit saan? Isang saykoanalista ang marahil magsasabi na ang matinding pagnanasang ito ay nagsisiwalat ng naising mabawi ang nawalang seguridad buhat sa bahay-bata ng ina. Subalit, ang ganitong paliwanag ay hindi nakakukumbinsi sa mga iskolar na nag-aaral ng kasaysayan ng relihiyon.

“Pananabik na Mabuhay sa Paraiso”​—Bakit?

Ang pagkakaroon ba ng gayong pananabik, gaya ng sinasabi ng ilan, ay lalo lamang nagbibigay ng katuwiran sa mga kahirapang dinaranas at sa kaiklian ng buhay ng tao? O may iba pang paliwanag?

Bakit ba ang sangkatauhan ay nagnanais ng isang lalong mabuting sanlibutan? Ang Bibliya ay nagbibigay ng isang paliwanag na malinaw at payak: Ang sangkatauhan ay nanggaling sa isang lalong mabuting sanlibutan! Talagang umiral ang isang orihinal na paraiso. Inilalarawan iyon sa Salita ng Diyos bilang “isang halamanan” na nasa isang espisipikong rehiyon sa Gitnang Silangan, pinagpala sa pagkakaroon ng “bawat punungkahoy na kanais-nais sa paningin at mabuting kanin ang bunga.” Iyon ay ipinagkatiwala ng Diyos sa pangangalaga ng unang mag-asawa. (Genesis 2:7-15) Iyon ay isang ulirang kapaligiran na talagang magpapaligaya sa mga tao.

Bakit hindi tumagal ang mga kalagayang iyon sa Paraiso? Dahilan sa paghihimagsik una ng isang espiritung nilalang at pagkatapos ay ng mag-asawang naroroon. (Genesis 2:16, 17; 3:1-6, 17-19) Sa gayon, naiwala ng tao hindi lamang ang Paraiso kundi pati ang kasakdalan, kalusugan, at buhay na walang katapusan. Ang mga kalagayan na nagsimulang umiral ay tunay na hindi nagpabuti ng buhay ng tao. Sa halip, ito ay unti-unting umurong hanggang sa napakababang uri na nakikita natin sa ngayon.​—Eclesiastes 3:18-20; Roma 5:12; 2 Timoteo 3:1-5, 13.

Paghanap sa Paraiso​—Kasaysayan ng Isang Idea

Gaya ng maguguniguni, ang “pananabik na mabuhay sa paraiso” ay may napakahabang kasaysayan. Nagugunita ng mga Sumeriano ang isang panahon na noon ay may pagkakaisang umiiral sa buong uniberso: “Walang umiiral na takot, walang kakilabutan, ang tao ay walang karibal. . . . Ang buong uniberso, ang mga tao ay nagkakaisa, kay Enlil sa isang wika ay nagbigay papuri,” ang ipinagunita ng isang sinaunang tula sa Mesopotamia. Ang ilan, katulad ng sinaunang mga Ehipsiyo, ay umasang makararating sa isang lalong mabuting sanlibutan pagkamatay nila. Sila’y naniniwala na ang isang walang-kamatayang kaluluwa ay nakarating sa tinatawag na mga bukid ni Aaru. Subalit nang una, ang pag-asang ito ay bukás lamang para sa mga maharlika; ang dukha ay hindi makapangangarap ng pagkakamit ng isang may katarungang daigdig.

Sa isang naiibang lugar na relihiyoso, ang mga Hindu ay naghihintay ng pagdating ng panahon (yuga) ng isang lalong mabuting sanlibutan sa loob ng daan-daang taon. Ayon sa mga turong Hindu, apat na yuga ang nagpapaulit-ulit sa isang nagpapatuloy na siklo, at tayo sa kasalukuyan ay namumuhay sa pinakamasama. Nakalulungkot, ang Kali Yuga (madilim na panahon) na ito, taglay ang lahat ng pagdurusa at kabalakyutan, ay tatagal, ayon sa ilan, nang 432,000 taon. Gayunpaman, ang tapat na mga Hindu ay naghihintay sa ginintuang panahon, ang Krita Yuga.

Sa kabilang panig, ang mga Griego at mga Romano ay nangangarap na makarating sa makaalamat na Fortunate Isles, sa Karagatang Atlantico. At maraming manunulat, tulad ni Hesiod, Virgil, at Ovid, ang bumanggit ng isang kagila-gilalas na orihinal na ginintuang panahon, anupat umaasang isang araw ay ibabalik iyon. Sa may dulo ng unang siglo B.C.E., ang makatang Latin na si Virgil ay humula tungkol sa napipintong pagdating ng isang bago at namamalaging aetas aurea (ginintuang panahon). Sa sumunod na mga siglo, “hindi kukulangin sa labing-anim na Romanong mga emperador ang nag-angkin na ang kanilang paghahari ang muling nagtatag ng Ginintuang Panahon,” ang sabi ng The Encyclopedia of Religion. Subalit gaya ng alam na alam natin sa ngayon, iyan ay isa lamang pulitikal na propaganda.

Maraming Celt ang naghangad ng inaakala nilang isang maningning na lupain sa isang isla (o sa isang kapuluan) sa kabila pa roon ng dagat, na kung saan sila’y naniniwala na ang mga tao’y namumuhay sa lubos na kaligayahan. Ayon sa isang alamat, si King Arthur, bagaman nasugatan nang malubha, ay patuloy na nabuhay pagkatapos na masumpungan niya ang kahanga-hangang islang tinatawag na Avalon.

Noong sinaunang panahon at noong Edad Medya, marami ang may akala na ang isang halamanan ng literal na mga kaluguran, ang halamanan ng Eden, ay umiiral pa rin sa isang lugar, “sa taluktok ng isang di-nararating na bundok o sa kabila pa ng isang karagatang di-mababagtas,” ang paliwanag ng istoryador na si Jean Delumeau. Kahit na ang Italianong makatang si Dante ay naniwala sa isang makalangit na paraiso, naguniguni niya na ang isang makalupang paraiso ay naroroon pa rin sa taluktok ng bundok ng kaniyang Purgatoryo, nasa tapat ng siyudad ng Jerusalem. Ang ilan ay naniniwala na iyon ay masusumpungan sa Asia, sa Mesopotamia, o sa Himalayas. At napakarami ng mga alamat noong edad medya tungkol sa isang paraiso ng Eden. Marami ang naniniwala na malapit sa paraisong iyon, may isang kamangha-manghang kaharian na pinamamahalaan ng relihiyosong si Prester John. Dahilan sa malapit iyon sa isang makalupang paraiso, ang buhay sa kaharian ni Prester John ay ipinagpapalagay na mahaba at maligaya, sa tuwina’y masagana at mayaman. Ang iba, na isinasaisip ang sinaunang mga alamat na Griego, ay may palagay pa rin na ang mga isla ng paraiso ay masusumpungan sa Atlantico. Makikita sa mga mapa noong edad medya ang matibay na paniniwala sa pag-iral ng halamanan ng Eden, ipinakikita pa nga ang ipinagpapalagay na kinaroroonan niyaon.

Noong ika-15 at ika-16 na siglo, ang mga nabigador na tumawid sa Atlantico ay sa katunayan humahanap ng isang sanlibutan na kapuwa bago at sinauna. Kanilang inakala na sa kabilang panig ng karagatan, masusumpungan nila hindi lamang ang Indies kundi pati ang halamanan ng Eden. Halimbawa, hinanap iyon ni Christopher Columbus sa kabundukan ng may katamtamang klima at tropikong mga lupain ng Timog at Sentral Amerika. Ang mga manggagalugad na Europeo na dumating sa Brazil ay may tiyak na paniwala na naroroon ang iniwalang paraiso dahil sa katamtamang klima at saganang pagkain at halaman. Subalit, di-nagtagal, napilitan silang kilalanin ang nakalalagim na katotohanan.

Mga Utopia​—Ulirang mga Lugar Ba?

Sa halip na sikaping matagpuan ang ulirang sanlibutan sa isang malayong panig ng lupa, sinikap ng iba na isaplano iyon. Sa gayon, noong 1516, inilarawan ng humanist na Ingles na si Thomas More ang isla ng Utopia, bilang isang kahanga-hanga, mapayapa, at may kainamang lugar, ibang-iba sa masamang sanlibutan na nakilala niya. Ang iba ay nagsikap ding magsaplano ng lalong maiinam na sanlibutan, mas maliligayang sanlibutan: noong ikaanim na siglo B.C.E., si Plato at ang kaniyang Republika; noong 1602, ang Italianong prayleng si Tommaso Campanella at ang kaniyang lubhang organisadong Lunsod ng Araw; pagkaraan lamang ng mga ilang taon, ang pilosopong Ingles na si Francis Bacon sa paglalahad tungkol sa “maligaya at umuunlad na estado” ng kaniyang New Atlantis. Sa paglakad ng daan-daang taon, lahat ng uri ng mga palaisip (mananampalataya man o hindi) ay naglalarawan ng napakaraming Utopia. Gayunman, kakaunti, kung mayroon man, ang pinaniwalaan.

Mayroon pa nga na nagsikap magtatag ng kanilang Utopia. Halimbawa, noong 1824 isang mayamang Ingles, si Robert Owen, ang nagpasiyang mandayuhan sa Indiana, E.U.A., upang matupad ang kaniyang pangarap na Utopia sa nayon na kaniyang pinanganlang New Harmony. Palibhasa’y naniniwala na sa ilalim ng tamang mga kalagayan, ang mga tao ay uunlad, ginamit niya ang lahat halos ng kaniyang ari-arian sa pagsisikap na magtatag ng kaniyang nakikini-kinitang isang bagong sanlibutang moral. Subalit ang mga resulta ay nagpakita na ang mga bagong kalagayan ng pamumuhay ay hindi sapat upang lumikha ng bagong mga tao.

Halos lahat ng pulitikal na mga ideolohiya ay naninindigan na ang tao ay kailangang magsaplano ng sanlibutan ayon sa kaniyang sariling kaalaman at sa kaniyang sariling pagkakilala kung ano ang totoo upang madala rito sa lupa ang pinapangarap na paraiso. Subalit, balintuna, ang mga pagtatangkang matupad ang gayong mga pangarap ay nagbunga ng mga digmaan at mga rebolusyon, tulad halimbawa ng French Revolution noong 1789 at ng Bolshevik Revolution noong 1917. Sa halip na magdala ng mga kalagayang malaparaiso, ang mga pagsisikap na ito ay kalimitang humantong sa ibayong pagdurusa at paghihirap.

Ang mga mithiin, plano, Utopia, at mga pagtatangkang matupad ang mga ito​—iyon ay isang salaysayin ng patuloy na pagkabigo. Sa kasalukuyan, ang iba’y bumabanggit ng isang “nabigong pangarap” at ang “katapusan ng panahon ng mga utopia,” anupat inaanyayahan tayo na matutong “mamuhay nang walang mga utopia.” Mayroon bang anumang pag-asang makakita pa ng isang lalong mabuting sanlibutan, o iyon ba ay nakatalagang manatiling isa lamang pangarap?

Ang mga Kristiyano at ang Isang Lalong Mabuting Sanlibutan

Ang isang bagong sanlibutan ay hindi isang pangarap​—iyon ay isang tiyak na pag-asa! Si Jesu-Kristo, ang Tagapagtatag ng Kristiyanismo, ang nakababatid na ang kasalukuyang sanlibutan ay hindi siyang pinakamagaling sa lahat ng posibleng sanlibutan. Kaniyang itinuro na ang lupa ay mamanahin ng maaamo at ang kalooban ng Diyos ay magaganap doon. (Mateo 5:5; 6:9, 10) Siya at ang kaniyang mga alagad ay nakaaalam na ang kasalukuyang sanlibutang ito ay kontrolado ng kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo, at ito ang pangunahing dahilan sa maraming kaabahan na dumarating sa sangkatauhan. (Juan 12:31; 2 Corinto 4:4; 1 Juan 5:19; Apocalipsis 12:12) Ang tapat na mga Judio ay naghintay sa araw na minsan at magpakailanman aalisin ng Diyos sa lupa ang mga digmaan, kahirapan, at sakit upang tahanán ito ng mga taong maibigin sa kapayapaan at katarungan. Sa katulad na paraan, ang mga Kristiyano noong unang siglo ay may pagtitiwalang naghintay na ang kasalukuyang sanlibutan ay halinhan ng isang bagong sistema ng mga bagay, “mga bagong langit at isang bagong lupa.”​—2 Pedro 3:13; Awit 37:11; 46:8, 9; Isaias 25:8; 33:24; 45:18; Apocalipsis 21:1.

Nang si Jesu-Kristo ay nakabayubay sa pahirapang tulos, inulit niya ang pangako tungkol sa isang lalong mabuting sanlibutan sa isang manlalabag-batas na nagpakita ng isang antas ng pananampalataya sa Kaniya. “Sinabi [ni Jesus] sa kaniya: ‘Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Makakasama kita sa Paraiso.’” (Lucas 23:40-43) Ano ba ang pagkaunawa ng manlalabag-batas sa mga salitang iyon? Ipinahihiwatig ba ni Jesus na ang manlalabag-batas ay ‘makakasama niya’ sa langit sa mismong araw na iyon, gaya ng waring ipinahihiwatig ng ilang saling Katoliko at Protestante sa Bibliya? Hindi, hindi iyan ang ibig sabihin ni Jesus, yamang matapos na siya’y buhaying muli, sinabi ni Jesus kay Maria Magdalena na Siya’y ‘hindi pa nakaaakyat sa Ama.’ (Juan 20:11-18) Bagaman sila’y tinuruan ni Jesus nang may tatlo at kalahating taon, bago sumapit ang Pentecostes 33 C.E. kahit ang kaniyang mga apostol ay hindi nag-isip ng tungkol sa isang makalangit na paraiso. (Gawa 1:6-11) Ang pagkaunawa ng manlalabag-batas na iyon ay katulad ng pagkaunawa ng lubhang karamihan ng mga Judio na nabubuhay nang panahong iyon: Si Jesus ay nangangako ng isang lalong mabuting sanlibutang darating sa isang paraisong lupa. Ganito ang inamin ng isang iskolar na Aleman: “Ang turo na pagpaparusa sa isang nasa kabilang buhay ay talagang hindi makikita sa Matandang Tipan.”

Pinatunayan ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa mga Hebreo na magkakaroon ng isang paraiso sa ating lupa. Nang hinihimok ang kaniyang mga kapananampalataya na huwag ‘pabayaan ang dakilang kaligtasan na sinimulang salitain sa pamamagitan ni Jesu-Kristo,’ pinagtitibay ni Pablo na binigyan ng Diyos na Jehova si Jesus ng awtoridad sa “darating na tinatahanang lupa [Griego, oi·kou·meʹne].” (Hebreo 2:3, 5) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong oi·kou·meʹne ay laging tumutukoy sa ating lupa na tinatahanan ng mga tao, hindi sa isang makalangit na sanlibutan. (Ihambing ang Mateo 24:14; Lucas 2:1; 21:26; Gawa 17:31.) Ang Kaharian ng Diyos na pinamamahalaan ni Kristo Jesus ay samakatuwid magkakaroon ng kapangyarihan sa buong tinatahanang lupa. Iyan ay talagang magiging isang ulirang dako na tatahanán!

Kahit na ang Kaharian mismo ay makalangit, walang pagsalang ito’y mamamagitan sa mga pamamalakad sa lupa. Ano ang mga resulta? Ang mga sakit, krimen, karalitaan, at kamatayan ay hindi na magugunita man lamang. Mapapawi kahit na ang pagkasiphayo at pagkadiskontento. (Apocalipsis 21:3-5) Sinasabi ng Bibliya na ‘bubuksan ng Diyos ang kaniyang kamay at sasapatan ang nasá ng bawat nabubuhay.’ (Awit 145:16) Ang mga suliranin na tulad ng kawalang-hanapbuhay at polusyon ay magkakaroon ng isang praktikal at walang-hanggang solusyon. (Isaias 65:21-23; Apocalipsis 11:18) Subalit higit sa lahat, dahil sa pagpapala ng Diyos, magtatagumpay ang katotohanan, katarungan, at kapayapaan​—mga bagay na waring halos nawala na!​—Awit 85:7-13; Galacia 5:22, 23.

Lahat bang ito ay isang pangarap, isang Utopia? Hindi, ang pinakamaselang na panahong ito na ating kinabubuhayan ay nagpapakita na tayo ay nasa “mga huling araw” ng sanlibutang ito at ang bagong sanlibutan kung gayon ay malapit na. (2 Timoteo 3:1-5) Nais mo bang manirahan doon? Alamin kung papaano ito matutupad sa pamamagitan ng pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Malapit na ang isang lalong mabuting sanlibutan, lalong mabuti kaysa ating pinangarap kailanman. Ito ay hindi isang Utopia​—ito ay matutupad!

[Larawan sa pahina 7]

Isang lalong mabuting sanlibutan​—malapit nang matupad

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share