Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Isang Pamilya ang Pinagkaisa ng Katotohanan sa Bibliya
SA NGAYON, sa maraming panig ng daigdig, ang pagkakaisa ng pamilya ay halos hindi na umiiral. Gayunman, isinisiwalat ng Bibliya ang lihim upang magkaisa ang pamilya. Isaalang-alang ang mga salita ni Jesus: “Ang bawat isa na dumirinig sa mga pananalita kong ito at ginagawa ang mga iyon ay itutulad sa isang taong maingat, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng malaking bato.” (Mateo 7:24) Libu-libong pamilya ng mga Saksi ni Jehova ang nagkaisa sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga salitang ito at paggamit sa Bibliya bilang isang pundasyon sa pagtatayo ng isang nagkakaisang pamilya. Ang iba ay nagkakamit din ng gayong pagkakaisa, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan.
Samantalang si Daniel ay naglilingkod sa hukbo sa Pransya, isang kapelyan sa hukbo ang nagmungkahi na bumili si Daniel ng isang Bibliya, na kaniya ngang ginawa, at sinimulang basahin iyon nang regular. Nang bandang huli siya ay nalipat sa Tahiti. Ang ilan sa mga kasamahang sundalo ni Daniel ay mga Adventista, at ang iba naman ay mga Mormon. Kalimitan nang napapauwi sa paksa ng relihiyon ang kanilang mga pag-uusap. Isang araw, ipinakilala ng isang punong sarhento kay Daniel ang kaniyang maybahay, na isa sa mga Saksi ni Jehova. Siya ay gumugol ng buong maghapon sa pagsagot sa maraming katanungan ni Daniel at siya’y ipinakilala sa isa sa lokal na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Tahiti. Hindi nagtagal at isang regular na pag-aaral sa Bibliya ang sinimulan sa kaniya.
Ang mga magulang ni Daniel na naninirahan sa Pransya ay taimtim na mga Katoliko. Ang kaniyang ama ay isang tagapayo sa mga mag-aarál at tagapangasiwa sa pagtuturo ng relihiyon sa isang paaralang Katoliko. Sa pagnanais na maibahagi sa kaniyang mga magulang ang ilan sa espirituwal na kayamanang kaniyang natututuhan, unti-unting isinisingit ni Daniel sa mga sulat sa kanila ang ilang kaisipan buhat sa Bibliya.
Sa simula ay natutuwa ang ina ni Daniel, subalit siya ay nagitla nang makita ang pangalang Jehova sa isa sa mga liham ng kaniyang anak. Makalipas ang ilang araw, ang ina ay nakarinig ng isang programa sa radyo na nagpapakilala sa mga Saksi ni Jehova bilang isang “mapanganib na sekta.” Sinulatan niya si Daniel, anupa’t hiniling na agad niyang ihinto ang pakikipag-ugnayan sa mga Saksi. Gayunpaman, patuloy na sumulong si Daniel sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya at hindi nagtagal ay gumawa ng mga kaayusan upang umalis sa hukbo at bumalik sa Pransya.
Nang siya’y makauwi na, ginugol ni Daniel ang bawat gabi—kung minsan hanggang sa hatinggabi—sa mahahabang pakikipagtalakayan sa kaniyang ina tungkol sa Bibliya. Sa wakas, siya ay sumang-ayon na sumama kay Daniel sa isang Kingdom Hall. Sa kaniyang unang pagdalo sa pulong siya ay lubhang nasiyahan kung kaya humiling na siya ng kaniyang sariling pag-aaral sa Bibliya. Siya’y mabilis na sumulong at hindi nagtagal ay nabautismuhan.
Ang ama ni Daniel ay isang taong mapagparaya ngunit lubhang nakatalaga sa mga gawain ng kaniyang propesyon at relihiyon. Subalit, minsan ay inihatid niya ang kaniyang maybahay at si Daniel sa isang pandistritong kombensiyon. Noon ay Hulyo 14, at nasa isip niya ang manood ng parada ng Bastille Day sa lunsod. Samantalang naghihintay, bunga ng pagkamausyoso, minabuti niyang pumasok upang tingnan ang bulwagang pinagdarausan ng kombensiyon. Ganiyan na lamang ang kaniyang paghanga dahil sa kaayusan at katahimikan na nasaksihan niya sa mga lingkod ni Jehova, at habang siya’y pumaparoon sa iba’t ibang departamento sa kombensiyon ang lahat doon ay tumatawag sa kaniya ng “brother.” Nakalimutan niya ang tungkol sa parada ng Bastille Day at siya’y nakinig hanggang sa matapos ang kombensiyon. Siya’y humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya at mabilis na sumulong sa pagkatuto ng katotohanan. Gayunman, habang siya’y natututo, lalo namang hindi siya mapakali sa kaniyang trabaho, kaya sa edad na 58, iniwan niya ang kaniyang trabaho. Ngayon lahat silang tatlo sa pamilya ay nag-alay at bautisado at nagkakaisang naglilingkod kay Jehova.
Pinagkaisa ng katotohanan ng Bibliya ang pamilya ni Daniel. Mapagkakaisa rin nito ang ibang pamilya kung sila’y matututo at ikakapit iyon nang buong puso.