Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 4/15 p. 26-29
  • Determinadong Maglingkod kay Jehova!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Determinadong Maglingkod kay Jehova!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pananaig sa Kalungkutan
  • Matatag sa Harap ng Pananalansang
  • Pagpapasakop Nang Walang Pakikipagkompromiso
  • “Mawagi Nang Walang Salita”
  • ‘Magtanim na May Luha; Mag-ani na May Kagalakan’
  • “Ang Ulo ng Babae ay ang Lalaki”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
  • Ano ba ang Kahulugan ng Pagpapasakop Kung Tungkol sa Pag-aasawa?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Matalinong Patnubay Para sa mga Mag-asawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Asawang Lalaki​—Gawing Tiwasay ang Inyong Tahanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 4/15 p. 26-29

Determinadong Maglingkod kay Jehova!

“HINDI ka puwedeng lumabas upang mangaral!” “Huwag mong papupuntahin dito ang iyong mga kasamahan!” Maraming babaing Kristiyano ang nakaririnig nito at ng kahawig na mga pananalita buhat sa kani-kanilang sumasalansang na asawa. Subalit pagka ang mga lalaking ito ay naglilingkod sa hukbong sandatahan, ang kani-kanilang kabiyak ay napapaharap sa natatanging mga hamon sa kanilang pananampalataya. (Isaias 2:4; Juan 17:16) Kung gayon, papaano nagagawa ng gayong Kristiyanong mga asawang babae na magpatuloy na malakas sa espirituwal at aktibo sa paglilingkod sa Kaharian?

Ang katapatan sa Diyos na Jehova lakip na ang personal na determinasyon ang tumutulong sa kanila na magtiyaga. “Sa palagay ko iyon ay ang aking lubos na determinasyon,” ang paliwanag ni Yvonne, isang asawa ng sundalo. “Batid ko na may mga paraan upang daigin ang pagsalansang ng aking asawa.” Oo, mayroon nga.

Isa pang babaing Kristiyano, na asawa ng isang opisyal sa hukbo, ay nagbibida kung papaanong dahil sa kaniyang determinadong paninindigan ay naging madali ang buhay para sa kaniyang asawa. “Alam niya ang aking iskedyul pati ang sa kaniya, at pinahahalagahan iyan ng mga nasa militar,” ang paliwanag niya. Gayunpaman, ang kaniyang patuloy na paglilingkod kay Jehova ay hindi isang madaling landasin.

Pananaig sa Kalungkutan

Ang maybahay ng mga lalaking naglilingkod sa hukbo ay malimit na napapaharap sa hamon ng paglipat pagkaraan ng ilang araw lamang na abiso kung kailangang samahan nila ang kanilang asawa sa isang distino na malayo sa kanilang tahanan. Kung magkagayon, pagka sila’y naninirahan sa kapaligiran na hindi sila pamilyar, madaling madama ang pagkabukod. Subalit hindi dapat mangyari ito. Yaong mga naglilingkod kay Jehova ay may bentaha. Ano ba iyon? Ayon sa Kristiyanong apostol na si Pedro, iyon ang “buong samahan ng mga kapatid.” Ngayon ay umaabot na sa milyun-milyon, ang mga Saksi ni Jehova sa 231 bansa ay kumikilos na isang malaking pamilyang Kristiyano, isang “kapatiran.” Masusumpungan mo sila sa halos lahat ng dako.​—1 Pedro 2:17, talababa.

Si Susan, na biglaang lumisan sa kaniyang tahanang lugar, ay dumating upang manirahan sa base ng hukbong panghimpapawid na kung saan idinistino ang kaniyang asawa. Palibhasa’y bago sa pananampalataya at ginigipit ng kaniyang di-sumasampalatayang asawa upang huminto ng pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano, ganito ang paglalahad niya: “Ako’y agad pumaroon sa lokal na mga pagpupulong, at doon ay nakatabi at nakausap ko ang ibang sister. Totohanang masasabi ko na ang ganitong samahan ang nagpatibay sa akin upang magpatuloy.”

Kung minsan ang kalungkutan ay sanhi ng panlulumo. Magkagayon man, ang mabuting balita ay nagsisilbing isang pampasigla. Si Glenys, isang sister na taga-Inglatera na sumama sa kaniyang asawa nang ito’y madistino sa ibayong-dagat, ay nagbibida: “Nang ako’y talagang nanlulumo, sa di-inaasahan, sumulat sa akin ang isang kakilala maraming taon na ang lumipas nang ako mismo ay nasa hukbo pa at sinabi na kamakailan lamang ay nabautismuhan siya bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Iyan ay nagbigay sa akin ng pampatibay-loob sa tamang panahon.”

Nasumpungan ni Jane, na naglakbay sa Kenya kasama ng kaniyang asawa, na ang mga pulong Kristiyano ay napatunayang mahalaga upang makapagpatuloy sa gawain, kahit na iyon ay idinaraos sa mga wikang hindi niya nauunawaan. “Batid ko na ibig ni Jehova na narito ako,” ang paliwanag niya. “Ako’y kasama ng aking espirituwal na mga kapatid, at sila’y gaya ng isang gamot na pampalakas. Kanilang tinanggap ako, at nadama kong kami’y isang pamilya.”

Si Jane ay isa lamang sa marami na nasa kalagayang ito na nakatuklas na siya pala’y may espirituwal na mga kamag-anak na hindi man lamang niya nakikilala!​—Marcos 10:29, 30.

Matatag sa Harap ng Pananalansang

“Huwag ninyong isipin na ako ay dumating upang maglagay ng kapayapaan sa lupa,” ang babala ni Jesus. “Ako ay dumating upang maglagay, hindi ng kapayapaan, kundi ng tabak.” (Mateo 10:34) Ano ang ibig niyang sabihin? Kahit na sa loob ng isang pamilya, na maaasahang may kapayapaan, maaaring magkaroon ng “isang biglang paghahagisan ng tabak,” ang komento ni A. T. Robertson sa Word Pictures in the New Testament. “Tunay nga,” ang sabi ni Jesus, “ang magiging mga kaaway ng tao ay mga tao ng kaniyang sariling sambahayan.” (Mateo 10:36) Anong pagkatotoo nga ng mga salitang ito pagka ang isang asawa ay salungat sa katotohanan!

Nang simulan ni Diane na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, ang kaniyang asawa, na isang opisyal sa hukbong panghimpapawid, ay hindi natuwa. Ano ba ang naging epekto nito sa kanilang pagsasama? “Iyon ay mistulang isang tipak ng yelong namamagitan sa amin,” ang paliwanag ni Diane. “Dati’y maligaya ang aming pagsasama. Biglang-bigla na kami’y nagsasama na lamang sa iisang bubong.” Kung gayon, papaano siya nakaaguwanta? “Ang personal na paninindigan at determinasyon ang talagang mahalaga, lakip na ang tulong mula kay Jehova at ang kaniyang espiritu.” Naalaala at sinunod ni Diane ang halimbawa sa Bibliya ni propeta Daniel.

Nang ipatapon sa Babilonya at alukin ng pagkaing di-nararapat sa isang lingkod ng Diyos, si Daniel ay “determinado sa kaniyang puso na hindi niya dudumhan ang kaniyang sarili ng masasarap na pagkain ng hari.” Oo, si Daniel ay gumawa ng isang pasiya na kaniyang matamang pinag-isipan. Kaniyang ipinasiya sa kaniyang puso na huwag dumhan ang kaniyang sarili ng gayong pagkain. Anong laking tibay ng loob ang ipinakita niya samantalang “kaniyang patuloy na hinihiling sa pangunahing opisyal ng palasyo na hindi sana niya madumhan ang kaniyang sarili”! Ang resulta? Pinagpala ni Jehova ang kaniyang desididong paninindigan.​—Daniel 1:8, 9, 17.

Gayundin sa ngayon na baka hilingin ng isang salansang na asawang lalaki na itigil ng kaniyang kabiyak ang pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon. Papaano siya dapat tumugon? Nasumpungan ni Jane na siya’y nasa ganitong situwasyon. Ganito ang paliwanag niya: “Hindi ako kailanman susuko sa ilalim ng panggigipit. Batid ko na hindi maaaring makipagkompromiso. Kailangang ipakita ko kung gaano kahalaga sa akin ang mga pulong.” Pinagpala naman ni Jehova ang kaniyang pasiya habang siya’y patuloy na dumadalo.

“Sinikap ng aking asawa na hadlangan ako sa pagdalo sa mga pulong, subalit hindi iyan gaanong nagtagal,” ang sabi ni Glenys. “Dumalo pa rin ako. Sa pag-uwi ko, kung minsan ay sinasaktan niya ako, at kung minsan ay hindi siya umiimik.” Gayunman, napagtagumpayan niya ito, sa paulit-ulit na pananalangin. Gayundin, dalawa sa matatanda sa kongregasyon ang regular na nananalangin kasama niya, na lubhang nagpatibay-loob sa kaniya upang patuloy na dumalo.​—Santiago 5:13-15; 1 Pedro 2:23.

Kung minsan baka gipitin ng kaniyang nakatataas na mga opisyal ang asawang lalaki upang sirain ang loob ng kaniyang kabiyak sa pangangaral ng mabuting balita. Nasumpungan ni Diane na kailangang linawin niya sa kaniyang asawa ang mga bagay na dapat niyang unahin. “Ako’y handa,” aniya, “na harapin ang ibubunga ng aking patuloy na pangangaral.” Katulad na katulad nga iyan ng paninindigan ng mga apostol! (Gawa 4:29, 31) Gayunpaman, siya’y lubhang maingat sa kaniyang pangangaral. Siya’y nagbibida: “Ako’y nagsasaayos ng mga pagtitipon para magkape at inaalok ko ng aklat na Katotohanan ang lahat ng naroroon.”​—Mateo 10:16; 24:14.

Pagpapasakop Nang Walang Pakikipagkompromiso

Bagaman nababalisa dahil sa mga suliraning pangmag-asawa, ang mga asawang babaing Kristiyano ay nakatanaw sa hinaharap at umaasa kay Jehova. Ito’y tumutulong sa kanila na mapanatili ang timbang na pangmalas. Sinusuportahan nila ang kani-kanilang asawang lalaki hangga’t maaari nang hindi ikinukompromiso ang kanilang pananampalataya. Sa paggawa ng gayon, sinusunod nila ang kinasihang payo ni Pedro: “Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong sariling mga asawang lalaki.” (1 Pedro 3:1) Sa The Amplified New Testament, ganito ang mababasa tungkol sa payong ito ng apostol: “Pasakop kayo bilang pangalawa at umaasa sa kanila, at makibagay kayo sa kanila.” Pansinin kung papaano sinunod ni Jane ang payong ito. “Sinabihan ako ng aking asawa na ang ibig kong gawin ay hindi dapat makasagabal sa kaniyang karera,” ang paliwanag niya. “Kaya sinikap kong makahanap ng mga paraan upang makatulong sa kaniya.”

Ang ilang asawang babaing Kristiyano ay sumang-ayong dumalo sa ilang sosyal na pagtitipon na doo’y inanyayahan ang kani-kanilang asawang lalaki. Subalit sila ay desidido pa ring huwag ikompromiso ang kanilang pananampalataya. Si Jane ay naglaan ng panahon upang ipakipag-usap sa kaniyang asawa ang tungkol dito. May kabaitang ipinaliwanag niya na siya’y pumapayag dumalo ngunit hindi niya ibig na ang kaniyang pagkanaroroon ay magpahiya sa kaniya. “Batid ko na paminsan-minsan lahat ng naroroon ay inaasahang tatayo at makikibahagi sa toast (pag-iinuman sa karangalan ng isang tao). Natutuhan ko na ang panunumpa ng katapatan ay nauukol lamang kay Jehova, at ang toast ay higit pa kaysa pagpapakita lamang ng paggalang. Natanto ng aking asawa kung gaano magiging kahiya-hiya ang situwasyon, kaya sinabi na lamang niya: ‘Huwag kang sumama!’ Sinunod ko naman.”

Si Glenys, sa kabilang dako naman, ay sumama sa kaniyang asawa sa gayong pagdiriwang, ngunit kaniyang pinagmamasdan ang mga opisyal na nasa ulo ng mesa. Nang makita niyang sila’y naghahanda upang mag-toast, siya’y maingat na lumisan upang tumungo sa palikuran! Oo, ibinagay ng mga babaing ito ang kanilang sarili ngunit hindi nakipagkompromiso.

“Mawagi Nang Walang Salita”

“Kung sisikapin kong maging isang lalong mabuting asawang babae, makikita ng aking asawa na binabago ako ng katotohanan,” ang pangangatuwiran ni Yvonne. Kaya siya’y nagbasa at muling nagbasa ng kabanata sa aklat na Buhay Pampamilya na pinamagatang “Isang Asawang Babae na Pinakamamahal.”a “Ako’y nagbigay ng natatanging pansin sa materyal sa ilalim ng subtitulong ‘Ang mga Iyakin, ang mga “Nagger” o Palasisi’! Ngunit nakita ko na mientras nagsisikap akong makipag-usap sa aking asawa, lalo namang lumulubha ang mga bagay-bagay.” Subalit, sa wakas, siya’y nagtagumpay sa pagtulong sa kaniyang asawa na maglingkod kay Jehova. Papaano? Sa pamamagitan ng pagkakapit ng simulaing binalangkas sa 1 Pedro 3:1, na ang mga asawang lalaki ay maaaring “mawagi nang walang salita.”

Ang paraan ng pag-aasikaso ng mga babaing Kristiyano sa kanilang pamilya ay malaki ang nagagawa upang papurihan ang Kristiyanismo sa iba. “Sinikap kong pagandahin ang katotohanan hanggat maaari,” ang sabi ni Diane. “Pagka ako’y dumadalo sa mga pulong, nadarama ng aking asawa na siya’y lubhang nabubukod, kaya sinisikap kong turuan ang mga bata na maging higit na maganda ang asal pagdating namin sa tahanan. Sinikap ko rin na magbigay ng karagdagang pansin sa kaniya pag-uwi namin.” Unti-unting nagbago ang saloobin ng kaniyang asawa habang siya’y tumutugon sa may-kabaitang pansin ng kaniyang pamilya.

Makatutulong din ang kapuwa mga lingkod ni Jehova. Ibinibida ni Jane na nasiyahan ang kaniyang asawa nang makasama ang Saksing mga misyonero na nakilala niya sa Kenya. “Sila’y nakipagkaibigan sa kaniya at nakipag-usap tungkol sa football, at sila’y totoong mapagpatuloy. Sa ilang pagkakataon, kami’y inanyayahan upang kumain sa iba’t ibang tahanang misyonero.” Ang kaniyang asawa ay nagpaliwanag nang bandang huli: “Sinimulan kong malasin ang pananampalataya ni Jane buhat sa isang naiibang punto de vista. Ang kaniyang mga kaibigan ay mga taong lubhang matatalino na makakausap tungkol sa sari-saring paksa.” Gayundin, binago ng asawa ni Diane ang kaniyang pananaw tungkol sa katotohanan. Nang masira ang kotseng minamaneho niya, isang kabataang Saksi ang tumulong sa kaniya. “Talagang hinangaan ko iyan,” ang sabi niya.

Mangyari pa, hindi lahat ng kabiyak ay naipagwawagi upang tumanggap ng katotohanan. Ano kung gayon? Nagbibigay si Jehova ng tulong upang ang mga tapat ay makapagbatá. (1 Corinto 10:13) Isaalang-alang ang pampatibay-loob na ibinibigay ni Glenys sa mga nasa kalagayang nahahawig sa kaniya: “Huwag na huwag mag-aalinlangan na si Jehova ang Isa na pinagmulan ng pag-aasawa at ibig niya na ang mga mag-asawa ay manatiling magkasama. Kaya anuman ang gawin ng asawang lalaki o anumang pananalansang ang mararanasan mo buhat sa mga nakapaligid sa iyo, hindi hahayaan ni Jehova na ikaw ay mahapay.” Bagaman hindi pa sumasamba kay Jehova ang kaniyang asawa, ang kaniyang pakikitungo sa kaniya at sa katotohanan ay mahinahon na.

‘Magtanim na May Luha; Mag-ani na May Kagalakan’

Tunay, ang Kristiyanong mga babaing ito ay determinadong maglingkod kay Jehova. Kung ikaw ay nasa katulad na kalagayan, ganito rin ang ipasiya mo. Tandaan ang payo: “Si Jehova na iyong Diyos ang iyong katatakutan. Siya ang iyong paglilingkuran, at sa kaniya ka mangungunyapit.”​—Deuteronomio 10:20.

“Ang taong humahayo, na umiiyak pa, may dalang isang supot ng binhi, ay tiyak na babalik na may kagalakan, dala-dala ang kaniyang mga tangkas,” sabi ng salmista. (Awit 126:6) “Napakaraming luha ang pumapatak mula sa iyo samantalang sinisikap mong maipakita sa iyong asawa ang katotohanan, mayroon mang salita o wala,” inamin ng isang Saksi. “Ngunit sa wakas ikaw ay humihiyaw sa kagalakan sapagkat bagaman hindi niya tinatanggap ang katotohanan, pinagpapala ka naman ni Jehova dahil sa iyong pagsisikap.”

Lahat ng tapat na naglilingkod kay Jehova sa kabila ng pagsalansang sa tahanan ay nagkakamit ng tunay na papuri. Sila’y karapat-dapat suportahan at ibigin. Harinawang manatili sila sa kanilang di-nakikipagkompromisong paninindigan, determinadong maglingkod kay Jehova!

[Talababa]

a Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. (1978).

[Larawan sa pahina 28]

Ang pag-aaral na may kalakip na panalangin ay nagpapatibay sa determinasyon ng Kristiyano

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share