Masigasig sa Buong Lupa ang mga Tagapaghayag ng Kaharian
“Magiging mga saksi ko kayo . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—GAWA 1:8.
1. Anong mensahe ang sinabi ni Jesus na ipahahayag ng kaniyang mga tagasunod sa ating kaarawan?
NANG inilalarawan ang gawain na pinagsuguan ni Jehova sa lupa sa kaniyang Anak upang gawin, sinabi ni Jesus: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Lucas 4:43) Gayundin, sa pagsasabi ng tungkol sa gawaing gaganapin ng kaniyang mga alagad dito sa lupa sa kaniyang pagbabalik na taglay ang awtoridad ng isang hari, sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
2. (a) Bakit napakahalaga na ang mensahe ng Kaharian ay bigyan ng malaganap na pamamahayag? (b) Anong tanong ang dapat na iharap nating lahat sa ating sarili?
2 Bakit napakahalaga ng balita tungkol sa Kaharian ng Diyos? Bakit nangangailangan ang Kaharian ng gayong kalawak na pamamahayag? Sapagkat ang Mesiyanikong Kaharian ang magbabangong-puri sa pansansinukob na soberanya ni Jehova. (1 Corinto 15:24-28) Sa pamamagitan nito, isasagawa ni Jehova ang hatol laban sa kasalukuyang satanikong sistema ng mga bagay at tutuparin ang kaniyang pangako na pagpalain ang lahat ng sambahayan sa lupa. (Genesis 22:17, 18; Daniel 2:44) Sa pagpapangyaring isang patotoo ang maibigay tungkol sa Kaharian, natagpuan ni Jehova yaong pagkatapos ay pinahiran niya upang maging mga kasamang tagapagmana ng kaniyang Anak. Sa pamamagitan ng paghahayag sa Kaharian, isang gawaing pagbubukud-bukod ang naisasagawa rin sa ngayon. (Mateo 25:31-33) Ibig ni Jehova na ang mga tao sa lahat ng bansa ay patalastasan tungkol sa kaniyang layunin. Nais niyang sila’y magkaroon ng pagkakataong pumili ng buhay bilang mga sakop ng kaniyang Kaharian. (Juan 3:16; Gawa 13:47) Ikaw ba ay may lubos na bahagi sa paghahayag ng Kahariang ito?
Inaasam-asam ang Katapusan ng mga Panahong Gentil
3. (a) Angkop nga, ano bang paksa ang ipinahayag ni C. T. Russell sa isang maagang paglalakbay upang mag-organisa ng mga grupo para sa pag-aaral sa Bibliya? (b) Ano ang natanto ng unang mga Estudyanteng iyon ng Bibliya tungkol sa nararapat na dako ng Kaharian ng Diyos sa kanilang buhay?
3 Noon pang 1880, si Charles Taze Russell, ang unang editor ng magasing Watch Tower, ay naglakbay sa buong hilagang-silangang Estados Unidos upang pasiglahin ang pagtatatag ng mga grupo para sa pag-aaral ng Bibliya. Angkop nga, ang paksa na tinalakay niya ay “Mga Bagay na May Kaugnayan sa Kaharian ng Diyos.” Gaya ng nabanaag sa mga unang labas ng Watch Tower, natanto ng mga Estudyante ng Bibliya (gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova) na kung sila’y magpapatunay na karapat-dapat magkaroon ng bahagi sa Kaharian ng Diyos, ang Kaharian ang kailangang gawin nilang pangunahing interes nila, may kagalakang ginagamit ang kanilang buhay, ang kanilang mga kakayahan, at ang kanilang mga tinatangkilik sa paglilingkuran dito. Lahat ng iba pang bagay sa kanilang buhay ay kailangang nasa pangalawang dako. (Mateo 13:44-46) Kasali sa kanilang pananagutan ang paghahayag sa iba ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Isaias 61:1, 2) Sa anong lawak nila ginawa iyan bago natapos ang mga panahong Gentil noong 1914?
4. Gaano kalawak namahagi ng mga literatura sa Bibliya ang munting grupo ng mga Estudyante ng Bibliya bago sumapit ang 1914?
4 Mula noong mga taon ng 1870 hanggang 1914, kakaunti pa ang bilang ng mga Estudyante ng Bibliya. Pagsapit ng 1914, mga 5,100 lamang ang aktibong nakikibahagi sa pangmadlang pagpapatotoo. Subalit, anong pambihirang pagpapatotoo iyon! Noong 1881, dalawang taon lamang pagkatapos na unang ilathala ang Watch Tower, isinagawa nila ang pamamahagi ng 162-pahinang lathalaing Food for Thinking Christians. Sa loob lamang ng mga ilang buwan, sila’y nakapamahagi ng 1,200,000 sipi. Sa loob ng mga ilang taon, milyun-milyong tract ang naipamamahagi taun-taon sa maraming wika.
5. Sino ang mga colporteur, at anong uri ng espiritu ang ipinakita nila?
5 Gayundin pasimula noong 1881, ang ilan ay naghandog ng kanilang paglilingkod bilang mga ebanghelisador na colporteur. Ang mga ito ang nauna sa kasalukuyang mga payunir (buong-panahong mga ebanghelisador). Ang ilan sa mga colporteur, na nagsisipaglakad o namimisikleta, ay personal na nagpatotoo sa halos bawat bahagi ng bansa na kinatitirhan nila. Ang iba naman ay umabot hanggang sa mga larangang banyaga at siyang mga unang nagdala ng mabuting balita sa mga lugar na gaya ng Pinlandiya, Barbados, at Burma (na ngayo’y Myanmar). Sila’y nagpakita ng sigasig misyonero na katulad ng kay Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol.—Lucas 4:43; Roma 15:23-25.
6. (a) Gaano kalawak ang mga paglalakbay ni Brother Russell upang mapalaganap ang katotohanan sa Bibliya? (b) Ano pa ang ginawa upang mapalaganap ang pangangaral ng mabuting balita sa mga larangang banyaga bago natapos ang mga Panahong Gentil?
6 Si Brother Russell mismo ay malawakang naglakbay upang mapalaganap ang katotohanan. Siya’y paulit-ulit na naparoon sa Canada; nagpahayag sa Panama, Jamaica, at Cuba; kung ilang ulit na naparoon sa Europa; at inikot ang globo sa gawaing pag-eebanghelyo. Siya’y nagsugo rin ng ibang mga lalaki upang magpasimula at manguna sa pangangaral ng mabuting balita sa mga larangang banyaga. Si Adolf Weber ay isinugo sa Europa noong kalagitnaan ng mga taon ng 1890, at ang kaniyang ministeryo ay pinalawak buhat sa Switzerland tungo sa Pransya, Italia, Alemanya, at Belgium. Si E. J. Coward naman ay pinapunta sa lugar ng Caribbean. Si Robert Hollister ay inatasang maglingkod sa Silangan noong 1912. Doon, natatanging mga tract ang inihanda sa sampung wika, at milyun-milyong sipi nito ang ipinamahagi sa buong India, Tsina, Hapón, at Korea ng katutubong mga tagapamahagi nito. Kung ikaw ay nabuhay na noon, pakilusin ka kaya ng iyong puso upang magsikap na marating ang iba pa sa inyong komunidad at lampas pa rito upang dalhan ng mabuting balita?
7. (a) Papaano ginamit ang mga pahayagan upang lalong mapalawak ang pagpapatotoo? (b) Ano ba ang “Photo-Drama of Creation,” at ilan ang nakapanood nito sa loob lamang ng isang taon?
7 Habang palapit sa katapusan ang mga Panahong Gentil, ginamit ang mga pahayagan upang ilathala ang mga sermon sa Bibliya ni Brother Russell. Ang pangunahing idiniin ng mga ito ay hindi ang taóng 1914 kundi, sa halip, ang layunin ng Diyos at ang katiyakan na ito’y matutupad. Minsan umaabot sa 2,000 pahayagan, na nakararating sa 15,000,000 mambabasa, ang regular na naglalathala ng mga sermong ito. At, habang nagpapasimula ang taóng 1914, ang Samahan ay nagsimula ng pangmadlang pagtatanghal ng “Photo-Drama of Creation.” Sa apat na tig-2-oras na pagtatanghal, iniharap nito ang mga katotohanan sa Bibliya mula noong paglalang patuloy hanggang sa Milenyo. Sa loob lamang ng isang taon, mga manonood na may kabuuang bilang na siyam na milyon sa Hilagang Amerika, Europa, Australia, at New Zealand ang nakapanood nito.
8. Pagsapit ng 1914, ilang lupain ang naabot na ng mga Estudyante ng Bibliya taglay ang mabuting balita?
8 Ayon sa nakuhang mga ulat, nang huling bahagi ng 1914, ang masigasig na pangkat na ito ng mga ebanghelisador ay nakapagpalaganap na ng kanilang paghahayag ng Kaharian ng Diyos sa 68 lupain.a Subalit iyon ay pasimula lamang!
Masigasig na Paghahayag ng Natatag na Kaharian
9. Sa mga kombensiyon sa Cedar Point, papaano binigyan ng pantanging pampasigla ang gawaing pagpapatotoo sa Kaharian?
9 Nang ang mga Estudyante sa Bibliya ay magkatipon sa Cedar Point, Ohio, noong 1919, si J. F. Rutherford, na presidente noon ng Samahang Watch Tower, ay nagpahayag: “Ang ating bokasyon noon at ngayon ay ang ibalita ang dumarating na maluwalhating kaharian ng Mesiyas.” Sa pangalawang kombensiyon sa Cedar Point, noong 1922, itinampok ni Brother Rutherford ang pangyayari na sa katapusan ng mga Panahong Gentil, noong 1914, ‘ang Hari ng kaluwalhatian ay humawak na ng kaniyang dakilang kapangyarihan at nagpasimulang maghari.’ Pagkatapos, ang isyu ay tuwirang iniharap niya sa kaniyang mga tagapakinig, sa pagsasabi: “Naniniwala ba kayo na ang Hari ng kaluwalhatian ay nagsimula na ng kaniyang pamamahala? Kung gayon ay magbalik sa larangan, O kayong mga anak ng kataas-taasang Diyos! . . . Ihayag ang balita sa lahat ng dako. Kailangang malaman ng sanlibutan na si Jehova ang Diyos at si Jesu-Kristo ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ito ang araw ng lahat ng araw. Narito, ang Hari ay namamahala na! Kayo ang kaniyang tagapaglathalang mga kinatawan.”
10, 11. Papaano ginamit nang mabisa ang radyo, mga sound car, at mga plakard upang makarating sa mga tao ang katotohanan ng Kaharian?
10 Mahigit na 70 taon na ang lumipas buhat nang ganapin ang mga kombensiyong iyon sa Cedar Point—halos 80 taon na buhat nang simulan ni Jehova na ipahayag ang kaniyang soberanya sa pamamagitan ng Mesiyanikong pamamahala ng kaniyang Anak. Hanggang saan aktuwal na naganap ng mga Saksi ni Jehova ang gawaing itinakda sa kanila sa Salita ng Diyos? Ano ang inyong personal na bahagi rito?
11 Nang unang mga taon ng 1920, sinimulang gamitin ang radyo bilang isang instrumento upang malaganap na mailathala ang balita ng Kaharian. Noong mga taon ng 1930, mga diskurso sa kombensiyon na nagtatampok sa Kaharian bilang ang pag-asa ng daigdig ang isinahimpapawid ng ugnay-ugnay na mga istasyon ng radyo o ng mga chain broadcast at mga linya ng telepono na nakapalibot sa globo. Gumamit din ng mga sasakyang may kakabit na mga loudspeaker upang magpatugtog ng mga plaka ng mga diskurso sa Bibliya sa mga pampublikong lugar. Pagkatapos, noong 1936, sa Glasgow, Scotland, ang ating mga kapatid ay nagsimulang magsuot ng mga plakard habang sila’y nagpaparada sa mga lugar ng komersiyo upang ianunsiyo ang mga pahayag pangmadla. Lahat na ito ay epektibong paraan ng pagbibigay ng patotoo sa maraming tao nang panahong iyon na tayo ay kakaunti pa.
12. Gaya ng ipinakikita ng Kasulatan, ano ang isa sa pinakamabisang paraan upang bawat isa sa atin ay makapagpatotoo?
12 Mangyari pa, nilinaw ng Kasulatan na bilang mga Kristiyano, tayo ay personal na may pananagutan na magpatotoo. Hindi natin hahayaan na lamang na ang mga artikulo sa pahayagan o mga broadcast sa radyo ang gumawa ng bagay na ito. Libu-libong tapat na mga Kristiyano—mga lalaki, babae, at mga kabataan—ang tumanggap ng pananagutang iyan. Kaya naman, ang pangangaral sa bahay-bahay ay naging isang pagkakakilanlang tanda ng mga Saksi ni Jehova.—Gawa 5:42; 20:20.
Nakarating sa Buong Tinatahanang Lupa
13, 14. (a) Bakit ang ilang Saksi ay lumilipat sa ibang mga bayan, kahit sa ibang mga bansa pa, upang doon ipagpatuloy ang kanilang ministeryo? (b) Papaanong ang maibiging pagkabahala sa mga tao sa lupain na sinilangan ng isang tao ay tumulong upang mapalaganap ang mabuting balita?
13 Sa pagkaalam na ang mensahe ng Kaharian ay kailangang maipangaral sa buong tinatahanang lupa, dibdibang isinaalang-alang ng ilan sa mga Saksi ni Jehova kung ano ang kanilang personal na magagawa upang marating ang mga lugar na lampas pa sa kanilang sariling komunidad.
14 Natuto ng katotohanan ang maraming tao pagkatapos na lumipat buhat sa dakong kanilang sinilangan. Bagaman sila ay lumipat marahil dahil sa materyal na bentaha, sila’y nakasumpong ng isang bagay na lalong mahalaga, at ang ilan ay naudyukang bumalik sa bansa o sa komunidad na kanilang sinilangan upang ibahagi ang katotohanan. Sa gayon, sa pasimula ng siglong ito ang pangangaral ng mabuting balita ay nakaabot hanggang sa Scandinavia, Gresya, Italia, mga bansa ng Silangang Europa, at marami pang iba. Kahit na ngayon, sa mga taon ng 1990, ang mensahe ng Kaharian ay lumalaganap sa gayon ding paraan.
15. Nang mga taon ng 1920 at 1930, anong gawain ang naganap ng ilang may saloobin na katulad ng ipinahayag sa Isaias 6:8?
15 Sa pagkakapit ng payo ng Salita ng Diyos sa kanilang buhay, naisaayos ng ilan na sila’y maglingkod sa mga lugar na doon ay hindi pa sila nakapaninirahan. Si W. R. Brown (malimit na tinatawag na “Bible Brown”) ay isa na sa mga ito. Noong 1923, upang mapalawak pa ang gawaing pag-eebanghelyo, siya’y lumipat mula sa Trinidad tungo sa Kanlurang Aprika. Noong mga taon ng 1930, sina Frank at Gray Smith, Robert Nisbet, at David Norman ay kabilang sa mga nagdala ng mensahe ng Kaharian sa silangang baybayin ng Aprika. Ang iba ay tumulong upang linangin ang larangan sa Timog Amerika. Maaga noong mga taon ng 1920, si George Young, isang taga-Canada, ay nakibahagi sa gawain sa Argentina, Brazil, Bolivia, Chile, at Peru. Si Juan Muñiz, na nakapaglingkod sa Espanya, ay sumubaybay sa Argentina, Chile, Paraguay, at Uruguay. Lahat ng mga ito ay nagpakita ng isang espiritu na katulad ng sinasabi sa Isaias 6:8: “Narito ako! Suguin mo ako.”
16. Saan bukod sa pangunahing mga sentro ng populasyon nagpatotoo noong mga taon bago magkadigma?
16 Ang pangangaral ng mabuting balita ay nakaaabot noon kahit na sa pinakamalalayong lugar. Ang mga bangkang pinaaandar ng mga Saksi ay dumadalaw sa lahat ng daungan sa pangingisda sa Newfoundland, sa baybayin ng Norway sa Arctic, sa mga isla ng Pasipiko, at sa mga daungan ng Timog-silangang Asia.
17. (a) Pagsapit ng 1935, ilang lupain ang narating na ng mga Saksi? (b) Bakit hindi natapos ang gawain sa panahong iyon?
17 Kagila-gilalas nga, pagsapit ng taóng 1935, ang mga Saksi ni Jehova ay abalang nangangaral sa 115 lupain, at narating nila ang iba pang 34 na mga lupain sa pamamagitan ng ekspedisyon sa pagpapatotoo o ng literatura na ipinadala sa koreo. Gayunpaman, hindi pa natapos ang gawain. Nang taon na iyon binuksan ni Jehova ang kanilang mga mata sa kaniyang layunin na magtipon ng “isang malaking pulutong” na makaliligtas tungo sa kaniyang bagong sanlibutan. (Apocalipsis 7:9, 10, 14) Malaki pa noon ang pagpapatotoong kailangang gawin!
18. Sa gawaing paghahayag ng Kaharian, anong papel ang ginanap ng Gilead School at ng Ministerial Training School?
18 Samantalang lumalaganap sa lupa ang Digmaang Pandaigdig II at ipinagbawal ang literatura o gawain ng mga Saksi ni Jehova sa maraming lupain, ang Watchtower Bible School of Gilead ay binuksan upang sanayin ang magiging mga misyonero na gaganap ng isang lalong malaking gawaing paghahayag ng Kaharian sa buong daigdig. Hanggang sa araw na ito, ang mga nagtapos sa Gilead ay naglingkod sa mahigit na 200 lupain. Higit pa ang ginawa nila kaysa pagpapasakamay ng literatura at pagkatapos ay paglipat sa ibang lugar. Sila’y nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya, nakapag-organisa ng mga kongregasyon, at nagsanay ng mga tao upang bumalikat ng mga pananagutang teokratiko. Kamakailan, ang matatanda at ministeryal na mga lingkod na nagtapos sa Ministerial Training School ay tumulong din na ganapin ang mahahalagang pangangailangan may kaugnayan sa gawaing ito sa anim na kontinente. Isang matatag na pundasyon ang nailatag para sa patuloy na paglago.—Ihambing ang 2 Timoteo 2:2.
19. Hanggang saan tumugon ang mga lingkod ni Jehova sa imbitasyon na maglingkod sa mga lugar na may lalong malaking pangangailangan?
19 Makatutulong kaya ang iba upang mangalaga sa ilan sa mga teritoryong di pa nagagawa? Noong 1957, sa mga kombensiyon sa buong daigdig, ang mga indibiduwal at mga pamilya—ang maygulang na mga Saksi ni Jehova—ay hinimok na pag-isipan ang paglipat sa mga lugar na may lalong malaking pangangailangan upang doon na manirahan at doon na ipagpatuloy ang kanilang ministeryo. Ang imbitasyon ay katulad ng iniharap ng Diyos sa apostol na si Pablo, na sa isang pangitain ay nakakita ng isang taong namamanhik sa kaniya: “Tumawid ka patungong Macedonia at tulungan mo kami.” (Gawa 16:9, 10) Ang ilan ay nagsilipat noong mga taon ng 1950, ang iba ay nang bandang huli. Mga isang libong Saksi ang lumipat sa Irlandya at sa Colombia; daan-daan pa ang lumipat sa maraming iba pang mga lugar. Libu-libo ang lumipat sa mga lugar na may lalong malaking pangangailangan sa kanilang sariling bansa.—Awit 110:3.
20. (a) Mula noong 1935, ano ang nagawa na bilang katuparan ng hula ni Jesus sa Mateo 24:14? (b) Noong nakalipas na mga ilang taon, papaano pinabilis ang gawain?
20 Yamang pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan, ang gawaing paghahayag sa Kaharian ay patuloy na sumulong nang may pambihirang bilis. Mula noong 1935 ang bilang ng mga mamamahayag ay dumami nang halos walumpung beses, at ang bilis ng pagsulong sa ranggo ng mga payunir ay 60 porsiyento ang kahigitan kaysa bilis ng pagdami sa bilang ng mga mamamahayag. Ang kaayusan ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay sinimulan noong mga taon ng 1930. Ngayon ay may katamtamang bilang na mahigit na apat at kalahating milyong pantahanang pag-aaral sa Bibliya na idinaraos bawat buwan. Mula noong 1935 mahigit na 15 bilyong oras ang ginugol sa gawaing paghahayag ng Kaharian. Ang palagiang pangangaral ng mabuting balita ay ginagawa na ngayon sa 231 lupain. Samantalang ang mga teritoryo sa Silangang Europa at Aprika ay nagbibigay-daan para sa lalong malayang pangangaral ng mabuting balita, ang internasyonal na mga kombensiyon ay nagagamit nang mabisa upang malinaw na maitanghal ang mensahe ng Kaharian sa harap ng madla. Gaya ng malaon nang ipinangako ni Jehova, sa Isaias 60:22, tiyak na kaniyang ‘pinabibilis ang gawain sa takdang panahon.’ Anong laking pribilehiyo para sa atin na makibahagi rito!
Nararating ang Lahat ng Posibleng Marating ng Mabuting Balita
21, 22. Ano ang personal na magagawa natin upang maging mas epektibong mga Saksi saanman tayo naglilingkod?
21 Hindi pa sinasabi ng Panginoon na ang gawain ay tapos na. Libu-libo pa ang yumayakap sa tunay na pagsamba. Kaya ang tanong na bumabangon ay, Ginagawa ba natin ang lahat ng magagawa upang gamiting mabuti ang panahon na ipinahihintulot ng pagtitiis ni Jehova para sa gawaing ito?—2 Pedro 3:15.
22 Hindi lahat ay makalilipat sa mga teritoryong bihirang gawin. Subalit ginagamit mo ba nang lubusan ang mga pagkakataon na bukás sa iyo? Ikaw ba ay nagpapatotoo sa iyong mga kamanggagawa? sa mga guro at sa mga kamag-aral? Ikaw ba ay nakikibagay sa nagbabagong mga kalagayan sa iyong teritoryo? Kung, dahil sa resulta ng nagbabagong mga kaayusan sa pagtatrabaho, kakaunting mga tao ang madaratnan sa mga tahanan kung araw, binago mo ba ang iyong iskedyul upang sila’y dalawin kung gabi? Kung ang mga gusali ay hindi maaaring pasukin ng di-inaanyayahang mga panauhin, ikaw ba ay nagpapatotoo sa pamamagitan ng telepono o sa pamamagitan ng koreo? Iyo bang sinusubaybayan ang ipinakitang interes at nag-aalok ka na magdaos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya? Lubusan bang ginaganap mo ang iyong ministeryo?—Ihambing ang Gawa 20:21; 2 Timoteo 4:5.
23. Sa pagmamasid ni Jehova sa ating paglilingkod sa kaniya, ano ang dapat na makita sa atin?
23 Harinawang lahat tayo ay gumanap ng ating ministeryo sa paraan na malinaw na nagpapakita kay Jehova na tayo’y talagang nagpapahalaga sa dakilang pribilehiyo na pagiging kaniyang mga Saksi sa mahalagang mga panahong ito. Harinawang maging pribilehiyo natin ang aktuwal na makita ang pagsasagawa ni Jehova ng hatol laban sa likong matandang sistema at ang pagpasok ng maluwalhating Milenyong Pamamahala ni Jesu-Kristo!
[Talababa]
a Binilang ayon sa paraan ng paghahati sa lupa hanggang noong maaga ng mga taon ng 1990.
Pagrerepaso
◻ Bakit napakahalaga ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian?
◻ Gaano kalawak naipangaral ang mabuting balita magpahanggang noong 1914?
◻ Gaano katindi ang naibigay na patotoo mula nang matatag ang Kaharian?
◻ Papaano magiging lalong mabunga ang ating sariling bahagi sa ministeryo?
[Kahon sa pahina 16, 17]
MGA SAKSI NI JEHOVA—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Sa daan-daang kombensiyon sa buong daigdig noong 1993-94, ipinatalastas ang paglalabas ng isang bagong aklat na pinamagatang Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Ito ay isang nakapagtuturo, komprehensibong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova. Ito ay isang 752-pahinang aklat, maganda ang pagkalarawan, na may mahigit na isang libong larawan na tinipon buhat sa 96 na iba’t ibang lupain. Sa may dulo ng 1993, ito’y nalathala na sa 25 wika at patuloy na isinasalin sa marami pa.
Bakit napapanahon ang gayong aklat? Sa nakalipas na mga taon angaw-angaw na tao sa buong daigdig ang naging mga Saksi ni Jehova. Lahat sila ay dapat na magkaroon ng lubos na kaalaman tungkol sa kasaysayan ng organisasyon na kinauugnayan nila. Isa pa, ang kanilang pangangaral at paraan ng pagsamba ay tumagos na sa pambansa at panlahing mga grupo sa buong daigdig at tinanggap ng mga tao bata man at matanda, sa bawat antas ng kabuhayan at edukasyon. Kaya naman, marami na nagmamasid sa mga bagay na nagaganap ang may mga tanong tungkol sa mga Saksi—hindi lamang tungkol sa kanilang mga paniniwala kundi pati na rin sa kanilang pinagmulan, sa kanilang kasaysayan, sa kanilang organisasyon, sa kanilang mga layunin. Ang iba ay sumulat tungkol sa kanila, bagaman kung minsan ay may kinikilingan. Gayunman, walang sinumang nakaaalam ng modernong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova nang higit sa kaninuman kundi ang mga Saksi mismo. Ang mga editor ng aklat na ito ay nagsikap na iharap ang kasaysayang iyan sa paraang makatotohanan at matapat. Sa paggawa ng gayon, inalalayan din nila ng mga dokumento ang katuparan hanggang sa ngayon ng napakahalagang aspekto ng tanda ng pagkanaririto ni Kristo na nakaulat sa Mateo 24:14, at ginawa nila ito taglay ang mga detalye na maaaring magawa lamang niyaong mga lubhang nasasangkot sa gawain na inihula roon.
Ang aklat ay nababahagi sa pitong pangunahing bahagi:
Bahagi 1: Sinasaliksik ng bahaging ito ang makasaysayang pinagmulan ng mga Saksi ni Jehova. Kasali na rito ang isang maikli ngunit malaman, nakapagtuturong sumaryo ng kanilang modernong kasaysayan mula noong 1870 patuloy hanggang 1992.
Bahagi 2: Narito ang nagsisiwalat na pagbabalik-tanaw sa progresibong pagkabuo ng mga paniniwala na nagtatangi sa mga Saksi ni Jehova sa ibang mga grupong relihiyoso.
Bahagi 3: Ang bahaging ito ng aklat ay sumusuri sa pagbuo ng kanilang kaayusang pang-organisasyon. Naglalahad ito ng kawili-wiling mga katotohanan tungkol sa kanilang mga pulong sa kongregasyon at mga kombensiyon, gayundin ng paraan ng pagtatayo nila ng mga Kingdom Hall, mas malalaking Assembly Hall, at mga pasilidad para sa paglalathala ng literatura sa Bibliya. Ipinakikita nito ang sigasig ng mga Saksi ni Jehova sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos at ang pag-ibig na makikita sa kanilang pangangalaga sa isa’t isa sa mga panahon ng kagipitan.
Bahagi 4: Dito ay makasusumpong kayo ng kawili-wiling mga detalye kung papaanong ang paghahayag sa Kaharian ng Diyos ay lumaganap sa pangunahing mga bansa at malalayong kapuluan sa buong globo. Isip-isipin lamang—pangangaral sa 43 lupain noong taóng 1914, ngunit sa 229 na lupain noong 1992! Ang mga karanasan ng mga nakibahagi sa pangglobong pagpapalawak na ito ay tunay na makabagbag-damdamin.
Bahagi 5: Ang pagsasagawa ng lahat ng gawaing ito na paghahayag ng Kaharian ay nangangailangan ng pagtatayo ng pambuong-daigdig na mga pasilidad para sa paglalathala ng Bibliya gayundin ng literatura sa Bibliya sa mahigit na dalawang daang wika. Dito ay mapag-aalaman ninyo ang aspektong iyan ng kanilang gawain.
Bahagi 6: Ang mga Saksi ay napaharap din sa mga pagsubok—ang ilan dahil sa di-kasakdalan ng tao, ang iba dahil sa bulaang mga kapatid, at lalo na dahil sa tuwirang pag-uusig. Ang Salita ng Diyos ay nagbabala na magiging gayon nga. (Lucas 17:1; 2 Timoteo 3:12; 1 Pedro 4:12; 2 Pedro 2:1, 2) Buong-linaw na isinasaad ng bahaging ito ng aklat kung ano ang aktuwal na naganap at kung papaano pinapangyari ng pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova na sila’y magtagumpay.
Bahagi 7: Bilang pagtatapos, isinasaalang-alang ng aklat kung bakit ang mga Saksi ni Jehova ay matatag na kumbinsido na ang organisasyong kinabibilangan nila ay tunay ngang inaakay ng Diyos. Tinatalakay rin nito kung bakit nadarama nila ang pangangailangan, bilang isang organisasyon at mga indibiduwal, na patuluyang magbantay.
Bukod sa nabanggit na, ang may kaakit-akit na kadisenyong aklat na ito ay may isang maganda at lubhang nakapagtuturong 50-pahina seksiyon ng mga larawan na may kulay, na nagpapakita ng pandaigdig na punong-tanggapan gayundin ang mga pasilidad sa sangay na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.
Kung hindi mo pa ginagawa ang gayon, tiyak na ikaw ay makikinabang sa pagkakaroon at pagbabasa ng isang kopya ng kaakit-akit na publikasyong ito.
Komento Buhat sa Ilan na Nakabasa na Nito
Ano ang mga reaksiyon ng mga nakabasa na ng aklat na ito? Narito ang ilan:
“Natapos ko na ang pagbabasa ng kaakit-akit, buháy na dokumentaryo na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Tanging ang isang organisasyon na buong katapatan at kapakumbabaan na nagtataguyod sa katotohanan ang maaaring sumulat nang gayong kaprangka, may lakas ng loob, at madamdamin.”
“Sa pagbabasa’y tulad ito ng aklat ng Mga Gawa, na may taglay na katapatan at pagkaprangko.”
“Anong nakatatawag-pansing bagong publikasyon! . . . Ito ay isang makasaysayang obra maestra.”
Pagkatapos mabasa ang halos kalahati ng aklat, isang lalaki ang sumulat: “Ako’y lubhang nasindak, di-nakapagsalita, at halos maluha. . . . Sa buong buhay ko, walang ibang publikasyon na nakaantig ng damdaming kagaya nito.”
“Ang puso ko’y tigib ng kagalakan tuwing iisipin ko kung papaano patitibayin ng aklat na ito ang pananampalataya ng mga kabataan gayundin ang mga baguhan na pumapasok sa organisasyon sa ngayon.”
“Sa tuwina’y pinahahalagahan ko ang katotohanan, subalit ang pagbabasa ko ng aklat na ito ay nagbukas ng aking mga mata at tumulong sa akin na matanto na higit kailanman ang banal na espiritu ni Jehova ang nasa likod ng lahat ng ito.”
[Mga larawan sa pahina 18]
Maraming tao ang naabot ng mensahe ng Kaharian kahit noong kakaunti pa ang mga Saksi