Ang Bibliya—Isang Aklat na Dapat Basahin
MADALING maubusan ng superlatibong anyo ng mga pang-uri at mga pang-abay kapag ang isa ay nagpapahayag ng tungkol sa Bibliya. Ito hanggang sa ngayon ang aklat na may pinakamalaganap na sirkulasyon sa buong kasaysayan. Ang Bibliya ang pinakamatanda, naisalin sa pinakamaraming wika, pinakamadalas sipiin, pinakamaimpluwensiya, at pinakarespetadong aklat. Marahil ay ito rin ang pinakamalimit pagtalunan. At tunay na ito ang aklat na nakaligtas sa pinakamaraming pagbabawal, panununog, at marahas na pananalansang. Ngunit nakalulungkot, may isang superlatibo na hindi na maaaring ikapit sa Bibliya. Malamang na hindi na ito ang aklat sa daigdig na may pinakamaraming bumabasa.
Samantalang ang mga tao ay maaaring may Bibliya na naroroon sa isang dako sa bahay, naniniwala ang marami na sila’y totoong magawain upang gumugol ng panahon sa aktuwal na pagbabasa niyaon. Ang pagbabasa ay dating isang popular na pampalipas-oras. Subalit ngayon, mas gusto pa ng karamihan na gugulin ang kanilang libreng oras sa panonood ng telebisyon o sa paggawa ng ibang bagay. Karaniwan nang mas gusto niyaong mga nagbabasa ang isang bagay na magaan at madaling basahin. Ang pagbabasa ng Bibliya ay nangangailangan ng pagpapako ng isip, at karamihan ng tao ay hindi na gaanong nagpapako ng isip sa kanilang binabasa.
Gayunman, ang Bibliya ay hindi nakaligtas upang pabayaan lamang na inaalikabok sa ating mga lagayan ng aklat. May mabubuting dahilan kung bakit dapat basahin iyon. Isaalang-alang ang ilang katotohanan tungkol dito.
Hindi Nakapagtatakang Ito’y Nanatili!
Ang terminong “Bibliya” ay nanggaling sa salitang Griego na bi·bliʹa, na nangangahulugang “maliliit na aklat.” Ito’y nagpapaalaala sa atin na ang Bibliya ay binubuo ng maraming aklat—ang ilan ay hindi naman napakaliit! Ang mga ito ay naisulat sa yugto ng panahon na may habang labing-anim na raang taon. Samantalang ang mga manunulat ay mga lalaki, sila’y kinasihan ng isang nakatataas na Pinagmulan. Sinabi ng isang manunulat ng Bibliya: “Ang hula ay hindi kailanman dinala sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang sila ay inaakay ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:21) Ang totoo tungkol sa hula ng Kasulatan ay totoo rin sa natitirang bahagi ng Bibliya. Ang kinasihang “maliliit na aklat” na ito ay punô ng dakilang mga kaisipan ng Diyos na Jehova. (Isaias 55:9) Hindi nga nakapagtataka na nanatili nang gayong katagal ang Bibliya!
Para sa mga lingkod ng Diyos, ang Bibliya ang sa tuwina’y pinakamahalagang aklat. Sila’y kasang-ayon ni apostol Pablo, na isa mismo sa mga manunulat ng Bibliya. Sinabi niya: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo.” (2 Timoteo 3:16) Kaya naman, salig sa Bibliya ang pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Ito ang batayan ng kanilang mga doktrina at ang umuugit sa kanilang paggawi. Buong-pusong inirerekomenda nila na bawat isa ay magbasa ng ilang bahagi ng Salita ng Diyos sa araw-araw at magbulay-bulay nang may pagpapahalaga sa mga nilalaman nito.—Awit 1:1-3.
Ang Kinaugaliang Pagbabasa ng Bibliya
Ang kinaugaliang pagbabasa ng Kasulatan ay kapaki-pakinabang noong nakalipas na mga panahon. Ang mga hari ng Israel ay binigyan ng utos na gumawa ng kanilang sariling sulat-kamay na kopya ng Batas—ngayon ay isang mahalagang bahagi ng Bibliya—at basahin iyon araw-araw bilang isang palagiang tagapagpaalaala ng kalooban ng Diyos para sa kanila. (Deuteronomio 17:18-20) Ang hindi paggawa nito ang naging dahilan ng pagbagsak ng maraming hari.
Ang kahalagahan ng pag-aaral ng Kasulatan ay inilalarawan sa kaso ng matanda nang propetang si Daniel. Dahil sa kaniyang personal na pag-aaral ng mga bahagi ng Bibliya na mayroon noong kaniyang kaarawan, si Daniel, nang siya’y isang tapon sa Babilonya, ay ‘nakaunawa sa pamamagitan ng mga aklat’ na napakalapit nang matupad noon ang isang mahalagang hula na isinulat ni Jeremias.—Daniel 9:2.
Nang isilang si Jesus, ang “matuwid at mapitagan” na taong si Simeon ay buong-tiwalang umaasang makikita ang isa na magiging ang Kristo, o ang Mesiyas. Ipinangako kay Simeon na siya’y hindi mamamatay bago makita ang Kristo. Ang kaniyang pahiwatig tungkol sa hula ni Isaias nang kalong ang sanggol na si Jesus sa kaniyang mga bisig ay nagpapakita na si Simeon ay isang masigasig na mambabasa ng mga aklat ng Bibliya na naisulat na noong kaniyang kaarawan.—Lucas 2:25-32; Isaias 42:6.
Nang nangangaral si Juan na Tagapagbautismo, “ang mga tao ay may inaasahan” na Mesiyas. Ano ba ang ipinakikita nito? Ito’y nagpapahiwatig na marami sa mga Judio ang pamilyar na sa mga hulang Mesiyaniko na nakaulat sa Kasulatan. (Lucas 3:15) Ito ay kapansin-pansin, sapagkat hindi kaagad-agad makukuha ang mga aklat noong mga araw na iyon. Ang mga kopya ng mga aklat ng Bibliya ay buong-ingat na ginagawa sa pamamagitan ng kamay, at dahil dito ang mga ito ay magastos at mahirap makuha. Papaano naging pamilyar ang mga tao sa nilalaman ng mga ito?
Pangkaraniwan na, sa pamamagitan ng pangmadlang pagbabasa. Halimbawa, iniutos ni Moises na sa takdang mga panahon, ang buong Batas na ibinigay ng Diyos ay kailangang basahin sa nagkakatipong mga Israelita. (Deuteronomio 31:10-13) Pagsapit ng unang siglo C.E., malaganap na ang pangmadlang pagbabasa ng mga aklat ng Bibliya. Ganito ang sabi ng alagad na si Santiago: “Mula nang mga sinaunang panahon si Moises ay mayroon niyaong mga nangaral tungkol sa kaniya sa lunsod at lunsod, sapagkat siya ay binabasa nang malakas sa mga sinagoga sa bawat sabbath.”—Gawa 15:21.
Sa ngayon, madaling magmay-ari ng isang personal na kopya ng Bibliya. Sa papaano man ang ilan sa “maliliit na aklat” na ito ay makukuha na sa mga wika ng 98 porsiyento ng populasyon ng daigdig. Kaya nakalulungkot na marami ang hindi interesado sa pagkatuto ng sinasabi sa kanila ng Bibliya. Maaaring ito ay panahon ng siyensiya, subalit ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay nananatiling lubhang “kapaki-pakinabang sa pagtuturo.” Ito’y nagbibigay ng matatag na payo tungkol sa moral, sa mga ugnayan ng tao, at sa marami pang ibang paksa. Bukod dito, nag-aalok ang Bibliya ng tanging tiyak na pag-asa para sa isang mapayapang kinabukasan.
Basahin Ito Nang Palagian
Kaya ginawa ng mga Saksi ni Jehova na isang mahalagang bahagi ng kanilang gawain ang magpasigla ng regular na pagbabasa ng Bibliya. Sa malalaking letra sa gusali ng pabrika sa kanilang pandaigdig na punung-tanggapan sa Brooklyn, New York, ay makikita ang ganitong masidhing payo: “READ GOD’S WORD THE HOLY BIBLE DAILY.” Milyun-milyong dumaraan ang nakakakita sa mga salitang ito, at inaasahan na marami ang sumunod sa sinasabi ng mga ito.
Sa mahigit na 73,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, ginaganap bawat linggo ang mga sesyon ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Bahagi ng kurso ang pangmadlang pagbabasa ng isang piniling bahagi ng Bibliya. Lahat ng dumadalo ay may atas din na bumasa ng ilang kabanata ng Bibliya linggu-linggo sa kanilang sariling tahanan. Yaong mga nag-iingat ng ganitong iskedyul ay sa wakas nababasa ang buong Bibliya.
Ang kaayusang ito ay kasuwato ng isa sa aklat-aralin na ginagamit sa paaralang ito. Ang Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nagsasabi: “Dapat isali sa iyong sarilinang iskedyul ang oras ng pagbabasa ng Bibliya mismo. Totoong malaki ang pakinabang sa pagbabasa nito mula sa umpisa hanggang katapusan. . . . Gayunman, gawing tunguhin hindi lamang ang mabasa ang materyal, kundi ang maunawaan iyon nang husto upang matandaan. Bulaybulayin ang sinasabi nito.”
Ang iba pang mga publikasyong ginawa ng mga Saksi ni Jehova ay nagpapasigla rin ng pagbabasa ng Bibliya. Halimbawa, sa kasamahang magasin ng lathalaing ito, ang Gumising!, lumabas ang ganitong pampasigla para sa mga kabataan: “Nabasa mo na ba . . . ang buong Bibliya? Oo, ang Bibliya ay isang malaking aklat, ngunit bakit hindi bahaginin ang pagbasa dito sa maliliit na bahagi? . . . Ang ‘mararangal’ na mga taga-Berea ay ‘maingat na sinusuri ang Kasulatan araw-araw.’ (Gawa 17:11) Kung susundin mo ang isang pang-araw-araw na iskedyul ng pagbabasa mga 15 minuto sa isang araw . . . , matatapos mo ang pagbabasa ng Bibliya sa loob ng isang taon.” Oo, inaakala ng mga Saksi ni Jehova na ang modernong-panahong mga Kristiyano ay dapat na bihasang-bihasa sa Kasulatan, kagaya rin ng mga lingkod ng Diyos noong sinaunang panahon.
Taglay ito sa isip, nagtaguyod ang mga Saksi ng isang bersiyon sa ika-20 siglo ng pangmadlang pagbabasa ng Bibliya. Sa maraming wika, sila’y gumawa ng mga cassette recording ng mga pagbabasa na sumasaklaw sa buong Bibliya. Para sa marami ay napatunayan na ito ay isang mainam na tulong upang madaig ang mga hadlang sa pagbabasa ng Bibliya. Ang ilan ay nakikinig sa mga recording na ito samantalang gumagawa sa paligid-ligid ng bahay, nagmamaneho ng kanilang kotse, o gumagawa ng iba pang mga bagay. Isang nakalulugod na karanasan ang maupo at tahimik na makinig sa pagbabasa ng isang bahagi ng Bibliya samantalang sinusubaybayan iyon sa iyong sariling kopya.
Kung hindi ka pa nagbabasa ng Bibliya sa araw-araw, bakit hindi ugaliing gawin iyon? Hindi naman ito gugugol ng malaking panahon bawat araw, subalit marami ang kapakinabangan, sapagkat ang pagkakapit ng Kasulatan ay tutulong sa iyo upang kumilos nang may karunungan at tamasahin ang isang kasiya-siyang buhay sa espirituwal. Ikaw ay kikilos din na kasuwato ng utos na ibinigay noong unang panahon sa Israelitang lider na si Josue: “Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at iyong babasahin nang may pagbubulaybulay araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo’y iyong pagtatagumpayin ang iyong lakad at kung magkagayo’y kikilos ka nang may karunungan.”—Josue 1:8.
Ang mga pahina ng Bibliya ay nagsisiwalat ng maibiging layunin ni Jehova para sa masunuring sangkatauhan. Ang tumpak na kaalaman sa kaniyang kinasihang Salita ay nagbubunga ng tunay na kaligayahan at ng pag-asang buhay na walang-hanggan sa Paraiso sa isang kahanga-hangang bagong sanlibutan ng walang-hanggang mga pagpapala. (Lucas 23:43; 2 Pedro 3:13) Harinawang samantalahin mo ang iyong pagkakataon na magbasa at mag-aral ng Bibliya at sikaping kamtin ang kahanga-hangang buhay na ito.