Natagpuan Mo Na ba ang Tamang Relihiyon?
“Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito.”—SANTIAGO 1:27.
1, 2. (a) Sa isipan ng maraming tao, ano ang nagpapasiya kung ang kanila nga ang tamang relihiyon? (b) Ano ang dapat dibdibang isaalang-alang sa paghatol sa tunay na relihiyon?
TAYO’Y nabubuhay sa isang panahon na maraming tao ang kontento nang mabigyan ang relihiyon ng maliit lamang na dako sa kanilang buhay. Marahil sila’y dumadalo sa ilang serbisyo ng relihiyon, subalit kakaunti ang gumagawa niyaon nang palagian. Karamihan ng tao ay hindi naniniwala na lahat ng iba pang mga relihiyon ay mali at na ang kanila lamang ang tama. Marahil ay inaakala nila na ang kanilang relihiyon ang tama para sa kanila.
2 Dahil dito, ang katanungang, Natagpuan mo na ba ang tamang relihiyon? ay wala bang ibang kahulugan kundi, Natagpuan mo na ba ang isang relihiyon na ibig mo? Ano ba ang nagpapasiya kung ano ang ibig mo? Ang iyong pamilya? Ang iyong mga kasama? Ang iyong sariling damdamin? Gaano kadibdibang isinaalang-alang mo ang pananaw ng Diyos sa bagay na ito?
Papaano Natin Malalaman ang Pananaw ng Diyos?
3. (a) Kung ibig nating malaman ang pananaw ng Diyos, ano ang kailangang mayroon tayo? (b) Anu-ano ang dapat nating itanong tungkol sa kung bakit tayo personal na naniniwala na ang Bibliya ay nanggaling sa Diyos?
3 Kung nais nating malaman ang iniisip ng Diyos mismo, kailangan kung gayon na may isang kapahayagan buhat sa kaniya. Ang Bibliya ang pinakamatandang aklat na nag-aangking kinasihan ng Diyos. (2 Timoteo 3:16, 17) Subalit may katotohanan bang masasabi na ang aklat na ito, na naiiba sa lahat, ang may taglay ng mensahe ng Diyos para sa lahat ng tao? Papaano mo sasagutin ang tanong na iyan, at bakit? Dahilan ba sa ang iyong mga magulang ay may gayong pananaw? Iyon ba ay dahilan sa saloobin ng iyong mga kasama? Nasuri mo na ba mismo ang patotoo? Bakit hindi gawin iyan ngayon, na ginagamit ang sumusunod na apat na patotoo?
4. Kung tungkol sa pagkakaroon nito, ano ang nagpapakita na ang Bibliya, sa halip na anumang ibang aklat, ay buhat sa Diyos?
4 Maaaring makuha: Ang isang mensahe na talagang nanggaling sa Diyos at ukol sa buong sangkatauhan ay dapat na maaari nilang makuha. Totoo ba iyan tungkol sa Bibliya? Isaalang-alang ito: Ang Bibliya, sa kabuuan o sa bahagi man, ay inilalathala ngayon sa mahigit na 2,000 wika. Ayon sa American Bible Society, pagkalipas ng halos sampung taon ang mga wikang ginamit sa paglilimbag ng Bibliya ay nagpapangyaring pakinabangan ito ng 98 porsiyento ng populasyon ng daigdig. Gaya ng tinukoy ng Guinness Book of World Records, maliwanag na ang Bibliya “ang pinakamalaganap na naipamahaging aklat.” Ito nga ang dapat nating asahan sa mensaheng galing sa Diyos na ukol sa mga tao ng lahat ng lahi at bansa at wika. (Ihambing ang Apocalipsis 14:6.) Wala nang iba pang aklat sa daigdig ang may rekord na katulad nito.
5. Bakit mahalaga ang patotoo ng kasaysayan tungkol sa Bibliya?
5 Patotoo ng Kasaysayan: Ang maingat na pagsusuri sa mga paglalahad ng Bibliya ay nagsisiwalat ng isa pang paraan na nagpapakilalang ang Bibliya ay natatangi buhat sa lahat ng iba pang aklat na nag-aangking banal. Ang Bibliya ay may patotoo ng kasaysayan, hindi mga alamat na di-mapatutunayan. Ganito ang isinulat ni Irwin Linton, na bilang isang abugado ay nasanay na suriin kung ano ang kailangan bilang isang patotoo sa isang hukuman ng batas: “Samantalang tinitiyak ng mga kuwento, alamat at bulaang pagsaksi na ang mga pangyayaring isinasalaysay ay naganap sa di-kilalang lugar at sa di-tiyak na panahon, . . . ang mga salaysay ng Bibliya ay nagbibigay sa atin ng pinakaeksaktong petsa at lugar ng mga bagay na ikinukuwento.” (Para sa mga halimbawa, tingnan ang 1 Hari 14:25; Isaias 36:1; Lucas 3:1, 2.) Sa mga tao na bumabaling sa relihiyon hindi upang makaiwas sa katunayan kundi dahil sa katotohanan, ito ay mahalagang isaalang-alang.
6. (a) Papaano talagang tinutulungan ng Bibliya ang isang tao sa mga suliranin sa buhay? (b) Sa anong tatlong paraan tinutulungan ng Bibliya ang isang tao na harapin ang masasakit na katotohanan?
6 Praktikal: Yaong mga dibdibang nagsusuri ng Bibliya ay nakatatalos agad na ang mga kautusan at mga simulain nito ay hindi nilayon upang pagsamantalahan sila. Sa halip, ang mga ito ay bumabalangkas ng isang paraan ng pamumuhay na nagdudulot ng kapakinabangan sa mga maingat na sumusunod sa mga ito. (Isaias 48:17, 18) Ang kaaliwan na idinudulot nito para sa mga nasa kagipitan ay hindi mababaw, na nakasalig sa walang-katuturang mga pilosopiya. Bagkus, tinuturuan nito ang mga tao upang mapagtagumpayan ang masasakit na katotohanan ng buhay. Papaano? Sa tatlong paraan: (1) sa pamamagitan ng pagbibigay ng mainam na payo kung papaano haharapin ang mga kahirapan, (2) sa pamamagitan ng pagpapaliwanag kung papaano tatanggapin ang maibiging pag-alalay na ibinibigay ng Diyos sa kaniyang mga lingkod ngayon, at (3) sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng kahanga-hangang kinabukasan na inilalaan ng Diyos para sa mga naglilingkod sa kaniya, anupat nagbibigay sa kanila ng matitibay na dahilan upang magtiwala sa kaniyang mga pangako.
7. (a) Gamitin ang mga tekstong binanggit sa talababa upang ipaliwanag ang sagot ng Bibliya sa isa sa pangunahing mga isyu na nakababahala sa mga tao ngayon. (b) Ipakita kung papaanong ang payo ng Bibliya ay isang proteksiyon sa atin o tumutulong sa atin na harapin ang isang maigting na kalagayan.
7 Bagaman ang payo ng Bibliya ay kalimitang hindi popular sa mga nagtatakwil sa awtoridad at nagtataguyod ng isang buhay ng kalayawan, natanto ng marami na ang gayong buhay ay hindi nagdulot sa kanila ng tunay na kaligayahan. (Galacia 6:7, 8) Ang Bibliya ay nagbibigay ng tuwirang mga sagot sa mga tanong tungkol sa aborsiyon, diborsiyo, at homoseksuwalidad. Ang payo nito ay isang pananggalang laban sa pag-aabuso sa droga at alak at laban sa pagkakasakit ng AIDS sa pamamagitan ng nahawahang dugo o kahalayan sa sekso. Ipinakikita nito sa atin kung papaano magkakaroon ng maliligayang pamilya. Nagbibigay ito ng mga sagot na tumutulong sa isang tao na pagtagumpayan ang pinakamaigting na mga kalagayan sa buhay, kasali na ang pagtatakwil ng pinakamalalapit na miyembro ng pamilya, malulubhang sakit, at kamatayan ng isang mahal sa buhay. Ito’y tumutulong sa atin upang makilala kung ano ang mga dapat unahin upang ang ating buhay ay maging makabuluhan sa halip na maging isang kabiguan.a
8, 9. (a) Anong hula ang personal na nakaaantig sa iyo bilang patotoo na ang Bibliya ay kinasihan? (b) Ano ang pinatutunayan ng mga hula sa Bibliya kung tungkol sa pinagmulan ng mga ito?
8 Hula: Ang Bibliya ay natatangi bilang isang aklat ng hula, isang aklat na nagsasabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap, at ginagawa iyon nang detalyado. Inihula nito ang pagkapuksa ng sinaunang Tiro, ang pagbagsak ng Babilonya, ang muling pagtatayo ng Jerusalem, ang pagbangon at pagbagsak ng mga hari ng Medo-Persia at Gresya, at maraming pangyayari sa buhay ni Jesu-Kristo. Inihula rin nito nang detalyado ang mga kalagayan sa daigdig na nagaganap sa siglong ito, at ipinaliliwanag nito ang kahulugan ng mga ito. Ipinakikita nito kung papaano malulutas ang mga suliranin na dumaraig sa mga taong namamahala, at ipinakikilala nito ang Tagapamahala na magdadala ng walang-hanggang kapayapaan at tunay na katiwasayan sa sangkatauhan.b—Isaias 9:6, 7; 11:1-5, 9; 53:4-6.
9 Kapansin-pansin, inihaharap ng Bibliya ang kakayahan na hulaan ang hinaharap nang may kawastuan bilang isang pagsubok sa pagka-Diyos. (Isaias 41:1–46:13) Ang Isa na makagagawa niyaon o maaaring kumasi sa iba na gawin iyon ay hindi isang hamak na idolong walang buhay. Siya’y hindi isa lamang taong relihiyoso. Siya ang tunay na Diyos, at ang aklat na may taglay ng gayong hula ay ang kaniyang Salita.—1 Tesalonica 2:13.
Lahat ba ng Gumagamit ng Bibliya ay Tama?
10, 11. Gaya ng ipinakita ni Jesus, bagaman ginagamit ng isang klerigo ang Bibliya, ano ang maaaring magpawalang-kabuluhan sa kaniyang itinataguyod na relihiyon?
10 Kung gayon, makatuwiran ba—lalong mahalaga, maka-Kasulatan ba—na manghinuha na lahat ng grupong relihiyoso na nag-aangking gumagamit ng Bibliya ay nagtuturo ng tunay na relihiyon? Ang lahat ba ng nagdadala o sumisipi sa Bibliya ay nagsasagawa ng tamang relihiyon?
11 Marami sa mga klerigo, bagaman taglay nila ang Bibliya, ang gumagamit sa relihiyon bilang isang paraan upang luwalhatiin ang kanilang sarili. Hinahaluan nila ng mga tradisyon at mga pilosopiya ng tao ang dalisay na mga katotohanan. Nakalulugod ba sa Diyos ang kanilang pagsamba? Sa relihiyosong mga lider noong unang siglo sa Jerusalem na gumagawa ng ganiyan, angkop na ikinapit ni Jesu-Kristo ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias, na nagsasabi: “Ang bayang ito ay nagpaparangal sa akin sa kanilang mga labi, gayunman ang kanilang puso ay malayung-malayo sa akin. Walang kabuluhan ang patuloy na pagsamba nila sa akin, sapagkat itinuturo nila ang mga pag-uutos ng mga tao bilang mga doktrina.” (Mateo 15:8, 9; 23:5-10) Maliwanag, ang gayong uri ng relihiyon ay hindi ang tunay na relihiyon.
12, 13. (a) Papaanong ang iginagawi ng mga miyembro ng isang iglesya ay tumutulong sa isang tao na makilala kung ang kanila ang tamang relihiyon? (b) Papaano mamalasin ng Diyos ang ating pagsamba kung ang pipiliin nating mga kasama ay yaong mga tinatanggihan niya? (2 Cronica 19:2)
12 Ano kung masasama ang bunga ng mga turo ng ilang relihiyon, gaya ng makikita sa pamumuhay ng kanilang mga miyembro na itinuturing na may mabuting katayuan? Sa kaniyang Sermon sa Bundok, nagbabala si Jesus: “Maging mapagbantay kayo sa mga bulaang propeta . . . Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila. . . . Bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga, ngunit bawat bulok na punungkahoy ay nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga.” (Mateo 7:15-17) Totoo na ang mga tao ay maaaring makagawa ng masama at nangangailangang ituwid. Subalit ang kalagayan ay naiiba pagka ang mga miyembro ng iglesya, maging ang klero, ay nagpapakalabis sa pakikiapid at pangangalunya, pakikipag-away, paglalasing, kasakiman, pagsisinungaling, espiritismo, pagsamba sa mga idolo—sa alinman o sa lahat ng bagay na ito—subalit hindi dinidisiplina, at yaong mga nagpapatuloy sa ganitong landasin ay hindi itinitiwalag sa kongregasyon. Malinaw na sinasabi ng Bibliya na yaong mga namimihasa sa paggawa ng gayong mga bagay ay dapat itiwalag sa kongregasyon; sila’y hindi magkakaroon ng dako sa Kaharian ng Diyos. (Galacia 5:19-21) Ang kanilang pagsamba ay hindi nakalulugod sa Diyos, ni ang atin mang pagsamba ay makalulugod sa Diyos kung ang pinipili nating mga kasama ay yaong mga tinatanggihan niya.—1 Corinto 5:11-13; 6:9, 10; Apocalipsis 21:8.
13 Maliwanag na hindi lahat ng grupong nag-aangking gumagamit ng Bibliya ay nagsasagawa ng tunay na relihiyon na tinutukoy nito. Kung gayon, ano ang ipinakikita ng Bibliya bilang mga tanda na nagpapakilala sa tunay na relihiyon?
Mga Tanda na Nagpapakilala sa Tunay na Relihiyon
14. (a) Sa ano nasasalig ang lahat ng turo ng tunay na relihiyon? (b) Gaano katagumpay sa ganitong pagsubok ang mga turo ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa Diyos at sa kaluluwa?
14 Ang mga turo nito ay matatag na nakasalig sa kinasihang Kasulatan. “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay.” (2 Timoteo 3:16) Subalit saan binabanggit ng Banal na Bibliya ang Trinidad ng Sangkakristiyanuhan? At saan ba itinuturo ng Bibliya, gaya ng ginagawa ng klero, na ang mga tao ay may kaluluwang patuloy na nabubuhay pagkamatay ng pisikal na katawan? Hiniling mo na ba sa isang klerigo na ipakita sa iyo ang mga turong iyan sa iyong Bibliya? Sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang salitang Trinidad, ni ang tuwirang turo nito ay hindi lumilitaw sa Bagong Tipan.” (1992, Micropædia, Tomo 11, pahina 928) At inaamin ng New Catholic Encyclopedia: “Sa mga Amang Apostoliko, ay hindi man lamang nabanggit kahit na kaunti ang ganitong kaisipan o pangmalas.” (1967, Tomo XIV, pahina 299) Kung tungkol naman sa idea ng Sangkakristiyanuhan na ang kaluluwa ay humihiwalay sa katawan sa kamatayan, inaamin ng mga iskolar ng iglesya na hiniram nila ang idea buhat sa pilosopiyang Griego. Gayunman, hindi ipinagwawalang-bahala ng tunay na relihiyon ang katotohanan ng Bibliya dahilan sa pilosopiya ng tao.—Genesis 2:7; Deuteronomio 6:4; Ezekiel 18:4; Juan 14:28.
15. (a) Papaano ipinakikilala ng Bibliya ang Isa na siyang dapat lamang sambahin? (b) Ano ang nadarama ng tunay na mga mananamba kung tungkol sa paglapit kay Jehova?
15 Itinataguyod ng tunay na relihiyon ang pagsamba sa tanging Diyos na totoo, si Jehova. (Deuteronomio 4:35; Juan 17:3) Sa pagpapaliwanag ng Deuteronomio 5:9 at 6:13, matatag na sinabi ni Jesu-Kristo: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” (Mateo 4:10) Kasuwato niyan, ipinakilala ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang pangalan ng kaniyang Ama. (Juan 17:26) Tinuruan ka ba ng iyong relihiyon na sambahin si Jehova? Nakikilala mo ba ang Persona na may ganiyang pangalan—ang kaniyang mga layunin, ang kaniyang mga gawa, ang kaniyang mga katangian—upang madama mong maaari kang makalapit sa kaniya nang may pagtitiwala? Kung ikaw ay nasa tunay na relihiyon, ang sagot ay oo.—Lucas 10:22; 1 Juan 5:14.
16. Para sa mga aktibong nagsasagawa ng tunay na relihiyon, ano ang kahulugan ng pananampalataya kay Kristo?
16 Ang isang mahalagang bahagi ng pagsamba na nakalulugod sa Diyos ay ang pananampalataya sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Juan 3:36; Gawa 4:12) Ito ay hindi nangangahulugan ng paniniwala lamang na siya’y nabuhay o na siya’y isang mahalagang persona. Kasali rito ang pagpapahalaga sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa kahalagahan ng paghahain ni Jesus ng sakdal na buhay-tao at ang pagkilala sa kaniyang katungkulan ngayon bilang makalangit na Hari. (Awit 2:6-8; Juan 3:16; Apocalipsis 12:10) Kung ikaw ay kaugnay ng mga nagsasagawa ng tunay na relihiyon, alam mo na sa pang-araw-araw na buhay sila ay taimtim na nagsisikap na sundin si Jesus, tularan ang kaniyang halimbawa, at makibahagi nang personal at may kasigasigan sa gawain na iniatas niya sa kaniyang mga alagad. (Mateo 28:19, 20; Juan 15:14; 1 Pedro 2:21) Kung iyan ay hindi totoo sa mga kasama mong mananamba, kailangang humanap ka sa iba.
17. Bakit maingat ang tunay na mga mananamba na manatiling walang bahid-dungis sa sanlibutan, at ano ba ang kasali riyan?
17 Ang tunay na pagsamba ay hindi nababahiran ng pagkasangkot sa pulitika at makasanlibutang mga alitan. (Santiago 1:27) Bakit hindi? Sapagkat sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Sila ay hindi bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Si Jesus ay hindi nakialam sa pulitika, at pinigil niya ang kaniyang mga tagasunod sa paggamit ng pisikal na mga armas. (Mateo 26:52) Yaong mga nagkakapit ng sinasabi ng Salita ng Diyos ay ‘hindi na natututo ng pakikidigma.’ (Isaias 2:2-4) Kung ikaw ay naturingang isang miyembro ng anumang relihiyon na hindi umaangkop sa gayong paglalarawan, panahon na upang huminto ka ng pakikisama roon.—Santiago 4:4; Apocalipsis 18:4, 5.
18. (a) Ano ang ipinakikilala ng Juan 13:35 bilang isang mahalagang katangian ng tunay na relihiyon? (b) Papaano mo matutulungan ang sinuman upang tiyakin kung aling grupo ang nakasusunod sa Juan 13:35?
18 Ang tunay na relihiyon ay nagtuturo at nagpapamalas ng walang-pag-iimbot na pag-ibig. (Juan 13:35; 1 Juan 3:10-12) Ang gayong pag-ibig ay hindi lamang ipinahahayag sa mga sermon. Aktuwal na pinagsama-sama niyaon sa tunay na kapatiran ang mga tao sa lahat ng lahi, lahat ng antas ng kabuhayan, lahat ng wika, lahat ng bansa. (Apocalipsis 7:9, 10) Ibinubukod niyaon ang tunay na mga Kristiyano buhat sa sanlibutang nakapalibot sa kanila. Kung hindi mo pa nagagawa ang gayon, dumalo ka sa mga pulong sa isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, gayundin sa kanilang mas malalaking kombensiyon. Masdan sila habang sama-sama silang gumagawa upang itayo ang isa sa kanilang mga Kingdom Hall. Pansinin mo kung papaano nila pinakikitunguhan kapuwa ang matatanda (kasali na ang mga biyuda) at ang mga kabataan (kasali na yaong iisa na lamang ang magulang o wala na). (Santiago 1:27) Ihambing mo ang iyong nakita roon sa nakita mo sa anumang ibang relihiyon. Saka tanungin ang iyong sarili, ‘Sino ba ang nagsasagawa ng tunay na relihiyon?’
19. (a) Anong lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan ang itinataguyod ng tunay na relihiyon? (b) Ano ang dapat na ginagawa ng mga miyembro ng grupong sumusunod sa tunay na relihiyon?
19 Itinataguyod ng tunay na relihiyon ang Kaharian ng Diyos bilang ang walang-hanggang lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan. (Daniel 2:44; 7:13, 14; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:4, 5) Ginagawa ba iyan ng alinman sa mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan? Kailan mo huling narinig na ipinaliliwanag ng isang klerigo ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at kung ano ang sinasabi ng Kasulatan na gagawin nito? Pinasisigla ka ba ng organisasyong kinabibilangan mo na makipag-usap sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos, at kung oo, ang lahat ba ng miyembro ay may bahagi sa paggawa nito? Si Jesus ay gumanap ng gayong pagpapatotoo; gayundin ang kaniyang sinaunang mga alagad. Ikaw man ay maaaring magkapribilehiyo na makibahagi sa gawaing ito. Iyon ang pinakamahalagang gawain na isinasagawa ngayon sa balat ng lupa.—Mateo 24:14.
20. Pagkatapos makilala ang tunay na relihiyon, ano ang kailangang gawin natin?
20 Bagaman may libu-libong relihiyon, agad tayong tinutulungan ng Bibliya na pawiin ang kalituhan upang makilala ang tunay. Subalit higit pa ang kailangan kaysa pagkakilala lamang dito. Kailangang isagawa natin iyon. Isasaalang-alang nang lalong malawakan sa ating susunod na artikulo kung ano ang kasangkot dito.
[Mga talababa]
a Aborsiyon: Gawa 17:28; Awit 139:1, 16; Exodo 21:22, 23. Diborsiyo: Mateo 19:8, 9; Roma 7:2, 3. Homoseksuwalidad: Roma 1:24-27; 1 Corinto 6:9-11. Pag-aabuso sa droga at alkohol: 2 Corinto 7:1; Lucas 10:25-27; Kawikaan 23:20, 21; Galacia 5:19-21. Dugo at kahalayan: Gawa 15:28, 29; Kawikaan 5:15-23; Jeremias 5:7-9. Pamilya: Efeso 5:22–6:4; Colosas 3:18-21. Pagtatakwil: Awit 27:10; Malakias 2:13-16; Roma 8:35-39. Sakit: Apocalipsis 21:4, 5; 22:1, 2; Tito 1:2; Awit 23:1-4. Kamatayan: Isaias 25:8; Gawa 24:15. Mga dapat unahin: Mateo 6:19-34; Lucas 12:16-21; 1 Timoteo 6:6-12.
b Bilang mga halimbawa ng gayong mga hula at ng katuparan ng mga ito, tingnan ang mga aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, pahina 117-61; at Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, pahina 62-4, 87-94, 169-175. Kapuwa inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Sa pagkilala sa tunay na relihiyon, kaninong pananaw ang pinakamahalaga?
◻ Anong apat na hanay ng patotoo ang nakaturo sa Bibliya bilang Salita ng Diyos?
◻ Bakit hindi lahat ng relihiyon na gumagamit ng Bibliya ay kalugud-lugod sa Diyos?
◻ Ano ang anim na tanda na nagpapakilala sa kaisa-isang tamang relihiyon?
[Kahon sa pahina 10]
Mga Saksi ni Jehova . . .
◆ Sa Bibliya nakasalig ang lahat ng turo.
◆ Sumasamba sa tanging Diyos na totoo, si Jehova.
◆ Namumuhay na kasuwato ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Kristo.
◆ Hindi kasangkot sa pulitika at makasanlibutang mga alitan.
◆ Nagsisikap magpamalas ng walang-pag-iimbot na pag-ibig sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
◆ Nagtataguyod sa Kaharian ng Diyos bilang ang walang-hanggang kalutasan sa mga suliranin ng sangkatauhan.
[Larawan sa pahina 9]
ANG BIBLIYA—ano ang nagpapakita na taglay nito ang mensahe ng Diyos para sa lahat ng tao?