Ang Nangamatay na mga Mahal Mo sa Buhay—Sila Ba’y Makikita Mo Uli?
SI John ay siyam na taon lamang nang mamatay ang kaniyang ina. Nang malaunan, nagunita niya kung ano ang nangyari sa punerarya: “Gumuhit ako ng isang larawan para sa kaniya at sumulat doon na humihiling sa kaniya na hintayin niya kaming lahat sa langit. Ibinigay ko iyon kay Daddy upang ilagay sa kabaong ni Mommy, at kahit na siya ay patay na, ibig kong isip-isipin na nakuha niya ang huling mensaheng iyon buhat sa akin.”—How It Feels When a Parent Dies, isinulat ni Jill Krementz.
Walang alinlangan na mahal na mahal ni John ang kaniyang ina. Pagkatapos ilarawan ang kaniyang mabubuting katangian, sinabi niya: “Marahil ay ayaw ko lamang gunitain pa ang masasamang bagay, ngunit wala akong maisip na anumang masama tungkol sa kaniya. Siya ang pinakamagandang babae na nakita ko sa aking buong buhay.”
Tulad ni John, marami ang may magagandang alaala tungkol sa kanilang mga mahal sa buhay na nangamatay na at inaamin ang kanilang pagnanasang makita silang muli. Ganito ang sabi ni Edith, na ang 26-na-taóng-gulang na anak na lalaki ay namatay dahil sa kanser: “Kailangang maniwala ako na ang aking anak ay umiiral sa ibang lugar subalit hindi ko alam kung saan. Makikita ko kaya siyang muli? Hindi ko alam subalit umaasa akong makikita ko siyang muli.”
Tunay, ang mapagmahal na Maylikha ng tao ay hindi nagwawalang-bahala tungkol sa normal na pagnanasang ito ng tao. Kaya naman siya’y nangako na darating ang panahon na angaw-angaw ang muling makakasama ng kanilang nangamatay na mga mahal sa buhay. Ang Salita ng Diyos ay may maraming pagbanggit sa pangakong ito ng isang darating na pagkabuhay-muli ng mga patay.—Isaias 26:19; Daniel 12:2, 13; Oseas 13:14; Juan 5:28, 29; Apocalipsis 20:12, 13.
Sino ba ang Binubuhay-Muli Tungo sa Langit?
Isaalang-alang natin ang pag-asa ni John na ang kaniyang minamahal na ina ay naghihintay sa kaniya sa langit. Maraming nagsisimba ang may ganitong pag-asa o paniniwala. Sa pagsisikap na suháyan ang gayong mga paniwala, maling ikinakapit ng mga klerigo at ilang social worker ang mga teksto buhat sa Bibliya.
Halimbawa, si Dr. Elisabeth Kübler-Ross, na isang eksperto sa pagtulong sa mga naulila, ay nagsabi sa kaniyang aklat na On Children and Death: “Ang pagkamatay ay nangangahulugan lamang na ating itinatapon na ang ating katawan gaya ng pagtatapon natin sa isang lumang sira-sira nang damit, o paglipat buhat sa isang kuwarto patungo sa iba. Sa Eclesiastes, 12:7, mababasa natin: ‘Kung magkagayon ang alabok ay babalik sa lupa na pinagkunan niyaon; at ang espiritu ay babalik sa Diyos na nagbigay niyaon.’ Sinabi ni Jesus: ‘Ako’y yayaon upang maghanda ng isang dako para sa inyo upang kung saan ako naroon kayo ay dumoon din.’ At sa magnanakaw na nasa krus: ‘Sa araw na ito ay makakasama kita sa paraiso.’”
Ang binanggit bang mga teksto ay talagang nangangahulugan na ang ating nangamatay na mga mahal sa buhay ay buháy na ngayon at naghihintay sa atin sa langit? Ating isaalang-alang nang lalong mabuti ang mga teksto, pasimula sa Eclesiastes 12:7. Maliwanag, ang taong pantas na sumulat ng mga salitang iyon ay walang hangaring salungatin ang kaniyang nabanggit na sa aklat ding iyan sa Bibliya: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila’y walang kamalayan sa anuman.” (Eclesiastes 9:5) Ang kaniyang tinatalakay ay ang kamatayan ng tao sa pangkalahatan. Makatuwiran bang maniwala na lahat ng aminadong mga ateyista at pusakal na mga kriminal ay babalik sa Diyos pagkamatay nila? Tunay na hindi. Sa katunayan, hindi masasabi iyan tungkol sa sinuman sa atin, itinuturing man natin na mabuti o masama ang ating sarili. Yamang walang sinuman sa atin ang nakasama ng Diyos sa langit, papaano natin masasabi na tayo’y bumabalik sa kaniya?
Kung gayon, ano ba ang ibig sabihin ng manunulat ng Bibliya sa pagsasabing sa pagkamatay, ‘ang espiritu ay bumabalik sa tunay na Diyos’? Sa paggamit sa salitang Hebreo na isinaling “espiritu,” siya’y hindi tumutukoy sa isang pambihirang bagay na nagpapakita ng kaibahan ng isang tao buhat sa kaniyang kapuwa. Bagkus, sa Eclesiastes 3:19, ang kinasihang manunulat ding iyon ng Bibliya ay nagpapaliwanag tungkol sa mga tao at mga hayop na silang “lahat ay may iisang espiritu.” Maliwanag na ang “espiritu” na kaniyang tinutukoy ay ang puwersa ng buhay sa mga selula na bumubuo ng pisikal na katawan ng tao at mga hayop. Hindi natin tinanggap nang tuwiran ang espiritung ito buhat sa Diyos. Ito ay inilipat sa atin ng ating mga magulang nang tayo’y ipaglihi at pagkatapos ay isilang. Isa pa, ang espiritung ito ay hindi literal na naglalakbay sa kalawakan at bumabalik sa Diyos pagkamatay. Ang pananalita na, ‘ang espiritu’y bumabalik sa tunay na Diyos,’ ay isang pangungusap na patalinghaga na nangangahulugang ang pag-asa sa panghinaharap na buhay ng isang taong namatay ay nakasalalay ngayon sa Diyos. Siya ang magpapasiya kung sino ang kaniyang aalalahanin at sa wakas ay bubuhaying-muli. Pansinin kung papaanong malinaw na ipinakikita ito ng Bibliya sa Awit 104:29, 30.
Nilayon ng Diyos na Jehova na isang limitadong bilang ng tapat na mga tagasunod ni Kristo, na may kabuuang 144,000 lamang, ang bubuhaying-muli sa langit bilang espiritung mga anak ng Diyos. (Apocalipsis 14:1, 3) Ang mga ito ay bumubuo ng isang makalangit na pamahalaan kasama ni Kristo para sa pagpapala sa sangkatauhan sa lupa.
Ang unang mga nakaalam nito ay ang tapat na mga apostol ni Jesus, na kaniyang sinabihan: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tirahan. Kung di-gayon, ay sinabi ko sana sa inyo, sapagkat ako ay paroroon upang maghanda ng dako para sa inyo. Gayundin, kung ako ay pumaroon at makapaghanda ng dako para sa inyo, ako ay muling darating at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumuon din kayo.” (Juan 14:2, 3) Ang mga apostol at iba pang sinaunang mga Kristiyanong iyon ay nangamatay at kinailangang maghintay na walang-malay sa kamatayan hanggang sa pagparito ni Jesus upang sila’y gantimpalaan ng makalangit na pagkabuhay-muli. Kaya naman ating mababasa na ang unang martir na Kristiyano, si Esteban, “ay natulog sa kamatayan.”—Gawa 7:60; 1 Tesalonica 4:13.
Pagkabuhay-Muli sa Buhay sa Lupa
Subalit ano naman ang tungkol sa pangako ni Jesus sa kriminal na namatay sa tabi niya? Tulad ng maraming Judio nang panahong iyon, ang taong ito ay naniwala na magsusugo ang Diyos ng isang Mesiyas na magtatayo ng isang kaharian at isasauli ang kapayapaan at katiwasayan sa bansang Judio sa lupa. (Ihambing ang 1 Hari 4:20-25 sa Lucas 19:11; 24:21 at Gawa 1:6.) Isa pa, ang manggagawa ng masama ay nagpahayag ng pananampalataya na si Jesus ang mismong Isa na pinili ng Diyos upang siyang maging Hari. Gayunman, sa sandaling iyon, waring ito’y mahirap mangyari dahil sa napipintong kamatayan ni Jesus bilang isang taong hinatulan. Kaya naman si Jesus ay nagbigay ng katiyakan sa kriminal nang simulan niya ang Kaniyang pangako sa pamamagitan ng mga salitang ito: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Makakasama kita sa Paraiso.”—Lucas 23:42, 43.
Ang mga salin ng Bibliya na nagsisingit ng isang koma bago ang salitang “ngayon” ay lumilikha ng isang suliranin para sa mga taong nagnanais makaunawa ng mga salita ni Jesus. Si Jesus ay hindi naparoon sa anumang paraiso nang araw ding iyon. Sa halip, siya’y nakahimlay na walang-malay sa kamatayan sa loob ng tatlong araw hanggang sa binuhay siyang muli ng Diyos. Kahit na pagkatapos ng pagkabuhay-muli at pag-akyat ni Jesus sa langit, kinailangang maghintay siya sa kanan ng kaniyang Ama hanggang sa dumating ang panahon upang siya’y magpuno bilang Hari sa sangkatauhan. (Hebreo 10:12, 13) Di na magtatagal, ang pamamahala ni Jesus sa Kaharian ay magdadala ng kaginhawahan sa sangkatauhan at ang buong lupa ay gagawing isang paraiso. (Lucas 21:10, 11, 25-31) Pagkatapos ay tutuparin niya ang kaniyang pangako sa kriminal na iyon sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kaniya sa lupa. At si Jesus ay makakasama ng tao sa diwa na Kaniyang tutulungan ang tao sa lahat ng kaniyang pangangailangan, kasali na ang pangangailangan na ang kaniyang estilo ng pamumuhay ay gawing kasuwato ng matuwid na mga batas ng Diyos.
Pagkabuhay-Muli ng Marami
Tulad ng nagsising kriminal na iyon, ang pagkabuhay muli ng karamihan ng tao ay magaganap dito sa lupa. Ito ay kasuwato ng layunin ng Diyos sa paglikha sa tao. Ang unang lalaki at babae ay inilagay sa isang halamanang paraiso at sila’y sinabihan na supilin ang lupa. Kung sila sana’y nanatiling masunurin sa Diyos, sila’y hindi kailanman tatanda at mamamatay. Sa takdang panahon ng Diyos, ang buong lupa kaypala ay masusupil, ginawang isang pangglobong paraiso ni Adan at ng kaniyang sakdal na mga inapo.—Genesis 1:28; 2:8, 9.
Subalit, dahilan sa sadyang nagkasala sina Adan at Eva, kamatayan ang idinulot nila sa kanilang sarili at sa kanilang hinaharap na mga supling. (Genesis 2:16, 17; 3:17-19) Kaya naman ang Bibliya ay nagsasabi: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Roma 5:12.
May iisa lamang tao na isinilang na walang minanang kasalanan. Iyan ay ang sakdal na Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na ang buhay ay inilipat mula sa langit tungo sa bahay-bata ng isang birheng Judio, si Maria. Si Jesus ay nanatiling walang kasalanan at hindi karapat-dapat na mamatay. Sa gayon, ang kaniyang kamatayan ay may taglay na halagang pantubos alang-alang sa “kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29; Mateo 20:28) Kaya naman maaaring masabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay.”—Juan 11:25.
Kung gayon, oo, maaari mong isaalang-alang ang pag-asang makasamang muli ang mga mahal mo sa buhay na nangamatay, subalit dito’y kailangang magsagawa ka ng pananampalataya kay Jesus bilang iyong Manunubos at sundin siya bilang Haring hinirang ng Diyos. Di na magtatagal at lilipulin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng kasamaan sa lupang ito. Lahat ng tao na tatangging magpasakop sa pamamahala nito ay pupuksain. Gayunman, ang mga sakop ng Kaharian ng Diyos ay makaliligtas at magiging abala sa gawaing pagsasauli sa lupang ito sa pagiging paraiso.—Awit 37:10, 11; Apocalipsis 21:3-5.
Pagkatapos ay saka darating ang totoong nakalulugod na panahon para magsimula ang pagbuhay sa mga patay. Ikaw ba ay narito sa mga panahong iyon upang masayang salubungin ang mga patay? Iyan ay depende sa ginagawa mo ngayon. Kahanga-hangang mga pagpapala ang naghihintay sa lahat ng nagpapasakop ngayon sa pamamahala ng Kaharian ni Jehova sa ilalim ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.