Aling Mesa ang Inyong Kinakainan?
“Hindi kayo maaaring makibahagi sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo.”—1 CORINTO 10:21.
1. Anong mga mesa ang nakahain sa harap natin, at anong babala ang ibinigay ni apostol Pablo hinggil sa mga ito?
ANG kinasihang mga salitang ito ni apostol Pablo ay nagpapakita na dalawang makasagisag na mesa ang nakahain sa harap ng sangkatauhan. Nakikilala ang bawat mesa sa pamamagitan ng uri ng makasagisag na pagkaing nakahain doon, at lahat tayo ay kumakain sa alinman sa dalawa. Gayunman, kung nais nating palugdan ang Diyos, hindi tayo maaaring kumain sa kaniyang mesa at kasabay nito ay magkukot ng pagkain sa mesa ng mga demonyo. Nagbabala si apostol Pablo: “Ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay inihahain nila sa mga demonyo, at hindi sa Diyos; at hindi ko nais na maging mga kabahagi kayo ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring uminom sa kopa ni Jehova at sa kopa ng mga demonyo; hindi kayo maaaring makibahagi sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo.”—1 Corinto 10:20, 21.
2. (a) Anong mesa ni Jehova ang umiral noong mga kaarawan ng sinaunang Israel, at sino ang nakibahagi sa mga haing pangkomunyon? (b) Ano ang kahulugan sa ngayon ng pakikibahagi sa mesa ni Jehova?
2 Ang mga salita ni Pablo ay nagpapagunita sa atin ng mga haing pangkomunyon na inihahandog ng sinaunang mga Israelita sa ilalim ng Batas ni Jehova. Ang dambana ng Diyos ay tinatawag na mesa, at ang isang nagdadala ng hayop upang ihain ay sinasabing may pakikibahaging kasama ni Jehova at ng mga saserdote. Papaano? Una, nakikibahagi si Jehova sa hain sapagkat ang dugo ay iniwiwisik sa ibabaw ng kaniyang dambana at ang taba ay sinusunog ng mga alab sa ilalim ng dambana. Pangalawa, ang saserdote ay nakikibahagi yamang siya (at ang kaniyang pamilya) ay kumakain ng inihaw na pinakadibdib at kanang hita ng hayop na inihain. At ikatlo, ang naghahandog ay nakikibahagi sa pamamagitan ng pagkain sa nalalabing bahagi niyaon. (Levitico 7:11-36) Sa ngayon, ang pakikibahagi sa mesa ni Jehova ay nangangahulugang ibinibigay natin sa kaniya ang uri ng pagsamba na hinihingi niya, gaya ng ipinakitang halimbawa ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Upang magawa ito, tayo ay kailangang kumain sa espirituwal ng mga inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon. Ang mga Israelita, na nagtamasa ng pantanging pakikibahagi kay Jehova sa kaniyang mesa, ay pinagbawalan na maghandog ng mga hain sa mga demonyo sa kanilang mesa. Ang espirituwal na mga Israelita at ang kanilang iba pang kasamahang “ibang tupa” ay nasa ilalim ng gayunding banal na pagbabawal.—Juan 10:16.
3. Papaano maaaring magkasala ang isa ng pakikibahagi sa mesa ng mga demonyo sa ating kaarawan?
3 Papaano maaaring magkasala ang isa ng pakikibahagi sa mesa ng mga demonyo sa ating kaarawan? Sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga kapakanan ng anumang bagay na salungat kay Jehova. Kasali sa mesa ng mga demonyo ang lahat ng makademonyong mga propaganda, na dinisenyo upang iligaw at ilayo tayo kay Jehova. Sino ba ang magnanais na magpasok sa kaniyang puso at isip ng gayong lason? Tumatanggi ang tunay na mga Kristiyano na makibahagi sa mga hain na sa ngayon ay inihahandog ng karamihan ng mga tao sa mga diyos ng digmaan at kayamanan.—Mateo 6:24.
Pag-iwas sa “Mesa ng mga Demonyo”
4. Anong tanong ang nakaharap sa ating lahat, at bakit hindi tayo magkukusang makibahagi sa mesa ng mga demonyo?
4 Ang tanong na nakaharap sa ating lahat ay, Aling mesa ang aking kinakainan? Hindi natin maiiwasan ang katotohanan na tayo ay obligadong kumain sa alinman sa dalawang mesang iyan. (Ihambing ang Mateo 12:30.) Hindi tayo magkukusang makibahagi sa mesa ng mga demonyo. Ang paggawa natin niyan ay mangangahulugan ng pagkawala ng pagsang-ayon sa atin ng tanging tunay at buháy na Diyos, si Jehova. Sa kabilang panig, ang pakikibahagi sa pagkain na nasa mesa lamang ni Jehova ay umaakay tungo sa pagtatamo natin ng buhay na walang-hanggan sa kaligayahan! (Juan 17:3) May kasabihan na nakikita sa isang tao kung ano ang kaniyang kinakain. Kung gayon, sinuman na nagnanais mamalaging nasa mabuting pisikal at mental na kalusugan ay kailangang mag-ingat sa kaniyang pagkain. Kung papaanong ang pulos-tabang sukal na mga pagkain, bagaman inihandang masarap na may kasamang kemikal na pampalasa, ay walang naidudulot na mabuti upang panatilihin ang ating pisikal na kalusugan, gayundin ang propaganda ng sanlibutang ito na may palamuting makademonyong mga idea ay masamang makasagisag na sukal na mga pagkaing magpapasamâ sa ating mga isip.
5. Papaano natin maiiwasan ang pakikibahagi sa makademonyong mga turo ngayon?
5 Inihula ni apostol Pablo na sa mga huling araw, ang mga tao ay maaaring mailigaw ng “mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Ang gayong makademonyong mga turo ay hindi lamang matatagpuan sa mga paniniwala ng huwad na relihiyon kundi malaganap ding ipinahahayag sa ibang mga paraan. Halimbawa, kailangang suriin at pagtimbang-timbangin natin kung anong mga aklat at mga magasin ang binabasa natin at ng ating mga anak, kung anong mga programa sa telebisyon ang pinanonood natin, at kung anong mga dula at pelikula ang pinanonood natin. (Kawikaan 14:15) Kung sa paglilibang ay nagbabasa tayo ng mga kuwentong katha, iyon ba ay tungkol sa walang-saysay na karahasan, bawal na sekso, o okultismo? Kung nagbabasa tayo ng hindi naman katha upang may matutuhan tayo, iyon ba ay tungkol sa isang pilosopiya o paraan ng buhay na “hindi alinsunod kay Kristo”? (Colosas 2:8) Iyon ba ay tungkol sa walang-saysay na haka-haka, o nagmumungkahi ba iyon ng pagkasangkot sa makasanlibutang mga kilusang panlipunan? Pinasisidhi ba nito ang determinasyon na lubusang magpakayaman? (1 Timoteo 6:9) Iyon ba ay isang publikasyon na may katusuhang naghaharap ng mga turong umaakay sa pagkakabaha-bahagi na malayo sa pagiging tulad-Kristo? Kung ang sagot ay oo, at tayo’y patuloy na bumabasa o nanonood ng gayong materyal, tayo’y nanganganib na kumakain sa mesa ng mga demonyo. Sa ngayon, may daan-daang libong publikasyon na nagtataguyod ng makasanlibutang mga pilosopiya na waring nagbibigay ng kaliwanagan at kaalinsabay ng panahon. (Eclesiastes 12:12) Subalit walang isa man sa propagandang ito ang talagang bago; ni gumagawa man iyon para sa kapakinabangan at ikabubuti ng isa, gaya rin ng may katusuhang sinabi ni Satanas kay Eva na tutulong sa kaniyang ikabubuti.—2 Corinto 11:3.
6. Kapag tayo’y inaanyayahan ni Satanas na tikman ang kaniyang makademonyong sukal na mga pagkain, papaano nga tayo dapat tumugon?
6 Samakatuwid, pagka tayo’y inanyayahan ni Satanas na tikman ang kaniyang makademonyong sukal na mga pagkain, papaano tayo dapat na tumugon? Gaya ng ginawa ni Jesus nang siya’y tuksuhin ni Satanas na ang mga bato’y gawing tinapay. Si Jesus ay tumugon: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’ ” At nang ialok ng Diyablo kay Jesus ang “lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian” kung siya’y susubsob at mag-uukol ng isang gawang pagsamba kay Satanas, si Jesus ay tumugon: “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’ ”—Mateo 4:3, 4, 8-10.
7. Bakit natin dinadaya ang ating sarili kapag iniisip natin na tayo’y maaaring kumain kapuwa sa mesa ni Jehova at sa mesa ng mga demonyo?
7 Ang mesa ni Jehova at ang mesang inilatag ng kaniyang makademonyong mga kaaway ay hindi maaaring mapagkasundo! Ah, oo, sinubok na iyan noong una. Gunitain ang sinaunang mga Israelita noong kaarawan ni propeta Elias. Ang mga tao’y nag-angking sumasamba kay Jehova, subalit sila’y naniwala na may iba pang mga diyos, tulad ni Baal, na nangako ng kaunlaran. Lumapit si Elias sa mga tao at sinabi: “Hanggang kailan kayo mag-aalinlangan sa dalawang magkaibang isipan? Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; subalit kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya.” Hindi maikakaila, ang mga Israelita ay papilay-pilay “una sa isang paa at pagkatapos ay sa kabila naman.” (1 Hari 18:21; The Jerusalem Bible) Hinamon ni Elias ang mga saserdote ni Baal na patunayan ang pagkadiyos ng kanilang sinasamba. Ang Diyos na makapagbababa ng apoy buhat sa langit sa isang hain ay mapatutunayang siyang tunay na Diyos. Sa kabila ng malaking pagsisikap, nabigo ang mga saserdote ni Baal. Nang magkagayo’y nanalangin lamang si Elias: “Oh Jehova, sagutin mo ako, upang makilala ng bayang ito na ikaw, Jehova, ang tunay na Diyos.” Ang apoy mula kay Jehova ay karaka-rakang nahulog mula sa langit at sinunog ang basang-basang hayop na hain. Palibhasa’y pinukaw ng nakakukumbinsing pagtatanghal ng pagkadiyos ni Jehova, ang mga tao ay sumunod kay Elias at pinatay ang lahat ng 450 propeta ni Baal. (1 Hari 18:24-40) Gayundin sa ngayon, kailangang kilalanin natin si Jehova bilang ang tunay na Diyos at tiyakang bumaling sa kaniyang mesa upang doon kumain kung hindi pa natin nagagawa iyon.
‘Ang Tapat na Alipin’ ay Nagsisilbi sa Mesa ni Jehova
8. Anong alipin ang inihula ni Jesus na kaniyang gagamitin upang pakanin sa espirituwal ang kaniyang mga alagad sa panahon ng kaniyang pagkanaririto, at sino ang aliping iyon?
8 Inihula ng Panginoong Jesu-Kristo na sa panahon ng kaniyang pagkanaririto isang “tapat at maingat na alipin” ang maglalaan ng espirituwal na pagkain para sa kaniyang mga alagad: “Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang ginagawa ang gayon. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Aatasan niya siya sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Mateo 24:45-47) Ang aliping ito ay napatunayan na, hindi anumang nag-iisang indibiduwal, kundi ang uring nag-alay, pinahirang mga Kristiyano. Ang uring ito ay naglagay sa mesa ni Jehova ng pinakamainam na espirituwal na pagkain para sa kapuwa pinahirang nalabi at sa “malaking pulutong.” Ngayong may bilang na mahigit sa apat na milyon, ang malaking pulutong ay naninindigang kasama ng pinahirang nalabi ukol sa pansansinukob na soberanya ng Diyos na Jehova at sa kaniyang Kaharian na sa pamamagitan nito ay kaniyang pababanalin ang kaniyang sagradong pangalan.—Apocalipsis 7:9-17.
9. Anong instrumento ang ginagamit ng uring alipin upang maglaan ng espirituwal na pagkain sa mga Saksi ni Jehova, at papaano makahulang inilalarawan ang kanilang espirituwal na piging?
9 Ginagamit ng uring tapat na aliping ito ang Watch Tower Bible and Tract Society upang maglaan ng espirituwal na pagkain para sa lahat ng Saksi ni Jehova. Samantalang ang Sangkakristiyanuhan at ang natitirang bahagi ng sistemang ito ng mga bagay ay nagkakagutom dahilan sa kakulangan ng nagbibigay-buhay na pagkaing espirituwal, ang bayan naman ni Jehova ay may piging. (Amos 8:11) Ito’y katuparan ng hula sa Isaias 25:6: “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng bayan, sa bundok na ito, ng kapistahan ng matatabang bagay, ng kapistahan ng mga alak na laon, ng matatabang bagay na punô ng utak, ng mga alak na laon, sinala.” Gaya ng ipinakikita ng mga Isa 25 talatang 7 at 8, ang kapistahang ito ay magpapatuloy nang walang-hanggan. Anong laking pagpapala para sa lahat ng nasa nakikitang organisasyon ni Jehova ngayon, at anong laking pagpapala na magpapatuloy iyon sa hinaharap!
Mag-ingat sa Nakalalasong Pagkain sa Mesa ng mga Demonyo
10. (a) Anong uri ng pagkain ang ipinamamahagi ng uring masamang alipin, at ano ang kanilang motibo? (b) Papaano pinakikitunguhan ng uring masamang alipin ang kanilang dating mga kapuwa alipin?
10 Ang pagkain sa mesa ng mga demonyo ay nakalalason. Isaalang-alang, halimbawa, ang pagkaing ipinamamahagi ng uring masamang alipin at ng mga apostata. Iyon ay hindi nakapagpapalusog o nakapagpapatibay; hindi iyon mabuti. Gayon nga, sapagkat ang mga apostata ay huminto ng pagkain buhat sa mesa ni Jehova. Bilang resulta, anumang kanilang napaunlad sa bagong personalidad ay wala na. Ang nag-uudyok sa kanila ay, hindi ang banal na espiritu, kundi ang mapanganib na kapaitan. Iisa ang pakay nila—pambubugbog sa kanilang dating kapuwa mga alipin, gaya ng inihula ni Jesus.—Mateo 24:48, 49.
11. Ano ang isinulat ni C. T. Russell kung tungkol sa pagpili ng isa ng espirituwal na pagkain, at papaano niya inilarawan yaong mga tumatalikod sa mesa ni Jehova?
11 Halimbawa, noong 1909, ang noo’y presidente ng Samahang Watch Tower, si C. T. Russell, ay sumulat tungkol sa mga tumalikod sa mesa ni Jehova at pagkatapos ay nagsimulang pakitunguhan nang masama ang kanilang dating mga kapuwa alipin. Ang The Watch Tower ng Oktubre 1, 1909, ay nagsabi: “Lahat niyaong naghihiwalay ng kanilang sarili sa Samahan at sa gawain nito, sa halip na pasulungin ang sarili o magpatibay sa iba sa pananampalataya at sa mga biyaya ng espiritu, ay waring gumagawa ng kabaligtaran—nagtatangkang pinsalain ang Kapakanan na dating itinaguyod nila, at, pagkatapos makaakit ng pansin, unti-unting lumulubog na sa limot, pinipinsala lamang ang kanilang sarili at ang iba na may taglay na nakakatulad na espiritu ng pakikipagtalo. . . . Kung inaakala ng ilan na sila’y makakakuha ng simbuti o mas mabuting paglalaan sa ibang mga mesa, o sila’y makapagluluwal ng simbuti o mas mabuti sa ganang kanilang sarili—hayaang magpatuloy ang mga ito sa kanilang landasin. . . . Subalit samantalang handa tayong payagan ang iba na pumaroon saanman at sa lahat ng dako upang makasumpong ng pagkain at liwanag sa kanilang ikasisiya, nakapagtataka, yaong nagiging mga kalaban natin ay kumukuha ng isang lubhang naiibang landasin. Sa halip na sabihin taglay ang maginoong saloobin ng sanlibutan na, ‘Nasumpungan ko na ang isang bagay na mas gusto ko; paalam na!’ ang mga ito ay nagpapakita ng galit, masamang hangarin, pagkapoot, alitan, ‘mga gawa ng laman at ng diyablo’ sa antas na hindi natin makikita kahit na sa mga taong makasanlibutan. Waring sila’y binakunahan ng kabaliwan, Satanikong haydropobya [rabies]. Inusig tayo ng ilan sa kanila at pagkatapos ay sinabing tayo ang nang-usig. Sila’y handang magsabi at sumulat ng napakasamang mga kasinungalingan at magpakababa upang gumawa ng kalupitan.”
12. (a) Papaano binubugbog ng mga apostata ang kanilang kasamahang mga alipin? (b) Bakit mapanganib na mag-usisa tungkol sa mga isinusulat ng mga apostata?
12 Oo, naglalathala ang mga apostata ng mga literatura na gumagamit ng mga pagpilipit, di-lubos na mga katotohanan, at tuwirang kasinungalingan. Sila’y nagpipiket pa nga sa mga kombensiyon ng mga Saksi, anupat nagsisikap na siluin ang mga walang-malay. Kung gayon, magiging isang panganib na payagang dahil sa pagkamausisa ay mapakilos tayong magbasa ng gayong mga isinulat o makinig sa kanilang mapang-abusong pananalita! Bagaman marahil ay hindi natin iisiping isang panganib iyon para sa atin, nariyan pa rin ang peligro. Bakit? Una, ang ilan sa mga literaturang apostata ay naghaharap ng mga kasinungalingan sa pamamagitan ng “madulas na pangungusap” at “mga salitang palsipikado.” (Roma 16:17, 18; 2 Pedro 2:3) Hindi ba iyan ang maaasahan mo sa mesa ng mga demonyo? At bagaman maaari ring magharap ang mga apostata ng ilang patotoo, ang mga ito ay karaniwan nang kinuha mula sa konteksto upang mailayo ang iba sa mesa ni Jehova. Lahat ng kanilang isinulat ay pamimintas lamang at nakapagpapahina! Walang anumang nakapagpapatibay.
13, 14. Ano ang mga bunga ng mga apostata at ng kanilang propaganda?
13 Sinabi ni Jesus: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.” (Mateo 7:16) Ngayon, ano ang mga bunga ng mga apostata at ng kanilang mga lathalain? Apat na bagay ang tanda ng kanilang propaganda. (1) Katalasan ng isip. Sinasabi sa Efeso 4:14 na sila ay may “katusuhan sa lalang na pagkakamali.” (2) Ipinangangalandakang talino. (3) Kawalan ng pag-ibig. (4) Pandaraya na nasa iba’t ibang anyo. Ang mga ito ang mismong mga sangkap ng pagkain na nasa mesa ng mga demonyo, na pawang dinisenyo upang sirain ang pananampalataya ng bayan ni Jehova.
14 At may isa pang panig. Ang mga apostata ay nanumbalik sa ano? Sa maraming kaso, sila’y muling pumasok sa kadiliman ng Sangkakristiyanuhan at sa mga doktrina nito, tulad ng paniniwala na lahat ng Kristiyano ay pupunta sa langit. Bukod dito, karamihan ay hindi na naninindigang matatag sa panig ng Kasulatan kung tungkol sa dugo, pagkaneutral, at sa pangangailangang magpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos. Subalit, tayo ay nakatakas na buhat sa kadiliman ng Babilonyang Dakila, at hindi na natin nais magbalik doon. (Apocalipsis 18:2, 4) Bilang tapat na mga lingkod ni Jehova, bakit nga natin nanaisin man lamang na silipin ang propaganda na ibinabandila ng mga tumatangging ito sa mesa ni Jehova na sa pamamagitan ng salita ay nang-uumog sa mga tumutulong sa atin na makibahagi sa “nakapagpapalusog na mga salita”?—2 Timoteo 1:13.
15. Anong simulain sa Bibliya ang tumutulong sa atin na lumakad sa matalinong landas kapag nakarinig tayo ng mga akusasyon ng mga apostata?
15 Ang ilan ay maaaring mausisa tungkol sa mga akusasyon ng mga apostata. Subalit dapat nating ikapit ang simulain na nasa Deuteronomio 12:30, 31. Dito si Jehova sa pamamagitan ni Moises ay nagbabala sa mga Israelita tungkol sa kung ano ang iiwasan minsang napalayas na nila ang paganong mga naninirahan sa Lupang Pangako. “Mag-ingat ka na huwag masilong sumunod sa kanila, pagkatapos na sila’y malipol sa harap mo, at huwag kang mag-usisa ng tungkol sa kanilang mga diyos, na magsabi, ‘Papaanong naglilingkod ang mga bansang ito sa kanilang mga diyos? At ako, oo, gayundin ang gagawin ko.’ Huwag mong gagawin ang gayon kay Jehovang iyong Diyos.” Oo, batid ng Diyos na Jehova kung papaano umaandar ang pagkamausisa ng tao. Alalahanin si Eva, at gayundin ang asawa ni Lot! (Lucas 17:32; 1 Timoteo 2:14) Huwag tayong makikinig sa sinasabi o ginagawa ng mga apostata. Sa halip, maging abala tayo sa pagpapatibay sa mga tao at sa tapat na pagkain sa mesa ni Jehova!
Tanging ang Mesa ni Jehova ang Mananatili
16. (a) Hindi na magtatagal, ano ang mangyayari kay Satanas, sa kaniyang mga demonyo, at sa makasagisag na mesa na kinakainan ng mga bansa sa sanlibutan? (b) Ano ang mangyayari sa lahat ng tao na magpapatuloy na kumain sa mesa ng mga demonyo?
16 Hindi na magtatagal, biglang magsisimula ang malaking kapighatian, mabilis na kikilos tungo sa sukdulan sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 16:14, 16) Ito’y aabot sa kasukdulan sa pagwasak ni Jehova sa sistemang ito ng mga bagay at sa makasagisag na mesa na kinakainan ng mga bansa ng sanlibutan. Wawasakin din ni Jehova ang buong di-nakikitang organisasyon ni Satanas na Diyablo sampu ng mga hukbo nito ng mga demonyo. Yaong mga nagpapatuloy na kumain sa espirituwal na mesa ni Satanas, ang mesa ng mga demonyo, ay mapipilitang dumalo sa isang literal na kaínan, hindi, hindi bilang mga nakikibahagi, kundi bilang ang pangunahing putahe—sa kanilang pagkapuksa!—Tingnan ang Ezekiel 39:4; Apocalipsis 19:17, 18.
17. Anong mga pagpapala ang nakakamit ng mga kumakain tangi lamang sa mesa ni Jehova?
17 Tanging ang mesa ni Jehova ang mananatili. Yaong mga may pagpapahalagang kumakain doon ay ililigtas at magkakapribilehiyo na kumain doon nang walang-hanggan. Sila’y hindi na kailanman manganganib sa anumang uri ng kakapusan ng pagkain. (Awit 67:6; 72:16) Taglay ang sakdal na kalusugan sila’y maglilingkod sa Diyos na Jehova sa Paraiso! Sa wakas ang nakapupukaw na mga salita sa Apocalipsis 21:4 ay buong kaningningang matutupad: “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Yamang wala nang pagsalansang, ang pansansinukob na soberanya ng Diyos na Jehova ay iiral magpakailanman sa lahat ng dako habang ang walang katapusang banal na biyaya ay bumubuhos sa tinubos na sangkatauhan na nasa lupang Paraiso. Upang kamtin ang gantimpalang ito, maging desidido tayong lahat na makibahagi lamang sa mesa ni Jehova, na punung-puno ng pinakamaiinam na pagkaing espirituwal!
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano natin maiiwasang mailigaw ng makademonyong mga turo?
◻ Bakit hindi tayo maaaring kumain kapuwa sa mesa ni Jehova at sa mesa ng mga demonyo?
◻ Anong uri ng pagkain ang ipinamamahagi ng mga apostata?
◻ Bakit mapanganib na maging mausisa tungkol sa mga paratang ng mga apostata?
◻ Ano ang mga bunga ng mga apostata?
[Larawan sa pahina 10]
Ang mesa ni Jehova ay punung-punô ng pinakamaiinam na pagkaing espirituwal