Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 7/1 p. 18-23
  • Ang Pangmalas ng Kristiyano sa Awtoridad

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pangmalas ng Kristiyano sa Awtoridad
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Walang Awtoridad Malibang sa Pamamagitan ng Diyos”
  • Ang Sinaunang mga Kristiyano at ang mga Awtoridad na Romano
  • Wastong Paggalang sa Awtoridad
  • Ang Awtoridad sa Loob ng mga Tahanang Kristiyano
  • Awtoridad sa Loob ng Kongregasyon
  • Ang Pagkakilala ng Kristiyano sa Nakatataas na mga Autoridad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Kaninong Awtoridad ang Dapat Mong Kilalanin?
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Paggalang sa Awtoridad—Bakit Napakahalaga?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Bakit Natin Dapat Igalang ang Awtoridad?
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 7/1 p. 18-23

Ang Pangmalas ng Kristiyano sa Awtoridad

“Walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos.”​—ROMA 13:1.

1. Kaugnay ng ano ang salitang “awtoridad,” kaya bakit masasabi na si Jehova ang Kataas-taasang Awtoridad?

ANG awtoridad ay kaugnay ng pagkamaylikha. Ang salitang“awtoridad” ay kaugnay ng salitang “awtor,” na nangangahulugan ng “isang pinagmumulan, gumagawa, o nagpapairal.” Ang Kataas-taasang Isa na nagpairal sa lahat ng nilalang, may buhay at walang buhay, ay ang Diyos na Jehova. Hindi maikakaila na siya ang Kataas-taasang Awtoridad. Ang tunay na mga Kristiyano ay nakadarama rin ng gaya ng makalangit na mga nilalang na nagpapahayag: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na amin ngang Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila ay umiral at nalalang.”​—Apocalipsis 4:11.

2. Sa isang diwa papaano inamin ng naunang mga tagapamahalang tao na sila ay walang likas na karapatang dominahan ang kanilang mga kapuwa-tao, at ano ang sinabi ni Jesus kay Poncio Pilato?

2 Ang mismong bagay na marami sa pinakanaunang mga tagapamahalang tao ang nagsikap na gawing legal ang kanilang awtoridad sa pamamagitan ng pag-aangking isang Diyos o kinatawan ng isang diyos ay nagpapahiwatig ng pagkilala na walang tao ang may likas na karapatang dominahan ang lahat ng iba pang mga tao.a (Jeremias 10:23) Ang tanging legal na pinagmumulan ng awtoridad ay ang Diyos na Jehova. Sinabi ni Kristo kay Poncio Pilato, ang Romanong gobernador ng Judea: “Ikaw ay walang anumang awtoridad laban sa akin malibang ipinagkaloob ito sa iyo mula sa itaas.”​—Juan 19:11.

“Walang Awtoridad Malibang sa Pamamagitan ng Diyos”

3. Ano ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa “nakatataas na mga awtoridad,” at anong mga tanong ang ibinabangon ng mga pangungusap ni Jesus at ni Pablo?

3 Si apostol Pablo ay sumulat sa mga Kristiyano samantalang namumuhay na dominado ng Imperyong Romano: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.” (Roma 13:1) Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang kaniyang banggitin na ang awtoridad ni Pilato ay ipinagkaloob sa kaniya “mula sa itaas”? At sa anong paraan isinaalang-alang ni Pablo na ang makapulitikang mga awtoridad noong kaniyang kaarawan ay inilagay ng Diyos sa kani-kanilang posisyon? Ang ibig ba nilang sabihin ay na personal na may pananagutan si Jehova sa pagkahirang sa bawat makapulitikang tagapamahala ng sanlibutang ito?

4. Ano ang itinawag ni Jesus at ni Pablo kay Satanas, at anong pag-aangkin ni Satanas ang hindi ikinaila ni Jesus?

4 Papaano magkakagayon, yamang tinawag ni Jesus si Satanas na “ang tagapamahala ng sanlibutang ito,” at siya’y tinukoy ni apostol Pablo na “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay”? (Juan 12:31; 16:11; 2 Corinto 4:4) Isa pa, nang tinutukso si Jesus, siya’y inalok ni Satanas ng “awtoridad” sa “lahat ng mga kaharian ng tinatahanang lupa,” anupat inaangkin na ang awtoridad na ito ay ibinigay sa kaniya. Tinanggihan ni Jesus ang kaniyang alok, ngunit hindi niya ikinaila na ang gayong awtoridad ay kay Satanas kung kaya maibibigay niya.​—Lucas 4:5-8.

5. (a) Papaano natin uunawain ang mga salita ni Jesus at ni Pablo tungkol sa awtoridad ng tao? (b) Sa anong diwa “inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon” ang nakatataas na mga awtoridad?

5 Ibinigay ni Jehova kay Satanas ang pamamahala sa sanlibutang ito sa pamamagitan ng pagpapahintulot na siya’y mabuhay pagkatapos ng kaniyang paghihimagsik at pagkatapos na tuksuhin niya sina Adan at Eva at pangyarihin na sila’y maghimagsik laban sa Kaniyang soberanya. (Genesis 3:1-6; ihambing ang Exodo 9:15, 16.) Samakatuwid, ang mga salita ni Jesus at ni Pablo ay nangangahulugan na pagkatapos tanggihan ng unang mag-asawa sa Eden ang teokrasya, o pamamahala ng Diyos, pinayagan ni Jehova ang napahiwalay na mga tao na lumikha ng mga kaayusan ng awtoridad na magpapahintulot sa kanila na mamuhay sa isang maayos na lipunan. Kung minsan, upang matupad ang kaniyang layunin, pinapangyari ni Jehova na bumagsak ang ilang tagapamahala o mga pamahalaan. (Daniel 2:19-21) Ang iba ay kaniyang pinahintulutang manatili sa kapangyarihan. Tungkol sa mga tagapamahala na pinapayagan ni Jehova ang pag-iral, masasabi na sila’y “inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.”

Ang Sinaunang mga Kristiyano at ang mga Awtoridad na Romano

6. Ano ang naging pangmalas ng sinaunang mga Kristiyano tungkol sa mga awtoridad na Romano, at bakit?

6 Ang sinaunang mga Kristiyano ay hindi nakiisa sa mga sektang Judio na nagsabuwatan at nakipaglaban sa mga Romanong sumasakop sa Israel. Dahil sa ang mga awtoridad na Romano, taglay ang kanilang kodigo ng sistema ng batas, ay nakapagpapanatili ng kaayusan sa lupain at sa dagat; nakapagtayo ng maraming kapaki-pakinabang na padaluyan ng tubig, mga daan, at mga tulay; at sa pangkalahatan ay kumilos alang-alang sa kapakanan ng mamamayan, sila ay itinuring ng mga Kristiyano na ‘ministro [o, “lingkod,” talababa] ng Diyos sa kanila para sa kanilang ikabubuti.’ (Roma 13:3, 4) Ang batas at kaayusan ay lumikha ng isang kapaligiran na nagpahintulot sa mga Kristiyano na mangaral ng mabuting balita sa lahat ng dako, ayon sa iniutos ni Jesus. (Mateo 28:19, 20) Udyok ng mabuting budhi, sila’y makapagbabayad ng mga buwis na ipinataw ng mga Romano, kahit na kung isang bahagi ng salapi ay ginamit ukol sa mga layunin na hindi sinasang-ayunan ng Diyos.​—Roma 13:5-7.

7, 8. (a) Ano ang isinisiwalat ng isang maingat na pagbabasa sa Roma 13:1-7, at ano ang ipinakikita ng konteksto? (b) Sa ilalim ng anong mga kalagayan hindi kumilos ang mga awtoridad na Romano bilang “ministro ng Diyos,” at sa kasong ito anong saloobin ang sinunod ng sinaunang mga Kristiyano?

7 Ang maingat na pagbabasa sa unang pitong talata ng Roma kabanata 13 tal. 1-7 ay nagsisiwalat na ang makapulitikang “nakatataas na mga awtoridad” ay “ministro ng Diyos” na pupuri sa mga gumagawa ng mabuti at magpaparusa sa mga gumagawa ng masama. Ipinakikita ng konteksto na ang Diyos, hindi ang nakatataas na mga awtoridad, ang nagpapasiya kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. Samakatuwid, kung ang Romanong emperador o ang sinumang makapulitikang awtoridad ay humiling ng mga bagay na ipinagbabawal ng Diyos o, sa kabaligtaran, nagbawal ng mga bagay na hinihiling ng Diyos, siya’y hindi na kumikilos bilang ministro ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Ibayad . . . kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:21) Kung ang Estadong Romano ay humiling ng mga bagay na nauukol sa Diyos, tulad ng pagsamba o ng buhay ng isang tao, sinunod ng tunay na mga Kristiyano ang payo ng mga apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:29.

8 Ang pagtanggi ng mga sinaunang Kristiyano na magsagawa ng pagsamba sa emperador at ng idolatriya, pabayaan ang kanilang pagdalo sa mga pulong Kristiyano, at huminto ng pangangaral ng mabuting balita ay nagbunga ng pag-uusig. Ang karamihan ay naniniwala na si apostol Pablo ay pinatay sa utos ni Emperador Nero. Ang ibang emperador, lalung-lalo sina Domitian, Marcus Aurelius, Septimius Severus, Decius, at Diocletian, ay umusig din sa sinaunang mga Kristiyano. Nang pinag-usig ng mga emperador na ito at ng kanilang mga nasasakupang awtoridad ang mga Kristiyano, tunay na sila’y hindi kumikilos bilang “ministro ng Diyos.”

9. (a) Ano ang totoo pa rin tungkol sa makapulitikang nakatataas na mga awtoridad, at buhat kanino nanggagaling ang kapangyarihan at awtoridad ng makapulitikang mabangis na hayop? (b) Ano ang makatuwirang sabihin tungkol sa pagpapasakop ng Kristiyano sa nakatataas na mga awtoridad?

9 Lahat ng ito ay naglalarawan na samantalang ang makapulitikang nakatataas na mga awtoridad ay naglilingkod sa ilang paraan bilang “ang kaayusan ng Diyos” upang mapanatili ang isang maayos na lipunan ng tao, sila ay nananatiling isang bahagi ng makasanlibutang sistema ng mga bagay na si Satanas ang diyos. (1 Juan 5:19) Sila’y kabilang sa pandaigdig na makapulitikang organisasyon na isinasagisag ng “mabangis na hayop” sa Apocalipsis 13:1, 2. Ang hayop na iyan ay tumatanggap ng kaniyang kapangyarihan at awtoridad buhat sa “malaking dragon,” si Satanas na Diyablo. (Apocalipsis 12:9) Samakatuwid, makatuwiran na ang pagpapasakop ng Kristiyano sa gayong mga awtoridad ay maging relatibo, hindi lubus-lubusan.​—Ihambing ang Daniel 3:16-18.

Wastong Paggalang sa Awtoridad

10, 11. (a) Papaano ipinakita ni Pablo na tayo’y dapat maging magalang sa mga taong may awtoridad? (b) Papaano at bakit makapaghahandog ng mga panalangin “may kinalaman sa mga hari at sa lahat niyaong mga nasa mataas na kalagayan”?

10 Gayunman, ito’y hindi nangangahulugan na ang mga Kristiyano ay dapat magtaglay ng isang pangahas, masuwaying saloobin sa makapulitikang nakatataas na mga awtoridad. Totoo, marami sa mga taong ito ang lalo nang hindi karapat-dapat sa paggalang dahil sa kanilang pribado, o maging sa kanilang pampublikong pamumuhay. Gayunman, ipinakita ng mga apostol, sa pamamagitan ng kanilang halimbawa at ng kanilang payo, na ang mga taong may awtoridad ay dapat pakitunguhan nang may paggalang. Nang humarap si Pablo sa insestosong si Haring Herodes Agrippa II, siya’y nakipag-usap sa kaniya na taglay ang wastong paggalang.​—Gawa 26:2, 3, 25.

11 Maging si Pablo man ay nagsabi na angkop na banggitin ang makasanlibutang mga awtoridad sa ating mga panalangin, lalo na kapag humihiling sa kanila na gumawa ng mga desisyon na may epekto sa ating buhay at mga gawaing Kristiyano. Siya’y sumulat: “Kaya nga ako ay masidhing nagpapayo, una sa lahat, na ang mga pagsusumamo, mga panalangin, mga pamamagitan, mga paghahandog ng pasasalamat, ay gawin may kinalaman sa lahat ng uri ng mga tao, may kinalaman sa mga hari at sa lahat niyaong mga nasa mataas na kalagayan; upang makapagpatuloy tayong mamuhay ng isang kalmado at tahimik na buhay na may lubos na maka-Diyos na debosyon at pagkaseryoso. Ito ay mainam at kaayaaya sa paningin ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, na ang kalooban ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:1-4) Ang ating magalang na saloobin sa gayong mga awtoridad ay maaaring humantong sa pagpapahintulot nila sa atin na magpatuloy nang mas malaya sa ating pagsisikap na iligtas “ang lahat ng uri ng mga tao.”

12, 13. (a) Anong timbang na payo tungkol sa awtoridad ang ibinigay ni Pedro? (b) Papaano natin mapatatahimik “ang walang-kaalamang usapan ng mga taong di-makatuwiran” na lumilikha ng maling pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova?

12 Sumulat si apostol Pedro: “Alang-alang sa Panginoon magpasakop kayo sa bawat taong nilalang: maging sa isang hari bilang nakatataas o sa mga gobernador bilang isinugo niya upang magpataw ng kaparusahan sa mga manggagawa ng kasamaan ngunit upang pumuri sa mga gumagawa ng mabuti. Sapagkat gayon nga ang kalooban ng Diyos, na sa paggawa ng mabuti ay mabusalan ninyo ang walang-kaalamang usapan ng mga taong di-makatuwiran. Maging gaya ng malalayang tao, gayunma’y taglay ang inyong kalayaan, hindi bilang panakip ukol sa kasamaan, kundi bilang mga alipin ng Diyos. Parangalan ang lahat ng uri ng mga tao, magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid, matakot sa Diyos, magbigay-dangal sa hari.” (1 Pedro 2:13-17) Anong timbang na payo! Pananagutan natin ang lubos na pagpapasakop sa Diyos bilang kaniyang mga alipin at mag-ukol tayo ng relatibo at magalang na pagpapasakop sa makapulitikang mga awtoridad na isinugo upang magparusa sa mga gumagawa ng masama.

13 Natuklasan na maraming sekular na mga awtoridad ang may pinakakakatuwang maling pagkakilala tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Ito’y karaniwan nang dahilan sa mali ang impormasyon na ibinigay sa kanila ng mga kaaway ng bayan ng Diyos na may masamang hangarin. O maaaring lahat ng alam nila tungkol sa atin ay nanggaling sa media, na kung minsan ay may kinikilingan sa kanilang pamamahayag. Kung minsan ay maaaring mabago natin ang maling akalang ito sa pamamagitan ng ating magalang na saloobin at, kung posible, sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga awtoridad ng tumpak na paglalarawan tungkol sa gawain at mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Para sa magawaing mga opisyal, ang brosyur na Jehovah’s Witnesses in the Twentieth Century ay nagbibigay ng isang maikli at malinaw na paliwanag. Para sa higit pang impormasyon, sila ay maaaring pagkalooban ng aklat na Mga Saksi ni Jehova​—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, isang mainam na instrumento na karapat-dapat magkaroon ng dako sa mga istante ng mga aklat sa lokal at pambansang mga aklatang pampubliko.

Ang Awtoridad sa Loob ng mga Tahanang Kristiyano

14, 15. (a) Ano ba ang saligan ng awtoridad sa loob ng isang sambahayang Kristiyano? (b) Ano ang dapat maging saloobin ng mga asawang babaing Kristiyano kung tungkol sa kani-kanilang asawa, at bakit?

14 Maliwanag na kung ang mga Kristiyano ay hinihilingan ng Diyos na magpakita ng nauukol na paggalang sa makasanlibutang mga awtoridad, dapat din nilang igalang ang kaayusan ng awtoridad na itinatag ng Diyos sa loob ng mga sambahayang Kristiyano. Binalangkas ni apostol Pablo sa maikli ngunit malinaw na mga katawagan ang simulain ng pagkaulo na dapat umiral sa bayan ni Jehova. Siya’y sumulat: “Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Corinto 11:3) Ito ang simulain ng teokrasya, o pamamahala ng Diyos. Ano ba ang kasangkot dito?

15 Ang paggalang sa teokrasya ay nagsisimula sa tahanan. Ang isang Kristiyanong asawang babae na hindi nagpapakita ng nararapat na paggalang sa awtoridad ng kaniyang asawa​—maging siya ay isang kapananampalataya o hindi​—ay hindi teokratiko. Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano: “Magpasakop kayo sa isa’t isa sa takot kay Kristo. Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kanilang mga asawang lalaki gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon, yamang siya ang tagapagligtas ng katawang ito. Sa katunayan, kung paanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo, maging gayundin ang mga asawang babae sa kanilang mga asawang lalaki sa bawat bagay.” (Efeso 5:21-24) Kung papaanong ang mga lalaking Kristiyano ay kailangang pasakop sa pagkaulo ni Kristo, ang mga babaing Kristiyano naman ay dapat kumilala sa karunungan ng pagpapasakop sa bigay-Diyos na awtoridad ng kani-kanilang asawang lalaki. Ito’y magdudulot sa kanila ng matinding panloob na kasiyahan at, lalong mahalaga, ng pagpapala ni Jehova.

16, 17. (a) Papaano maipakikilala ng mga anak na pinalaki sa mga tahanang Kristiyano na sila’y naiiba sa maraming kabataan sa ngayon, at sila’y may anong pangganyak? (b) Papaanong isang mainam na halimbawa si Jesus para sa mga kabataan sa ngayon, at sila’y pinatitibay-loob na gumawa ng ano?

16 Ang mga anak na teokratiko ay naliligayahang magpakita ng nararapat na paggalang sa kani-kanilang magulang. Tungkol sa salinlahi ng mga kabataan sa mga huling araw, inihula na sila’y magiging “masuwayin sa mga magulang.” (2 Timoteo 3:1, 2) Subalit sa mga anak na Kristiyano ang kinasihang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Kayong mga anak, maging masunurin kayo sa inyu-inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito ay nakalulugod nang mainam sa Panginoon.” (Colosas 3:20) Ang paggalang sa awtoridad ng magulang ay nakalulugod kay Jehova at nagdudulot ng kaniyang pagpapala.

17 Ito ay inilarawan sa kaso ni Jesus. Si Lucas ay nag-uulat: “At bumaba siyang kasama nila [ng kaniyang mga magulang] at dumating sa Nazaret, at nagpatuloy siyang magpasakop sa kanila. . . . At si Jesus ay patuloy na sumulong sa karunungan at sa pisikal na paglaki at sa pabor ng Diyos at ng mga tao.” (Lucas 2:51, 52) Si Jesus ay 12-taóng-gulang noon, at ang pandiwang Griego na ginamit dito ay nagdiriin na “nagpatuloy siyang magpasakop” sa kaniyang mga magulang. Samakatuwid ang kaniyang pagpapasakop ay hindi natapos nang siya’y tumuntong na sa kaniyang pagkatin-edyer. Kung kayong mga kabataan ay nagnanais sumulong sa espirituwalidad at sa pabor ni Jehova at ng mga taong maka-Diyos, magpapakita kayo ng paggalang sa awtoridad sa loob at sa labas ng inyong tahanan.

Awtoridad sa Loob ng Kongregasyon

18. Sino ang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, at kanino siya nagkaloob ng awtoridad?

18 Sa pagtalakay sa pangangailangan ng kaayusan sa loob ng kongregasyong Kristiyano, si Pablo ay sumulat: “Ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. . . . Ang lahat ng bagay ay maganap nawa nang disente at ayon sa kaayusan [o, “ayon sa ayos,” talababa].” (1 Corinto 14:33, 40) Upang ang lahat ng bagay ay maganap sa maayos na paraan, si Kristo, ang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, ay nagbigay ng awtoridad sa tapat na mga tao upang kumatawan sa kaniya. Mababasa natin: “Ibinigay niya ang ilan bilang mga apostol, ang ilan bilang mga propeta, ang ilan bilang mga ebanghelisador, ang ilan bilang mga pastol at mga guro, na may kinalaman sa pagbabalik sa ayos ng mga banal, ukol sa ministeryal na gawain . . . Subalit sa pagsasalita ng katotohanan, sa pamamagitan ng pag-ibig ay lumaki tayo sa lahat ng mga bagay patungo sa kaniya na siyang ulo, si Kristo.”​—Efeso 4:11, 12, 15.

19. (a) Sino ang inatasan ni Kristo sa lahat ng kaniyang makalupang pag-aari, at kanino siya nagkaloob ng pantanging awtoridad? (b) Anong pagkakaloob ng awtoridad ang nagaganap sa kongregasyong Kristiyano, at ano ang hinihiling nito sa atin?

19 Sa panahong ito ng kawakasan, si Kristo ay nag-atas ng kabuuang “tapat at maingat na alipin” sa “lahat ng kaniyang mga pag-aari,” o mga kapakanang pang-Kaharian sa lupa. (Mateo 24:45-47) Tulad noong unang siglo, ang aliping ito ay kinakatawan ng isang lupong tagapamahala ng pinahirang mga lalaking Kristiyano na binigyan ni Kristo ng awtoridad upang gumawa ng mga desisyon at humirang ng iba pang mga tagapangasiwa. (Gawa 6:2, 3; 15:2) Ang Lupong Tagapamahala naman ang nagbibigay ng awtoridad sa mga Komite ng Sangay, mga tagapangasiwa ng distrito at sirkito, at matatanda na nasa loob ng bawat isa sa mahigit na 73,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa. Lahat ng nakatalagang mga lalaking Kristiyanong ito ay karapat-dapat sa ating pagsuporta at paggalang.​—1 Timoteo 5:17.

20. Anong halimbawa ang nagpapakita na hindi nalulugod si Jehova sa mga walang paggalang sa kapuwa mga Kristiyano na may awtoridad?

20 Kung tungkol sa paggalang na nararapat nating ibigay sa mga may awtoridad sa loob ng kongregasyong Kristiyano, isang kawili-wiling paghahambing ang magagawa kung tungkol sa pagpapasakop na nararapat nating ipakita sa sekular na mga awtoridad. Kapag ang batas ng tao na may pagsang-ayon ang Diyos ay nilabag ng isang tao, ang parusang ipinataw ‘niyaong namamahala’ ay, sa totoo, isang di-tuwirang kapahayagan ng poot ng Diyos “sa nagsasagawa ng masama.” (Roma 13:3, 4) Kung si Jehova ay nagagalit kapag ang isa ay lumabag sa mga batas ng tao at walang wastong paggalang sa makasanlibutang mga awtoridad, lalo nang hindi siya nalulugod kung ang isang nag-alay na Kristiyano ay lumalabag sa mga simulain ng Bibliya at nagpapakita ng kawalang-galang para sa mga kapuwa Kristiyano na may awtoridad!

21. Anong maka-Kasulatang payo ang maliligayahan tayong sundin, at ano ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?

21 Sa halip na makamit ang di-pagkalugod ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang mapaghimagsik o makasariling saloobin, susundin natin ang payo ni Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos: “Dahil dito, mga iniibig ko, sa paraan na kayo ay laging sumusunod, hindi lamang sa panahon ng aking pagkanaririyan, kundi lalo pa ngang higit ngayon sa panahon ng aking pagiging wala riyan, patuloy ninyong isagawa ang inyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig; sapagkat ang Diyos ang isa na, alang-alang sa kaniyang mabuting kaluguran, ay kumikilos sa loob ninyo upang kapuwa ninyo loobin at ikilos. Patuloy ninyong gawin ang lahat ng mga bagay na malaya sa mga bulung-bulungan at mga argumento, upang kayo ay maging walang-kapintasan at inosente, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang liko at pilipit na salinlahi, na sa gitna nila ay sumisikat kayo bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan.” (Filipos 2:12-15) Di-tulad ng kasalukuyang liko at pilipit na salinlahi na nagdulot sa kaniyang sarili ng isang krisis sa awtoridad, ang bayan ni Jehova ay handang pasakop sa awtoridad. Sila sa gayon ay umaani ng maraming kapakinabangan, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo.

[Talababa]

a Tingnan ang naunang artikulo.

Bilang Pagrerepaso

◻ Sino ang Kataas-taasang Awtoridad, at bakit legal ang kaniyang awtoridad?

◻ Sa anong diwa “inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon” ang nakatataas na mga awtoridad?

◻ Kailan hindi na nagiging “ministro ng Diyos” ang nakatataas na mga awtoridad?

◻ Anong kaayusan ng awtoridad ang umiiral sa loob ng mga pamilyang Kristiyano?

◻ Anong pagkakaloob ng awtoridad ang umiiral sa loob ng kongregasyong Kristiyano?

[Mga larawan sa pahina 18]

Sinabi ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share