May-kagalakang Pagpapasakop sa Awtoridad
“Kayo ay naging masunurin mula sa puso.”—ROMA 6:17.
1, 2. (a) Anong espiritu ang makikita sa sanlibutan ngayon, at ano ang pinagmumulan at epekto nito? (b) Papaano ipinakikita ng nag-alay na mga lingkod ni Jehova na sila ay naiiba?
“ANG espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway” ay nakapangingilabot na makikita sa ngayon. Ito ay isang espiritu ng di-masupil na pagsasarili, na nanggagaling kay Satanas, ang “tagapamahala ng awtoridad ng hangin.” Ang espiritung ito, ang “hangin” na ito, o ang nangingibabaw na saloobin ng pag-iimbot at pagsuway, ay may “awtoridad,” o kapangyarihan, sa karamihan ng tao. Ito ang isang dahilan kung bakit ang sanlibutan ay dumaraan sa tinatawag na isang krisis sa awtoridad.—Efeso 2:2.
2 Nakatutuwa naman, ang nag-alay na mga lingkod ni Jehova ngayon ay may espirituwal na mga bagà na hindi nila pinupunô ng maruming “hangin” na ito, o espiritu ng paghihimagsik. Batid nila na “ang poot ng Diyos ay dumarating sa mga anak ng pagsuway.” Isinusog ni apostol Pablo: “Samakatuwid huwag kayong maging mga kabahagi nila.” (Efeso 5:6, 7) Bagkus, ang tunay na mga Kristiyano ay nagsisikap na “mapuspos ng espiritu [ni Jehova],” at sila’y umiinom ng “karunungan mula sa itaas,” na “malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod.”—Efeso 5:17, 18; Santiago 3:17.
Malugod na Pagpapasakop sa Soberanya ni Jehova
3. Ano ang susi sa malugod na pagpapasakop, at anong dakilang aral ang itinuturo sa atin ng kasaysayan?
3 Ang susi sa malugod na pagpapasakop ay ang pagkilala sa legal na awtoridad. Ipinakikita ng kasaysayan ng sangkatauhan na ang pagtanggi sa soberanya ni Jehova ay hindi nagdudulot ng kaligayahan. Ang gayong pagtanggi ay hindi nagdulot ng kaligayahan kina Adan at Eva, ni sa nagpasimuno ng kanilang paghihimagsik, si Satanas na Diyablo. (Genesis 3:16-19) Sa kaniyang kasalukuyang masamang kalagayan, si Satanas ay may “malaking galit” sapagkat batid niya na maikli na ang kaniyang panahon. (Apocalipsis 12:12) Ang kapayapaan at kaligayahan ng sangkatauhan, oo, ng buong uniberso, ay nakasalalay sa pansansinukob na pagkilala sa matuwid na soberanya ni Jehova.—Awit 103:19-22.
4. (a) Anong uri ng pagpapasakop at pagsunod ang ibig ni Jehova na ipakita ng kaniyang mga lingkod? (b) Sa ano dapat tayong makumbinsi, at papaano ito ipinahahayag ng salmista?
4 Gayunman, dahil sa kaniyang kamangha-manghang timbang na mga katangian, hindi nasisiyahan si Jehova sa malamig na pagsunod. Siya ay makapangyarihan, ah, oo! Subalit hindi siya mapaniil. Siya ay isang Diyos ng pag-ibig, at nais niya na sundin siya ng kaniyang matalinong mga nilalang nang may pagkukusa, dahil sa pag-ibig. Nais niya na sila’y pasakop sa kaniyang soberanya sapagkat buong-pusong pinili nila na lumagay sa ilalim ng kaniyang matuwid at legal na awtoridad, anupat kumbinsido na wala nang mas bubuti pa para sa kanila kaysa sumunod sa kaniya magpakailanman. Ang uri ng tao na ninanais ni Jehova sa kaniyang uniberso ay nakadarama ng gaya ng sa salmista na sumulat: “Ang batas ni Jehova ay sakdal, isinasauli ang kaluluwa. Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, pinarurunong ang walang-karanasan. Ang mga utos ni Jehova ay matuwid, pinasasaya ang puso; ang kautusan ni Jehova ay malinis, pinakikinang ang mga mata. Ang takot kay Jehova ay dalisay, tatayo magpakailanman. Ang mga panghukumang pasiya ni Jehova ay totoo; napatunayang matuwid na talaga.” (Awit 19:7-9) Ang lubos na pagtitiwala sa pagkamatuwid at katuwiran ng soberanya ni Jehova—ito ang dapat na maging saloobin natin kung nais nating mabuhay sa bagong sanlibutan ni Jehova.
May-kagalakang Pagpapasakop sa Ating Hari
5. Papaano ginantimpalaan si Jesus sa kaniyang pagsunod, at ano ang malugod na kinikilala natin?
5 Si Kristo Jesus mismo ay isang ulirang halimbawa ng pagpapasakop sa kaniyang makalangit na Ama. Mababasa natin na “nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” Idinagdag ni Pablo: “Sa mismong dahilan ding ito ay itinaas siya ng Diyos sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalan na higit kaysa sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.” (Filipos 2:8-11) Oo, tayo’y may-kagalakang nagluluhod ng tuhod sa harap ng ating Lider at nagpupunong Hari, si Kristo Jesus.—Mateo 23:10.
6. Papaano pinatunayan ni Jesus ang kaniyang pagiging isang saksi at isang lider sa mga bayan, at papaano magpapatuloy ang kaniyang “pamamahala bilang prinsipe” pagkatapos ng malaking kapighatian?
6 Tungkol kay Kristo bilang ating Lider, si Jehova ay humula: “Narito! Ibinigay ko siya na pinaka-saksi sa mga bayan, na isang lider at tagapag-utos sa mga bayan.” (Isaias 55:4) Sa pamamagitan ng kaniyang makalupang ministeryo at ng kaniyang pangangasiwa sa gawaing pangangaral buhat sa langit matapos na siya’y mamatay at buhaying-muli, ipinakita ni Jesus na siya ay isang “tapat at tunay na saksi” ng kaniyang Ama may kinalaman sa mga tao ng lahat ng bansa. (Apocalipsis 3:14; Mateo 28:18-20) Ang gayong mga bayan ay kinakatawan ngayon ng parami nang paraming bilang ng “malaking pulutong,” na makaliligtas sa “malaking kapighatian” sa ilalim ng pamumuno ni Kristo. (Apocalipsis 7:9, 14) Subalit hindi nagtatapos doon ang pamumuno ni Jesus. Ang kaniyang “pamamahala bilang prinsipe” ay tatagal nang isang libong taon. Para sa masunuring mga tao, tutupdin niya ang ipinahihiwatig ng kaniyang pangalan na “Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”—Isaias 9:6, 7; Apocalipsis 20:6.
7. Kung nais nating akayin tayo ni Kristo Jesus sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay,” ano ang kailangang gawin natin nang walang pagpapaliban, at ano ang magpapangyari na tayo’y ibigin ni Jesus at ni Jehova?
7 Kung nais nating makinabang buhat sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay” na doon inaakay ng Kordero, si Kristo Jesus, ang matuwid-pusong mga tao, kailangang walang pagpapalibang patunayan natin sa pamamagitan ng ating ikinikilos na tayo’y may-kagalakang napasasakop sa kaniyang awtoridad bilang Hari. (Apocalipsis 7:17; 22:1, 2; ihambing ang Awit 2:12.) Sinabi ni Jesus: “Kung ako ay iniibig ninyo, ay tutuparin ninyo ang aking mga kautusan. Siya na nagtataglay ng aking mga kautusan at tumutupad sa mga iyon, ang isang iyon ang siyang umiibig sa akin. Siya naman na umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at iibigin ko siya.” (Juan 14:15, 21) Nais mo bang ibigin ka ni Jesus at ng kaniyang Ama? Kung gayon ay pasakop ka sa kanilang awtoridad.
May-kagalakang Sumusunod ang mga Tagapangasiwa
8, 9. (a) Ano ang inilaan ni Kristo para sa pagpapatibay sa kongregasyon, at sa anong paraan dapat na ang mga taong ito ay maging halimbawa sa kawan? (b) Papaano makasagisag na inilalarawan sa aklat ng Apocalipsis ang pagpapasakop ng mga tagapangasiwang Kristiyano, at papaano sila dapat humanap ng isang “masunuring puso” kapag humahawak ng mga kaso?
8 “Ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo.” Bilang Tagapangasiwa nito, siya ay nagbigay ng “mga kaloob na mga tao” ukol sa “pagpapatibay” sa kongregasyon. (Efeso 4:8, 11, 12; 5:24) Ang espirituwal na nakatatandang mga lalaking ito ay sinasabihan na ‘magpastol sa kawan ng Diyos na nasa kanilang pangangalaga,’ hindi “namamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi nagiging mga halimbawa sa kawan.” (1 Pedro 5:1-3) Ang kawan ay kay Jehova, at si Kristo ang “mabuting pastol” niyaon. (Juan 10:14) Yamang angkop lamang na umasa ang mga tagapangasiwa ng kusang pakikipagtulungan ng mga tupa na ipinagkatiwala sa kanila ni Jehova at ni Kristo, sila mismo ay dapat na maging mabubuting halimbawa ng pagpapasakop.—Gawa 20:28.
9 Noong unang siglo, makasagisag na inilalarawan ang pinahirang mga tagapangasiwa bilang “nasa,” o “sa ibabaw ng,” (sa Ingles) kanang kamay ni Kristo, nagpapakilala ng kanilang pagpapasakop sa kaniya bilang Ulo ng kongregasyon. (Apocalipsis 1:16, 20; 2:1) Ganiyan din sa ngayon, ang mga tagapangasiwa sa loob ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay dapat pasakop sa patnubay ni Kristo at ‘magpakababa ng kanilang sarili sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos.’ (1 Pedro 5:6) Kapag hiniling sa kanila na humawak ng mga kaso, tulad ni Solomon nang siya’y tapat pa, sila’y dapat manalangin kay Jehova: “Bigyan mo ang iyong lingkod ng masunuring puso upang humatol sa iyong bayan, upang makilala ang mabuti at masama.” (1 Hari 3:9) Ang isang pusong masunurin ay magpapakilos sa isang matanda upang sikaping makita ang mga bagay-bagay ayon sa pagkakita sa mga ito ni Jehova at ni Kristo Jesus upang ang pasiyang ginawa sa lupa ay makahawig hangga’t maaari ng ginawa sa langit.—Mateo 18:18-20.
10. Papaano dapat magsikap ang lahat ng mga tagapangasiwa na tularan si Jesus sa paraan ng kaniyang pakikitungo sa mga tupa?
10 Ang naglalakbay na mga tagapangasiwa at matatanda sa kongregasyon ay magsisikap din na tularan si Kristo sa paraan ng kaniyang pagtrato sa mga tupa. Di-gaya ng mga Fariseo, hindi nagtakda si Jesus ng napakaraming alituntunin na mahirap sundin. (Mateo 23:2-11) Sinabi niya sa mga tulad-tupa: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang pagpapanariwa ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mateo 11:28-30) Bagaman totoo na bawat Kristiyano ay kailangang ‘magdala ng kaniyang sariling pasan,’ dapat tandaan ng mga tagapangasiwa ang halimbawa ni Jesus at tulungan ang kanilang mga kapatid na madamang ang kanilang pasan na pananagutang Kristiyano ay “may kabaitan,” “magaan,” at isang kagalakang dalhin.—Galacia 6:5.
Teokratikong Pagpapasakop
11. (a) Papaano maaaring iginagalang ng isang tao ang pagkaulo at gayunma’y hindi naman siya talagang teokratiko? Magbigay ng halimbawa. (b) Ano ba ang kahulugan ng pagiging talagang teokratiko?
11 Ang teokrasya ay pamamahala ng Diyos. Kasangkot dito ang simulain ng pagkaulo na ipinahayag sa 1 Corinto 11:3. Subalit nangangahulugan ito ng higit pa riyan. Ang isang tao ay maaaring waring nagpapakita ng paggalang sa pagkaulo at gayunma’y hindi teokratiko sa lubos na diwa ng salita. Papaano nga ito nangyayari? Upang ilarawan, ang demokrasya ay gobyerno ng tao, at ang isang demokrata ay ipinangangahulugan na “isang taong naniniwala sa mga mithiin ng demokrasya.” Ang isang tao ay marahil nag-aangking demokratiko, nakikibahagi sa mga halalan, at isang aktibong pulitiko pa nga. Subalit kung, sa kaniyang pangkalahatang ikinikilos, niwawalang-bahala niya ang espiritu ng demokrasya at lahat ng simulain na kasangkot niyaon, masasabi bang siya’y tunay na demokratiko? Gayundin naman, upang maging tunay na teokratiko, kailangang higit pa ang gawin ng isang tao kaysa pagpapasakop lamang sa pagkaulo sa isang pakunwaring paraan. Kailangang tularan niya ang mga paraan at mga katangian ni Jehova. Kailangang siya’y talagang pinamamahalaan ni Jehova sa lahat ng paraan. At yamang binigyan ni Jehova ang kaniyang Anak ng lubos na awtoridad, ang pagiging teokratiko ay nangangahulugan din ng pagtulad kay Jesus.
12, 13. (a) Ano, sa partikular, ang kasangkot sa pagiging teokratiko? (b) Sa teokratikong pagpapasakop ba ay kasangkot ang pagsunod sa napakaraming alituntunin? Magbigay ng halimbawa.
12 Tandaan, ibig ni Jehova ang malugod na pagpapasakop na ang motibo ay pag-ibig. Iyan ang kaniyang paraan ng pamamahala sa uniberso. Siya ang mismong uliran ng pag-ibig. (1 Juan 4:8) Si Kristo Jesus “ang sinag ng kaniyang kaluwalhatian at ang eksaktong representasyon ng kaniyang mismong sarili.” (Hebreo 1:3) Kahilingan niya sa kaniyang tunay na mga alagad na mag-ibigan sa isa’t isa. (Juan 15:17) Kaya kasangkot sa pagiging teokratiko hindi lamang ang pagiging mapagpasakop kundi ang pagiging maibigin din. Ang bagay na iyan ay maaaring buuin na gaya ng sumusunod: Ang teokrasya ay pamamahala ng Diyos; ang Diyos ay pag-ibig; samakatuwid ang teokrasya ay pamamahala ng pag-ibig.
13 Maaaring isipin ng isang matanda na upang maging teokratiko, dapat sumunod ang mga kapatid sa lahat ng uri ng mga alituntunin. Ang ibang matatanda ay gumawa ng mga alituntunin buhat sa mga mungkahing ibinibigay paminsan-minsan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Halimbawa, minsan ay iminungkahi na upang madaling makilala ang mga kapatid sa kongregasyon, marahil ay makabubuti na hindi laging maupo sa iyon at iyun ding upuan sa Kingdom Hall. Ito ay nilayong maging isang praktikal na mungkahi, hindi isang alituntuning di na maaaring baguhin. Subalit ang ilang matatanda ay malamang na gawing isang alituntunin iyon at madamang yaong hindi sumusunod doon ay hindi teokratiko. Subalit, maaaring maraming mabubuting dahilan kung bakit mas gusto ng isang kapatid na umupo sa isang lugar. Kung ang gayong bagay ay hindi maibiging isasaalang-alang ng isang matanda, siya ba’y talagang teokratiko? Upang maging teokratiko, “lahat ng inyong mga gawain ay maganap nawa na may pag-ibig.”—1 Corinto 16:14.
Paglilingkod Nang May Kagalakan
14, 15. (a) Papaano maaalisan ng isang matanda ang ilang kapatid ng kanilang kagalakan sa paglilingkod kay Jehova, at bakit ito hindi teokratiko? (b) Papaano ipinakita ni Jesus na pinahahalagahan niya ang pag-ibig na ipinahahayag sa pamamagitan ng ating paglilingkod, sa halip na sa dami ng oras? (c) Ano ang dapat isaalang-alang ng matatanda?
14 Ang pagiging teokratiko ay nangangahulugan din ng paglilingkod kay Jehova nang may kagalakan. Si Jehova “ang maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Nais niyang ang mga sumasamba sa kaniya ay maglingkod sa kaniya nang may kagalakan. Tandaan na yaong mga istrikto ng pagsunod sa mga alituntunin na kabilang sa mga regulasyon na kinailangang “maingat na sundin” ng Israel ay ang sumusunod: “Magagalak ka sa harap ni Jehova na iyong Diyos sa bawat gawain mo.” (Deuteronomio 12:1, 18) Anuman ang isagawa natin sa paglilingkuran kay Jehova ay dapat maging isang kagalakan, hindi isang pasanin. Malaki ang magagawa ng mga tagapangasiwa upang makadama ang mga kapatid ng kaligayahan na gawin ang makakaya nila sa paglilingkod kay Jehova. Sa kabaligtaran, kung hindi maingat ang matatanda, maaaring alisan nila ang ilan sa mga kapatid ng kanilang kagalakan. Halimbawa, kung sila’y gagawa ng mga paghahambing, na binibigyan ng komendasyon yaong nakaabot o nakalampas pa sa aberids na oras ng kongregasyon na ginugol sa pagpapatotoo at nagpapahiwatig ng pamimintas sa mga hindi nakaabot niyaon, ano ang madarama niyaong marahil ay may makatuwirang dahilan naman sa pag-uulat ng mas kakaunting oras? Hindi kaya ito magdulot sa kanila ng di-kinakailangang pagkadama ng kasalanan at mag-alis ng kanilang kagalakan?
15 Ang mga ilang oras na magugugol ng ilan sa pangmadlang pagpapatotoo ay maaaring kumatawan sa isang mas malaking pagsisikap kaysa maraming oras na ginugol ng iba sa pangangaral, dahil sila’y mas nakababata, mas malulusog, at dahil sa iba pang kalagayan. Sa bagay na ito, hindi sila dapat hatulan ng matatanda. Oo, kay Jesus ibinigay ng Ama ang “awtoridad na gumawa ng paghatol.” (Juan 5:27) Pinuna ba ni Jesus ang dukhang balo dahil ang kaniyang handog ay mas maliit kaysa karaniwan? Hindi, nadama niya kung ano ang katumbas ng dalawang maliit na baryang iyon para sa balo. Iyon ang “lahat ng mayroon siya, ang kaniyang buong ikabubuhay.” Anong lalim na pag-ibig kay Jehova ang inilalarawan niyaon! (Marcos 12:41-44) Dapat bang ipagwalang-bahala ng matatanda ang maibiging pagsisikap niyaong ang lahat ng mayroon sila ay mababa ang bilang sa “karaniwan”? Sa taglay na pag-ibig kay Jehova, ang gayong pagsisikap ay maaaring higit pa sa karaniwan!
16. (a) Kung ang mga tagapangasiwa ay gumagamit ng mga numero sa kanilang mga pahayag, bakit kailangan nila ang pang-unawa at mabuting pagtitimbang-timbang? (b) Papaano pinakamagaling na matutulungan ang mga kapatid upang palawakin ang kanilang paglilingkod?
16 Ang mga nasabi bang ito sa ngayon ay maaaring gawing isang bagong “alituntunin” na ang mga numero—maging ang aberids—ay hindi dapat na banggitin? Hindi naman! Ang punto ay na dapat maging timbang ang mga tagapangasiwa sa pagpapatibay-loob sa mga kapatid na palawakin ang kanilang ministeryo at tulungan sila na gawin ang magagawa nila nang may kagalakan. (Galacia 6:4) Sa ilustrasyon ni Jesus ng mga talento, ipinagkatiwala ng panginoon ang kaniyang mga pag-aari sa kaniyang mga alipin “bawat isa ayon sa kaniyang sariling kakayahan.” (Mateo 25:14, 15) Dapat din namang isaalang-alang ng matatanda ang kakayahan ng bawat mamamahayag ng Kaharian. Ito’y nangangailangan ng pang-unawa. Maaari nga na ang ilan ay aktuwal na nangangailangan ng pampatibay-loob na gumawa ng higit pa. Sila’y maaaring magpahalaga sa tulong tungo sa lalong mainam na pag-oorganisa ng kanilang gawain. Sa anumang kaso, kung sila’y matutulungan na gawin ang kaya nila nang may kagalakan, ang kagalakang iyon ay malamang na magpalakas sa kanila upang palawakin ang kanilang gawaing Kristiyano hangga’t posible iyon.—Nehemias 8:10; Awit 59:16; Jeremias 20:9.
Ang Kapayapaan na Nanggagaling sa May-kagalakang Pagpapasakop
17, 18. (a) Papaano magdudulot sa atin ng kapayapaan at katuwiran ang may-kagalakang pagpapasakop? (b) Ano ang maaaring sumaatin kung talagang nagbibigay-pansin tayo sa mga kautusan ng Diyos?
17 Ang may-kagalakang pagpapasakop sa legal na soberanya ni Jehova ay nagdudulot sa atin ng malaking kapayapaan. Sinabi ng salmista sa panalangin kay Jehova: “Saganang kapayapaan ang taglay ng mga umiibig sa iyong batas, at para sa kanila ay walang katitisuran.” (Awit 119:165) Sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ng Diyos, tayo mismo ay nakikinabang. Sinabi ni Jehova sa Israel: “Ito ang sinabi ni Jehova, ang inyong Manunubos, ang Banal na Isa ng Israel: ‘Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong dapat lakaran. Oh kung sana’y talagang magbibigay-pansin ka sa aking mga utos! Kung magkagayo’y magiging gaya ng isang ilog ang iyong kapayapaan, at ang iyong katuwiran ay gaya ng mga alon ng dagat.’ ”—Isaias 48:17, 18.
18 Ang haing pantubos ni Kristo ang nagdadala sa atin sa pakikipagpayapaan sa Diyos. (2 Corinto 5:18, 19) Kung may pananampalataya tayo sa tumutubos na dugo ni Kristo at buong pagsisikap na binabaka ang ating mga kahinaan at ginagawa ang kalooban ng Diyos, makasusumpong tayo ng kaginhawahan buhat sa pagkadama ng pagkakasala. (1 Juan 3:19-23) Ang gayong pananampalataya, na sinusuhayan ng mga gawa, ay nagbibigay sa atin ng matuwid na katayuan sa harap ni Jehova at ng kahanga-hangang pag-asang makaligtas sa “malaking kapighatian” at mabuhay magpakailanman sa bagong sanlibutan ni Jehova. (Apocalipsis 7:14-17; Juan 3:36; Santiago 2:22, 23) Lahat ng ito ay maaaring maging atin ‘kung tayo’y talagang magbibigay-pansin sa mga utos ng Diyos.’
19. Sa ano nakasalalay ang ating kaligayahan ngayon at ang ating pag-asang buhay na walang-hanggan, at papaano ipinahayag ni David ang ating taos-pusong pananalig?
19 Oo, ang ating kaligayahan ngayon at ang ating pag-asang buhay na walang-hanggan sa isang paraisong lupa ay kaugnay ng ating may-kagalakang pagpapasakop sa awtoridad ni Jehova bilang Soberanong Panginoon ng uniberso. Harinawang makabahagi tayo sa damdamin ni David, na nagsabi: “Iyo, Oh Jehova, ang kadakilaan at ang kapangyarihan at ang kagandahan at ang kamahalan at ang karangalan; sapagkat lahat ng nasa langit at nasa lupa ay iyo. Iyo ang kaharian, Oh Jehova, ang Isa na nagtataas ng iyong sarili bilang pangulo sa lahat. At ngayon, Oh aming Diyos, kami ay nagpapasalamat sa iyo at nagpupuri sa iyong maningning na pangalan.”—1 Cronica 29:11, 13.
Mga Puntong Dapat Tandaan
◻ Anong uri ng pagpapasakop at pagsunod ang ibig ni Jehova na ipakita ng kaniyang mga lingkod?
◻ Papaano ginantimpalaan si Jesus sa kaniyang pagsunod, at ano ang kailangan nating patunayan sa pamamagitan ng ating ikinikilos?
◻ Papaano dapat tularan ng lahat ng tagapangasiwa si Jesus sa paraan ng pakikitungo niya sa mga tupa?
◻ Ano ang kasangkot sa pagiging teokratiko?
◻ Anong mga pagpapala ang idudulot sa atin ng may-kagalakang pagpapasakop?
[Larawan sa pahina 24]
Pinatitibay-loob ng matatanda ang kawan na gawin nang may kagalakan ang anumang makakaya nila
[Larawan sa pahina 26]
Nalulugod si Jehova sa mga sumusunod sa kaniya mula sa puso