“Natupad Ko Na ang Pananampalataya”
AYON SA PAGKALAHAD NG MGA KAIBIGAN NI BRUNELLA INCONDITI
“ANG Sabado ay isang napakabagal at malungkot na araw. Ako’y nag-iisa noon sa silid, nakadarama ng kawalang-pag-asa. Para bang ako’y naglalakad sa isang pasilyo. Lahat ay maayos naman, nang biglang-bigla, may nagsara ng pinto sa harap ko mismo, at hindi ako makalabas, gaano mang pagsisikap ang gawin ko.”
Ang labis na pagkabigo ay nagpabigat sa kalooban ng 15-taóng-gulang na si Brunella Inconditi. Lumilipas ang pinakamahalagang araw sa kaniyang buhay bilang isang kabataan. Maaga nang taóng iyon ang kaniyang lumalagong pag-ibig kay Jehova at sa Bibliya ay nag-udyok sa kaniya na ialay sa Kaniya ang kaniyang buhay. Noong Hulyo 1990 siya sana’y nakatakdang bautismuhan sa “Dalisay na Wika” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Montreal, Canada. Sa halip, malapit na noon na si Brunella ay haharap sa isang pagsubok sa kaniyang pananampalataya na tatagal hanggang sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay.
Dalawang araw bago niya inaasahang sagisagan ang kaniyang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, nalaman ni Brunella na siya ay may lukemya. Ibig ng mga doktor sa lokal na ospital ng mga bata na simulan karaka-raka ang paggamot, kaya nanatili sa ospital si Brunella.
Naantig ang mga Doktor sa Kaniyang Sariling mga Salita
Batid ni Brunella na ang dugo ay sagrado sa Diyos na Jehova. (Levitico 17:11) Ipinagbigay-alam ng kaniyang mga magulang, sina Edmondo at Nicoletta, na hindi dapat salinan ng dugo ang kanilang anak sa paggamot sa kaniya. “Ibig ni Brunella na marinig din iyon ng mga doktor mula sa kaniya, bagaman siya ay isang menor de edad,” nagunita pa ng kaniyang ama. “Matatag na sinabi niya sa kanila na hindi niya ibig ang paggamot na lalabag sa utos ng Bibliya na ‘umiwas sa dugo.’ ”—Gawa 15:20.
Noong Hulyo 10, 1990, tatlong doktor at isang social worker ang nakipagkita sa mga magulang ni Brunella at sa dalawang ministro buhat sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Pinatunayan ng mga pagririkunisi na si Brunella ay may malubhang lymphoblastic leukemia. Ipinaliwanag ng mga doktor ang kanilang balak na labanan ang sakit. Mataktikang inilarawan nila na iyon ay napakahirap gamutin. “Ang paggawi at determinasyon ni Brunella na sundin ang Diyos ay nakaantig sa damdamin ng mga doktor at ng social worker. Sila’y humanga sa pag-ibig sa kaniya ng kaniyang mga magulang at sa suporta ng mga kaibigan buhat sa kongregasyong Kristiyano. Hinangaan din nila ang paraan ng pag-unawa at paggalang natin sa kanilang katayuan,” ang nagunita pa ng isa sa matatanda sa kongregasyon.
Nais ng mga doktor na maiwasan ang pagsasalin ng dugo. Isasailalim si Brunella sa malawakang chemotherapy, ngunit iyon ay magiging di-gaanong matindi kaysa karaniwan. Makababawas ito sa pinsalang idudulot ng paggamot sa kaniyang mga selula ng dugo. “Isinaalang-alang ng mga doktor ang pisikal, emosyonal, at espirituwal na mga pangangailangan ni Brunella,” ang paliwanag ni Nicoletta. “Nang tanungin namin sila tungkol sa pagkonsulta sa isang espesyalista na may karanasan sa walang-dugong paggamot sa lukemya ng bata, sila’y pumayag.” Nabuo kay Brunella at sa mga tauhan ng ospital ang isang mainit na buklod ng pagmamahalan.
Espirituwal na mga Tunguhin
Bagaman ang panimulang paggamot ay nagdulot ng ilang mabubuting resulta, nagsisimula pa lamang ang paghihirap ni Brunella. Nang sumapit ang Nobyembre 1990 ay bumuti-buti ang kaniyang kalagayan, kaya siya’y nabautismuhan nang walang pagpapaliban. Sa pagbabalik-tanaw sa naunang ilang buwan, inamin ni Brunella: “Hindi iyon naging madali. Kailangan mo ng maraming lakas, at kailangang mag-isip ka nang positibo. . . . Nalagay sa pagsubok ang aking pananampalataya, subalit ako’y nanatiling matatag, at plano ko pa rin na gawing karera ang pagiging isang regular pioneer [buong-panahong ministro].”
Maaga noong 1991, nabinat si Brunella. Halos mamatay siya samantalang isinasailalim sa chemotherapy, subalit sa ikinamangha at ikinatuwa ng lahat, siya ay gumaling. Pagsapit ng Agosto siya ay nagkaroon ng sapat na lakas upang gugulin ang buwang iyon sa pangmadlang ministeryo bilang isang auxiliary pioneer. Lumubha na naman ang kaniyang sakit, at pagsapit ng Nobyembre 1991 dinapuan ng kanser ang iba’t ibang parte ng kaniyang katawan. Isa pang pangkat ng mga doktor sa ibang ospital ang nagsimulang isailalim siya sa radiation therapy.
Kahit na sa ilalim ng gayong mahihirap na kalagayan, si Brunella ay nanatiling matatag at nagtakda ng espirituwal na mga tunguhin para sa kaniyang sarili. Nang unang malaman niya ang tungkol sa lukemya, sinabi sa kaniya na maaaring mabuhay siya nang anim na buwan lamang. Ngayon, halos isang taon at kalahati na ang nakalipas, si Brunella ay patuloy pa ring nagpaplano para sa hinaharap. “Wala siyang inaksayang panahon sa pag-abot ng kaniyang mga tunguhin,” ang sabi ng isang matanda sa kongregasyon. “Ang pananampalataya ni Brunella sa ipinangako ng Diyos na Paraiso ang umalalay sa kaniya sa buong panahon ng kaniyang paghihirap. Siya ay sumulong sa Kristiyanong pagkamaygulang bagaman nasa kabataan pa. Ang kaniyang paggawi at saloobin ay nagpasigla sa kongregasyon at nakamtan niya ang pagmamahal ng mga nakakakilala sa kaniya, kasali na ang mga tauhan ng ospital.” Nagugunita pa ng kaniyang ina: “Siya’y hindi kailanman nagreklamo. Kapag siya’y tinanong kung ano ang kaniyang nararamdaman, siya’y sasagot, ‘Mabuti po’ o, ‘Hindi naman masama, at kumusta naman kayo?’ ”
Isang Tiwasay na Hinaharap
Isinaplano ni Brunella na dumalo sa “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong Hulyo 1992. Gayunman, nang sumapit ang panahon ng kombensiyon, naospital si Brunella, at ang kaniyang buhay ay unti-unting pumapanaw. Gayunpaman, siya’y naka-wheelchair nang dumalo siya sa kombensiyon, taglay ang layuning mapanood ang dramang Paggawa ng Tama sa Paningin ni Jehova.
Siya’y umuwi sa kaniyang pamilya para sa huling ilang araw ng kaniyang buhay. “Hanggang sa katapusan, siya’y higit na nababahala tungkol sa iba kaysa kaniyang sarili,” ang sabi ni Nicoletta. “Kaniyang pinasisigla sila na mag-aral ng Bibliya, na sinasabi sa kanila, ‘Magkakasama-sama tayo sa Paraiso.’”
Si Brunella ay namatay noong Hulyo 27, 1992, matatag sa kaniyang pag-asa sa pagkabuhay-muli sa buhay sa Paraiso sa lupa. Siya’y nagsimula pa lamang na magtaguyod ng kaniyang mga tunguhin, subalit siya’y nagplanong magpatuloy sa kaniyang naaalay na landasin matapos na siya’y buhaying-muli. Mga ilang araw lamang bago siya namatay, ginawa ni Brunella ang sumusunod na liham, na binasa sa serbisyong pang-alaala sa kaniya.
“Mahal na mga Kaibigan:
“Salamat sa inyong pagparito. Ang inyong pagkanaririto ay isang malaking bagay para sa aking pamilya.
“Sa mga taong malapít sa akin—marami na ang ating pinagdaanan. Marami ang masasamang panahon, pero mayroon ding ilang nakatutuwang panahon. Iyon ay isang mahirap at mahabang pakikipagbaka, ngunit hindi ko inaakalang nabigo ako. Gaya ng sinasabi sa Kasulatan, ‘naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya.’—2 Timoteo 4:7.
“Marami rin akong natutuhan, at malaki ang aking isinulong, at nakita ng aking mga kaibigan at ng mga nakapaligid sa akin ang pagbabagong iyan. Nais kong pasalamatan ang lahat ng taong sumuporta sa akin.
“Kayong naniniwala sa bagong sistema at kay Jehova ang nakaáalam na magkakaroon ng pagkabuhay-muli, gaya ng sinasabi ng Juan 5:28, 29. Kaya magpakatatag kayo sa katotohanan, at tayo’y magkikita-kitang muli.
“Ibig kong pasalamatan ang mga taong nakababatid sa aking pinagdaanan. Bawat isa sa inyo ay iniiwanan ko ng isang mahigpit na yakap at isang halik. Mahal ko kayong lahat.”
Hindi pinahintulutan ni Brunella na ipagpaliban ang kaniyang pag-aalay sa Diyos dahil sa kaniyang kabataan o sa kaniyang sakit. Ang kaniyang halimbawa ng pananampalataya at determinasyon ang nagpapasigla sa mga kabataan at sa mga may edad na ipagpaliban ang anumang bagay na maaaring makahadlang sa kanila sa pagtakbo sa karera ukol sa buhay.—Hebreo 12:1.