Ang Bantang Nuklear—Inalis na Magpakailanman!
ANG pamumuhay taglay ang nakasásamáng pagkatakot ay hindi ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. Bilang “ang maligayang Diyos,” nais niyang sila’y magtamasa ng kapayapaan at mabuhay sa katiwasayan—sa maikli, maging maligaya. (1 Timoteo 1:11) Sa isang sanlibutang punô ng mga bantang nuklear, maliwanag na ito’y imposible.
“Kapayapaan at Katiwasayan”—Hindi Tunay
Maliwanag na ang bantang nuklear ay hindi pa tapos. Gayunman, sa kabila ng pulitikal, pangkabuhayan, at panlipunang kaguluhan, ang mga bansa sa pangkalahatan ay waring may maaliwalas na pananaw. Makikita ang patuloy na pagsisikap na pawiin ang panganib sapol noong UN International Year of Peace noong 1986.
Binago ng The Bulletin of the Atomic Scientists sa nakalipas na dekada ang doomsday clock nito—ang paraan niyaon ng pagpapakita ng posibilidad ng digmaang nuklear—mula sa 3 minuto bago maghatinggabi tungo sa 17 minuto bago maghatinggabi. Noong 1989 binanggit ng Stockholm International Peace Research Institute na “ang pag-asa para sa mapayapang paglutas ng mga alitan ay may lalong mainam na pundasyon kaysa anumang ibang taon sapol nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II.”
Noong nakalipas na mga taon pinalakas ang Nagkakaisang mga Bansa upang kumilos sa mga rehiyon sa buong daigdig na may paulit-ulit na paglalabanan. Ang tagumpay nito, bagaman hindi lubusan, ay sapat upang gumawa ukol sa isang pangkalahatang espiritu ng pagiging positibo. Ang hinaharap ay malamang na magdulot ng karagdagang pagsulong. Ang mga pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan” ay marahil lalong magiging malakas at lalong matindi. Maaaring maging kapani-paniwala pa nga ang mga ito.
Subalit pakaingat! “Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan,’” ang babala ng Bibliya, “kung magkagayon ay biglang pagkapuksa ang kagyat na mapapasa-kanila gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at hindi sila sa anumang paraan makatatakas.” Sa gayon, ang mga pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan” ang maghuhudyat ng panahon ng Diyos “upang dalhin sa pagkasira yaong [sa pamamagitan ng polusyon, nuklear at iba pa, ay] mga sumisira sa lupa.”—1 Tesalonica 5:3, 4; Apocalipsis 11:18.
Pansinin na hindi sinasabi ng Bibliya na ang mga bansa ay magkakamit ng “kapayapaan at katiwasayan.” Waring ang mga ito ay mag-uusap tungkol doon sa isang pambihirang paraan, na nagpapahayag ng pagiging positibo at isang paninindigan na dati’y hindi nila nadarama. Ang mga pagkakataon para sa pagkakamit ng kapayapaan at katiwasayan ay tila mas malapit na kaysa kailanman. Sa kabila ng patuloy na bantang nuklear, ang mga bansa ay patatahimikin ng isang huwad na pagkadama ng katiwasayan.
Gayunman, ang tunay na mga Kristiyano ay hindi malilinlang. Taglay ang masiglang interes sila’y tatanaw sa isang bagay na lalong mainam sa kabila pa roon ng kapayapaan at katiwasayan na nanggagaling sa tao!
Kapayapaan at Katiwasayan—Ang Tunay
Ayon sa Awit 4:8, ang tunay na kapayapaan at katiwasayan ay masusumpungan tangi lamang sa loob ng kaayusan ng Diyos na Jehova: “Payapa akong hihiga at matutulog, sapagkat ikaw lamang, Oh Jehova, pinatatahan mo ako sa katiwasayan.” Anumang sigaw ng “kapayapaan at katiwasayan” na hindi saklaw ng kaayusan ng Kaharian ni Jehova ay huwad. Hindi iyon makapagdudulot ng anumang bagay na tumatagal.
Ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ay magdudulot ng lubus-lubusang solusyon. Hindi lamang babawasan ng pamahalaan ng Diyos ang bilang ng mga armas nuklear; lubusang aalisin nito ang mga iyon at lahat ng iba pang armas ng digmaan. Nangangako ang Awit 46:9: “Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Kaniyang binabali ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karo ay kaniyang sinusunog sa apoy.”
Gayundin, ang mga bantang nuklear na likha ng may depektong mga nuclear reactor o mga basurang radyoaktibo ay mawawala na. Kung hindi ay magiging di-tunay ang mga salita na: “Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos, at walang tatakot sa kanila; sapagkat sinalita ng mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo.” Hindi maaaring magsinungaling ang Diyos. Wala tayong dahilan na pag-alinlanganan ang kaniyang mga salita.—Mikas 4:4; Tito 1:2.
Maaari ka bang magkaroon ng pag-asang mabuhay sa isang sanlibutan na wala nang bantang nuklear? Maaari, sapagkat malinaw na iniuulat ng Bibliya ang mga kahilingan. Sa pamamagitan ng pagkatuto ng mga ito at pamumuhay nang naaayon doon, balang araw ay maaaring magkaroon ka ng kagalakan sa maginhawang pagsasabi ng: “Ang bantang nuklear—tapos na sa wakas!”
[Larawan sa pahina 7]
Maghahari ang kapayapaan sa bagong sanlibutan ng Diyos na walang anumang bantang nuklear
[Credit Line]
M. Thonig/H. Armstrong Roberts
[Picture Credit Line sa pahina 6]
U.S. National Archives