Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 8/1 p. 27-30
  • Pagpapakita ng Pag-ibig Kristiyano sa mga may Edad

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapakita ng Pag-ibig Kristiyano sa mga may Edad
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Mga Taguan ng Kaalaman”
  • “Magsagawa ng Maka-Diyos na Debosyon”
  • Palagiang Pag-aasikaso sa Espirituwal na mga Pangangailangan
  • Kung Ano ang Magagawa ng Kongregasyon
  • “Matanda Na at Nasisiyahan”
  • Ang Pamilyang Kristiyano ay Tumutulong sa mga May Edad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Pagtingin sa mga Kapakanan ng Matatanda Na
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Pangangalaga sa mga May-edad Na—Isang Pananagutang Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Kung Papaano Matutulungan ng mga Kristiyano ang mga May Edad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 8/1 p. 27-30

Pagpapakita ng Pag-ibig Kristiyano sa mga may Edad

SI Samuel Johnson, isang awtor noong ika-18 siglo, ay naglahad tungkol sa isang binata na, nang dumadalaw sa mga kaibigan, nakalimot kung saan niya inilagay ang kaniyang sombrero. Hindi pinuna ang ganitong kawalang-ingat. “Ngunit kung isang matanda ang nakalimot nang gayon,” ang sabi ni Johnson, “magkikibit-balikat ang mga tao at sasabihin, ‘Nagiging ulianin na siya.’”

Ipinakikita ng kuwento ni Johnson na ang mga may edad na, marahil tulad ng iba pang grupong minoriya, ay napapaharap sa walang-katuwirang pamimintas. Bagaman isang hamon ang pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng mga may edad, ito’y nagdudulot ng kapakinabangan sa lahat ng nasasangkot. Ano ba ang mga hamon at ang mga gantimpala, at bakit may epekto ang ganitong paksa sa parami nang paraming tao?

Ayon sa estadistika, 6 na porsiyento ng populasyon ng daigdig ang 65 taóng gulang o mas matanda pa, at sa maunlad na mga bansa ay doble niyan ang dami. Sa European Community, na pumili sa 1993 bilang ang “Taon ng mga May Edad at Pagkakaisa ng mga Salinlahi sa Europa,” 1 sa bawat 3 tao ang mahigit nang 50 anyos. Doon, gaya rin sa karamihan ng industriyalisadong mga bansa, umuunti ang bilang ng ipinanganganak at humahaba ang buhay kung kaya marami ang nasa katanghaliang edad. Ang pangangalaga sa mga may edad sa ilalim ng gayong mga kalagayan ay maliwanag na isang mahirap na gawain. Ibang-iba nga ang mga bagay-bagay sa Silangan noong nakalipas!

“Mga Taguan ng Kaalaman”

Ang Handwörterbuch des Biblischen Altertums für gebildete Bibelleser (Handbook of Biblical Antiquity for Educated Readers of the Bible) ay bumabanggit na sa Silangan noong unang panahon “ang mga may edad ay itinuturing na mga tagapag-ingat ng tradisyunal na mga pamantayan ng karunungan at nakatataas na kaalaman, kung kaya ang mga nakababata ay pinapayuhan na makisama sa kanila at matuto buhat sa kanila.” Ganito ang paliwanag ng Smith’s Bible Dictionary: “Sa pribadong buhay [ang mga may edad] ay itinuturing na mga taguan ng kaalaman . . . Sila’y pinapayagan [ng kabataan] na unang magbigay ng kanilang opinyon.”

Ang pagpapakundangan sa mga may edad ay mababanaag sa Batas Mosaiko sa Levitico 19:32: “Titindig ka sa harap ng may uban, at magpapakita ka ng konsiderasyon sa pagkatao ng isang matandang lalaki.” Kaya ang may edad ay nasa isang puwesto ng pribilehiyo sa loob ng lipunan at itinuturing na mahalagang kayamanan. Maliwanag na ito ang pagkakilala ni Ruth na Moabita sa kaniyang Israelitang biyenang babae, si Naomi.

Matatag ang pasiya ni Ruth na samahan si Naomi mula sa Moab hanggang sa Israel, anupat magmula noo’y nakapakinig siyang mabuti sa payo ni Naomi. Nang sila’y dumating sa Bethlehem, si Naomi ang nakapansin na ang kamay ni Jehova ang pumapatnubay sa mga pangyayari at sa gayon ay ipinayo kay Ruth kung papaano kikilos. (Ruth 2:20; 3:3, 4, 18) Ang buhay ni Ruth ay nahubog sa isang teokratikong paraan habang siya’y natututo sa may karanasang si Naomi. Ang kaniyang biyenang babae ay napatunayang isang taguan ng kaalaman.

Sa katulad na paraan, ang nakababatang mga babaing Kristiyano sa ngayon ay makikinabang sa pakikisama sa nakatatandang mga babae sa kongregasyon. Marahil ang isang sister ay nagbabalak mag-asawa o nakikipagpunyagi sa isang mahirap na suliraning personal. Isang katalinuhan nga na humingi ng payo at alalay ng isang may-gulang na nakatatandang sister na may karanasan sa bagay na iyon!

Isa pa, makikinabang ang lupon ng matatanda sa karanasan ng mga may edad na kasama nila. May matututuhan tayo mula sa pagkabigo ni Lot na gawin ito. Nagkaroon ng alitan ang mga pastol ng mga kawan nina Abraham at Lot na humihingi ng isang pasiyang makaáapekto sa bawat isa. Si Lot ay gumawa ng isang di-matalinong pasiya. Anong inam sana kung siya’y humingi muna ng payo kay Abraham! Natulungan sana si Lot ng may-gulang na patnubay at naiwasan sana ng kaniyang pamilya ang paghihirap na bunga ng kaniyang mabilis na pagpapasiya. (Genesis 13:7-13; 14:12; 19:4, 5, 9, 26, 29) Ikaw ba ay nakikinig na mabuti sa sinasabi ng may-gulang na matatanda bago ka magpasiya sa isang suliranin?

Napakaraming may-edad ang may tumatagal na sigasig sa gawain ni Jehova, gaya nina Simeon at Ana noong unang siglo. (Lucas 2:25, 36, 37) Isang tanda ng paggalang at mapagmalasakit na saloobin sa gayong mga may edad kung isasali sila sa mga gawain ng kongregasyon hangga’t ipinahihintulot ng kanilang lakas, kahit na hanggang sa sila’y napakatanda na. Marahil nangangailangan ng tulong ang isang kabataan upang maihanda ang isang atas sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Maaaring manghinuha ang isang listong matanda na ang pinakamainam na tagapayo ay isang may edad nang miyembro ng kongregasyon, isa na may malumanay na karunungan, may kabaitan, at may panahon.

Gayunman, ang pag-aasikaso sa pantanging mga pangangailangan ng mga may edad ay nangangailangan ng higit pa. Marami ang binabagabag ng kalungkutan, pangamba sa krimen, at mga suliranin sa pananalapi. Isa pa, minsang maging masasakitin ang may edad, lalong nadaragdagan ang mga suliraning ito ng pagkakasakit at pagkasira ng loob dahil sa kanilang nauubos na lakas. Ngayon ay nangangailangan sila ng higit pang atensiyon. Papaano dapat tumugon ang kongregasyon at ang mga kabilang sa kongregasyon?

“Magsagawa ng Maka-Diyos na Debosyon”

Noong unang siglo, si Pablo ay kinasihang sumulat sa 1 Timoteo 5:4, 16: “Kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, matuto muna ang mga ito na magsagawa ng maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at magpatuloy sa pagbabayad ng kaukulang kabayaran sa kanilang mga magulang at mga lolo’t lola, sapagkat ito ay kaayaaya sa paningin ng Diyos. Kung ang sinumang nananampalatayang babae ay may mga babaing balo, paginhawahin niya sila, at huwag hayaang ang kongregasyon ay mapasailalim sa pasanin. Sa gayon ay mapagiginhawa nito yaong mga talagang babaing balo.” Ang pangangalaga sa mga may edad ay pananagutan ng pamilya. Kung ang isang matandang miyembro ng kongregasyon ay nasa pangangailangan matapos na gawin ng kaniyang pamilya ang kanilang buong makakaya upang tulungan siya, ang kongregasyon na ngayon ang may pananagutan. Hindi nagbago ang mga simulaing ito.

Ano ang tumulong sa mga Kristiyano upang magpakita ng pag-ibig Kristiyano sa mga may edad sa pamamagitan ng pagsasagawa ng maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan? Pansinin ang sumusunod na mga komento ng ilang Saksi na may karanasan sa pangangalaga sa mga matatanda na.

Palagiang Pag-aasikaso sa Espirituwal na mga Pangangailangan

“Ang pagsasaalang-alang sa pang-araw-araw na teksto ay isang tulong na walang kasinghalaga,” nagunita pa ni Felix, na tumulong sa kaniyang asawa na mangalaga sa kaniyang mga magulang. “Ang personal na mga karanasan at mga mithiin ay kaugnay ng mga simulain ni Jehova.” Oo, sa pagharap sa hamon ng pangangalaga sa may edad nang mga kamag-anak, ang isang pangunahing salik ay ang pagbibigay ng nauukol na pag-aasikaso sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan. Ito ay makatuwiran sa liwanag ng mga salita ni Jesus sa Mateo 5:3: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” Ang pang-araw-araw na teksto ay maaaring lakipan ng isang programa ng pagbabasa ng Bibliya, pagtalakay sa salig-Bibliyang mga publikasyon, at ng panalangin. “Waring ibig ng mga may edad na iyon ay gawing palagian,” sabi ni Peter.

Oo, ang pagkapalagian ay kailangan sa espirituwal na mga bagay. Hindi lamang sa espirituwal na mga bagay kundi gayundin sa pang-araw-araw na pamumuhay ay pinahahalagahan ng mga may edad ang gayong pagkapalagian. Kahit na yaong may bahagyang karamdaman ay maaaring himukin na “bumangon at magbihis nang maayos sa araw-araw,” ang sabi ni Ursula. Mangyari pa, nais nating iwasan ang impresyon na tayo’y nagdidikta sa matatanda. Inaamin ni Doris na malimit mapagkamalan ang kaniyang mga pagsisikap na may mabuting hangarin. “Lahat ng uri ng pagkakamali ay nagawa ko na. Isang araw ay hiniling ko sa aking ama na siya’y magbihis araw-araw ng kaniyang kamiseta. Pinaalalahanan naman ako ng aking ina: ‘Ako pa rin ang kaniyang asawa!’”

Ang matatanda ay minsang naging mga bata, subalit ang paglalagay ng sarili sa kalagayan ng iba ay isang mahirap na bagay kung para sa mga nakababata. Gayunman, iyan ang susi sa pag-unawa sa kanilang natatanging mga pangangailangan. Ang pagtanda ay nagdudulot ng pagkasiphayo. Ganito ang paliwanag ni Gerhard: “Nayamot sa kaniyang sarili ang aking biyenang lalaki dahil hindi na niya magawa ang lahat ng dating nagagawa niya. Napakasakit para sa kaniya na tanggapin ang gayong kalagayan. Nagbago ang kaniyang personalidad.”

Sa ilalim ng nagbabagong mga kalagayan, karaniwan na para sa isang matanda na ibulalas ang kaniyang pagkasiphayo sa pamamagitan ng pamimintas sa iba, lalo na sa mga taong nag-aasikaso sa kaniya. Simple lamang ang dahilan. Ang kanilang mapagmahal na pag-aasikaso ay nagpapaalaala sa kaniya ng kaniyang nauubos na lakas. Papaano ka tutugon sa ganitong walang katuwirang pamimintas o pagrereklamo?

Tandaan, sa gayong negatibong damdamin ay hindi mababanaag ang pangmalas ni Jehova sa iyong mga pagsisikap. Patuloy na gumawa ka ng mabuti, at manatiling may malinis na budhi, kahit na umani ka paminsan-minsan ng walang katuwirang mga salita. (Ihambing ang 1 Pedro 2:19.) Ang lokal na kongregasyon ay makapag-aalok ng malaking suporta.

Kung Ano ang Magagawa ng Kongregasyon

Maraming kongregasyon ang may dahilan na lubhang magpasalamat sa nakalipas na mga pagpapagal ng ating minamahal na mga kapatid na may edad na. Sila marahil ang naglatag ng pundasyon para sa pagtatatag ng kongregasyon, anupat naitatag iyon mula sa iilang mamamahayag makalipas ang maraming dekada. Nasaan kaya ngayon ang kongregasyon kung wala ang kanilang dating sigasig sa gawain at, marahil, kasalukuyang suporta sa pananalapi?

Kapag kinailangan ang higit pang pag-aasikaso sa isang matanda nang mamamahayag, hindi kailangang solohin ng mga kamag-anak ang pagpasan ng pananagutan. Ang iba ay maaaring gumawa ng ilang bagay para sa kaniya, ipagluto siya, ipaglinis, ipasyal, alukin siya ng sasakyan sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano, o kahit na lamang kausapin siya sa Kingdom Hall. Lahat ay maaaring sumali, bagaman ang kahusayan at pagkapalagian ay pinakamagaling na nakakamit kapag ang lahat ay nagtutulungan.

Ang pagtutulungan ay maisasaisip ng mga elder sa pag-oorganisa nila ng mga pagdalaw sa pagpapastol. Ang ilang kongregasyon ay uliran sa bagay na ito, anupat tinitiyak ng mga elder na regular na nadadalaw ang mga may edad at mahihina, kahit na yaong mga inaalagaang mabuti ng kani-kanilang pamilya. Gayunman, lumilitaw na ang ibang mga kongregasyon ay dapat na maging higit pang palaisip sa kanilang obligasyon sa mga may edad.

Isang tapat na kapatid na lalaki, na lampas na sa edad na 80, ang inalagaan ng kaniyang anak na babae at ng kaniyang manugang, na lumabas sa Bethel upang gawin iyon. Gayunman, mahalaga pa rin sa kaniya ang pagdalaw ng ibang mga miyembro ng kongregasyon. “Nang ako’y dumadalaw sa mga maysakit,” ang hinanakit ng kapatid, “ako’y nananalangin na kasama sila. Subalit walang sinuman na nananalangin na kasama ako.” Ang mapagmahal na pag-aasikaso ng mga kamag-anak ay hindi nag-aalis ng obligasyon sa mga elder na ‘magpastol sa kawan ng Diyos na nasa kanilang pangangalaga.’ (1 Pedro 5:2) Isa pa, yaong mga nag-aalaga sa mga may edad ay kailangang patibayin at himukin na magpatuloy sa kanilang mabuting gawa.

“Matanda Na at Nasisiyahan”

Si Alexander von Humboldt, isang siyentistang Aleman noong ika-19 na siglo, ay matanda na nang isang kabataang babae ang nagtanong sa kaniya kung hindi niya nasumpungang nakababagot ang pagtanda. “Tama ang sinabi mo,” ang tugon ng taong pantas na iyon. “Subalit ito ang tanging paraan upang mabuhay nang mahabang panahon.” Gayundin naman, maraming kapatid sa ngayon ang nagpapakita ng mainam na halimbawa ng pagtanggap sa mga kahirapan na dulot ng katandaan kapalit ng karangalan ng pagkakaroon ng mahabang buhay. Nababanaag sa kanila ang saloobin na ipinakita nina Abraham, Isaac, David, at Job, na noon ay “matanda na at nasisiyahan.”​—Genesis 25:8; 35:29; 1 Cronica 23:1; Job 42:17.

Ang pagtanda ay nagdudulot ng hamon ng magiliw na pagtanggap ng tulong at ng taimtim na pagpapasalamat. Hinihiling ng karunungan na bawat isa’y kumilala sa hangganan ng kaniyang lakas. Gayunman, hindi itinatalaga niyan na ang tumatanda ay di na maging aktibo. Si Maria ay mahigit nang 90 taong gulang, subalit siya’y dumadalo pa rin at nagkokomento sa mga pulong ng kongregasyon. Papaano niya ginagawa ito? “Hindi na ako makabasa, subalit pinakikinggan ko Ang Bantayan na nasa cassette. Ako’y makalilimutin na, pero karaniwan nang nakapagkokomento pa rin ako.” Katulad ni Maria, ang pananatiling abala sa mga bagay na nakapagpapatibay ay tumutulong sa isang tao na manatiling aktibo at taglay pa rin ang Kristiyanong personalidad.

Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, wala nang pagtanda. Sa panahong iyon yaong mga tumanda na sa sistemang ito at marahil namatay pa nga ay magkakaroon ng magagandang alaala ng pag-aalaga at pag-aasikasong ginawa sa kanila. Habang nanunumbalik ang buhay at lakas ng gayong mga may edad, tiyak na sila’y makadarama ng masidhing pag-ibig kay Jehova at ng matinding utang na loob sa mga taong nanatiling kasama nila sa kanilang mga pagsubok sa matandang sistemang ito.​—Ihambing ang Lucas 22:28.

Kumusta naman yaong mga nag-aalaga sa mga may edad ngayon? Hindi na magtatagal, kapag lubusan nang pinamamahalaan ng Kaharian ang lupa, kanilang gugunitain nang may kagalakan at kasiyahan na sila’y hindi umiwas sa kanilang pananagutan kundi sila’y nagsagawa ng maka-Diyos na debosyon sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-ibig Kristiyano sa mga may edad.​—1 Timoteo 5:4.

[Kahon sa pahina 30]

Pahahalagahan ng mga May Edad ang Inyong mga Pagdalaw

Malaking kabutihan ang maidudulot ng pagpaplano ng isang pagdalaw, marahil mga 15 minuto, sa isang may edad pagkatapos ng gawaing pangangaral. Subalit ang pinakamagaling ay huwag ipagbakasakali lamang ang gayong mga pagdalaw, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan.

Sina Brigitte at Hannelore ay magkasamang nangangaral, na nakikipag-usap sa isang matanda nang lalaki na nasa kaniyang pintuan. Nakipag-usap na sa kaniya ang mga sister sa loob ng mga limang minuto bago matuklasan na siya pala ay isa ring Saksi ni Jehova, na kakongregasyon pa nila. Kahiya-hiya nga! Subalit masayang natapos ang karanasan. Si Hannelore ay agad gumawa ng mga plano upang dalawin ang kapatid at tulungan siya sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon.

Alam mo ba ang pangalan at direksiyon ng bawat matanda nang mamamahayag na naninirahan sa inyong pinangangaralang teritoryo? Maisasaayos mo kaya ang isang maikling pagdalaw? Malamang na iyan ay lubhang pahahalagahan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share