Kunin Bilang Isang Parisan ang mga Propeta ng Diyos
“Mga kapatid, kunin ninyo bilang parisan ng pagdurusa ng kasamaan at ng pagsasagawa ng pagtitiis ang mga propeta, na nagsalita sa pangalan ni Jehova.”—SANTIAGO 5:10.
1. Ano ang tumutulong sa mga lingkod ni Jehova upang magkaroon ng kagalakan kahit na sila’y pinag-uusig?
SA MGA lingkod ni Jehova ay mababanaag ang kagalakan sa kabila ng kalungkutan na laganap sa buong daigdig sa mga huling araw na ito. Ito’y dahilan sa alam nila na sila ay nakalulugod sa Diyos. Ang mga Saksi ni Jehova ay may lakas-loob din sa ilalim ng pag-uusig at pananalansang sa kanilang pangmadlang ministeryo sapagkat kanilang natatanto na sila’y nagdurusa alang-alang sa katuwiran. Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin. Magsaya kayo at lumukso sa kagalakan, yamang malaki ang inyong gantimpala sa mga langit; sapagkat sa gayong paraan nila pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.” (Mateo 5:10-12) Oo, kailanma’t ang mga lingkod ng Diyos ay nakaharap sa mga pagsubok ng pananampalataya, itinuturing nila ang mga ito na isang kagalakan.—Santiago 1:2, 3.
2. Ayon sa Santiago 5:10, ano ang makatutulong sa atin upang makapagtiis?
2 Ang alagad na si Santiago ay sumulat: “Mga kapatid, kunin ninyo bilang parisan ng pagdurusa ng kasamaan at ng pagsasagawa ng pagtitiis ang mga propeta, na nagsalita sa pangalan ni Jehova.” (Santiago 5:10) Binigyan ng katuturan nina W. F. Arndt at F. W. Gingrich ang salitang Griego na isinalin dito na “parisan” (hy·poʹdeig·ma) bilang “halimbawa, modelo, parisan, sa isang mabuting diwa bilang isang [bagay] na pumupukaw o dapat pumukaw sa isa upang tularan iyon.” Gaya ng ipinakita sa Juan 13:15, “ito ay higit pa kaysa isang halimbawa. Iyon ay isang tiyak na orihinal na modelo.” (Theological Dictionary of the New Testament) Kung gayon, maaaring kunin ng mga lingkod ni Jehova sa modernong panahon ang kaniyang tapat na mga propeta bilang parisan kung tungkol sa ‘pagdurusa ng kasamaan’ at ‘pagsasagawa ng pagtitiis.’ Ano pa ang ating malalaman pagka pinag-aralan natin ang kanilang mga buhay? At papaano ito makatutulong sa ating gawaing pangangaral?
Sila ay Nagdusa ng Kasamaan
3, 4. Papaano tinugon ni propeta Amos ang pagsalansang buhat kay Amazias?
3 Ang mga propeta ni Jehova ay malimit na nagdusa ng kasamaan o masamang pagtrato. Halimbawa, noong ikasiyam na siglo B.C.E., ang saserdoteng si Amazias na isang mananamba sa baka ay ubod-samang sumalansang sa propetang si Amos. May kabulaanang inangkin ni Amazias na si Amos ay nakipagsabuwatan laban kay Jeroboam II sa pamamagitan ng paghula na ang hari ay mamamatay sa tabak at na ang Israel ay mapapasa pagkabihag. Hinamak ni Amazias si Amos: “O ikaw na tagakita, yumaon ka, tumakas ka sa lupain ng Juda, at doo’y kumain ka ng tinapay, at manghula ka roon. Ngunit huwag ka nang manghula pa sa Bethel, sapagkat siyang santuwaryo ng hari at siyang bahay ng isang kaharian.” Palibhasa’y hindi nahadlangan ng bibigang pagtuligsang ito, si Amos ay tumugon: “Ako’y hindi isang propeta, ni ako man ay anak ng isang propeta; kundi ako’y isang pastol at manggagawa sa mga puno ng sicamoro. At kinuha ako ni Jehova mula sa pagsunod sa kawan, at sinabi sa akin ni Jehova, ‘Humayo ka, manghula ka sa aking bayang Israel.’ ”—Amos 7:10-15.
4 Ang espiritu ni Jehova ay nagbigay ng kapangyarihan kay Amos upang manghula nang may lakas ng loob. Gunigunihin ang itinugon ni Amazias sa sinabi ni Amos: “Pakinggan ang salita ni Jehova, ‘Sinasabi mo ba: “Huwag kang manghuhula laban sa Israel, at huwag mong ihulog ang iyong salita laban sa sambahayan ni Isaac”? Kaya ganito ang sabi ni Jehova: “Kung tungkol sa iyong asawa, siya ay magiging patutot sa bayan. At tungkol sa iyong mga anak, sila ay mangabubuwal sa tabak. At tungkol sa iyong lupain, ito ay mababahagi sa pamamagitan ng pising panukat. At tungkol sa iyo, mamamatay ka sa isang lupaing marumi; at tungkol sa Israel, ito ay walang pagsalang dadalhing bihag mula sa kaniyang sariling lupain.”’” Ang hulang iyan ay natupad. (Amos 7:16, 17) Anong laki ng pagkabigla ng apostatang si Amazias!
5. Anong pagkakatulad ang makikita sa kalagayan ng mga lingkod ni Jehova sa modernong panahon at niyaong kay propeta Amos?
5 Ito’y nakakatulad ng kalagayan ng bayan ni Jehova sa ngayon. Tayo’y nagdurusa ng kasamaan bilang mga taong naghahayag ng mga mensahe ng Diyos, at maraming tao ang nagsasalita nang may paghamak tungkol sa ating gawaing pangangaral. Totoo, ang ating awtoridad na mangaral ay hindi nanggagaling sa isang seminaryo ng teolohiya. Bagkus, ang banal na espiritu ni Jehova ang nag-uudyok sa atin na ipahayag ang mabuting balita ng Kaharian. Hindi natin binabago ni binabantuan man ang mensahe ng Diyos. Sa halip, tulad ni Amos, masunuring inihahayag natin iyon anuman ang pagtugon ng ating mga tagapakinig.—2 Corinto 2:15-17.
Sila’y Nagtiis
6, 7. (a) Ano ang mga katangian ng panghuhula ni Isaias? (b) Papaano kumikilos na gaya ni Isaias yaong mga lingkod ni Jehova sa ngayon?
6 Ang mga propeta ng Diyos ay nagtiis. Halimbawa, ang pagtitiis ay ipinakita ni Isaias, na nagsilbing propeta ni Jehova noong ikawalong siglo B.C.E. Sinabi sa kaniya ng Diyos: “Ikaw ay yumaon, at saysayin mo sa bayang ito, ‘Paulit-ulit na inyong narinig, Oh mga tao, ngunit hindi ninyo nauunawaan; paulit-ulit na nakikita ninyo, ngunit hindi ninyo namamalas.’ Pangyarihin mong ang puso ng bayang ito ay huwag tumanggap, at pangyarihin mong huwag tumugon ang kanilang mga pandinig, at ipinid mo ang kanila mismong mga mata, upang sila’y huwag makakita ng kanilang mga mata at makarinig ng kanilang mga tainga, at ang kanilang puso ay huwag makaunawa upang huwag silang aktuwal na mangagbalik-loob at mangagsigaling.” (Isaias 6:9, 10) Ganiyan nga ang naging epekto sa mga tao. Subalit ito ba’y nagpangyari kay Isaias na huminto? Hindi. Bagkus, matiisin at masigasig na ipinahayag niya ang mga babalang mensahe ni Jehova. Ang kaayusang Hebreo ng mga salita ng Diyos na kasisipi ay umaalalay sa diwa ng “matagal na pagpapatuloy” ng mga kapahayagan ng propeta, na “paulit-ulit” na narinig ng mga tao.—Gesenius’ Hebrew Grammar.
7 Sa ngayon marami ang tumutugon sa mabuting balita gaya ng pagtugon ng mga tao sa mga salita ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias. Gayunman, tulad ng tapat na propetang iyan, “paulit-ulit” nating inihahayag ang mensahe ng Kaharian. Ginagawa natin ang gayon taglay ang sigasig at matiising pagpapatuloy sapagkat ito ang kalooban ni Jehova.
“Gayung-Gayon ang Ginawa Nila”
8, 9. Sa anu-anong paraan isang mainam na halimbawa ang propeta ng Diyos na si Moises?
8 Ang propetang si Moises ay uliran sa pagtitiis at pagsunod. Pinili niya ang manindigan kasama ng aliping mga Israelita, subalit kinailangang siya’y matiyagang maghintay para sa panahon ng pagliligtas sa kanila. Nanirahan siya sa Midian sa loob ng 40 taon hanggang sa gamitin siya ng Diyos upang akayin ang bayang Israel na makalaya sa pagkaalipin. Nang si Moises at ang kaniyang kapatid na si Aaron ay humarap sa tagapamahalang Ehipsiyo, masunuring sinabi nila at ginawa ang iniutos ng Diyos. Sa katunayan, “gayung-gayon ang ginawa nila.”—Exodo 7:1-6; Hebreo 11:24-29.
9 Matiyagang pinagtiisan ni Moises ang 40 mahihirap na mga taon ng Israel sa ilang. Siya rin ay masunuring tumalima sa patnubay ng Diyos sa pagtatayo ng tabernakulo ng Israel at sa paggawa ng iba pang mga bagay na ginamit sa pagsamba kay Jehova. Gayon na lamang kaingat na sinunod ng propeta ang mga tagubilin ng Diyos kung kaya ating mababasa: “Ginawa ni Moises ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova sa kaniya. Gayung-gayon ginawa niya.” (Exodo 40:16) Sa pagganap ng ating ministeryo kasama ng organisasyon ni Jehova, tandaan natin ang pagsunod ni Moises at ikapit ang payo ni apostol Pablo na ‘maging masunurin doon sa mga nangunguna sa gitna natin.’—Hebreo 13:17.
Sila’y May Positibong Saloobin
10, 11. (a) Ano ang nagpapahiwatig na si propeta Oseas ay may positibong pangmalas? (b) Papaano natin mapananatili ang positibong saloobin kapag lumalapit tayo sa mga tao sa ating mga teritoryo?
10 Ang mga propeta ay kailangang magkaroon ng positibong saloobin samantalang sila’y naghahatid ng kahatulang mga mensahe gayundin ng mga hulang nagpapaaninaw ng maibiging pagkabahala ng Diyos sa tapat na mga nakapangalat sa Israel. Ito’y kapit kay Oseas, na isang propeta sa loob ng di-kukulangin sa 59 na taon. Sa isang positibong paraan, siya’y patuloy na naghatid ng mga mensahe ni Jehova at tinapos ang kaniyang makahulang aklat sa mga salitang: “Sino ang pantas, upang kaniyang maunawaan ang mga bagay na ito? Ang marunong, upang kaniyang maalaman ang mga ito? Sapagkat ang mga daan ni Jehova ay matuwid, at lalakaran ng mga ganap; ngunit kabubuwalan ng mga mananalansang.” (Oseas 14:9) Hangga’t pinahihintulutan tayo ni Jehova na magbigay ng patotoo, magkaroon tayo ng positibong saloobin at patuloy na hanapin yaong mga pantas na tatanggap ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.
11 Upang ‘hanapin ang mga karapat-dapat,’ tayo’y kailangang magtiyaga at malasin ang mga bagay-bagay sa positibong paraan. (Mateo 10:11) Halimbawa, kung maiwaglit natin ang ating mga susi, maaari nating isa-isahing balikan ang mga lugar na pinanggalingan natin. Maaaring matagpuan natin ang mga ito pagkatapos lamang na gawin ito nang paulit-ulit. Gayundin sana ang maging pagtitiyaga natin sa paghanap ng mga tulad-tupa. Anong laki ng ating kagalakan pagka sila’y tumugon sa mabuting balita sa teritoryong malimit na ginagawa! At anong sayá natin na pinagpapala ng Diyos ang ating gawain sa mga lupain na ang mga pagbabawal ay dating naglalagay ng limitasyon sa ating pangmadlang ministeryo!—Galacia 6:10.
Mga Pinagmumulan ng Pampatibay-loob
12. Anong hula ni Joel ang nagkakaroon ng katuparan sa ika-20 siglo, at papaano?
12 Ang mga salita ng mga propeta ni Jehova ay maaaring isang malaking pampatibay-loob sa atin sa ating ministeryo. Halimbawa, isaalang-alang ang hula ni Joel. Ito ay may mga kahatulang mensahe para sa apostatang mga Israelita at sa iba pa noong ikasiyam na siglo B.C.E. Gayunman, si Joel ay kinasihan din upang humula: “Mangyayari na ibubuhos ko [sabi ni Jehova] ang aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at babae ay tiyak na manghuhula. Ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip. Ang inyong mga binata naman ay makakakita ng mga pangitain. At maging sa mga lingkod na lalaki at mga lingkod na babae ay ibubuhos ko sa mga araw na iyon ang aking espiritu.” (Joel 2:28, 29) Ito’y natupad sa mga tagasunod ni Jesus mula noong Pentecostes 33 C.E. at patuloy. At anong pagkadaki-dakilang katuparan ng hulang ito ang nakikita natin sa ika-20 siglong ito! Sa ngayon ay angaw-angaw ang ‘nanghuhula,’ o naghahayag ng mensahe ni Jehova—kabilang sa kanila ang mahigit sa 600,000 na nasa buong-panahong paglilingkod bilang payunir.
13, 14. Ano ang makatutulong sa kabataang mga Kristiyano na makasumpong ng kagalakan sa ministeryo sa larangan?
13 Marami sa mga tagapaghayag ng Kaharian ay mga kabataan. Hindi laging madali para sa kanila na makipag-usap sa mga nakatatanda kung tungkol sa Bibliya. Kung minsan ang mga kabataang lingkod ni Jehova ay pinagsasabihan: ‘Inaaksaya lamang ninyo ang inyong panahon sa pangangaral,’ at ‘dapat ay iba ang ginagawa ninyo.’ Mataktikang sasagot ang kabataang mga Saksi ni Jehova at sasabihing ikinalulungkot niya na gayon pala ang nadarama ng taong iyon. Nasumpungan ng isang kabataang mángangarál ng mabuting balita na nakatutulong ang pagsasabi pa ng ganito: “Nadarama ko pong talagang nakikinabang ako sa pakikipag-usap sa nakatatandang mga tao na katulad ninyo, at nasisiyahan po ako.” Mangyari pa, ang pangangaral ng mabuting balita ay hindi isang pag-aaksaya ng panahon. Mga buhay ang nakataya. Sa pamamagitan ni Joel, sinabi pa ng Diyos: “Mangyayari na bawat isang tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”—Joel 2:32.
14 Ang mga anak na sumasama sa kanilang mga magulang sa gawaing pangangaral ng Kaharian ay napasasalamat sa tulong ng mga magulang sa pagtatakda ng personal na mga tunguhin. Baytang-baytang na sumusulong ang gayong mga kabataan mula sa pagbabasa ng isang kasulatan hanggang sa pagpapaliwanag ng kanilang salig-sa-Bibliyang pag-asa at pag-aalok ng angkop na literatura sa mga taong interesado. Habang nakikita nila ang kanilang sariling pagsulong at pagpapala ni Jehova, ang kabataang mga mamamahayag ng Kaharian ay nakasusumpong ng malaking kagalakan sa pangangaral ng mabuting balita.—Awit 110:3; 148:12, 13.
Sigasig at Isang Mapaghintay na Saloobin
15. Papaano makatutulong ang halimbawa ni Ezekiel sa atin upang muling mag-alab ang ating sigasig sa gawaing pangangaral ng Kaharian?
15 Ang mga propeta ng Diyos ay naging uliran din sa pagpapakita kapuwa ng sigasig at isang mapaghintay na saloobin—mga katangiang kailangan natin sa ating ministeryo sa ngayon. Nang unang matutuhan natin ang katotohanan buhat sa Salita ng Diyos, malamang na tayo ay nag-alab sa sigasig na nagpakilos sa atin upang magsalita nang may tapang. Subalit baka mga taon na ang nakalipas mula noon, at marahil ay madalas na nagagawa natin ang ating teritoryong pinangangaralan. Maaaring kakaunting tao ang tumatanggap ngayon ng mensahe ng Kaharian. Ito ba’y nakabawas sa ating sigasig? Kung gayon, isaalang-alang ang propetang si Ezekiel, na ang pangalan ay nangangahulugang “Pinalalakas ng Diyos.” Bagaman si Ezekiel ay napaharap sa matitigas-pusong mga tao sa sinaunang Israel, siya’y pinalakas ni Jehova at sa makasagisag na paraan ay ginawang mas matigas pa sa pingkiang bato ang kaniyang noo. Sa gayon, naisagawa ni Ezekiel ang kaniyang ministeryo sa loob ng maraming-maraming taon nakinig man o hindi ang mga tao. Ipinakikita ng kaniyang halimbawa na magagawa rin natin ang gayon, at makatutulong iyon sa atin upang muling mag-alab ang ating sigasig sa gawaing pangangaral.—Ezekiel 3:8, 9; 2 Timoteo 4:5.
16. Anong saloobin ni Mikas ang dapat nating linangin?
16 Kapuna-puna sa kaniyang pagkamatiisin si Mikas, na humula noong ikawalong siglo B.C.E. “Sa ganang akin,” isinulat niya, “ako’y patuloy na titingin kay Jehova. Magpapamalas ako ng isang mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan. Diringgin ako ng aking Diyos.” (Mikas 7:7) Ang pagtitiwala ni Mikas ay nakabaon nang malalim sa kaniyang matibay na pananampalataya. Katulad ni propeta Isaias, batid ni Mikas na ang nilayon ni Jehova ay tiyak na gagawin Niya. Alam din natin ito. (Isaias 55:11) Linangin natin kung gayon ang isang mapaghintay na saloobin tungkol sa katuparan ng mga pangako ng Diyos. At ipangaral natin ang mabuting balita taglay ang sigasig, maging sa mga lugar na kung saan ang mga tao ay nagpapakita ng kaunting interes sa mensahe ng Kaharian.—Tito 2:14; Santiago 5:7-10.
Pagiging Matiisin sa Ngayon
17, 18. Anong sinauna at modernong mga halimbawa ang makatutulong sa atin upang makapagtiis?
17 Ang ilan sa mga propeta ni Jehova ay matiising nagtiyaga sa kanilang mga atas sa loob ng mga taon ngunit hindi nila nakita ang katuparan ng kanilang mga hula. Gayunman, ang kanilang matiising pagtitiyaga, malimit na samantalang dumaranas ng masamang pagtrato, ay tumutulong sa ating matanto na maaari nating tuparin ang ating ministeryo. Makikinabang din tayo buhat sa halimbawa ng tapat na mga pinahiran noong naunang mga dekada ng ika-20 siglo. Bagaman ang kanilang makalangit na pag-asa ay hindi agad natupad ayon sa kanilang inaasahan, hindi nila tinulutan na ang pagkabigo sa isang waring pagkaantala ay magpalamig ng kanilang sigasig sa paggawa ng kalooban ng Diyos ayon sa kaniyang pagsisiwalat niyaon sa kanila.
18 Sa loob ng mga taon, marami sa mga Kristiyanong ito ang regular na namahagi ng Ang Bantayan at ang kasamang magasin nito, ang Gumising!, (dating tinawag na The Golden Age at nang malaunan ay Consolation). Buong sigasig na ang mahahalagang magasing ito ay ipinamahagi nila sa mga tao sa mga lansangan at sa kani-kanilang tahanan sa tinatawag natin ngayong mga ruta ng magasin. Isang may edad nang sister na nakatapos sa kaniyang makalupang landasin ang agad na hinanap ng mga dumaraang nasanay nang makita siyang nagpapatotoo sa lansangan. Anong daming patotoo ang naibigay niya sa loob ng kaniyang maraming taon ng tapat na paglilingkuran, gaya ng ipinakikita ng nagpapahalagang mga pangungusap buhat sa mga taong nakapagmasid sa kaniyang pangmadlang ministeryo! Bilang isang tagapaghayag ng Kaharian, ikaw ba ay palagiang nakapagpapasakamay ng Ang Bantayan at Gumising! sa mga taong nakakatagpo mo sa iyong ministeryo?
19. Anong pampatibay-loob ang ibinibigay sa atin ng Hebreo 6:10-12?
19 Isaalang-alang din ang pagtitiis at tapat na paglilingkod ng mga kapatid bilang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Marami sa kanila ang ngayo’y nasa ikasiyam o ikasampung dekada na ng kanilang buhay, subalit sila’y mga tagapaghayag pa rin ng Kaharian na masigasig na nag-aasikaso ng mga tungkuling iniatas sa kanila. (Hebreo 13:7) At kumusta naman ang ibang may edad na may makalangit na pag-asa at maging ang mga “ibang tupa” na matatanda na? (Juan 10:16) Makatitiyak sila na ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang kanilang gawa at ang pag-ibig na ipinakita nila para sa kaniyang pangalan. Kasama ng nakababatang mga kapananampalataya, sana ay makapagtiyaga ang may edad nang mga Saksi ni Jehova sa paggawa ng kanilang makakaya, na nagsasagawa ng pananampalataya at nagtitiis sa paglilingkuran sa Diyos. (Hebreo 6:10-12) Kung magkagayon, maging ito man ay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, sa mga propeta noong una, o sa pamamagitan ng pagkaligtas mismo sa napipintong “malaking kapighatian,” aanihin nila ang mayamang gantimpalang buhay na walang-hanggan.—Mateo 24:21.
20. (a) Ano ang natutuhan mo mula sa “parisan” ng mga propeta? (b) Papaano makatutulong sa atin ang pagtitiis na gaya ng sa mga propeta?
20 Anong inam na parisan ang iniwan sa atin ng mga propeta ng Diyos! Dahil sila’y nagbata ng pagdurusa, nagtiis, at nagpakita ng iba pang maka-Diyos na mga katangian, sila’y nagkapribilehiyo na magsalita sa pangalan ni Jehova. Bilang kaniyang mga Saksi sa modernong panahon, tularan natin sila at maging desidido na gaya ng propetang si Habacuc, na nagpahayag: “Ako’y patuloy na tatayo sa aking bantayan, at ako’y patuloy na lalagay sa moog; at ako’y patuloy na magbabantay, upang makita kung ano ang sasabihin [ng Diyos] sa pamamagitan ko.” (Habacuc 2:1) Magkaroon tayo ng nahahawig na determinasyon samantalang nagtitiis tayo at may kagalakang nagpapatuloy na gumawa ng pangmadlang pagpapahayag sa maluwalhating pangalan ng ating Dakilang Maylikha, si Jehova!—Nehemias 8:10; Roma 10:10.
Nasakyan Mo ba ang mga Puntong Ito?
◻ Anong may lakas-loob na halimbawa ang ipinakita ni propeta Amos?
◻ Sa anu-anong paraan naging isang mainam na halimbawa si propeta Moises?
◻ Papaano maaaring kumilos na gaya nina Amos at Isaias ang mga lingkod ni Jehova sa modernong panahon?
◻ Ano ang matututuhan ng mga ministrong Kristiyano buhat sa paggawi nina Oseas at Joel?
◻ Papaano tayo makikinabang buhat sa mga halimbawa nina Ezekiel at Mikas?
[Larawan sa pahina 16]
Sa kabila ng matinding pagsalansang ni Amazias, ang espiritu ni Jehova ay nagbigay ng kapangyarihan kay Amos upang manghula nang may lakas ng loob
[Larawan sa pahina 18]
Ang tapat na mga pinahiran ay nagpakita ng isang mainam na halimbawa sa pamamagitan ng pagtitiis sa paglilingkuran kay Jehova