Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 10/1 p. 10-15
  • Ang mga Lingkod ng Diyos—Isang Organisado at Maligayang Bayan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Lingkod ng Diyos—Isang Organisado at Maligayang Bayan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Lingkod sa Modernong Panahon Ay Organisado Rin
  • Organisado Ngunit Maligaya
  • Ang Pag-ibig ay Lumilikha ng Kaligayahan
  • Relatibong Kaligayahan Ngayon
  • Tunay na Kaligayahan sa Paglilingkod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Organisado Upang Maglingkod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kung Paano Magiging Maligaya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Maligaya ang mga Naglilingkod sa “Maligayang Diyos”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 10/1 p. 10-15

Ang mga Lingkod ng Diyos​—Isang Organisado at Maligayang Bayan

“Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”​—AWIT 144:15.

1, 2. (a) Bakit si Jehova ang may karapatang magtakda ng mga pamantayan para sa kaniyang mga lingkod? (b) Ano ang dalawa sa mga katangian ni Jehova na lalo nang nais nating tularan?

SI Jehova ang Pansansinukob na Soberano, ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, ang Maylikha. (Genesis 1:1; Awit 100:3) Kaya naman, siya ang may karapatang magtakda ng mga pamantayan ng paggawi para sa kaniyang mga lingkod, sa pagkaalam ng kung ano ang pinakamagaling para sa kanila. (Awit 143:8) At siya ang kanilang Pangunahing Uliran na ang mga katangian ay kailangang tularan nila. “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, gaya ng mga anak na iniibig,” ang isinulat ng isang apostol.​—Efeso 5:1.

2 Ang isang katangian ng Diyos na kailangang tularan natin ay may kinalaman sa organisasyon. Siya’y ‘hindi isang Diyos ng kaguluhan.’ (1 Corinto 14:33) Kung ating maingat na pagmamasdan ang mga bagay na nilalang ng Diyos, tayo’y mapipilitang manghinuha na siya ang pinakaorganisadong Persona sa sansinukob. Gayunman, ang isa pang katangian ng Diyos na ibig niyang tularan ng kaniyang mga lingkod ay ang kaniyang kaligayahan, sapagkat siya “ang maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Sa gayon, ang kaniyang kakayahang mag-organisa ay tinitimbangan ng kaligayahan. Ang isa rito ay hindi pinangingibabaw anupat nakasasama naman doon sa isa.

3. Papaano ipinakikita ng mabituing langit ang kakayahan ng Diyos na mag-organisa?

3 Lahat ng nagawa na ni Jehova, mula sa pinakamalaki hanggang sa pinakamaliit ay nagpapatotoo na siya ay isang Diyos ng kaayusan. Halimbawa, isaalang-alang ang nakikitang sansinukob. Bahagi nito ang libu-libong bilyong bituin. Subalit ang mga ito ay hindi basta nakakalat nang walang kaayusan. Naobserbahan ng astropisikong si George Greenstein na mayroong “isang disenyo ang pagkaorganisa ng mga bituin.” Ang mga iyan ay organisado sa mga grupo na tinatawag na mga galaksi, ang ilan ay may daan-daang bilyong bituin. At tinataya na may bilyun-bilyong galaksi! Ang mga galaksi ay organisado rin, na ang iba sa mga ito (mula sa kakaunti hanggang sa libu-libo) ay sama-sama sa isang kumpol ng mga galaksi. At ang mga kumpol ng mga galaksi ay inaakala na organisado sa lalong malalaking yunit na tinatawag na mga supercluster.​—Awit 19:1; Isaias 40:25, 26.

4, 5. Magbigay ng mga halimbawa ng organisasyon sa mga bagay na may buhay sa lupa.

4 Ang magaling na pagkaorganisa ng mga nilalang ng Diyos ay nakikita sa lahat ng dako, hindi lamang sa nakikitang kalangitan kundi gayundin sa lupa, na may laksa-laksang bagay na may buhay. Tungkol sa lahat ng ito, isinulat ni Paul Davies, isang propesor ng pisika, na ang mga nakapagmasid ay “nanggigilalas” sa “kahanga-hanga at masalimuot na pagkaorganisa ng pisikal na daigdig.”​—Awit 104:24.

5 Isaalang-alang ang ilang halimbawa ng “masalimuot na pagkaorganisa” ng mga bagay na may buhay. Ang siruhanong si Joseph Evans ay nagsabi ng ganito tungkol sa utak at gulugod ng tao: “Halos hindi mo malirip ang katunayan ng pagkadaki-dakilang kaayusan.” Tungkol sa pagkaliit-liit na selulang buháy, ganito ang sabi ng bakteriyologong si H. J. Shaughnessy: “Ang pagkamasalimuot at magandang kaayusan ng mikrobiolohikal na daigdig ay totoong kahanga-hanga ang pagkayari anupat lumilitaw na iyon ay isang bahagi ng isang sistemang itinalaga ng Diyos.” At ang biologo sa molekula na si Michael Denton ay nagsabi tungkol sa genetic code (DNA) sa loob ng isang selula: “Ito’y totoong mahusay anupat lahat ng impormasyon . . . na kailangan upang tiyakin ang pagkadisenyo ng lahat ng uri ng mga organismo na umiral kailanman sa planeta . . . ay maaaring ilagay sa isang kutsarita at may matitira pa ring espasyo para sa lahat ng impormasyon sa bawat aklat na napasulat kailanman.”​—Tingnan ang Awit 139:16.

6, 7. Anong organisasyon ang ipinakikita sa gitna ng espiritung mga nilalang, at papaano sila nagpapahayag ng pagpapahalaga sa kanilang Maylikha?

6 Hindi lamang ang kaniyang materyal na mga paglalang ang inoorganisa ni Jehova kundi inoorganisa rin niya ang kaniyang espiritung mga nilalang sa langit. Sa Daniel 7:10 ay ipinaaalam sa atin na ang mga anghel na may bilang na ‘makasampung libong sampung libo ang laging nakatayo sa harap ni Jehova.’ Isang daang milyong makapangyarihang mga espiritung nilalang ang naroroon upang maglingkod, bawat isa’y inatasan sa kaniyang nararapat gawin! Di-maubos-maisip ang kinakailangang kadalubhasaan upang maorganisa ang gayong napakalaking bilang. Angkop nga, sinasabi ng Bibliya: “Purihin ninyo si Jehova, Oh kayong mga anghel niya, makapangyarihan sa lakas, na gumaganap ng kaniyang salita, sa pamamagitan ng pakikinig sa tinig ng kaniyang salita. Purihin ninyo si Jehova, ninyong lahat [ng anghel] na mga hukbo niya, ninyong mga ministro niya, na gumagawa ng kaniyang kalooban.”​—Awit 103:20, 21; Apocalipsis 5:11.

7 Kay-ganda ng pagkaorganisa at anong husay ng mga gawa ng Maylikha! Hindi nga kataka-takang ang makapangyarihang espiritung mga nilalang sa kalangitan ay magpahayag nang may panggigilalas at pagpapasakop: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na amin ngang Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila ay umiral at nalalang.”​—Apocalipsis 4:11.

8. Anong mga halimbawa ang nagpapakita na inoorganisa ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa lupa?

8 Inoorganisa rin ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa lupa. Nang kaniyang pasapitin ang Delubyo nang kaarawan ni Noe noong 2370 B.C.E., si Noe at ang pito pa ay nakaligtas sa Baha bilang isang pampamilyang organisasyon. Sa Exodo noong 1513 B.C.E., milyun-milyon sa kaniyang bayan ang inilabas ni Jehova buhat sa pagkaalipin sa Ehipto at binigyan sila ng isang detalyadong kodigo ng mga batas upang organisahin ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at pagsamba. At nang maglaon, sa Lupang Pangako, sampu-sampung libo sa kanila ang inorganisa para sa pantanging paglilingkod sa templo. (1 Cronica 23:4, 5) Noong unang siglo, inorganisa ang mga kongregasyong Kristiyano sa ilalim ng patnubay ng Diyos: “Ibinigay niya ang ilan bilang mga apostol, ang ilan bilang mga propeta, ang ilan bilang mga ebanghelisador, ang ilan bilang mga pastol at mga guro, na may kinalaman sa pagbabalik sa ayos ng mga banal, ukol sa ministeryal na gawain.”​—Efeso 4:11, 12.

Ang mga Lingkod sa Modernong Panahon Ay Organisado Rin

9, 10. Papaano inorganisa ni Jehova ang kaniyang bayan sa panahon natin?

9 Gayundin, inorganisa ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa modernong panahon upang mabisa nilang magampanan ang kaniyang gawain sa ating kaarawan​—ang pangangaral ng mabuting balita ng kaniyang Kaharian bago niya wakasan ang kasalukuyang di-maka-Diyos na sistema ng mga bagay. (Mateo 24:14) Isaalang-alang kung ano ang kasangkot sa pangglobong gawaing ito at kung gaano kahalaga ang mabuting pagkaorganisa. Milyun-milyong lalaki, babae, at mga bata ang sinasanay upang magturo sa iba ng mga katotohanan ng Bibliya. Upang makatulong sa pagsasanay na ito, maraming Bibliya at salig-sa-Bibliyang mga publikasyon ang nililimbag. Aba, ang paglilimbag ng bawat labas ng Ang Bantayan ay umaabot ngayon sa mahigit na 16 na milyon sa 118 wika, at ang Gumising! ay mga 13 milyon sa 73 wika. Halos lahat ng labas ay inililimbag nang sabay-sabay kung kaya halos lahat ng lingkod ni Jehova ay tumatanggap ng gayunding impormasyon sa gayunding panahon.

10 Bukod dito, mahigit na 73,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang organisado upang magtipon nang palagian para sa pagtuturo sa Bibliya. (Hebreo 10:24, 25) Mayroon ding libu-libo ng mas malalaking pagtitipon​—pansirkitong mga asamblea at pandistritong mga kombensiyon​—​bawat taon. Nariyan ang malawakang pangglobong pagtatayo ng bago o ipinaaayos na mga Kingdom Hall, mga Assembly Hall, mga tahanang Bethel, at mga pasilidad sa paglilimbag ng mga literatura sa Bibliya. May mga paaralan para sa higit pang pagsasanay ng mga tagapagturo ng Bibliya, tulad halimbawa ng Watchtower Bible School of Gilead para sa mga misyonero at ng Pioneer Service School, na idinaraos sa mga lupain sa buong globo.

11. Anong kapakinabangan sa hinaharap ang darating sa pagkatuto ng mabuting organisasyon ngayon?

11 Anong inam ng pagkaorganisa ni Jehova sa kaniyang bayan sa lupa upang ‘lubusang ganapin ang kanilang ministeryo,’ sa tulong ng kaniyang naglilingkod na mga anghel! (2 Timoteo 4:5; Hebreo 1:13, 14; Apocalipsis 14:6) Sa pamamagitan ng pagtuturo ngayon sa kaniyang mga lingkod ng mga paraan ng mabuting organisasyon, naisasagawa ng Diyos ang isa pang bagay. Ang kaniyang mga lingkod ay inihahandang mainam anupat kung sila’y makaligtas sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, sila’y magiging organisado na upang magsimula ng buhay sa bagong sanlibutan. Kung magkagayon, sa isang organisadong paraan sa ilalim ng patnubay ni Jehova, sisimulan nila ang pagtatayo sa pangglobong Paraiso. Sila’y magiging handang-handa rin upang ituro ang detalyadong mga kahilingan ng Diyos ukol sa buhay sa bilyun-bilyong mga tao na bubuhaying-muli buhat sa mga patay.​—Isaias 11:9; 54:13; Gawa 24:15; Apocalipsis 20:12, 13.

Organisado Ngunit Maligaya

12, 13. Bakit natin masasabing nais ni Jehova na maging maligaya ang kaniyang bayan?

12 Samantalang si Jehova ay isang kahanga-hangang manggagawa at pinakamahusay na organisador, siya’y hindi malamig, mahigpit, o parang makina. Sa halip, siya’y isang napakainit, maligayang Persona na palaisip sa ating kaligayahan. “Siya ay nagmamalasakit sa inyo,” ang sabi sa 1 Pedro 5:7. Nakikita natin ang kaniyang pagmamalasakit at ang kaniyang hangarin na maging maligaya ang kaniyang mga lingkod sa mga ginagawa niya para sa mga tao. Halimbawa, nang lalangin ng Diyos ang sakdal na lalaki at babae, inilagay niya sila sa isang paraiso ng kaluguran. (Genesis 1:26-31; 2:8, 9) Kaniyang binigyan sila ng lahat ng bagay na kailangan nila upang sila’y lubusang lumigaya. Subalit naiwala nila ang lahat ng iyon sa pamamagitan ng paghihimagsik. Bilang bunga ng kanilang pagkakasala, nagmana tayo ng di-kasakdalan at kamatayan.​—Roma 3:23; 5:12.

13 Bagaman di-sakdal ngayon, tayong mga tao ay nakasusumpong pa rin ng kaligayahan sa mga bagay na ginawa ng Diyos. Maraming bagay na nagdudulot sa atin ng kasiyahan​—ang pagkataas-taas na mga bundok; magagandang look, mga ilog, karagatan at mga dalampasigan; makukulay, mababangong bulaklak at iba pang mga halaman na walang-katapusan ang pagkasari-sari; saganang masasarap na pagkain; kamangha-manghang mga paglubog ng araw na walang-sawa nating inaabangan; ang mabituing sangkalangitan na kinawiwilihan nating pagmasdan kung gabi; ang pagkasari-sari ng mga lalang na hayop at ang kaakit-akit nilang mga supling na nakatutuwang maglaro; nakapagpapasiglang musika; kawili-wili at kapaki-pakinabang na gawain; mabubuting kaibigan. Maliwanag na ang Isa na nagsaayos ng gayong mga bagay ay isang maligayang indibiduwal na natutuwang magpaligaya sa iba.

14. Anong pagkakatimbang ang hinihingi ni Jehova sa atin sa pagtulad sa kaniya?

14 Sa gayon, hindi lamang ang kahusayang mag-organisa ang nais ni Jehova. Nais din niya na maging maligaya ang kaniyang mga lingkod, gaya niya na maligaya. Hindi niya nais na sila’y magmistulang mga panatiko sa pag-oorganisa ng mga bagay-bagay anupat nasisira ang kanilang kaligayahan. Ang kahusayang mag-organisa ay kailangang timbangan ng kaligayahan ng mga lingkod ng Diyos, gaya ng kaniyang ginagawa, sapagkat kung nasaan ang kaniyang makapangyarihang banal na espiritu, naroon ang kagalakan. Oo, ipinakikita ng Galacia 5:22 na ang ikalawang bunga ng banal na espiritu ng Diyos na nagpapakilos sa kaniyang bayan ay ang “kagalakan.”

Ang Pag-ibig ay Lumilikha ng Kaligayahan

15. Bakit napakahalaga ng pag-ibig sa ating kaligayahan?

15 Kawili-wiling pansinin na ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8, 16) Ito’y hindi nagsasabi: “Ang Diyos ay organisasyon.” Ang pag-ibig ang pangunahing katangian ng Diyos, at ito’y kailangang tularan ng kaniyang mga lingkod. Kaya naman ang unang bunga ng espiritu ng Diyos na nakatala sa Galacia 5:22 ay “pag-ibig,” at “kagalakan” ang kasunod. Ang pag-ibig ay lumilikha ng kagalakan. Kapag ating tinutularan ang pag-ibig ni Jehova sa ating mga pakikitungo sa iba, ang kasunod ay kaligayahan, sapagkat ang maiibiging tao ay mga taong maliligaya.

16. Papaano ipinakita ni Jesus ang kahalagahan ng pag-ibig?

16 Ang kahalagahan ng pagtulad sa maka-Diyos na pag-ibig ay litaw na litaw sa mga turo ni Jesus. Sinabi niya: “Kung paanong itinuro sa akin ng Ama aking sinasalita ang mga bagay na ito.” (Juan 8:28) Ano, lalo na, ang itinuro kay Jesus na kaniyang itinuro naman sa iba? Iyon ay na ang dalawang pinakadakilang kautusan ay ang ibigin ang Diyos at ibigin ang kapuwa. (Mateo 22:36-39) Ipinakita ni Jesus ang halimbawa ng gayong pag-ibig. Sinabi niya: “Iniibig ko ang Ama,” anupat pinatunayan iyon sa pamamagitan ng paggawa ng kalooban ng Diyos hanggang kamatayan. At ipinakita niya ang kaniyang pag-ibig sa mga tao sa pamamagitan ng pagkamatay alang-alang sa kanila. Ganito ang sabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso: ‘Inibig kayo ng Kristo at ibinigay ang kaniyang sarili para sa inyo.’ (Juan 14:31; Efeso 5:2) Sa gayon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ito ang aking kautusan, na ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.”​—Juan 15:12, 13.

17. Papaano ipinakita ni Pablo na mahalaga ang pagpapahayag ng pag-ibig sa iba?

17 Ipinahayag ni Pablo kung gaano kahalaga ang maka-Diyos na pag-ibig na ito sa pamamagitan ng pagsasabi: “Kung nagsasalita ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel ngunit walang pag-ibig, ako ay naging isang tumutunog na piraso ng tanso o isang tumataguntong na simbalo. At kung mayroon akong kaloob na panghuhula at may kabatiran sa lahat ng sagradong lihim at sa lahat ng kaalaman, at kung taglay ko ang lahat ng pananampalataya upang maglipat ng mga bundok, ngunit walang pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. At kung ibinibigay ko ang lahat ng aking pag-aari upang pakainin ang iba, at kung ibinibigay ko ang aking katawan, upang ako ay makapaghambog, ngunit walang pag-ibig, hindi ako nakikinabang sa paanuman. . . . Nananatili ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, ang tatlong ito; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay pag-ibig.”​—1 Corinto 13:1-3, 13.

18. Ano ang maaasahan natin mula kay Jehova na nagdaragdag sa ating kaligayahan?

18 Kapag tinutularan natin ang pag-ibig ni Jehova, makapagtitiwala tayo sa kaniyang pag-ibig sa atin, kahit na kung tayo’y makagawa ng mga pagkakamali, sapagkat siya ay “isang Diyos na puspos ng kahabagan at mapagkaloob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.” (Exodo 34:6) Kung tayo’y taimtim na nagsisisi kapag nakagagawa tayo ng mga pagkakamali, ang mga ito ay hindi binibilang ng Diyos kundi maibiging pinatatawad tayo. (Awit 103:1-3) Oo, “Si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11) Ang pagkaalam nito ay nagdaragdag sa ating kaligayahan.

Relatibong Kaligayahan Ngayon

19, 20. (a) Bakit hindi posible ngayon ang lubusang kaligayahan? (b) Papaano ipinakikita ng Bibliya na maaari tayong magkaroon ng relatibong kaligayahan sa panahong ito?

19 Gayunman, posible ba na maging maligaya ngayon, yamang tayo ay nabubuhay sa mga huling araw ng lipos-ng-krimen, marahas, imoral na sanlibutang ito sa ilalim ni Satanas, na kung saan ang sakit at kamatayan ay nakaharap sa atin? Mangyari pa, hindi natin maaasahan ngayon ang antas ng kaligayahan na iiral sa bagong sanlibutan ng Diyos, gaya ng inihula ng kaniyang Salita: “Narito ako’y lumilikha ng mga bagong langit at ng bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi na maaalaala, ni mapapasapuso man. Ngunit mangatuwa, kayong mga tao, at mangagalak magpakailanman sa aking nililikha.”​—Isaias 65:17, 18.

20 Ang maaaring taglayin ngayon ng mga lingkod ng Diyos ay relatibong kaligayahan dahil sa alam nila ang kaniyang kalooban at may tumpak na kaalaman ng kamangha-manghang mga pagpapalang malapit nang dumating sa kaniyang malaparaisong bagong sanlibutan. (Juan 17:3; Apocalipsis 21:4) Iyan ang dahilan kung bakit ang Bibliya ay makapagsasabi: “Oh Jehova ng mga hukbo, maligaya ang tao na nagtitiwala sa iyo,” “maligaya ang bawat natatakot kay Jehova, na lumalakad sa kaniyang mga daan,” “maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang kanilang mamanahin ang lupa.” (Awit 84:12; 128:1; Mateo 5:5) Sa gayon, sa kabila ng kasalukuyang mahihirap na kalagayan na kailangang harapin natin, maaari tayong magkaroon ng malaking kaligayahan. Kahit na kung may masasamang bagay na mangyari sa atin, hindi tayo nalulungkot na gaya niyaong mga hindi nakakakilala kay Jehova at yaong mga walang pag-asa ng buhay na walang-hanggan.​—1 Tesalonica 4:13.

21. Papaano nakadaragdag sa kaligayahan ng mga lingkod ni Jehova ang pagbibigay nila ng kanilang sarili?

21 Ang kaligayahan ay dumarating din sa mga lingkod ni Jehova sapagkat sila’y gumugugol ng panahon, lakas, at mga tinatangkilik sa pagtuturo ng mga katotohanan ng Bibliya sa iba, lalo na sa mga tao na ‘nagbubuntung-hininga at naghihinagpis dahil sa lahat ng kasuklam-suklam’ na nangyayari sa sanlibutan ni Satanas. (Ezekiel 9:4) Ang Bibliya ay nagsasabi: “Maligaya ang sinuman na kumikilos nang may konsiderasyon sa mga dukha; sa araw ng kasakunaan si Jehova ay maglalaan ng kaligtasan para sa kaniya. Si Jehova mismo ang magbabantay sa kaniya at mag-iingat sa kaniya nang buháy. Siya’y tatawaging maligaya sa lupa.” (Awit 41:1, 2) Gaya ng sabi ni Jesus, “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

22. (a) Kung tungkol sa kaligayahan, ipakita ang pagkakaiba ng mga lingkod ng Diyos sa mga hindi naglilingkod sa kaniya. (b) Sa anong natatanging dahilan maaasahan natin na tayo’y magiging maligaya?

22 Kaya samantalang ang mga lingkod ng Diyos ay hindi makaaasa ng lubusang kaligayahan sa kasalukuyang panahon, sila’y maaaring magtamo ng kaligayahan na hindi tinatamasa ng mga hindi naglilingkod sa Diyos. Ipinahayag ni Jehova: “Narito! Ang aking mga lingkod ay sisigaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso, subalit kayo mismo ay magsisihiyaw dahil sa kirot ng puso at kayo ay papalahaw dahil sa ganap na pagkabagbag ng espiritu.” (Isaias 65:14) At, yaong mga naglilingkod sa Diyos ay may lubhang natatanging dahilan ng kaligayahan ngayon​—taglay nila ang kaniyang banal na espiritu na “ibinigay ng Diyos doon sa mga sumusunod sa kaniya bilang tagapamahala.” (Gawa 5:32) At tandaan, kung saan naroroon ang espiritu ng Diyos, naroroon ang kaligayahan.​—Galacia 5:22.

23. Ano ang isasaalang-alang natin sa ating susunod na pag-aaral

23 Sa organisasyon ng mga lingkod ng Diyos sa ngayon, isang mahalagang bahagi ang ginagampanan ng “nakatatandang mga lalaki,” ang matatanda, na nangunguna sa mga kongregasyon, anupat nagdaragdag sa kaligayahan ng bayan ni Jehova. (Tito 1:5) Papaano dapat malasin ng mga ito ang kanilang mga pananagutan at ang kaugnayan nila sa kanilang espirituwal na mga kapatid? Tatalakayin ito sa ating susunod na artikulo.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Papaano nagpapatotoo ang paglalang sa pagiging organisado ni Jehova?

◻ Papaano inorganisa ni Jehova ang kaniyang mga lingkod noong nakaraan at sa kasalukuyan?

◻ Anong pagkakatimbang ang nais ni Jehova na ipakita natin?

◻ Gaano kahalaga ang pag-ibig sa ating kaligayahan?

◻ Anong uri ng kaligayahan ang maaasahan natin sa ating panahon?

[Picture Credit Line sa pahina 10]

Itaas: Sa Kagandahang-loob ng ROE/Anglo-Australian Observatory, kuha ni David Malin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share