Pagdurusa ng Tao—Bakit Kaya ito Pinapayagan ng Diyos?
SA PASIMULA ng kasaysayan ng tao, totoong walang mga luha ng kalungkutan o ng kirot. Hindi nagdurusa ang mga tao. Ang sangkatauhan ay binigyan ng isang sakdal na pasimula. “Nakita ng Diyos ang lahat ng kaniyang nilikha at, narito! napakabuti.”—Genesis 1:31.
Subalit tumututol ang ilan, ‘Isa lamang talinghaga ang kuwento tungkol kina Adan at Eva sa halamanan ng Eden.’ Nakalulungkot, ganito ang sinasabi ng marami sa mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan. Gayunman, si Jesu-Kristo mismo na may taglay ng mataas na awtoridad ang nagpatunay na makasaysayan ang mga pangyayari sa Eden. (Mateo 19:4-6) Isa pa, ang tanging paraan upang maunawaan kung bakit pinapayagan ng Diyos ang pagdurusa ng tao ay ang suriin ang mga pangyayaring ito sa maagang kasaysayan ng tao.
Ang unang tao, si Adan, ay binigyan ng kasiya-siyang gawain ng pangangalaga sa halamanan ng Eden. Gayundin, inilagay ng Diyos sa harap niya ang tunguhin na palawakin ang kaniyang Edenikong tahanan upang maging isang pangglobong halamanan ng kaluguran. (Genesis 1:28; 2:15) Upang tulungan si Adan na gampanan ang malaking trabahong ito, pinaglaanan siya ng Diyos ng isang asawa, si Eva, at sinabihan sila na magpalaanakin at magpakarami at supilin ang lupa. Ngunit may isang bagay pa na kailangan upang tiyakin ang tagumpay ng layunin ng Diyos para sa lupa at sa sangkatauhan. Yamang nilikha sa larawan ng Diyos, taglay ng tao ang malayang kalooban; kaya naman, mahalaga na ang kalooban ng tao ay hindi kailanman sumalungat sa kalooban ng Diyos. Kung hindi, magkakagulo sa sansinukob, at ang layunin ng Diyos na punuin ang lupa ng mapayapang sambahayan ng tao ay hindi matutupad.
Hindi naman awtomatiko ang pagpapasakop sa pamamahala ng Diyos. Iyon ay magiging isang maibiging kapahayagan ng malayang kalooban ng tao. Halimbawa, mababasa natin na noong nakaharap si Jesus sa isang matinding pagsubok, siya’y nanalangin: “Ama, kung nais mo, alisin mo ang kopang ito sa akin. Gayunpaman, maganap nawa, hindi ang aking kalooban, kundi ang sa iyo.”—Lucas 22:42.
Gayundin naman, nakadepende kina Adan at Eva ang magpatunay kung sila man ay may ibig na magpasakop sa pamamahala ng Diyos. Sa layuning ito, isinaayos ni Jehova ang isang simpleng pagsubok. Ang isa sa mga punungkahoy sa halamanan ay tinawag na “ang punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at ng masama.” Kumakatawan iyon sa karapatan ng Diyos na magtakda ng mga pamantayan ng wastong paggawi. Sa simpleng pananalita, ipinagbawal ng Diyos ang pagkain ng bunga ng partikular na punungkahoy na ito. Kung sumuway sina Adan at Eva, magbubunga iyon ng kanilang kamatayan.—Genesis 2:9, 16, 17.
Ang Pasimula ng Pagdurusa ng Tao
Isang araw isang espiritung anak ng Diyos ang nangahas na tutulan ang paraan ng pamamahala ng Diyos. Sa pamamagitan ng paggamit sa isang ahas bilang paraan ng pakikipagtalastasan, tinanong niya kay Eva: “Talaga nga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng bunga ng bawat punò sa halamanan?” (Genesis 3:1) Sa gayo’y napatanim sa isip ni Eva ang binhi ng pag-aalinlangan kung ang paraan nga kaya ng pamamahala ng Diyos ay tama.a Bilang tugon ibinigay ni Eva ang tamang sagot, na nalaman niya buhat sa kanyang asawa. Gayunman, sinalungat ng espiritung nilalang ang Diyos at nagsinungaling tungkol sa kahihinatnan ng pagsuway, sa pagsasabing: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo niyaon madidilat ang inyong mga mata at kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”—Genesis 3:4, 5.
Nakalulungkot, si Eva ay nadaya na isiping ang pagsuway ay magbubunga, hindi ng pagdurusa ng tao, kundi ng isang mas mainam na buhay. Habang lalo niyang pinagmamasdan ang bungangkahoy, lalo itong nagiging waring kanais-nais, at siya’y nagsimulang kumain niyaon. Nang dakong huli, hinikayat niya si Adan na kumain din nito. Nakapanlulumo naman, pinili ni Adan na mapanatili ang pabor ng kaniyang asawa sa halip na ang sa Diyos.—Genesis 3:6; 1 Timoteo 2:13, 14.
Sa pamamagitan ng pag-uudyok ng paghihimagsik na ito, ginawa ng espiritung nilalang na ito ang kaniyang sarili na isang mananalansang sa Diyos. Kaya naman siya ay tinawag na Satanas, mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “mananalansang.” Nagsinungaling din siya tungkol sa Diyos, anupat ginawa ang kaniyang sarili na isang maninirang-puri. Kaya naman, siya ay tinatawag ding Diyablo, mula sa salitang Griego na nangangahulugang “maninirang-puri.”—Apocalipsis 12:9.
Sa gayon, nagsimula ang pagdurusa ng tao. Tatlo sa mga nilikha ng Diyos ang may kamaliang gumamit ng kanilang kaloob na malayang kalooban, na pinili ang mapag-imbot na paraan ng pamumuhay na salungat sa kanilang Maylikha. Ang tanong ngayon na bumangon, Papaano lulutasin ng Diyos ang paghihimagsik na ito sa isang makatarungang paraan na magsasauli ng pagtitiwala ng nalalabi sa kaniyang matatalinong nilikha, kasali na ang tapat na mga anghel sa langit at ang magiging mga inapo nina Adan at Eva sa hinaharap?
Ang May-Karunungang Tugon ng Diyos
Maaaring mangatuwiran ang ilan na pinakamagaling sana kung nilipol kaagad ng Diyos sina Satanas, Adan, at Eva. Subalit iyan ay hindi lulutas sa isyung ibinangon ng paghihimagsik. Tinutulan ni Satanas ang paraan ng pamamahala ng Diyos, anupat ipinahihiwatig na ang mga tao ay mas mapapabuti kung hihiwalay sa pamamahala ng Diyos. Gayundin, ang kaniyang tagumpay sa pag-uudyok sa unang dalawang tao upang tumalikod sa pamamahala ng Diyos ay nagbangon ng iba pang mga usapin. Yamang nagkasala sina Adan at Eva, nangahulugan ba ito na may isang bagay na mali sa paraan ng pagkalalang ng Diyos sa tao? Mayroon kayang sinuman dito sa lupa na mananatiling tapat sa Diyos? At kumusta naman ang tungkol sa anghel na mga anak ni Jehova na nakasaksi sa paghihimagsik ni Satanas? Itataguyod kaya nila ang pagkamatuwid ng Kaniyang soberanya? Maliwanag, sapat na panahon ang kailangan upang lutasin ang mga usaping ito. Kaya naman pinayagan ng Diyos na umiral si Satanas hanggang sa ating kaarawan.
Kung tungkol naman kina Adan at Eva, nang araw na sila ay sumuway, kamatayan ang inihatol sa kanila ng Diyos. Sa gayon nagsimula ang kamatayan. Ang kanilang mga inapo, na ipinaglihi matapos na magkasala sina Adan at Eva, ay nagmana ng kasalanan at kamatayan buhat sa kanilang di-sakdal na mga magulang.—Roma 5:14.
Nagsimula si Satanas na ang kakampi sa usapin ay ang unang dalawang tao. Ginagamit niya ang panahong ipinahintulot sa kaniya upang sikaping supilin ang lahat ng mga inapo ni Adan. Nagtagumpay rin siya sa paghikayat sa maraming anghel upang sumama sa kaniya sa paghihimagsik. Gayunman, ang karamihan sa anghel na mga anak ng Diyos ay may katapatang nagtaguyod sa pagkamakatuwiran ng pamamahala ni Jehova.—Genesis 6:1, 2; Judas 6; Apocalipsis 12:3, 9.
Ang usapin ay tungkol sa pamamahala ng Diyos laban sa pamamahala ni Satanas, isang usaping umiiral pa rin noong kaarawan ni Job. Pinatunayan ng tapat na lalaking ito sa pamamagitan ng kaniyang paggawi na pinili niya ang matuwid na pamamahala ng Diyos kaysa tulad-satanas na pagsasarili, gaya ng ginawa ng may takot sa Diyos na mga lalaking gaya nina Abel, Enoc, Noe, Abraham, Isaac, Jacob, at Jose. Si Job ay naging paksa ng isang pag-uusap na naganap sa langit sa harap ng tapat ng mga anghel ng Diyos. Bilang pagtangkilik sa Kaniyang matuwid na pamamahala, sinabi ng Diyos kay Satanas: “Iyo bang pinagbuhusan ng pansin ang aking lingkod na si Job, na walang gaya niya sa lupa, isang lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at humihiwalay sa kasamaan?”—Job 1:6-8.
Palibhasa’y ayaw aminin ang pagkatalo, nagparatang si Satanas na kaya lamang naglilingkod si Job sa Diyos ay dahil sa mapag-imbot na mga hangarin, yamang saganang pinagpala ng Diyos si Job ng materyal na kaunlaran. Kaya iginiit ni Satanas: “Para mapaiba naman, pakisuyong iunat mo ang iyong kamay at galawin ang lahat ng taglay niya at tingnan mo kung hindi ka niya itatakwil nang mukhaan.” (Job 1:11) Lumabis pa nga si Satanas, anupat tinutulan ang katapatan ng lahat ng nilikha ng Diyos. “Lahat ng taglay ng tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa,” ang paratang niya. (Job 2:4) Sa mapanirang-puring pag-atakeng ito ay kasangkot hindi lamang si Job kundi lahat ng tapat na mananamba ng Diyos sa langit at sa lupa. Ipinahiwatig ni Satanas na tatalikuran nila ang kanilang kaugnayan kay Jehova kung nakataya ang kanilang buhay.
May lubos na tiwala si Jehova sa katapatan ni Job. Bilang katunayan nito, pinayagan niya si Satanas na magdulot ng pagdurusa kay Job. Sa pamamagitan ng kaniyang katapatan hindi lamang ipinagbangong-puri ni Job ang kaniyang sariling pangalan kundi, lalong mahalaga, itinaguyod niya ang pagkamatuwid ng soberanya ni Jehova. Napatunayang sinungaling ang Diyablo.—Job 2:10; 42:7.
Gayunman, ang pinakamainam na halimbawa ng katapatan sa ilalim ng pagsubok ay si Jesu-Kristo. Inilipat ng Diyos ang buhay ng anghel na Anak na ito buhat sa langit tungo sa bahay-bata ng isang birhen. Samakatuwid ay hindi nagmana si Jesus ng kasalanan at kamatayan. Sa halip siya ay lumaki bilang isang sakdal na tao, ang eksaktong katumbas ng unang tao bago nito naiwala ang kaniyang kasakdalan. Ginawa ni Satanas na isang pantanging tudlaan si Jesus, na dinalhan siya ng maraming tukso at pagsubok, anupat ang kasukdulan ay isang hamak na kamatayan. Subalit nabigo si Satanas na sirain ang katapatan ni Jesus. Sa isang lubusang paraan, itinaguyod ni Jesus ang pagkamatuwid ng pamamahala ng kaniyang Ama. Pinatunayan din niya na ang sakdal na taong si Adan ay walang dahilan upang makisali sa paghihimagsik ni Satanas. Maaari sanang naging tapat si Adan sa ilalim ng gayong mas maliit na pagsubok.
Ano Pa Ang Napatunayan?
Mga 6,000 taon ng pagdurusa ng tao ang lumipas sapol nang maghimagsik sina Adan at Eva. Sa panahong ito ay pinayagan ng Diyos na mag-eksperimento ang sangkatauhan ng iba’t ibang anyo ng pamahalaan. Ang kalagim-lagim na rekord ng pagdurusa ng tao ay nagpapatunay na hindi kaya ng tao na mamahala sa kaniyang sarili. Sa katunayan, umiiral ngayon ang anarkiya sa maraming dako sa lupa. Ang kasarinlan buhat sa Diyos, gaya ng ipinagtatanggol ni Satanas, ay kapaha-pahamak.
Hindi naman kailangang patunayan ni Jehova ang anuman sa kaniyang sarili. Alam niya na ang kaniyang paraan ng pamamahala ay matuwid at ukol sa pinakamagaling na kapakanan ng kaniyang mga nilikha. Gayunman, upang may kasiyahang masagot ang lahat ng tanong na ibinangon ng paghihimagsik ni Satanas, binigyan niya ng pagkakataon ang kaniyang matatalinong nilikha upang ipakita na pinipili nila ang kaniyang matuwid na pamamahala.
Ang mga gantimpala sa pag-ibig sa Diyos at sa pagiging tapat sa kaniya ay makapupong higit sa pansamantalang yugto ng pagdurusa sa kamay ng Diyablo. Inilalarawan ito sa kaso ni Job. Pinagaling ng Diyos si Job buhat sa sakit na pinasapit sa kaniya ng Diyablo. Bukod dito, “pinagpala [ng Diyos] ang wakas ni Job nang higit kaysa kaniyang pasimula.” Sa wakas, pagkatapos pahabain pa ng 140 taon ang kaniyang buhay, “namatay si Job, matanda na at nasisiyahan sa kaniyang kaarawan.”—Job 42:10-17.
Itinawag-pansin ito ng Kristiyanong manunulat ng Bibliya na si Santiago, na nagsasabi: “Narinig ninyo ang pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova, na si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at madamayin.”—Santiago 5:11, talababa.
Tapos na ang panahon para kay Satanas at sa kaniyang sanlibutan. Di na magtatagal, itutuwid ng Diyos ang lahat ng pagdurusa na idinulot sa sangkatauhan ng paghihimagsik ni Satanas. Kahit ang mga patay ay bubuhaying-muli. (Juan 11:25) Kung magkagayon, ang tapat na mga taong gaya ni Job ay magkakaroon ng pagkakataong magtamo ng buhay na walang-hanggan sa isang paraisong lupa. Ang mga pagpapalang ito sa hinaharap na ibubuhos ng Diyos sa kaniyang mga lingkod ay magbabangong-puri sa kaniya higit kailanman bilang ang matuwid na Soberano na tunay ngang “napakamagiliw sa pagmamahal at madamayin.”
[Talababa]
a Isang abogado at awtor noong pasimula ng ika-20 siglo, si Philip Mauro, na nagsuri tungkol sa isyung ito sa kaniyang pagtalakay ng “Pinagmulan ng Kasamaan,” ang nanghinuha na ito “ang sanhi ng lahat ng suliranin ng sangkatauhan.”
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 8]
MALULUPIT NA DIYOS NG MGA TAO
ANG sinaunang mga diyos ay madalas na inilalarawan bilang mga uhaw-sa-dugo at masasakim. Upang payapain sila, sinusunog pa man din ng mga magulang ang kanilang mga anak nang buháy. (Deuteronomio 12:31) Sa kabilang panig naman, itinuro ng mga paganong pilosopo na ang Diyos ay walang gayong damdamin ng pagkagalit o pagkahabag.
Ang kinasihan-ng-demonyong mga pangmalas ng mga pilosopong ito ay nakaimpluwensiya sa tinaguriang bayan ng Diyos, ang mga Judio. Ang pilosopong Judio na si Philo, kasabayan ni Jesus, ay nagpahayag na ang Diyos ay “hindi madaling magsilakbo sa anumang damdamin.”
Hindi rin nakaligtas sa impluwensiya ng pilosopyang Griego maging ang istriktong sekta ng mga Judio. Tinanggap nila ang mga turo ni Plato na ang tao ay mula sa walang-kamatayang kaluluwa na nakakulong sa katawan ng isang tao. Isa pa, ayon sa unang-siglong istoryador na si Josephus, naniniwala raw ang mga Fariseo na ang mga kaluluwa ng balakyot na mga tao ay “dumaranas ng walang-hanggang pagpaparusa.” Gayunman, walang ibinibigay na saligan ang Bibliya para sa gayong pangmalas.—Genesis 2:7; 3:19; Eclesiastes 9:5; Ezekiel 18:4.
Kumusta naman ang mga tagasunod ni Jesus? Hinayaan ba nila ang kanilang mga sarili na maimpluwensiyahan ng paganong pilosopiya? Palibhasa’y nahalata nila ang panganib na ito, nagbabala si apostol Pablo sa kapuwa mga Kristiyano: “Maging mapagbantay: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-lamang panlilinlang alinsunod sa tradisyon ng mga tao, alinsunod sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi alinsunod kay Kristo.”—Colosas 2:8; tingnan din ang 1 Timoteo 6:20.
Nakalulungkot, ilang tinaguriang mga tagapangasiwang Kristiyano noong ikalawa at ikatlong siglo ang nagwalang-bahala sa babalang iyan at nagturo na ang Diyos ay walang pakiramdam. Sinasabi ng The Encyclopedia of Religion: “Sa kabuuan, ang mga katangian ng Diyos ay naunawaan batay sa sinasabi tungkol dito ng Judio at pilosopyang kaisipan ng panahong iyon . . . Ang idea na ang Diyos Ama ay may damdamin gaya ng pagkahabag . . . ay karaniwan nang di-matanggap sa papaano man hanggang sa bandang dulo ng ikadalawampung siglo.”
Sa gayon, tinanggap ng Sangkakristiyanuhan ang maling turo ng isang malupit na diyos na nagpaparusa sa mga makasalanan sa pamamagitan ng pagpaparanas sa kanila ng namamalayan at walang-katapusang pagpapahirap. Sa kabilang dako naman, maliwanag na sinasabi ng Diyos sa kaniyang Salita, ang Bibliya, na “ang kabayaran na ibinabayad sa kasalanan ay kamatayan,” hindi walang-hanggan at namamalayang pagpapahirap.—Roma 6:23.
[Credit Lines]
Itaas: Acropolis Museum, Gresya
Sa Kagandahang-loob ng The British Museum
[Larawan sa pahina 7]
Ang layunin ng Diyos na baguhin ang lupa upang maging isang paraisong tulad-Eden ay kailangang matupad!