Ano ang Kahulugan sa Iyo ng Pasko?
Papaano mo sasagutin? Ang Pasko ay (1) panahon upang makapiling ang iyong pamilya; (2) panahon para sa mga handaan; (3) panahong relihiyoso; (4) panahon ng kaigtingan; (5) panahon ng pag-alaala sa nakalipas; (6) panahon ng kapuna-punang komersiyalismo.
BAGAMAN waring nakapagtataka, sa mahigit na 1,000 katao na sinurbey sa Britanya, 6 na porsiyento lamang ang naniniwalang ang Pasko ay pangunahin nang isang relihiyosong okasyon. Sa kabaligtaran, 48 porsiyento ang nag-aakalang ang Pasko ay karaniwan nang isang panahon upang makapiling ang kanilang pamilya. Oo, iginigiit ng marami na iyon ay isang natatanging panahon para sa mga bata. Bilang halimbawa, nang tanungin kung ano ang gustung-gusto niya tungkol sa Pasko, isang 11-taóng-gulang na batang babae ang sumagot: “Ang pananabik, ang pagkadama ng kaligayahan, [at] ang pagbibigayan ng mga regalo.” Sumasang-ayon ang The Making of the Modern Christmas na “ang pinakamatitinding pagdiriin sa . . . ‘tradisyunal’ na Pasko ay walang-alinlangang sa tahanan, sa pamilya at lalung-lalo na sa mga bata.”
Subalit ang Pasko ay isang pampamilyang okasyon lalung-lalo na sa kanluraning Sangkakristiyanuhan, kung saan ang magkakamag-anak ay nagsasama-sama upang magpalitan ng mga regalo. Sa mga bansa na malaki ang impluwensiya ng Eastern Orthodox Church, mas mahalaga sa mga tao ang Pasko-ng-Pagkabuhay; gayunman, ang Kapaskuhan ay karaniwan nang panahon ng pagbabakasyon.
Isang “Operasyong Pangnegosyo”
Ang Pasko ay “dumaraan sa isang proseso ng kapuna-punang . . . pagnenegosyo,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica. Totoong-totoo ito sa Hapón higit saanman.
“Tinalikuran na ng mga Hapones ang lahat ng pag-aangking relihiyoso at ang Pasko ay ginawang isang lubusang operasyong pangnegosyo,” ulat ng Daily Record ng Washington. Idinagdag pa nito na ang Pasko sa Hapón ay “isang malaking pagdiriwang na punung-punô ng komersiyalismo at may bahagyang anyong relihiyoso.”
Kahit sa maraming di-umano’y mga bansang Kristiyano, ang “anyong relihiyoso” na ito ay kalimitan nang mahirap makita. Mga 40 taon na ang nakaraan, ganito ang hinagpis na nasa isang pulyetong laban sa Pasko: “Ang Pasko ay pinasisigla ng daigdig ng komersiyo. Ito ang pinakatampok na panahon sa taon kung tungkol sa pagkita ng salapi. Inaasam-asam ng tinaguriang Kristiyanong mga negosyante ang Kapaskuhan, hindi dahil kay Kristo, kundi dahil sa kikitain.” Totoong-totoo nga ang gayong mga salita sa ngayon! Sa maraming lupain, madalas tayong makarinig ng mga paalaala tungkol sa kung ilang araw pa ang natitira upang bumili ng mga regalo para sa susunod na Pasko kahit na bago pa sumapit ang huling tatlong buwan ng taon. Mas mabilis ang takbo ng negosyo habang papatapos na ang taon, anupat ang ikaapat na bahagi ng taunang benta ng mga tindahan ay mula sa Kapaskuhan.
Anuman ang kahulugan sa iyo ngayon ng Pasko, makabubuting isipin kung papaano ito nagsimula. Sa katunayan, sinusuhayan ba ng Bibliya ang pagbibigayan ng regalo kung Pasko? Ang mga pagdiriwang ba ng Pasko sa ngayon ay tunay na maka-Kristiyano? Tingnan natin.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover: Thomas Nast/Dover Publications, Inc., 1978