Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 12/15 p. 8-13
  • Magagawa Kang Makapangyarihan ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magagawa Kang Makapangyarihan ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kapangyarihan sa Pamamagitan ng Kaniyang Anak
  • Ginawang Makapangyarihan sa Colosas
  • Binigyang-Kapangyarihan Din Naman Ngayon
  • Pagbibigay-Kapangyarihan sa Anong Layunin?
  • Aklat ng Bibliya Bilang 51—Mga Taga-Colosas
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Tulungan ang Iba na Lumakad Nang Karapat-dapat kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • “Saliksikin Ninyo si Jehova at ang Kaniyang Lakas”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • “Si Jehova ay . . . Napakamakapangyarihan”
    Maging Malapít kay Jehova
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 12/15 p. 8-13

Magagawa Kang Makapangyarihan ni Jehova

“Siya’y nagbibigay ng kapangyarihan sa nanghihina; at sa isang walang dinamikong lakas ay pinasasagana niya ang buong kalakasan.”​—ISAIAS 40:29.

1, 2. Anu-ano ang ilang katibayan ng saganang kapangyarihan ni Jehova?

SI Jehova ay isang Diyos na “sagana sa kapangyarihan.” Makikita natin ang katibayan ng kaniyang “walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos” mula sa karingalan ng mga bagay na kaniyang nilalang. Yaong ayaw kumilala sa ganitong mga patotoo ng kaniyang pagiging siyang Maylalang ay di-mapagpapaumanhinan.​—Awit 147:5; Roma 1:19, 20.

2 Lalo pa ngang napatutunayan ang kapangyarihan ni Jehova habang ang mga siyentipiko ay patuloy sa pagtatangkang maabot ang sansinukob, ang di-mabilang na mga galaksi na ang layò ay umaabot sa daan-daang milyong light-year (distansiya ng nilalakbay ng liwanag sa isang taon). Sa isang madilim ngunit naaaninag na gabi, tumitig ka sa langit at tingnan kung hindi mo madarama ang katulad ng nadama ng salmista: “Pagka natatanaw ko ang iyong mga langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal upang iyong alalahanin siya, at ang anak ng makalupang tao upang iyong pangalagaan siya?” (Awit 8:3, 4) At totoong gayon na lamang ang pangangalaga ni Jehova sa mga tao, sa atin! Pinaglaanan niya ang unang lalaki at babae ng isang magandang makalupang tahanan. Maging ang lupa nito ay may kapangyarihan​—upang sibulan ng mga pananim, na nagbibigay ng masusustansiya, malilinis na pagkain. Ang tao at mga hayop ay kumukuha ng pisikal na lakas mula sa pagpapamalas na ito ng kapangyarihan ng Diyos.​—Genesis 1:12; 4:12; 1 Samuel 28:22.

3. Bukod sa aktuwal na mga bagay sa sansinukob, ano pa ang nagpapamalas ng kapangyarihan ng Diyos?

3 Bukod sa pagiging kaakit-akit ng mga langit at pagiging kaaya-aya ng daigdig ng mga halaman at hayop, ang mga ito’y nagpapamalas din sa atin ng kapangyarihan ng Diyos. Sumulat si apostol Pablo: “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula sa paglalang sa sanlibutan patuloy, sapagkat napag-uunawa ang mga iyon sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” (Roma 1:20) Subalit may iba pang katibayan ng kaniyang kapangyarihan na karapat-dapat pag-ukulan ng ating pansin at pagpapahalaga. ‘Ano kaya,’ marahil ay ipagtataka mo, ‘ang hihigit pa kaysa sa sansinukob bilang pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos?’ Ang sagot ay si Jesu-Kristo. Sa katunayan, sa ilalim ng pagkasi ay sinabi ni apostol Pablo na si Kristo na ipinako ay “ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos.” (1 Corinto 1:24) ‘Bakit nagkagayon?’ marahil ay itatanong mo, ‘At ano ang kinalaman nito sa aking buhay sa ngayon?’

Ang Kapangyarihan sa Pamamagitan ng Kaniyang Anak

4. Papaano ipinakita ang kapangyarihan ng Diyos may kaugnayan sa kaniyang Anak?

4 Ang kapangyarihan ng Diyos ay unang nahayag nang lalangin niya ang kaniyang bugtong na Anak, ayon sa kaniyang larawan. Ang espiritung Anak na ito ay naglingkod kay Jehova bilang isang “dalubhasang manggagawa” sa pamamagitan ng paggamit ng saganang kapangyarihan ng Diyos sa gawang paglalang sa lahat ng iba pang mga bagay. (Kawikaan 8:22, 30) Sumulat si apostol Pablo sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano sa Colosas: “Sa pamamagitan niya ang lahat ng iba pang mga bagay ay nilalang sa mga langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita . . . Lahat ng iba pang mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya.”​—Colosas 1:15, 16.

5-7. (a) Sa nakalipas, papaano nasangkot ang mga tao sa pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos? (b) Anu-anong dahilan mayroon upang maniwalang ang kapangyarihan ng Diyos ay maaaring ipamalas kung tungkol sa mga Kristiyano sa ngayon?

5 Tayo’y bahagi ng ‘mga bagay na nilalang sa ibabaw ng lupa.’ Kaya maaari nga bang ipaabot sa ating mga tao ang kapangyarihan ng Diyos? Buweno, sa panahon ng pakikitungo ng Diyos sa di-sakdal na mga tao, sa pana-panahon ay ipinagkakaloob na ni Jehova sa kaniyang mga lingkod ang dagdag na lakas upang matupad nila ang kaniyang mga layunin. Alam ni Moises na, sa pangkalahatan, ang di-sakdal na mga tao ay nabubuhay nang 70 o 80 taon. (Awit 90:10) Kumusta naman si Moises mismo? Siya’y nabuhay hanggang 120 taóng gulang, gayunman “ang kaniyang mata’y hindi lumabo, ni ang kaniyang mahalagang lakas ay tumakas.” (Deuteronomio 34:7) Bagaman iyan ay hindi nangangahulugang pinahahaba ng Diyos ang buhay ng bawat lingkod niya o pinananatili ang gayong kalakasan, pinatutunayan naman nito na kayang bigyan ni Jehova ng kapangyarihan ang mga tao.

6 Ang isa pang pagpapakita ng kakayahan ng Diyos na magbigay ng kapangyarihan sa mga lalaki at mga babae ay ang ginawa niya sa asawa ni Abraham. “Si Sara mismo ay tumanggap ng kapangyarihan na maglihi ng binhi, kahit lampas na siya sa takdang gulang, yamang itinuring niyang tapat siya na nangako.” O tingnan kung papaano nagbigay ang Diyos ng kapangyarihan sa mga hukom at sa iba pa sa Israel: “Kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David at gayundin kay Samuel at sa iba pang mga propeta, na . . . mula sa mahinang kalagayan ay nagawang makapangyarihan.”​—Hebreo 11:11, 32-34.

7 Ang gayong kapangyarihan ay maaari ring umiral sa ating kalagayan. Aba, hindi naman tayo umaasang manganganak sa pamamagitan ng himala, ni makapagpapakita ng kalakasang gaya ng kay Samson. Ngunit maaari tayong maging makapangyarihan, gaya ng binanggit ni Pablo sa karaniwang mga tao sa Colosas. Oo, sumulat si Pablo sa mga lalaki, mga babae, at mga bata, tulad ng ating nakikita sa mga kongregasyon sa ngayon, at sinabi niyang sila’y “ginagawang makapangyarihan taglay ang buong kapangyarihan.”​—Colosas 1:11.

8, 9. Noong unang siglo, papaano naging maliwanag ang kapangyarihan ni Jehova may kinalaman sa mga taong tulad natin?

8 Sa panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, nilinaw ni Jehova na ang kaniyang kapangyarihan ay kumikilos sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Halimbawa, noong nagkakatipon ang mga tao kay Jesus sa Capernaum, “Ang kapangyarihan ni Jehova ay naroon upang siya ay gumawa ng pagpapagaling.”​—Lucas 5:17.

9 Kasunod ng kaniyang pagkabuhay-muli, tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na sila’y ‘tatanggap ng kapangyarihan kapag ang banal na espiritu ay dumating sa kanila.’ (Gawa 1:8) Ito’y totoong-totoo! Isang istoryador ang nag-ulat sa mga pangyayari ilang araw pagkaraan ng Pentecostes noong 33 C.E.: “Taglay ang malaking kapangyarihan ang mga apostol ay nagpatuloy sa pagbibigay ng patotoo may kinalaman sa pagkabuhay-muli ng Panginoong Jesus.” (Gawa 4:33) Si Pablo mismo ay isa sa binigyan ng kapangyarihan para sa gawain na iniatas ng Diyos na gawin niya. Pagkatapos na siya’y makomberte at makakitang-muli, siya’y “patuloy na nagtatamo ng lakas nang lalong higit pa at nililito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco habang pinatutunayan niya sa lohikal na paraan na ito ang Kristo.”​—Gawa 9:22.

10. Papaano nakatulong ang kapangyarihan ng Diyos sa pangyayari kay Pablo?

10 Tiyak na kailangan pa ni Pablo ang dagdag na kapangyarihan, kung isasaalang-alang natin ang espirituwal at mental na katatagan na kinakailangan upang maisagawa ang tatlong ulit na paglalakbay bilang misyonero na nililibot ang libu-libong milya. Pinagtiisan din niya ang lahat ng uri ng paghihirap, dumanas ng mga pagkabilanggo at napaharap sa kamatayan bilang martir. Papaano? Sumagot siya: “Ang Panginoon ay tumayong malapit sa akin at nagbigay ng kapangyarihan sa akin, upang sa pamamagitan ko ay magampanan nang lubusan ang pangangaral.”​—2 Timoteo 4:6-8, 17; 2 Corinto 11:23-27.

11. Kung tungkol sa kapangyarihan ng Diyos, anong pag-asa ang tinukoy ni Pablo para sa kaniyang kapuwa mga lingkod sa Colosas?

11 Kung gayon, hindi kataka-taka na si Pablo, nang sumulat sa kaniyang “mga kapatid na kaisa ni Kristo” sa Colosas, ay tumiyak sa kanila na sila’y maaaring ‘gawing makapangyarihan taglay ang buong kapangyarihan sa abot ng maluwalhating kalakasan [ni Jehova] nang sa gayon ay makapagbata nang lubos at makapagtiis nang mahaba taglay ang kagalakan.’ (Colosas 1:2, 11) Bagaman ang mga salitang iyon ay ipinatungkol higit sa lahat sa pinahirang mga Kristiyano, lahat ng sumusunod sa yapak ni Kristo ay lubhang makikinabang sa isinulat ni Pablo.

Ginawang Makapangyarihan sa Colosas

12, 13. Ano ang mga pangyayari sa likod ng liham sa mga taga-Colosas, at ano ang malamang na tugon dito?

12 Ang kongregasyon sa Colosas, na nasa Romanong lalawigan ng Asia, ay malamang na naitatag sa pamamagitan ng pangangaral ng tapat na Kristiyanong si Epafras. Marahil nang marinig niyang nakabilanggo si Pablo sa Roma noong mga 58 C.E., naipasiya ni Epafras na dalawin ang apostol at palakasin siya taglay ang mainam na ulat ng pag-ibig at katatagan ng kaniyang mga kapatid sa Colosas. Malamang na ikinuwento rin ni Epafras ang totoong ulat tungkol sa ilang suliranin sa kongregasyon ng Colosas na nangangailangan ng pagtutuwid. Nakadama naman si Pablo ng pagnanais na sulatan ang kongregasyon ng isang liham ng pagpapatibay at pagpapayo. Ikaw man ay makapagtatamo ng saganang pampalakas-loob mula sa Col kabanata 1 ng liham na iyan, sapagkat nililiwanag nito kung papaano nabibigyang-kapangyarihan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod.

13 Maguguniguni mo kung ano ang nadama ng mga kapatid sa Colosas nang ilarawan sila ni Pablo bilang “tapat na mga kapatid na kaisa ni Kristo.” Sila’y nararapat purihin dahil sa kanilang ‘pag-ibig para sa lahat ng mga banal’ at dahil sa ‘pamumunga sa mabuting balita’ mula nang sila’y maging mga Kristiyano! Ang mga pananalita bang ito’y maaaring sabihin patungkol sa ating kongregasyon, sa bawat isa sa atin?​—Colosas 1:2-8.

14. Ano ang nais ni Pablo may kinalaman sa mga taga-Colosas?

14 Labis na napukaw si Pablo ng ulat na tinanggap niya anupat sinabihan niya ang mga taga-Colosas na siya’y hindi tumitigil ng pananalangin para sa kanila at sa paghingi na sila’y “mapuspos ng tumpak na kaalaman ng kalooban [ng Diyos] sa buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa, sa layunin na lumakad nang karapat-dapat kay Jehova.” Nanalangin siya na sila’y “patuloy na mamunga sa bawat mabuting gawa at lumago sa tumpak na kaalaman sa Diyos, na ginagawang makapangyarihan taglay ang buong kapangyarihan sa abot ng kaniyang maluwalhating kalakasan nang sa gayon ay makapagbata nang lubos at makapagtiis nang mahaba taglay ang kagalakan.”​—Colosas 1:9-11.

Binigyang-Kapangyarihan Din Naman Ngayon

15. Papaano natin maipakikita ang katulad na saloobin gaya ng ipinaaninag sa isinulat ni Pablo sa mga taga-Colosas?

15 Anong inam na halimbawa ang ibinigay ni Pablo para sa atin! Kailangan ng ating mga kapatid sa buong daigdig ang ating mga panalangin na nawa’y makapagtiis sila at mapanatili ang kanilang kagalakan sa kabila ng kanilang mga pagdurusa. Gaya ni Pablo, dapat tayong maging partikular sa ating mga panalangin kapag tumatanggap tayo ng mga balita na ang ating mga kapatid sa ibang kongregasyon, o sa ibang lupain, ay dumaranas ng mga kahirapan. Maaaring ang isang kalapít na kongregasyon ay apektado ng kasakunaang dulot ng kalikasan o ilang suliranin sa espirituwal. O baka nagtitiis ang mga Kristiyano sa mga lupaing dumaranas ng digmaang sibil o pagpapatayan ng magkaibang lipi. Sa panalangin ay kailangan nating hilingin sa Diyos na tulungan ang ating mga kapatid na “lumakad nang karapat-dapat kay Jehova,” na patuloy na mamunga ng mga bunga ng Kaharian samantalang sila’y nagtitiis, at na lumago sa kaalaman. Sa ganitong paraan ang mga lingkod ng Diyos ay tumatanggap ng kapangyarihan ng kaniyang espiritu, “na ginagawang makapangyarihan taglay ang buong kapangyarihan.” Makatitiyak kang makikinig at tutugon ang iyong Ama.​—1 Juan 5:14, 15.

16, 17. (a) Gaya ng isinulat ni Pablo, ano ang dapat nating ipagpasalamat? (b) Sa anong diwa pinalaya at pinatawad ang bayan ng Diyos?

16 Sumulat si Pablo na dapat ‘pasalamatan [ng mga taga-Colosas] ang Ama na nagpaging angkop sa kanila sa kanilang pakikibahagi sa mana ng mga banal sa liwanag.’ Tayo man ay magpasalamat sa ating makalangit na Ama dahil sa ating dako sa kaniyang kaayusan, maging sa makalangit man o sa makalupang sakop ng kaniyang Kaharian. Papaano nagawa ng Diyos na nararapat sa kaniyang paningin ang di-sakdal na mga tao? Sumulat si Pablo sa kaniyang pinahirang mga kapatid: “Iniligtas niya tayo mula sa awtoridad ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig, na sa pamamagitan niya ay taglay natin ang ating paglaya sa pamamagitan ng pantubos, ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.”​—Colosas 1:12-14.

17 Anuman ang ating pag-asa, makalangit man o makalupa, araw-araw tayong nagpapasalamat sa Diyos sa pagliligtas sa atin mula sa balakyot na sistemang ito ng kadiliman, dahil sa ating pananampalataya sa mahalagang paglalaan ng haing pantubos ng minamahal na Anak ni Jehova. (Mateo 20:28) Nakinabang ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano mula sa pantubos na ikinapit sa kanila sa isang pantanging paraan anupat sila’y maaaring ‘ilipat sa kaharian ng Anak ng pag-ibig ng Diyos.’ (Lucas 22:20, 29, 30) Ngunit ngayon pa lamang ay nakikinabang na rin ang “ibang tupa” mula sa pantubos. (Juan 10:16) Maaari silang tumanggap ng kapatawaran ng Diyos upang magkaroon ng isang matuwid na kalagayan sa harapan niya bilang kaniyang mga kaibigan. Mayroon silang malaking bahagi sa paghahayag ng “mabuting balitang ito ng kaharian” sa panahong ito ng kawakasan. (Mateo 24:14) Bukod diyan, sila’y may kahanga-hangang pag-asa na maging lubusang matuwid at sakdal sa pisikal, sa pagtatapos ng Milenyong Paghahari ni Kristo. Habang binabasa mo ang paglalarawan sa Apocalipsis 7:13-17, tingnan kung dî ka sasang-ayon na ito’y isang katibayan ng kaligtasan at pagpapala.

18. Anong pakikipagkasundo na binanggit sa Colosas ang patuloy na tinutupad ng Diyos hanggang ngayon?

18 Tinutulungan tayo ng liham ni Pablo na maunawaan kung gaano ang ating pagkakautang sa pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. Ano nga ba ang tinutupad ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo? “[Iyon ay upang] ipagkasundong muli sa kaniyang sarili ang lahat ng iba pang mga bagay sa paggawa ng kapayapaan sa pamamagitan ng dugo na kaniyang itinigis sa pahirapang tulos, maging ang mga iyon man ay mga bagay sa ibabaw ng lupa o mga bagay sa mga langit.” Ang layunin ng Diyos ay upang ibalik ang lahat ng nilalang sa lubusang pakikipagkaisa sa kaniya, gaya noong hindi pa nagkakaroon ng paghihimagsik sa Eden. Ang Isa na ginamit upang lalangin ang lahat ng mga bagay ay siya ring Isa na ginagamit ngayon upang isakatuparan ang pagkakasundong ito.​—Colosas 1:20.

Pagbibigay-Kapangyarihan sa Anong Layunin?

19, 20. Saan nakadepende ang ating pagiging banal at walang-dungis?

19 May kaakibat na pananagutan para sa atin na nakipagkasundo sa Diyos. Tayo’y minsang naging makasalanan at hiwalay sa Diyos. Ngunit ngayon, palibhasa’y sumasampalataya sa hain ni Jesus at ang pag-iisip ay wala na sa mga gawang balakyot, tayo una sa lahat ay nakatayo sa isang “banal at walang-dungis” na kalagayan, “malaya sa anumang akusasyon sa harap [ng Diyos].” (Colosas 1:21, 22) Akalain mo, kung papaanong hindi ikinahiya ng Diyos yaong tapat na mga saksi noon, hindi rin niya tayo ikinahihiya, na tawagin siyang ating Diyos. (Hebreo 11:16) Sa ngayon, walang sinuman ang maaaring magparatang sa atin na hindi tayo dapat magtaglay ng kaniyang mabunying pangalan, ni hindi tayo matatakot na ipahayag ang pangalang iyan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa!

20 Subalit pansinin ang babalang inilakip ni Pablo sa Colosas 1:23: “Sabihin pa, kung kayo ay nagpapatuloy sa pananampalataya, na nakatayo sa pundasyon at matatag at hindi naibabaling palayo mula sa pag-asa ng mabuting balitang iyon na inyong narinig, at na siyang ipinangaral sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.” Malaki ang nagagawa ng ating pananatiling tapat kay Jehova, na sumusunod sa mga yapak ng kaniyang minamahal na Anak. Napakalaki na ng nagawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin! Sana’y ipakita natin ang ating pagmamahal sa kanila sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ni Pablo.

21. Bakit may malaking dahilan tayo na manabik sa ngayon?

21 Tiyak na nagulat ang mga Kristiyanong taga-Colosas nang marinig na ‘ang mabuting balita na kanilang narinig’ ay “ipinangaral sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.” Sa ngayon ay higit na nakapananabik na marinig ang lawak na naaabot ng mabuting balita ng Kaharian na ipinahahayag ng mahigit na apat at kalahating milyong Saksi sa mahigit na 230 lupain. Aba, taun-taon ay halos 300,000 mula sa lahat ng mga bansa ang nakikipagkasundo sa Diyos!​—Mateo 24:14; 28:19, 20.

22. Kahit na tayo’y dumanas ng pagdurusa, ano ang magagawa ng Diyos para sa atin?

22 Bagaman maliwanag na nakabilanggo si Pablo nang sulatin niya ang liham sa mga taga-Colosas, hindi niya itinangis ang nangyari sa kaniya sa anumang paraan. Sa halip, sinabi niya: “Ako ngayon ay nagsasaya sa aking mga pagdurusa dahil sa inyo.” Alam ni Pablo na iyo’y upang “makapagbata nang lubos at makapagtiis nang mahaba taglay ang kagalakan.” (Colosas 1:11, 24) Subalit alam niyang hindi niya nagawa ito mula sa kaniyang sariling lakas. Ginawa siyang makapangyarihan ni Jehova! Gayundin sa ngayon. Libu-libong Saksi na ibinilanggo at inusig ang hindi nawalan ng kanilang kagalakan sa paglilingkod kay Jehova. Sa halip, natutuhan nilang pahalagahan ang katotohanan ng mga salita ng Diyos gaya ng masusumpungan sa Isaias 40:29-31: “Siya’y nagbibigay ng kapangyarihan sa nanghihina . . . Yaong mga nagsisiasa kay Jehova ay manunumbalik ang kapangyarihan.”

23, 24. Ano ang sagradong lihim na binanggit sa Colosas 1:26?

23 Ang ministeryo ng mabuting balita na nakasentro kay Kristo ay napakahalaga kay Pablo. Ibig niyang maunawaan din ng iba ang kahalagahan ng bahaging ginagampanan ni Kristo sa layunin ng Diyos, kaya inilarawan niya ito bilang “ang sagradong lihim na itinago mula sa nakalipas na sistema ng mga bagay at mula sa nakaraang mga salinlahi.” Gayunman ay hindi iyon mananatiling isang lihim. Idinagdag ni Pablo: “Ngayon ay ginawa na itong hayag sa kaniyang mga banal.” (Colosas 1:26) Nang magkaroon ng paghihimagsik sa Eden, nangako si Jehova ng mas mabubuting bagay na darating, na inihulang ‘ang binhi ng babae ang dudurog sa ulo ng serpiyente.’ (Genesis 3:15) Ano ang kahulugan nito? Sa loob ng mga salinlahi, ng mga siglo, iyon ay nanatiling isang hiwaga. Pagkatapos ay dumating si Jesus, at “nagpasikat [siya] ng liwanag sa buhay at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng mabuting balita.”​—2 Timoteo 1:10.

24 Oo, ang “sagradong lihim” ay nakasentro kay Kristo at sa Mesiyanikong Kaharian. Binanggit ni Pablo “ang mga bagay sa mga langit,” na tumutukoy sa mga makikibahagi sa paghahari sa Kaharian kasama ni Kristo. Ang mga ito ang gagamitin sa pagdadala ng di-masayod na mga pagpapala sa lahat ng “mga bagay sa ibabaw ng lupa,” yaong magtatamasa ng walang-hanggang paraiso rito. Kung gayon, makikita mo kung gaano kaangkop para kay Pablo na tukuyin ang “maluwalhating kayamanan ng sagradong lihim na ito.”​—Colosas 1:20, 27.

25. Gaya ng binanggit sa Colosas 1:29, ano ang dapat na maging saloobin natin sa ngayon?

25 Gayon na lamang ang pananabik ni Pablo sa kaniyang dako sa Kaharian. Gayunman naunawaan niya na iyon ay hindi isang bagay na basta na lamang aasahan nang walang ginagawa. “Tunay ngang gumagawa ako nang masikap, na nagpupunyagi alinsunod sa pagkilos niya at na siyang gumagana sa akin taglay ang kapangyarihan.” (Colosas 1:29) Pansinin na ginawa ni Jehova si Pablo na makapangyarihan, sa pamamagitan ni Kristo, upang isagawa ang isang nagliligtas-buhay na ministeryo. Magagawa rin iyan ni Jehova sa atin sa ngayon. Subalit dapat nating tanungin ang ating mga sarili, ‘Taglay ko pa ba ang espiritu ng pag-eebanghelyo na tinaglay ko noon nang una kong matutuhan ang katotohanan?’ Ano ang sagot mo? Ano ang tutulong sa bawat isa sa atin upang ipagpatuloy ang ‘paggawang masikap at pagpupunyagi alinsunod sa pagkilos ng kapangyarihan ni Jehova’? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang mismong bagay na ito.

Napansin Mo Ba?

◻ Bakit makatitiyak tayo na maipakikita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan alang-alang sa mga tao?

◻ Ano ang mga pangyayari sa likod ng mga salita ni Pablo sa Colosas kabanata 1?

◻ Papaano isinasagawa ng Diyos ang pakikipagkasundo na binanggit sa Colosas 1:20?

◻ Sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, ano ang maisasagawa ni Jehova sa pamamagitan natin?

[Mapa/Larawan sa pahina 8]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

COLOSAS

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share