Ang Kagalakan kay Jehova ay Ating Moog
“Ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon, at huwag kayong masaktan, sapagkat ang kagalakan kay Jehova ay inyong moog.”—NEHEMIAS 8:10.
1, 2. (a) Ano ang isang moog? (b) Papaano ipinakita ni David na siya’y nanganlong kay Jehova?
SI Jehova ay isang walang-katulad na moog. At ano ang isang moog? Iyon ay isang matibay na dako, isang dako ng katiwasayan o kaligtasan. Itinuring ni David ng sinaunang Israel ang Diyos bilang kaniyang moog. Halimbawa, isaalang-alang ang awit na ipinatungkol ni David sa Kataas-taasan “sa kaarawan na iniligtas siya ni Jehova sa kamay ng lahat niyang kaaway at sa kamay ni Saul,” ang hari ng Israel.—Awit 18, inskripsiyon.
2 Pinasimulan ni David ang makapukaw-damdaming awit sa mga salitang: “Mamahalin kita, O Jehova na aking kalakasan. Si Jehova ay aking bato at aking moog at ang Tagapaglaan ng pagtakas para sa akin. Ang aking Diyos ay aking bato. Ako’y manganganlong sa kaniya, aking kalasag at aking sungay ng kaligtasan, aking matibay na kaitaasan.” (Awit 18:1, 2) Palibhasa’y labag-sa-katuwirang itinuring na isang tulisan at tinugis ni Haring Saul, ang matuwid na si David ay nanganlong kay Jehova, kung papaanong ang isang tao ay makatatakbo sa isang matibay na dako upang maligtasan ang ilang kasakunaan.
3. Bakit nakaranas ng “malaking pagsasaya” ang mga Judio noong kapanahunan ni Ezra?
3 Ang kagalakang ibinibigay ni Jehova ay isang walang-maliw na moog para sa mga lumalakad sa kaniyang landas bilang mga tagapag-ingat ng katapatan. (Kawikaan 2:6-8; 10:29) Mangyari pa, upang magkaroon ng bigay-Diyos na kagalakan, dapat na gawin ng mga tao ang banal na kalooban. Kaugnay nito, tingnan ang nangyari sa Jerusalem noong 468 B.C.E. Ang tagakopyang si Ezra at ang iba pa ay nagpabatid ng kaunawaan sa pamamagitan ng isang makahulugang pagbabasa ng Batas. Pagkatapos ay hinimok ang mga tao: “Kumain kayo ng mga bagay na matataba at uminom ng mga bagay na matatamis, at magpadala kayo ng mga bahagi sa isa na sa kaniya’y walang naihanda; sapagkat ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon, at huwag kayong masaktan, sapagkat ang kagalakan kay Jehova ay inyong moog.” Isang “malaking pagsasaya” ang naging bunga habang ikinakapit ng mga Judio ang kaalaman na kanilang natamo at nagdiwang ng isang masayang Kapistahan ng mga Kubol. (Nehemias 8:1-12) Yaong nagtaglay ng ‘kagalakan kay Jehova bilang kanilang moog’ ay nakapag-ipon ng lakas para sa pagsamba at paglilingkod sa kaniya. Yamang ang kagalakan kay Jehova ang kanilang moog, makaaasa tayo na magagalak din ang bayan ng Diyos sa ngayon. Samakatuwid, anu-ano ang ilan sa mga dahilan ng kanilang kagalakan sa kasalukuyan?
“Walang Iba Kundi Nagagalak”
4. Ano ang isang bukod-tanging pinagmumulan ng kagalakan para sa bayan ni Jehova?
4 Ang isang namumukod-tanging dahilan ng kagalakan ay ang paglalaang ibinibigay ni Jehova mula sa pagtitipong sama-sama. Ang mga asamblea at mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagdudulot sa kanila ng kagalakan sa ngayon, kung papaanong ang taunang mga kapistahang ginaganap ng mga Israelita ay nagdulot ng kagalakan sa kanilang mga puso. Sinabihan ang mga mamamayan sa Israel: “Pitong araw na inyong ipagdiriwang ang kapistahan [ng mga kubol] kay Jehova na inyong Diyos sa dako na pipiliin ni Jehova, sapagkat pagpapalain kayo ni Jehova na inyong Diyos sa lahat ng inyong ani at sa bawat gawa ng inyong kamay, at kayo’y dapat na maging walang iba kundi nagagalak.” (Deuteronomio 16:13-15) Oo, ibig ng Diyos na sila’y “maging walang iba kundi nagagalak.” Totoo rin ito sa mga Kristiyano, sapagkat hinimok ni apostol Pablo ang kapuwa niya mananampalataya: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo!”—Filipos 4:4.
5. (a) Ano ang kagalakan, at papaano ito natatamo ng mga Kristiyano? (b) Papaano tayo magkakaroon ng kagalakan sa kabila ng mga pagsubok?
5 Yamang ibig ni Jehova na tayo’y maging maligaya, binibigyan niya tayo ng kagalakan bilang isa sa mga bunga ng banal na espiritu. (Galacia 5:22, 23) At ano ang kagalakan? Iyon ay ang nakalulugod na damdaming bunga ng inaasahan o ng pagtatamo ng kapakinabangan. Ang kagalakan ay isang kalagayan ng tunay na kaligayahan, ng malaking katuwaan pa nga. Ang bungang ito ng banal na espiritu ng Diyos ay umaalalay sa atin sa ilalim ng pagsubok. “Dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagbata [si Jesus] ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos.” (Hebreo 12:2) Sumulat ang alagad na si Santiago: “Ituring ninyong buong kagalakan, mga kapatid ko, kapag kayo ay napaharap sa iba’t ibang pagsubok, yamang nalalaman ninyo na ang subók na katangiang ito ng inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagbabata.” Subalit papaano kung hindi natin alam ang gagawin sa isang uri ng pagsubok? Kung gayon ay buong-tiwala tayong makapananalangin para sa karunungan upang maharap ito. Ang pagkilos kasuwato ng makalangit na karunungan ay magpapangyari sa atin na malutas ang suliranin o makayanan ang patuloy na mga pagsubok nang hindi naiwawala ang kagalakan kay Jehova.—Santiago 1:2-8.
6. Ano ang kaugnayan ng kagalakan sa tunay na pagsamba?
6 Ang kagalakang ibinibigay ni Jehova ay nagpapalakas sa atin upang itaguyod ang tunay na pagsamba. Iyan ang nangyari noong panahon nina Nehemias at Ezra. Ang mga Judio ng panahong iyon na taglay ang kagalakan kay Jehova bilang kanilang moog ay pinalakas upang mapalawak pa ang mga kapakanan ng tunay na pagsamba. At habang itinataguyod nila ang pagsamba kay Jehova, lalong tumitindi ang kanilang kagalakan. Gayundin sa ngayon. Bilang mga mananamba ni Jehova, mayroon tayong saligan para sa malaking pagsasaya. Isaalang-alang natin ngayon ang iba pa sa maraming dahilan ng ating kagalakan.
Kaugnayan sa Diyos sa Pamamagitan ni Kristo
7. Kung tungkol kay Jehova, anong dahilan ng kagalakan ang taglay ng mga Kristiyano?
7 Ginagawa tayong pinakamaliligayang tao sa daigdig ng ating matalik na kaugnayan kay Jehova. Bago maging mga Kristiyano, tayo’y naging bahagi ng di-matuwid na lipunan ng tao na ‘nasa kadiliman sa kaisipan at hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos.’ (Efeso 4:18) Anong pagkaligaya natin na hindi na tayo hiwalay kay Jehova! Mangyari pa, kailangan ng pagsisikap upang manatili sa kaniyang pagsang-ayon. Dapat na “nagpapatuloy [tayo] sa pananampalataya, na nakatayo sa pundasyon at matatag at hindi naibabaling palayo mula sa pag-asa ng mabuting balitang iyon.” (Colosas 1:21-23) Makapagsasaya tayo na inilapit tayo ni Jehova sa kaniyang Anak kasuwato ng mga salita ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Kung tunay na kinikilala natin ang ating mahalagang kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo, mababantayan natin ang anumang bagay na makasisira dito.
8. Papaano nakatulong si Jesus sa ating maligayang kalagayan?
8 Ang kapatawaran ng kasalanan sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesus ay isang malaking dahilan ng kagalakan sapagkat ito ang nagpaging posible sa ating kaugnayan sa Diyos. Sa pamamagitan ng kaniyang kusang-loob na pagkakasala, ang ating ninunong si Adan ay nagdala ng kamatayan sa buong sangkatauhan. Gayunman, nagpaliwanag si apostol Pablo: “Inirerekomenda ng Diyos ang kaniyang sariling pag-ibig sa atin sa bagay na, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” Isinulat din ni Pablo: “Kung paanong sa pamamagitan ng isang pagkakamali ang resulta sa lahat ng uri ng tao ay kahatulan, sa gayunding paraan na sa pamamagitan ng isang gawa ng pagbibigay-katuwiran ang resulta sa lahat ng uri ng tao ay ang pagpapahayag sa kanila na matuwid para sa buhay. Sapagkat kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay ibinilang na makasalanan, sa gayunding paraan na sa pamamagitan ng pagkamasunurin ng isang tao ang marami ay ibibilang na matuwid.” (Roma 5:8, 18, 19) Anong pagkaligaya natin na si Jehova ay nalulugod na tubusin yaong mga supling ni Adan na nakinabang sa gayong maibiging paglalaan!
Relihiyosong Pagkapalaya at Kaliwanagan
9. Bakit tayo maligaya mula sa paninindigang panrelihiyon?
9 Ang pagkapalaya mula sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay isa pang dahilan upang magalak. Iyon ay ang banal na katotohanan na siyang nagpalaya sa atin. (Juan 8:32) At ang pagkapalaya mula sa relihiyosong patutot na ito ay nangangahulugang hindi tayo nakikibahagi sa kaniyang mga kasalanan, hindi natin dinaranas ang kaniyang salot, at hindi tayo sasapit sa pagkapuksa na kasama niya. (Apocalipsis 18:1-8) Walang anumang dapat ikalungkot tungkol sa pagtakas sa lahat ng iyan!
10. Anong kaliwanagan ang ating tinatamasa bilang bayan ni Jehova?
10 Ang kaunawaan at pagkakapit ng Salita ng Diyos sa buhay ay mga dahilan ng malaking pagsasaya. Yamang malaya sa maling impluwensiya ng relihiyon, tinatamasa natin ang paliwanág nang paliwanág na malalim na unawa sa espirituwal na inilaan ng ating makalangit na Ama sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Sa lahat ng mga taong nabubuhay sa lupa, yaon lamang bukod-tanging nagtatapat kay Jehova ang nagtataglay ng kaniyang banal na espiritu at pinagpalang kaunawaan ng kaniyang Salita at kalooban. Iyon ay gaya ng sinabi ni Pablo: “Sa atin isiniwalat ng Diyos ang mga iyon [ang mga bagay na inihanda niya para sa mga umiibig sa kaniya] sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, sapagkat sinasaliksik ng espiritu ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos.” (1 Corinto 2:9, 10) Tayo’y kapuwa nagpapasalamat at nagagalak na tinatamasa natin ang umuunlad na kaunawaan na binanggit sa mga salita ng Kawikaan 4:18: “Ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanág nang paliwanág hanggang sa malubos ang araw.”
Pag-asa ng Kaharian at Walang-Hanggang Buhay
11. Papaano ibinabahagi sa iba ang maligayang pag-asa ng Kaharian?
11 Ang ating pag-asa ng Kaharian ay nakapagpapagalak din sa atin. (Mateo 6:9, 10) Bilang mga Saksi ni Jehova, malaon na nating ipinahahayag na ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa ng buong sangkatauhan. Halimbawa, tingnan ang taóng 1931, nang tanggapin natin ang pangalang mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng isang resolusyon na buong-galak na ipinagbunyi sa 51 kombensiyon sa buong daigdig. (Isaias 43:10-12) Ang resolusyong iyan at ang isang mahalagang pahayag sa kombensiyon ni J. F. Rutherford (presidente noon ng Samahang Watch Tower) ay inilathala sa buklet na The Kingdom, the Hope of the World. Kasama niyaon ay ang isa pang resolusyon na pinagtibay sa kombensiyong iyan, ang isa na nagsasakdal sa Sangkakristiyanuhan dahil sa kaniyang apostasya at dahil sa pagdusta sa payo ni Jehova. Ipinahayag din nito: “Ang pag-asa ng sanlibutan ay ang kaharian ng Diyos, at wala nang iba pang pag-asa.” Sa loob ng ilang buwan, namahagi ang mga Saksi ni Jehova ng mahigit na limang milyong kopya ng buklet na ito sa lahat ng bahagi ng lupa. Mula noon ay malimit nating pinaninindigan na ang Kaharian ang siyang tanging pag-asa ng sangkatauhan.
12. Anong maligayang pag-asa ng buhay ang inilalagay sa harap niyaong naglilingkod kay Jehova?
12 Gayundin, ikinagagalak natin ang pag-asang walang-hanggang buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. Ang “munting kawan” ng pinahirang mga Kristiyano ay may maligayang pag-asa sa langit. “Pagpalain ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo,” isinulat ni apostol Pedro, “sapagkat alinsunod sa kaniyang dakilang awa ay nagbigay siya sa atin ng isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay, tungo sa isang walang-kasiraan at walang dungis at walang kupas na mana. Ito ay nakataan sa mga langit para sa inyo.” (Lucas 12:32; 1 Pedro 1:3, 4) Sa ngayon, ang lubhang karamihan ng mga Saksi ni Jehova ay nasasabik sa walang-hanggang buhay sa Paraiso na sakop ng pamamahala ng Kaharian. (Lucas 23:43; Juan 17:3) Hindi na mapapantayan ng ibang tao sa lupa ang ating nakagagalak na pag-asa. Dapat lamang na ating bigyan ng lubusang pagpapahalaga ang mga ito!
Isang Pinagpalang Kapatiran
13. Papaano natin dapat malasin ang ating pandaigdig na kapatiran?
13 Ang pagiging bahagi ng tanging sinang-ayunan-ng-Diyos na pandaigdig na kapatiran ay isa pa ring pinagmumulan ng malaking kagalakan. Nakagagalak sabihin, nasa atin ang pinakakanais-nais na mga kasamahan sa lupa. Tinukoy mismo ng Diyos na Jehova ang ating kaarawan at nagsabi: “Aking uugain ang lahat ng bansa, at ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa ay darating; at ang bahay na ito ay pupunuin ko ng kaluwalhatian.” (Hagai 2:7) Totoo naman, lahat ng Kristiyano ay di-sakdal. Subalit, inilapit ni Jehova sa kaniya ang gayong mga tao sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Juan 14:6) Yaman din lamang na inilapit ni Jehova sa kaniya ang mga taong itinuturing niyang kanais-nais, malulubos ang ating kagalakan kung atin silang pagpapakitaan ng pag-ibig na pangkapatid, bibigyan ng mataas na pagpapahalaga, makikipagtulungan sa kanila sa mga gawaing maka-Diyos, aalalayan sila sa mga pagsubok sa kanila, at mananalangin alang-alang sa kanila.
14. Anong pampalakas-loob ang ating makukuha sa 1 Pedro 5:5-11?
14 Lahat ng ito ay magpapagalak sa atin. Totoo nga, ang kagalakan kay Jehova ang moog ng ating espirituwal na pagkakapatiran sa buong lupa. Oo, lahat tayo ay dumaranas ng pag-uusig at iba pang pagdurusa. Subalit ito ay dapat na maging dahilan upang tayo’y maging malapít sa isa’t isa at magbigay sa atin ng damdamin ng pagkakaisa bilang bahagi ng nag-iisang tunay na organisasyon ng Diyos sa lupa. Gaya ng sinabi ni Pedro, kailangan tayong magpakababa sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, anupat inihahagis sa kaniya ang lahat ng ating kabalisahan sa pagkaalam na siya’y nagmamalasakit sa atin. Kailangan nating maging mapagbantay sapagkat ang Diyablo ay naghahanap upang tayo’y masila, subalit sa bagay na ito’y hindi tayo nag-iisa, sapagkat idinagdag pa ni Pedro: “Manindigan kayo laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya, yamang nalalaman ninyo na ang gayunding mga bagay sa paraan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng inyong mga kapatid sa sanlibutan.” At hindi kailanman guguho ang maligayang pagkakapatirang ito sa buong daigdig, sapagkat taglay natin ang katiyakan na ‘pagkatapos nating magdusa ng kaunting panahon, ang Diyos ang tatapos ng ating pagsasanay at kaniyang patatatagin at palalakasin tayo.’ (1 Pedro 5:5-11) Isip-isipin ito. Ang ating maligayang kapatiran ay mananatili magpakailanman!
Isang Buhay na May Layunin
15. Bakit masasabi na ang mga Saksi ni Jehova ay nagtataglay ng buhay na may layunin?
15 Atin ang kagalakan sa magulong sanlibutang ito sapagkat taglay natin ang isang buhay na may layunin. Tayo’y pinagkatiwalaan ng isang ministeryo na nagpapaligaya sa atin at sa iba. (Roma 10:10) Tiyak na isang maligayang pribilehiyo na maging kamanggagawa ng Diyos. Hinggil sa bagay na ito, si Pablo ay nagsabi: “Ano . . . si Apolos? Oo, ano si Pablo? Mga ministro na sa pamamagitan nila ay naging mga mananampalataya kayo, kung paano ngang ipinagkaloob ng Panginoon sa bawat isa. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpapalago nito; anupat siya na nagtatanim ay walang anuman ni siya na nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago nito. Ngayon siya na nagtatanim at siya na nagdidilig ay iisa, ngunit ang bawat tao ay tatanggap ng kaniyang sariling gantimpala ayon sa kaniyang sariling pagpapagal. Sapagkat tayo ay mga kamanggagawa ng Diyos. Kayo ang sakahang bukid ng Diyos, ang gusali ng Diyos.”—1 Corinto 3:5-9.
16, 17. Anu-anong halimbawa ang maaaring banggitin upang patunayan na ang mga Saksi ni Jehova ay nagtataglay ng buhay na may layunin?
16 Maraming halimbawa ang maaaring banggitin upang ipakita na ang tapat na paglilingkod kay Jehova ay nagbubunga ng isang buhay na may layunin na nagdudulot sa atin ng kagalakan. Karaniwan nang ganito ang sinasabi: “Pinagmasdan ko ang palibot ng punóng Kingdom Hall [noong araw ng programa sa pag-aalay nito] at nakita ko roon ang walong miyembro ng aking pamilya, kasali na ako at ang aking asawa at tatlo sa aming mga anak at ang kani-kanilang kabiyak. . . . Ako at ang aking asawa ay tunay na nagkaroon ng isang masaya, may-layuning buhay sa paglilingkod sa Diyos.”
17 Nakapagpapasigla ring mabatid na anuman ang edad ay maaaring mapasimulan ng isa ang isang maligayang buhay na may tunay na layunin sa paglilingkod kay Jehova. Halimbawa, isang babaing nakakilala ng katotohanan sa Bibliya sa isang nursing home ang nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova sa edad na 102. Sa gayon ay natapos niya ang kaniyang buhay taglay ang maligayang layunin, anupat ‘natatakot sa tunay na Diyos at sumusunod sa kaniyang mga utos.’—Eclesiastes 12:13.
Isang Matibay na Moog
18. Ano ang magagawa upang mapaglabanan ang kawalang-pag-asa at upang maragdagan ang ating kagalakan?
18 Ang kagalakan kay Jehova ay isang matibay na moog para sa mga nagtatapat. Ngunit ang pagkakaroon ng kagalakang ito ay hindi nangangahulugang hindi na tayo daranas kailanman ng malulungkot na sandali gaya ng nadama ni Jesus kung kaya nasabi niya ito sa Getsemani: “Ang aking kaluluwa ay lubhang napipighati, maging hanggang sa kamatayan.” (Marcos 14:32-34) Baka nagbubunga ng kawalang-pag-asa ang pagbibigay-daan natin sa sakim na mga gawa. Kung gayon ay baguhin natin ang ating pamumuhay. Kung nababawasan ang ating kagalakan dahil sa bukas-palad na pinapasan natin ang mabibigat na pananagutang maka-Kasulatan, baka makagagawa tayo ng mga pagbabago na mag-aalis ng igting at magsasauli ng ating maligayang espiritu. Bukod doon, pagpapalain tayo ni Jehova ng kagalakan kung sisikapin nating paluguran siya sa pamamagitan ng may katatagang paglaban sa makasalanang laman, sa masamang sanlibutan, at sa Diyablo.—Galacia 5:24; 6:14; Santiago 4:7.
19. Papaano natin mamalasin ang anumang pribilehiyo na taglay natin sa organisasyon ng Diyos?
19 Sa mga dahilan na ating tinalakay, at sa marami pang iba, tayo’y nagkakaroon ng malaking kagalakan. Maging tayo man ay mga mamamahayag ng kongregasyon o nakikibahagi man sa isang uri ng buong-panahong paglilingkod, lahat tayo ay maaaring maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, at ito’y tiyak na makadaragdag sa ating kagalakan. (1 Corinto 15:58) Anumang pribilehiyo ang taglay natin sa organisasyon ni Jehova, ipagpasalamat natin ang mga ito at maligayang ipagpatuloy ang paggawa ng banal na paglilingkod sa ating maibigin at maligayang Diyos.—1 Timoteo 1:11.
20. Ano ang ating pinakadakilang pribilehiyo, at sa ano tayo makatitiyak?
20 Lalo na ngang may dahilan tayo na magsaya sa ating pribilehiyo ng pagtataglay ng dakilang pangalan ni Jehova bilang kaniyang mga Saksi. Oo, tayo’y dî mga sakdal at napapaharap sa maraming pagsubok, ngunit palagi nating isaisip ang ating kahanga-hangang mga pagpapala bilang mga Saksi ni Jehova. At tandaan, hindi tayo kailanman bibiguin ng ating mahal na makalangit na Ama. Makatitiyak tayo na tayo’y palaging pagpapalain kung ang kagalakan kay Jehova ay ating moog.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang “kagalakan kay Jehova”?
◻ Papaano natatamo ng mga Kristiyano ang tunay na kagalakan?
◻ Ano ang ilang dahilan kung bakit ang mga Saksi ni Jehova ay maligaya?
◻ Bakit ang kagalakan kay Jehova ay isang matibay na moog?