Bakit Panahon Na Para Magpasiya?
NOONG ika-16 na siglo B.C.E., pinili ng Diyos ang mga Israelita bilang kaniyang “pantanging pag-aari mula sa lahat ng ibang bayan, . . . isang banal na bansa.” (Exodo 19:5, 6) Di-nagtagal ay nawala ang kanilang kabanalan, ang kanilang kadalisayan sa relihiyon, anupat pinahintulutan ang kanilang mga sarili na mahawahan ng idolatriya at mga katiwalian ng karatig na mga bansa. Sa gayon ay inihayag nila ang kanilang mga sarili na “isang bayang matigas ang leeg.” (Deuteronomio 9:6, 13; 10:16; 1 Corinto 10:7-11) Sa loob ng panahong mahigit na tatlong daang taon kasunod ng pagkamatay ni Josue, nagbangon si Jehova ng mga hukom, tapat na mga tagaakay na dapat sanang nakaakay sa mga Israelita pabalik sa tunay na pagsamba. Gayunman, ang mga tao’y “hindi nagpigil sa kanilang mga gawa at sa kanilang katigasan ng ulo.”—Hukom 2:17-19.
Pagkatapos niyan, nagbangon ang Diyos ng tapat na mga hari at mga propeta upang hikayatin ang mga taong magbalik sa tunay na pagsamba. Ang propetang si Azarias ay humimok kay Haring Asa at sa kaniyang kababayan na hanapin si Jehova: “Kung inyong hahanapin siya, kaniyang hahayaang siya’y matagpuan ninyo, ngunit kung iiwanan ninyo siya ay iiwanan niya kayo.” Nagsagawa si Asa ng pagrereporma sa relihiyon sa kaharian ng Juda. (2 Cronica 15:1-16) Nang dakong huli, kinailangang mag-anyayang-muli ang Diyos sa pamamagitan ng propetang si Joel. (Joel 2:12, 13) Pagkaraan pa rin, matinding pinayuhan ni Zefanias ang mga naninirahan sa Juda na “hanapin si Jehova.” Ginawa ito ng batang haring si Josias sa isang kampanya ng pagrereporma upang iwaksi ang idolatriya at katiwalian.—Zefanias 2:3; 2 Cronica 34:3-7.
Sa kabila ng nangyaring mga pagsisising ito, ang relihiyosong kalagayan ng mga tao ay lalo pang nagiging mapanganib. (Jeremias 2:13; 44:4, 5) Tinuligsa ni Jeremias ang relihiyosong sistema na nahawahan ng mga gawang idolatroso, anupat inilalarawan iyon na dî na magbabago kailanman: “Makapagbabago pa ba ang Cushita ng kaniyang balat? o ang leopardo ng kaniyang mga batík? Kayo man ay makagagawa rin ng mabuti, na mga taong tinuruang gumawa ng masama.” (Jeremias 13:23) Dahil dito, matinding pinarusahan ng Diyos ang kaharian ng Juda. Giniba ang Jerusalem at ang templo nito noong 607 B.C.E., at ang mga nakaligtas naman ay itinapon bilang mga alipin sa Babilonya, na doo’y nanatili sila nang 70 taon.
Nang matapos na ang panahong iyon, nagpakita ng awa ang Diyos. Inudyukan niya si Haring Ciro na palayain ang mga Israelita, anupat ang nalabi nito ay bumalik sa Jerusalem upang itayong-muli ang templo. Sa halip na matuto ng leksiyon sa mga ito, muli na naman silang lumihis sa tunay na pagsamba, anupat kinailangang ulitin ng Diyos na Jehova ang kaniyang paanyaya: “Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo.”—Malakias 3:7.
Kung Bakit Itinakwil ang Israel
Ano ba ang relihiyosong kalagayan ng mga Israelita noong panahon ni Jesus? Ang mapagpaimbabaw na mga lider ng relihiyon ay “mga bulag na tagaakay” na nagtuturo ng “mga pag-uutos ng mga tao bilang mga doktrina.” ‘Nilalampasan nila ang kautusan ng Diyos dahil sa kanilang tradisyon.’ Pinararangalan ng mga tao ang Diyos ng “kanilang mga labi,” ngunit ang kanilang mga puso ay malayung-malayo sa kaniya. (Mateo 15:3, 4, 8, 9, 14) Bibigyan pa kaya sila bilang isang bansa ng isa pang pagkakataon upang magsisi? Hindi na. Sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin mula sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” Sinabi pa niya: “Ang inyong bahay,” ang templo sa Jerusalem, “ay pinababayaan sa inyo.” (Mateo 21:43; 23:38) Napakalaki ng kanilang pagkakamali. Tinanggihan nila si Jesus bilang ang Mesiyas at ipinapatay siya, anupat pinili ang mapaniil na Romanong si Cesar bilang kanilang hari.—Mateo 27:25; Juan 19:15.
Ayaw unawain ng mga Israelita na ang panahon na noo’y isinagawa ni Jesus ang kaniyang ministeryo ay panahon ng paghatol. Para sa mga di-tapat na mga naninirahan sa Jerusalem, sinabi ni Jesus: “Hindi mo naunawaan ang panahon ng pagsisiyasat sa iyo.”—Lucas 19:44.
Noong Pentecostes 33 C.E., nagtatag ang Diyos ng isang bagong bansa, o bayan, ang pinahiran-ng-espiritung mga alagad ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na pipiliin mula sa bawat lahi at bansa. (Gawa 10:34, 35; 15:14) May pag-asa pa bang mapagbago sa wakas ang relihiyosong sistema ng mga Judio? Naglaan ng kasagutan ang mga lehiyong Romano noong 70 C.E., anupat iginuho sa lupa ang Jerusalem. Lubusang itinakwil ng Diyos ang relihiyosong sistemang iyon.—Lucas 21:5, 6.
Ang Malaking Apostasya ng Sangkakristiyanuhan
Nagtatag din ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano ng “isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.” (1 Pedro 2:9; Galacia 6:16) Subalit maging ang sinaunang Kristiyanong kongregasyon ay hindi nakapangalaga sa relihiyosong kadalisayan nito sa mahabang panahon.
Inihula ng Kasulatan ang isang malaking apostasya, o ang paghiwalay mula sa tunay na pagsamba. Ang makasimbolikong panirang-damo sa talinghaga ni Jesus, alalaong baga’y, ang huwad na mga Kristiyano, ay magtatangkang uminis sa simbolikong trigo, o sa tunay na mga Kristiyano, yaong pinahiran ng espiritu ng Diyos. Isinisiwalat ng talinghaga na ang paglaganap ng huwad na Kristiyanismo, na itinaguyod ng mahigpit na kaaway ng Diyos, ang Diyablo, ay magsisimula na, “habang ang mga tao ay natutulog.” Ito’y naganap pagkamatay ng tapat na mga apostol ni Jesus, sa panahon ng espirituwal na pag-aantok na naging bunga niyaon. (Mateo 13:24-30, 36-43; 2 Tesalonica 2:6-8) Gaya ng inihula ng mga apostol, maraming huwad na mga Kristiyano ang nagsalingit ng kanilang mga sarili papasok sa kawan. (Gawa 20:29, 30; 1 Timoteo 4:1-3; 2 Timoteo 2:16-18; 2 Pedro 2:1-3) Si Juan ang kahuli-hulihang apostol na namatay. Noong taóng 98 C.E., isinulat niya na “ang huling oras,” ang huling bahagi ng apostolikong panahon, ay nagsimula na.—1 Juan 2:18, 19.
Sa pag-aanib ng relihiyon at makapulitikang kapangyarihan na pinagtibay ng Romanong emperador na si Constantino, lalong lumubha ang espirituwal, doktrinal, at moral na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan. Maraming istoryador ang sumasang-ayon na “ang tagumpay ng Simbahan noong ikaapat na siglo” ay, ayon sa Kristiyanong pangmalas, “isang kasakunaan.” ‘Naiwala ng Sangkakristiyanuhan ang kaniyang mataas na antas ng moralidad’ at tumanggap ng maraming kaugalian at mga pilosopya mula sa paganismo, gaya ng “kulto ni Maria” at ng pagsamba sa “mga santo,” gayundin ng idea ng Trinidad.
Pagkatapos ng kaniyang huwad na tagumpay, ang kalagayan ng Sangkakristiyanuhan ay lumubha. Ang mga utos at doktrinal na pagpapaliwanag ng mga papa at mga konseho, bukod pa sa Inkisisyon, mga Krusada, at “banal” na mga digmaan sa pagitan ng mga Katoliko at Protestante, ay nagbunga ng dî na magbabagong relihiyosong sistema.
Sa kaniyang aklat na A World Lit Only by Fire, isinulat ni William Manchester: “Ang mga papa noong ikalabinlima at ikalabing-anim na siglo ay namuhay na gaya ng mga Romanong emperador. Sila ang pinakamayayamang tao sa mundo, at sila at ang kanilang mga kardinal ay lalo pang nagpapayaman ng kanilang sarili sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga banal na katungkulan.” Noong panahon ng malaking apostasya, maliliit na grupo o paisa-isang tao ang nagsikap na matuklasang-muli ang tunay na Kristiyanismo, anupat ipinamamalas ang mga katangian ng simbolikong trigo. Malimit na napakamahal ang naging halaga. Sinasabi ng aklat ding iyon: “Kung minsan waring ang tunay na mga santo ng Kristiyanismo, kapuwa Protestante at Katoliko, ay naging pinaitim na martir na sinupok ng apoy.” Ang iba, na tinaguriang mga Repormador gaya nina Martin Luther at John Calvin, ay nakalikha ng namamalaging relihiyosong sistema na hiwalay sa Iglesya Katolika ngunit nakikibahagi pa rin sa saligang mga doktrina nito. Labis din ang kanilang pagkakasangkot sa mga makapulitikang gawain.
Sa larangang ukol sa Protestante, gumawa ng mga pagsisikap upang lumikha ng tinatawag na paggising-muli ukol sa relihiyon. Halimbawa, noong ika-18 at ika-19 na siglo, ang mga pagsisikap na ito ay nagbunga ng masiglang gawain sa pagmimisyonero sa ibang bansa. Gayunman, ayon sa pag-amin ng mga pastol mismo, sa ngayon ang espirituwal na kalagayan ng Protestanteng kawan ay malayung-malayong makapagpatibay-loob. Kamakailan ay inamin ng Protestanteng teologo na si Oscar Cullmann na “sa loob mismo ng mga simbahan, may krisis sa pananampalataya.”
Ang mga reporma at kontrareporma ay itinaguyod na rin sa loob ng Iglesya Katolika. Mula ika-11 hanggang ika-13 siglo, sa kabila ng malawakang katiwalian at napakalaking kayamanan ng klero, ang mga relihiyosong orden na mahigpit na sumusunod sa panata ng karukhaan ay itinatag. Subalit sila’y binantayang mabuti at, ayon sa mga iskolar, sinawata ng pamunuan ng simbahan. Pagkatapos ay dumating ang ika-16-na-siglong Kontra-Repormasyon, na itinaguyod ng Council of Trent at pangunahing ipinatungkol sa paglaban sa Protestanteng Repormasyon.
Sa unang bahagi ng ika-19 na siglo, noong panahon ng pansimbahang pagsasauli, ang Iglesya Katolika ay nagkaroon ng awtoritaryo at konserbatibong paninindigan. Gayunman, hindi masabi kung gumawa nga ng totohanang mga pagbabago upang maisauli ang tunay na Kristiyanismo. Sa halip, ang mga ito’y mga pagsisikap lamang upang mapatatag ang awtoridad ng klero sa kabila ng relihiyoso, pulitikal, at panlipunang pagbabago sa daigdig.
Kai-kailan lamang, noong mga taon ng 1960, waring ibig ng Iglesya Katolika na maglunsad ng isang paraan ng malaking pagbabago sa konseho ekumenikal Batikano II. Gayunman, isang biglaang pagpapatigil sa tinaguriang pagkakábagong ginawa ng konseho ang iniutos ng kasalukuyang papa upang pigilin ang kasiglahan ng progresibong mga miyembro ng simbahan. Ang pangyayaring ito, na tinatawag ng iba na pagsasauli ni Wojtyła, ay ipinaliwanag ng isang grupong Katoliko bilang “isang panibagong anyo ng Constantinismo.” Gaya ng binanggit sa magasing Jesuita na La Civiltà Cattolica, ang Iglesya Katolika, gaya ng ibang relihiyon, ay napapaharap sa “isang radikal at pangglobong krisis: radikal sapagkat sangkot dito ang pinakaugat ng pananampalataya at pamumuhay Kristiyano; pangglobo sapagkat sangkot dito ang lahat ng bahagi ng Kristiyanismo.”
Ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay hindi pa talagang sumasailalim sa pagrereporma, ni magagawa man nila ito, yamang ang tunay na Kristiyanismo ay maisasauli lamang sa panahon ng “pag-aani,” sa pagtitipon ng simbolikong trigo tungo sa isang dalisay na kongregasyon. (Mateo 13:30, 39) Ang mahabang talaan ng mga krimen at masasamang gawa na isinasagawa sa ngalan ng relihiyon, nag-aangkin mang Kristiyano o hindi, ay nag-uudyok upang magtanong, Makatotohanan bang asahan ang tunay na reporma mula sa Sangkakristiyanuhan?
Imposible ba ang Reporma?
Ang aklat ng Kapahayagan, o Apocalipsis, ay nagsasabi ng hinggil sa isang simbolikong patutot na nagtataglay ng mahiwagang pangalang “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 17:1, 5) Sa loob ng mga siglo ang mga mambabasa ng Bibliya ay nagsikap na maipaliwanag ang hiwaga ng sagisag na ito. Marami ang nayamot sa kayamanan at katiwalian ng klero. Ang ilan ay nag-akala na ang Babilonyang Dakila ay kumakatawan sa pamunuan ng simbahan. Ang isa sa kanila ay si Jan Hus, Bohemianong paring Katoliko na sinunog nang buháy noong 1415, at si Aonio Paleario, isang Italyanong humanista na binitay at sinunog noong 1570. Sila’y kapuwa nagsikap na baguhin ang Iglesya Katolika sa pag-asang ito’y babalik sa “sinaunang dangal nito” ngunit sila’y nabigo.
Sa kabaligtaran, ang mga kabanata 17 at 18 ng Apocalipsis ay nagpapahiwatig na ang Babilonyang Dakila ay kumakatawan sa pandaigdig na imperyo ng lahat ng huwad na relihiyon.a Ang kabuuang “dakilang patutot” na ito ay hindi na magbabago kailanman sapagkat “ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong hanggang sa langit.” Sa katunayan, sa ika-20 siglong ito, talaga namang ang lahat ng relihiyon, hindi lamang yaong nasa Sangkakristiyanuhan, ay may pananagutan sa mga digmaan na patuloy na nagpapadanak ng maraming dugo at sa napakahamak na kalagayang moral na nagbibigay-hapis sa sangkatauhan. Samakatuwid, ipinag-utos ng Diyos ang kapuksaan ng “Babilonya.”—Apocalipsis 18:5, 8.
Ngayon Na ang Panahon Para “Lumabas Kayo sa Kaniya”
Ang katuparan ng mga hula sa Bibliya ay nagsisiwalat na ang ating kapanahunan ay naaangkop para sa “katapusan” ng masamang “sistemang [ito] ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Sinumang taimtim na nagnanais na sambahin ang Diyos ay hindi dapat sumunod sa kaniyang sariling mga idea at kagustuhan. Dapat niyang ‘hanapin si Jehova habang maaari pa siyang matagpuan,’ oo, ngayon na, sapagkat ang “malaking kapighatian” na inihula ni Jesus ay malapit na. (Isaias 55:6; Mateo 24:21) Gaya ng nangyari sa bayan ng Israel, hindi pahihintulutan ng Diyos ang katiwalian ng isang relihiyon dahil lamang sa pagmamalaking ito’y matagal nang relihiyon. Sa halip na sikaping kumpunihin pa ang isang barkong nakatalaga nang lumubog, lahat niyaong nagnanais na sang-ayunan ng Diyos at maligtas ay dapat na walang pagkaantalang tumalima sa kinasihang utos sa Apocalipsis 18:4: “Lumabas kayo sa [Babilonyang Dakila], bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”
Ngunit “lumabas” patungo saan? Saan pa matatagpuan ang kaligtasan? Wala bang panganib na baka maghanap ng mapagkakanlungan sa maling lugar? Papaano makikilala ang tanging relihiyon na may pagsang-ayon ng Diyos? Ang tanging mapagkakatiwalaang mga kasagutan ay matatagpuan sa Salita ng Diyos. (2 Timoteo 3:16, 17) Inaanyayahan ka ng mga Saksi ni Jehova na suriing mabuti ang Bibliya. Mauunawaan mo kung sino yaong mga pinili ng Diyos bilang “isang bayan para sa kaniyang pangalan,” na kaniyang iingatan sa napipintong araw ng kaniyang galit.—Gawa 15:14; Zefanias 2:3; Apocalipsis 16:14-16.
[Talababa]
a Upang makilala ang simbolikong Babilonyang Dakila sa tumpak na paraan na naaayon sa Kasulatan, tingnan ang mga kabanata 33 hanggang 37 ng aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, na inilathala noong 1988 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 7]
Kapag ang iyong relihiyosong barko ay lumulubog, bumaling sa tagapagligtas na barko ng tunay na Kristiyanismo