Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 2/15 p. 8-12
  • Magkakaroon ng Pagkabuhay-muli ng mga Matuwid

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magkakaroon ng Pagkabuhay-muli ng mga Matuwid
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtitipon sa mga Tulad-Tupa
  • Ang Pag-asa ng Pagkabuhay-Muli
  • Mga Mananampalatayang “Ipinahahayag na Matuwid”
  • Ang Makalupang Pagkabuhay-Muli
  • Isang Pag-asang Nagbibigay ng Kaaliwan
  • Ang Pagkabuhay-Muli—Isang Turo na Nakaaapekto sa Iyo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Ang Kapangyarihan ng Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli
    Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos
  • Pagkabuhay-muli
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • May Kapangyarihan ang Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 2/15 p. 8-12

Magkakaroon ng Pagkabuhay-muli ng mga Matuwid

“May pag-asa ako sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”​—GAWA 24:15.

1. Anong kalagayan ang napapaharap sa lahat ng tao mula nang magkasala sina Adan at Eva?

ANUMANG masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo nang buong lakas, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, na dakong iyong pinaparoonan.” (Eclesiastes 9:10) Sa pamamagitan ng maikli, piling mga salitang ito, inilalarawan ni Haring Solomon ang isang kalagayan na napapaharap sa bawat saling-lahi ng sangkatauhan mula nang magkasala ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva. Walang pagtatangi, sa wakas ay nilamon ng kamatayan ang lahat​—mayaman at dukha, hari at sakop, tapat at di-tapat. Tunay, ang kamatayan ay “namahala bilang hari.”​—Roma 5:17.

2. Bakit ang ilan sa tapat na mga tao ay waring nasisiphayo sa panahong ito ng kawakasan?

2 Sa kabila ng pinakahuling tuklas sa siyensiya ng medisina, namamahala pa rin ang kamatayan bilang hari kahit sa ngayon. Bagaman ito’y hindi kataka-taka, marahil ang ilan ay waring nakadarama ng pagkasiphayo kapag sa wakas ay napaharap sila sa napakatagal nang kaaway na ito. Bakit? Aba, noong mga taon ng 1920, ang Samahang Watch Tower ay nagpahayag ng mensahe na “Angaw-Angaw na ngayo’y nabubuhay ay hindi na mamamatay kailanman.” Sino kaya ang milyun-milyong ito? Ang “mga tupa” na binanggit sa sinabi ni Jesus tungkol sa mga tupa at kambing. (Mateo 25:31-46) Ang mga tulad-tupang ito ay inihula na lilitaw sa panahon ng kawakasan, at ang kanilang pag-asa ay walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa. Sa paglakad ng panahon, natamo ng bayan ng Diyos ang higit na kaunawaan hinggil sa kalagayan ng “mga tupang” ito sa mga layunin ni Jehova. Napagtanto na ang mga masunuring ito ay ihihiwalay sa matitigas-ang-ulong “mga kambing,” at pagkatapos puksain ang huli, mamanahin ng mga tupa ang makalupang sakop ng Kaharian na inihanda na para sa kanila.

Pagtitipon sa mga Tulad-Tupa

3. Anong gawain ang puspusang hinarap ng bayan ng Diyos mula noong 1935?

3 Simula noong 1935, puspusang hinarap ng ‘tapat na alipin’ ang paghahanap sa mga tulad-tupa at pagdadala sa kanila sa organisasyon ni Jehova. (Mateo 24:45; Juan 10:16) Napagtanto ng natuturuang mga Kristiyanong ito na naghahari na si Jesus sa makalangit na Kaharian ni Jehova at na mabilis na lumalapit ang panahon para sa kawakasan ng masamang sanlibutang ito ng mga bagay at pagpasok ng isang bagong sanlibutan na doo’y tatahan ang katuwiran. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 12:10) Sa bagong sanlibutang iyan, ang nakapagpapasiglang mga salita ni Isaias ay matutupad: “Aktuwal na sasakmalin niya ang kamatayan magpakailanman.”​—Isaias 25:8.

4. Bagaman taimtim na umaasang makitang maipagbabangong-puri ang soberanya ni Jehova sa Armagedon, ano ang nangyari sa marami sa ibang tupa?

4 Yamang napakalapit na ang kawakasan ng sanlibutan ni Satanas, masisiyahang mainam ang tulad-tupang mga Kristiyano na mabuhay hanggang sa maipagbangong-puri ang soberanya ni Jehova sa panahon ng dumarating na kapighatian sa Babilonyang Dakila at sa iba pang bahagi ng sanlibutan ni Satanas. (Apocalipsis 19:1-3, 19-21) Para sa marami, hindi gayon ang nangyari. Marami sa umasang mapapabilang sa “angaw-angaw” na hindi na mamamatay kailanman ay namatay rin sa katunayan. Ang ilan ay naging martir sa mga bilangguan at mga kampong piitan o sa mga kamay ng mga panatikong relihiyoso dahil sa katotohanan. Ang iba naman ay namatay sa mga aksidente o sa tinatawag na mga likas na kadahilanan​—karamdaman at katandaan. (Awit 90:9, 10; Eclesiastes 9:11) Maliwanag, marami pa ang mamamatay bago dumating ang wakas. Papaano makikita ng mga taong iyon ang katuparan ng pangako ng isang bagong sanlibutan na doo’y tatahan ang katuwiran?

Ang Pag-asa ng Pagkabuhay-Muli

5, 6. Anong kinabukasan mayroon para sa mga may makalupang pag-asa na namatay bago ang Armagedon?

5 Nagbigay ng kasagutan si apostol Pablo nang siya’y nagsasalita sa harap ng Romanong gobernador na si Felix. Gaya ng nakaulat sa Gawa 24:15, buong-tapang na ipinahayag ni Pablo: “May pag-asa ako sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” Ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay nagbibigay sa atin ng lakas ng loob sa harap ng pinakamatinding kagipitan. Dahil sa pag-asang iyan, ang ating mahal na mga kaibigan na nagkakasakit at nadaramang sila’y mamatay ay hindi nasisiraan ng loob. Anuman ang mangyari, batid nilang aanihin nila ang gantimpala ng katapatan. Dahil sa pag-asa ng pagkabuhay-muli, ang ating malalakas-loob na kapatid na napapaharap sa kamatayan sa mga kamay ng mang-uusig ay nakababatid na imposibleng magtagumpay laban sa kanila ang mga mang-uusig. (Mateo 10:28) Kapag may isang namatay sa kongregasyon, nalulungkot tayo sa pagkawala ng taong iyon. Kasabay nito, kung siya ay kabilang sa ibang tupa, naliligayahan tayo na ang ating kapananampalataya ay nakapagpatunay na tapat hanggang wakas at ngayo’y namamahinga, taglay ang katiyakan ng isang kinabukasan sa bagong sanlibutan ng Diyos.​—1 Tesalonica 4:13.

6 Oo, ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay isang mahalagang pitak ng ating pananampalataya. Bakit nga ba napakatibay ng ating paniniwala sa pagkabuhay-muli, at sino ang nakikibahagi sa pag-asang iyan?

7. Ano ang pagkabuhay-muli, at ano ang ilang kasulatan na nagpapahayag ng katiyakan nito?

7 Ang salitang Griego para sa “pagkabuhay-muli” ay a·naʹsta·sis, na literal na nangangahulugang “pagtayô.” Ito’y karaniwang tumutukoy sa pagbangon mula sa mga patay. Kapansin-pansin, ang aktuwal na salitang “pagkabuhay-muli” ay hindi lumilitaw sa Hebreong Kasulatan, subalit ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay maliwanag na ipinahahayag doon. Halimbawa, makikita natin iyon sa mga salitang binigkas ni Job sa gitna ng kaniyang paghihirap: “O na sa Sheol ay ikubli mo nawa ako, . . . na takdaan mo nawa ako ng takdang panahon at iyong alalahanin ako!” (Job 14:13) Gayundin, sa Oseas 13:14, mababasa natin: “Mula sa kamay ng Sheol tutubusin ko sila; mula sa kamatayan panunumbalikin ko sila. Nasaan ang iyong mga tibò, O Kamatayan? Nasaan ang iyong pagkamapamuksa, O Sheol?” Sa 1 Corinto 15:55, sinipi ni apostol Pablo ang mga salitang ito at ipinakitang ang inihulang tagumpay laban sa kamatayan ay naisagawa na sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. (Mangyari pa, sa kasulatang iyan si Pablo ay tumutukoy sa makalangit na pagkabuhay-muli.)

Mga Mananampalatayang “Ipinahahayag na Matuwid”

8, 9. (a) Papaano magkakaroon ng bahagi ang di-sakdal na mga tao sa pagkabuhay-muli ng mga matuwid? (b) Ano ang saligan ng ating pag-asa sa isang buhay na hindi mawawakasan ng kamatayan?

8 Sa kaniyang pangungusap kay Felix, na sinipi sa parapo 5, sinabi ni Pablo na magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga matuwid at mga di-matuwid. Sinu-sino ang mga matuwid na ibabangon? Buweno, walang taong likas na matuwid. Lahat tayo’y ipinanganak sa kasalanan, at tayo’y nagkakasala sa buong buhay natin​—kung kaya tayo’y karapat-dapat mamatay ukol sa dalawang dahilan. (Roma 5:12; 6:23) Gayunman, masusumpungan natin sa Bibliya ang terminong “ipinahahayag na matuwid.” (Roma 3:28) Ito’y tumutukoy sa mga taong, bagaman di-sakdal, pinatawad ni Jehova sa kanilang mga kasalanan.

9 Ang pananalita ay pinakapangunahing ginamit may kaugnayan sa pinahirang mga Kristiyano, na may makalangit na pag-asa. Sa Roma 5:1, sinasabi ni apostol Pablo: “Ngayon na ipinahayag na tayong matuwid bilang resulta ng pananampalataya, tamasahin natin ang kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” Lahat ng pinahirang Kristiyano ay ipinahahayag na matuwid dahil sa pananampalataya. Pananampalataya sa ano? Gaya ng detalyadong pagpapaliwanag ni Pablo sa aklat ng Roma, iyon ay pananampalataya kay Jesu-Kristo. (Roma 10:4, 9, 10) Si Jesus ay namatay na isang sakdal na tao at pagkatapos noon ay binuhay-muli mula sa mga patay at umakyat sa langit upang ihandog ang halaga ng kaniyang buhay-tao alang-alang sa atin. (Hebreo 7:26, 27; 9:11, 12) Nang tanggapin ni Jehova ang handog na iyon, sa katunayan, binili ni Jesus ang lahi ng tao mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Yaong nananampalataya sa kaayusang ito ay nakikinabang nang malaki mula rito. (1 Corinto 15:45) Batay rito ang tapat na mga lalaki at babae ay may pag-asang magmana ng buhay na hindi mawawakasan ng malupit na kaaway, ang kamatayan.​—Juan 3:16.

10, 11. (a) Anong pagkabuhay-muli ang naghihintay sa tapat na pinahirang mga Kristiyano? (b) Anong uri ng pagkabuhay-muli ang inasahan ng mga mananamba bago ang panahong Kristiyano?

10 Dahil sa haing pantubos ni Jesus, ang tapat na mga pinahiran, na ipinahahayag na matuwid, ay may tiyak na pag-asang buhaying-muli bilang walang-kamatayang espiritung mga nilalang, gaya ni Jesus. (Apocalipsis 2:10) Ang kanilang pagkabuhay-muli ay binabanggit sa Apocalipsis 20:6, na nagsasabi: “Maligaya at banal ang sinumang may bahagi sa unang pagkabuhay-muli; sa mga ito ay walang awtoridad ang ikalawang kamatayan, kundi sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala sila bilang mga hari kasama niya sa loob ng isang libong taon.” Ito ang makalangit na pagkabuhay-muli. Gayunman, pansinin na tinatawag ito ng Bibliya na “unang pagkabuhay-muli,” na nagpapahiwatig na mayroon pang kasunod.

11 Sa Hebreo kabanata 11, tinukoy ni Pablo ang isang mahabang hanay ng mga lingkod ng Diyos bago ang panahong Kristiyano na nagpamalas ng matibay na pananampalataya sa Diyos na Jehova. Ang mga ito man ay may pananampalataya sa pagkabuhay-muli. Sa Heb 11 talatang 35 ng kabanatang iyan, binabanggit ni Pablo ang tungkol sa makahimalang mga pagkabuhay-muli na naganap noong panahon ng kasaysayan ng Israel, na nagsasabi: “Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli; ngunit pinahirapan ang ibang tao sapagkat ayaw nilang tumanggap ng paglaya sa pamamagitan ng anumang pantubos, upang sila ay makapagkamit ng lalong mabuting pagkabuhay-muli.” Yaong tapat na mga sinaunang saksi ay nananabik sa isang pagkabuhay-muli na lalong mabuti kaysa roon sa ginawa, halimbawa, nina Elias at Eliseo. (1 Hari 17:17-22; 2 Hari 4:32-37; 13:20, 21) Ang kanilang pag-asa ay pagkabuhay-muli tungo sa isang sanlibutan na doo’y hindi na pahihirapan ang mga lingkod ng Diyos dahil sa kanilang pananampalataya, isang sanlibutan na doo’y hindi na mamamatayan ang mga babae ng kanilang mga minamahal. Oo, sila’y nananabik na ibangon mula sa mga patay tungo sa bagong sanlibutan ding iyon na ating inaasahan. (Isaias 65:17-25) Hindi gaanong naisiwalat ni Jehova sa kanila ang tungkol sa bagong sanlibutang ito na gaya ng pagkakasiwalat sa atin. Gayunman, alam nila na ito’y darating, at ibig nilang mapabilang doon.

Ang Makalupang Pagkabuhay-Muli

12. Ang tapat na mga tao ba bago ang panahong Kristiyano ay inihayag na matuwid? Ipaliwanag.

12 Maituturing bang bahagi ng pagkabuhay-muli ng mga matuwid ang paggising sa bagong sanlibutang iyon ng tapat na mga lalaki at babaing ito bago ang panahong Kristiyano? Maliwanag na oo, sapagkat tinutukoy sila ng Bibliya bilang mga matuwid. Halimbawa, ang alagad na si Santiago ay bumanggit ng isang lalaki at isang babae noong sinaunang panahon na inihayag na matuwid. Ang lalaki ay si Abraham, ang ama ng lahing Hebreo. Tungkol sa kaniya ay mababasa natin: “ ‘Si Abraham ay naglagak ng pananampalataya kay Jehova, at ito ay ibinilang sa kaniya na katuwiran,’ at siya ay tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’ ” Ang babae naman ay si Rahab, isang di-Israelita na nanampalataya kay Jehova. Siya’y “ipinahayag na matuwid” at naging bahagi ng bansang Hebreo. (Santiago 2:23-25) Samakatuwid, ang mga lalaki at babae noong una na nanampalatayang matibay kay Jehova at sa kaniyang mga pangako at nanatiling tapat hanggang kamatayan ay inihayag ni Jehova na matuwid salig sa kanilang pananampalataya, at walang-pagsalang sila’y mapapabilang sa ‘pagkabuhay-muli ng mga matuwid.’

13, 14. (a) Papaano natin malalaman na ang mga Kristiyanong may makalupang pag-asa ay maaaring ihayag na matuwid? (b) Ano ang kahulugan nito para sa kanila?

13 Ngunit, kumusta naman ang tulad-tupang mga tao sa ngayon, yaong mga may makalupang pag-asa na nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova at namatay nang tapat sa panahong ito ng kawakasan? Sila ba’y makikibahagi sa pagkabuhay-muli ng mga matuwid? Waring gayon nga. Isang malaking pulutong ng gayong tapat na mga tao ang nakita sa pangitain ni apostol Juan. Pansinin kung papaano niya sila inilalarawan: “Nakita ko, at, narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, na nadaramtan ng mahahabang damit na puti; at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay. At patuloy silang sumisigaw sa malakas na tinig, na sinasabi: ‘Kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.’ ”​—Apocalipsis 7:9, 10.

14 Pansinin na ang maaamong ito ay matatag na naniniwala sa kanilang kaligtasan, at ito’y itinuturing nilang mula kay Jehova at kay Jesus, “ang Kordero.” Isa pa, sila’y nakatayo sa harap ni Jehova at ng Kordero, lahat ay nadaramtan ng puti. Bakit puti? Isang makalangit na nilalang ang nagsabi ng ganito kay Juan: “Nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.” (Apocalipsis 7:14) Sa Bibliya, ang puti ay sagisag ng kalinisan, katuwiran. (Awit 51:7; Daniel 12:10; Apocalipsis 19:8) Ang katotohanan na nakita ang malaking pulutong na nakabihis ng mapuputing kasuutan ay nangangahulugang minamalas sila ni Jehova bilang mga matuwid. Papaano naging posible iyon? Sapagkat, wika nga, nilabhan na nila ang kanilang mahahabang damit sa dugo ng Kordero. Sumasampalataya sila sa ibinubong dugo ni Jesu-Kristo at sa gayo’y inihahayag na mga matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos taglay ang hangaring makaligtas sa malaking kapighatian. Dahil dito, sinumang tapat na naaalay na Kristiyano na ngayo’y bahagi ng “malaking pulutong” na namatay bago ang malaking kapighatian ay makatitiyak ng pagkakaroon ng bahagi sa makalupang pagkabuhay-muli ng mga matuwid.

15. Yamang kapuwa ang mga matuwid at mga di-matuwid ay bubuhaying-muli, ano ang kapakinabangan ng pagkabuhay-muli ng mga matuwid?

15 Ang pagkabuhay-muling iyan ay inilarawan sa Apocalipsis kabanata 20, talatang 13, sa pananalitang ito: “Ibinigay ng dagat yaong mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades yaong mga patay na nasa kanila, at hinatulan sila nang isa-isa alinsunod sa kanilang mga gawa.” Samakatuwid, sa panahon ng dakilang sanlibong-taóng Araw ng Paghuhukom ni Jehova, lahat niyaong nasa alaala ng Diyos ay bubuhaying-muli​—kapuwa ang mga matuwid at mga di-matuwid. (Gawa 17:31) Subalit, higit na makabubuti iyon para sa mga matuwid! Dati na silang namuhay nang may katapatan. May matalik na silang kaugnayan kay Jehova at nananalig sa pagsasakatuparan ng kaniyang mga layunin. Ang matuwid na mga saksi bago ang Panahong Kristiyano ay magigising mula sa kamatayan taglay ang pananabik na malaman kung papaano natupad ang mga pangako ni Jehova hinggil sa Binhi. (1 Pedro 1:10-12) Yaong kabilang sa ibang tupa na itinuturing ni Jehova bilang mga matuwid sa ating kapanahunan ay lalabas mula sa libingan taglay ang pananabik na makita ang lupang Paraiso na kanilang ipinakikipag-usap noong ipinahahayag nila ang mabuting balita sa sistemang ito ng mga bagay. Tunay na magiging isang nakagagalak na panahon iyan!

16. Ano ang masasabi natin hinggil sa pagkabuhay-muli sa Araw ng Paghuhukom niyaong namatay sa ating kapanahunan?

16 Sa panahon ng sanlibong-taóng Araw ng Paghuhukom na iyan, kailan eksaktong bubuhaying-muli yaong namatay na tapat sa huling mga taóng ito ng sistema ng mga bagay ni Satanas? Hindi sinasabi ng Bibliya. Gayunman, hindi kaya makatuwirang isipin na yaong ibinilang na matuwid na namatay sa ating kapanahunan ay magkakaroon ng maagang pagkabuhay-muli at samakatuwid ay makakasama ng malaking pulutong ng mga nakaligtas sa Armagedon sa gawaing pagtanggap sa naunang mga saling-lahi na bumalik mula sa mga patay? Oo, tunay nga!

Isang Pag-asang Nagbibigay ng Kaaliwan

17, 18. (a) Anong kaaliwan ang inilalaan ng pag-asa ng pagkabuhay-muli? (b) Nauudyukan tayong ipahayag ang ano hinggil kay Jehova?

17 Ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay nagbibigay ng lakas at kaaliwan sa lahat ng mga Kristiyano sa ngayon. Kung tayo’y mananatiling tapat, walang di-inaasahang pangyayari at walang kaaway ang makapagnanakaw sa atin ng ating gantimpala! Halimbawa, sa 1992 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, sa pahina 177, naroroon ang mga larawan ng may lakas-loob na mga Kristiyano sa Etiopia na minatamis pang mamatay kaysa ikompromiso ang kanilang pananampalataya. Ang kapsiyón ay kababasahan ng ganito: “Mga mukhang inaasahan nating makikita sa pagkabuhay-muli.” Anong laking pribilehiyo nga na makilala ang mga ito at ang di-mabilang na iba pa na nagpakita ng gayunding katapatan sa harap ng kamatayan!

18 Kumusta naman ang ating sariling mga mahal sa buhay at mga kaibigan na dahil sa edad o karamdaman ay hindi nakatawid sa malaking kapighatian? Kaugnay sa pag-asa ng pagkabuhay-muli, sila’y may magandang kinabukasan kung mananatili silang tapat. At kung malakas din ang ating loob sa pagsasagawa ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus, tayo man ay magkakaroon ng magandang kinabukasan. Bakit? Sapagkat, gaya ni Pablo, tayo’y umaasa sa “pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” Mula sa kaibuturan ng ating puso, nagpapasalamat tayo kay Jehova sa pag-asang ito. Tiyak, na tayo’y nauudyukan nito na sambitin din ang mga salita ng salmista: “Ipahayag sa gitna ng mga bansa ang kaluwalhatian [ng Diyos], sa gitna ng mga tao ang kagila-gilalas niyang mga gawa. Sapagkat dakila si Jehova at tunay na nararapat purihin.”​—Awit 96:3, 4.

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Anu-anong kasulatan ang tumutulong upang matiyak ang ating pag-asa sa isang makalupang pagkabuhay-muli?

◻ Sa anong saligan inihahayag na matuwid ang mga Kristiyano sa ngayon?

◻ Papaano nakapagbibigay sa atin ng lakas ng loob at determinasyon ang pag-asa ng pagkabuhay-muli?

[Larawan sa pahina 9]

Gaya ni Pablo, ang pinahirang mga Kristiyano ay umaasa sa makalangit na pagkabuhay-muli

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share