Karapat-dapat sa Pagsusuri ang mga Panalangin sa Bibliya
ISANG nababalisang babae, isang hari, at ang sariling Anak ng Diyos ang bumigkas ng mga panalanging susuriin natin ngayon. Bawat panalangin ay udyok ng iba’t ibang kalagayan. Gayunman, ang gayong mga situwasyon ay maaaring makaapekto sa atin sa ngayon. Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawang ito?
“Titingnan Mo ang Dalamhati ng Iyong Aliping Babae”
Nakikipagpunyagi ka ba sa isang namamalaging suliranin? O ikaw ba’y napabibigatan ng kabalisahan? Kung gayon ay nasa isang kalagayan ka na katulad ng kay Ana bago siya nagsilang ng kaniyang unang anak, si Samuel. Siya’y walang-anak at tinutuya ng ibang babae. Sa katunayan, ang kalagayan ni Ana ay totoong nakayayamot at nakababalisa anupat hindi siya kumakain. (1 Samuel 1:2-8, 15, 16) Nanawagan siya kay Jehova taglay ang sumusunod na pagsusumamo:
“O Jehova ng mga hukbo, kung walang-pagsalang titingnan mo ang dalamhati ng iyong aliping babae at aktuwal na aalalahanin ako, at hindi mo kalilimutan ang iyong aliping babae at aktuwal na bibigyan ng anak na lalaki ang iyong aliping babae, ibibigay ko siya kay Jehova sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay, at walang pang-ahit na daraan sa kaniyang ulo.”—1 Samuel 1:11.
Pansinin na hindi nagsalita si Ana ng tungkol sa pangkalahatang mga bagay. Nanawagan siya kay Jehova taglay ang isang espesipikong kahilingan (para sa isang anak na lalaki) at nilakipan ito ng isang tiyakang pasiya (na ilaan siya sa paglilingkod sa Diyos). Ano ang itinuturo nito sa atin?
Kapag may suliranin, maging espesipiko sa iyong panalangin. Anuman ang iyong suliranin—maging iyon man ay ang kalagayan mo sa tahanan, kalungkutan, o pagkakasakit—ipanalangin iyon kay Jehova. Ilarawan sa kaniya kung ano talaga ang iyong suliranin at kung ano ang nadarama mo. “Tuwing gabi ay inilalagak ko kay Jehova ang lahat ng aking suliranin,” sabi ng biyudang si Louise. “Napakarami ng mga ito kung minsan, ngunit inilalarawan kong mabuti ang bawat isa.”
Kapaki-pakinabang ang pakikipag-usap kay Jehova taglay ang espesipikong mga salita. Ang paggawa nito ay nakatutulong sa atin upang maunawaan ang ating suliranin, na maaaring sa panahong iyon ay hindi na gaanong mabigat. Pinagagaan ng espesipikong mga panalangin ang ating mga kabalisahan. Bago pa man sagutin ang kaniyang panalangin, nakadama na si Ana ng katiyakan, at “ang kaniyang mukha ay hindi na malumbay.” (1 Samuel 1:18) Bukod doon, nagiging madaling makita ang sagot sa ating panalangin dahil sa tayo’y tuwiran. “Kapag gumagamit ako ng mas tuwirang mga salita sa aking mga panalangin,” sabi ni Bernhard, isang Kristiyano sa Alemanya, “nagiging mas maliwanag ang mga sagot.”
“Ako’y Isang Munting Bata Lamang”
Gayunman, maaaring makadama ng kakaibang uri ng pagkabahala ang isang tao kung makatanggap siya ng isang atas na sa palagay niya’y hindi siya ang nararapat humawak niyaon. Kung minsan ba’y nadaraig ka ng mga pananagutang ipinagkaloob sa iyo ni Jehova? O itinuturing ka ba ng ibang tao na hindi karapat-dapat sa iyong atas? Ganiyan ang naging kalagayan ng kabataang si Solomon nang siya’y pahiran bilang hari ng Israel. Ibig ng ilang prominenteng lalaki na iba ang maupo sa trono. (1 Hari 1:5-7, 41-46; 2:13-22) Di pa natatagalan sa kaniyang paghahari, hiniling ni Solomon sa isang panalangin:
“Jehovang aking Diyos, ikaw mismo ang gumawang hari sa iyong lingkod . . . Ako’y isang munting bata lamang. Hindi ko alam kung papaano lumabas at kung papaano pumasok. . . . Bigyan mo nga ang iyong lingkod ng isang masunuring puso upang humatol sa iyong bayan, upang makilala ang pagkakaiba ng mabuti at masama.”—1 Hari 3:7-9.
Itinutuon ni Solomon ang kaniyang panalangin sa kaniyang kaugnayan kay Jehova, sa pribilehiyong ibinigay sa kaniya, at sa kaniyang kakayahan na isagawa ang atas. Sa katulad na paraan, kailanma’t binigyan tayo ng pananagutan na nadarama nating di natin makakaya, nararapat tayong magsumamo sa Diyos na sangkapan tayo upang magampanan ang gawain. Isaalang-alang ang sumusunod na mga karanasan:
“Nang hilingang mag-asikaso ng mas malaking pananagutan sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower,” paliwanag ni Eugene, “nakadama ako ng lubusang kawalang-kakayahan. May iba pa na mas kuwalipikado at mas maraming karanasan. Hindi ako mapagkatulog nang sumunod na dalawang gabi, na ginugugol ang karamihan ng panahon sa pananalangin, anupat nagbigay sa akin ng lakas at kinakailangang pampatibay.”
Si Roy ay hinilingan na magbigay ng isang pahayag para sa libing ng isang kilalang kabataang kaibigan na biglaan at kalunus-lunos ang pagkamatay. Tiyak na marami ang dadalo. Ano ang ginawa ni Roy? “Noon lamang ako nakapanalangin nang gayon na lamang ukol sa lakas at kakayahan na makasumpong ng angkop na mga salita upang maipahayag ang nakapagpapatibay na mga kaisipan at makapagbigay ng kaaliwan.”
Habang ‘pinabibilis [ng Maylikha] ang mga bagay-bagay’ at habang lumalawak ang kaniyang organisasyon, likas lamang na parami nang parami sa kaniyang mga lingkod ang inaatasan ng pananagutan. (Isaias 60:22) Kung ikaw ay nabigyan ng malaking bahagi, umasa na tutumbasan ni Jehova ang anumang kakulangan sa karanasan, pagsasanay, o kakayahan sa iyong bahagi. Lumapit sa Diyos sa paraang gaya ng ginawa ni Solomon, at sasangkapan ka Niya upang magampanan ang atas.
“Upang Silang Lahat ay Maging Isa”
Ang ikatlong kalagayan na bumabangon sa ngayon ay kapag hinilingang kumatawan sa isang grupo sa panalangin. Kapag hiniling na manalangin alang-alang sa iba, ano ang dapat nating ipanalangin? Isaalang-alang ang panalangin ni Jesus na nakaulat sa Juan kabanata 17. Binigkas niya ang panalanging ito sa harap ng kaniyang mga alagad noong huling gabi niya bilang isang tao. Anong uri ng mga kahilingan ang ipinaabot niya sa kaniyang makalangit na Ama?
Idiniin ni Jesus ang iisang tunguhin at pag-asa na taglay niyaong mga naroroon. Binanggit niya ang pagluwalhati sa pangalan ng Diyos na Jehova at ang pagpapakilala sa Kaharian. Idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng personal na kaugnayan sa Ama at sa Anak, salig sa kaalaman sa Kasulatan. Nagsalita siya tungkol sa pagiging hiwalay sa sanlibutan, na siyang maghahanda sa kaniyang mga alagad sa pagsalansang. Hiniling din ni Kristo sa kaniyang Ama na ipagsanggalang ang mga alagad at pagkaisahin sila sa tunay na pagsamba.
Oo, itinampok ni Jesus ang pagkakaisa. (Juan 17:20, 21) Maaga nang gabing iyon, nagkaroon ng wala-sa-panahong pagtatalo ang mga alagad. (Lucas 22:24-27) Gayunman, sa pamamagitan ng panalangin, hiniling ni Jesus hindi ang pagsaway kundi ang pagkakaisa. Gayundin naman, sa pampamilya at pangkongregasyong mga panalangin ay nararapat na maitaguyod ang pag-ibig at sikaping malutas ang alitan sa pagitan ng mga indibiduwal. Yaong mga kinakatawanan ay nararapat na mapagsama-sama sa pagkakaisa.—Awit 133:1-3.
Naipamamalas ang pagkakaisang ito kapag yaong nakikinig ay nagsasabi ng, “Amen,” o “Mangyari nawa,” sa pagtatapos. Upang maging posible ito, kailangang nauunawaan at sinasang-ayunan nila ang lahat ng sinabi. Samakatuwid, hindi nga angkop na banggitin sa panalangin ang isang paksa na hindi nalalaman ng ilang naroroon. Halimbawa, ang isang matanda na kumakatawan sa kongregasyon sa panalangin ay maaaring humiling ng pagpapala ni Jehova sa isang espirituwal na kapatid na may malubhang karamdaman. Subalit karaniwan nang pinakamabuting gawin niya iyon kung karamihan niyaong kaniyang kinakatawanan ay nakakakilala sa tao at nakabalita tungkol sa kaniyang karamdaman.
Pansinin din na hindi inisa-isa ni Jesus ang personal na mga pangangailangan ng bawat miyembro ng grupo. Sa paggawa ng gayon ay maaaring mabanggit ang ilang personal na bagay na maaaring iilan lamang ang nakababatid. Angkop na paksa ang personal na mga bagay para sa pansarilinang panalangin, na maaaring kasinghaba at kasingpersonal na gaya ng ninanais.
Papaano ihahanda ng isang tao ang kaniyang sarili upang kumatawan sa panalangin sa isang malaking pagtitipon ng mga mananamba? Ganito ang paliwanag ng isang may-karanasang Kristiyano: “Bago pa man ay isinasaalang-alang ko na ang mga bagay na dapat ipagpasalamat, anong mga kahilingan ang maaaring taglay ng mga kapatid, at anong mga pagsusumamo ang maaari kong banggitin alang-alang sa kanila. Binabalangkas ko sa aking isip ang mga idea, kasali na ang mga kapahayagan ng papuri. Bago manalangin sa madla, nananalangin ako nang tahimik, anupat humihingi ng tulong upang kumatawan ako sa mga kapatid sa isang mapitagang paraan.”
Anuman ang iyong kalagayan, malamang na makasusumpong ka sa Bibliya ng isang panalangin na binigkas ng isang taong nasa kalagayang kagaya ng sa iyo. Ang malawak na kalipunan ng mga panalangin sa Kasulatan ay ebidensiya ng maibiging-kabaitan ng Diyos. Ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa mga panalanging ito ay tutulong sa iyo na mapayaman mo ang iyong mga panalangin.
[Kahon sa pahina 5]
KILALANG MGA PANALANGIN SA BIBLIYA
Nanalangin ang mga lingkod ni Jehova sa ilalim ng maraming kalagayan. Nararanasan mo ba ang isa o higit pa sa sumusunod na mga kalagayan?
Nangangailangan ka ba ng patnubay mula sa Diyos, kagaya ni Eliezer?—Genesis 24:12-14.
Ikaw ba ay nasa isang napipintong panganib, katulad ni Jacob?—Genesis 32:9-12.
Nais mo bang makilalang mabuti ang Diyos, kagaya ni Moises?—Exodo 33:12-17.
Ikaw ba’y nakaharap sa mga kaaway, kagaya ng nangyari kay Elias?—1 Hari 18:36, 37.
Mahirap ba ang pangangaral para sa iyo, katulad kay Jeremias?—Jeremias 20:7-12.
Kailangan mo bang ipahayag ang mga kasalanan at humingi ng kapatawaran, katulad ni Daniel?—Daniel 9:3-19.
Iyo bang hinaharap ang pag-uusig, kagaya ng mga alagad ni Jesus?—Gawa 4:24-31.
Tingnan din ang Mateo 6:9-13; Juan 17:1-26; Filipos 4:6, 7; Santiago 5:16.
[Kahon sa pahina 6]
KUNG ANO ANG IPANANALANGIN KAPAG NAKIKIPAGPUNYAGI SA ISANG DI-MABAGU-BAGONG UGALI
Nakikipagpunyagi ka ba sa isang paulit-ulit na kahinaan? Papaano makatutulong ang mga panalanging nakaulat sa Bibliya? Matuto mula kay David, na nanalangin sa iba’t ibang panahon hinggil sa kaniyang sariling mga kahinaan.
Umawit si David: “Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso. Subukin mo ako, at alamin mo ang aking lumiligalig na mga kaisipan.” (Awit 139:23) Nais ni David na isiwalat ni Jehova ang di-angkop na mga hangarin, damdamin, o motibo. Sa ibang pananalita, hiniling ni David ang tulong ni Jehova sa pag-iwas sa kasalanan.
Subalit nadaig si David ng kaniyang mga kahinaan, at siya’y malubhang nagkasala. Muli, nakatulong sa kaniya ang panalangin—sa pagkakataong ito upang manumbalik ang kaniyang kaugnayan sa Diyos. Ayon sa Awit 51:2, namanhik si David: “Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan.”
Tayo rin ay mapagpakumbabang makapananalangin ukol sa tulong ni Jehova upang masupil ang masasamang hilig. Palalakasin tayo nito upang mapagtagumpayan ang isang di-mabagu-bagong kahinaan at makatutulong sa atin na umiwas sa kasalanan. Kung maulit ang kasalanan, nararapat na tayo’y muling lumapit kay Jehova taglay ang pagsusumamo na tayo’y kaniyang tulungang patuloy na makipagpunyagi.
[Mga larawan sa pahina 7]
Nararapat idiin sa mga panalanging binibigkas alang-alang sa isang grupo ang mga maka-Kasulatang pag-asa at espirituwal na tunguhin ng lahat