Kung Papaano Haharapin ng mga Kristiyano ang Pagbatikos ng Publiko
ANO ang nadarama mo kapag may bumabatikos sa iyo o nagkakalat ng mga kasinungalingan tungkol sa iyo? Natural lamang na labis kang masaktan. Ganiyan din ang nararanasan ng mga Saksi ni Jehova kailanma’t sila’y nagiging tudlaan ng di-wasto o pilipit na impormasyon sa media. Ngunit gaya ng sinabi ni Jesus sa Mateo 5:11, 12, sila’y mayroon pa ring dahilan upang magalak.
Halimbawa, inangkin ng isang Katolikong publikasyon sa Alemanya na “obligado ang bawat Saksi na iabuloy ang sa pagitan ng 17 at 28 porsiyento ng kaniyang kita sa punung-tanggapan ng sekta.” Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi bumubuo ng isang sekta, at ang kanilang gawain ay tinutustusan sa kabuuan ng boluntaryong mga abuloy. Maraming mambabasa ang nailigaw ng maling impormasyong ito, na ikinalulungkot naman ng mga Saksi ni Jehova. Subalit papaano dapat harapin ng tunay na mga Kristiyano ang pagbatikos ng media?
Isang Halimbawa Upang Tularan ng mga Kristiyano
Malinaw na inilalarawan ng Mateo kabanata 23 kung papaano tinuligsa ni Jesus ang kaniyang relihiyosong mga kalaban dahil sa kanilang pagpapaimbabaw at panlilinlang. Naglalaan ba ito ng parisan para sa mga Kristiyano ngayon tungkol sa kung papaano pakikitunguhan ang mga kritiko? Hindi naman. Tinuligsa ng Anak ng Diyos ang kaniyang relihiyosong mga kalaban salig sa pambihirang awtoridad at malalim na unawang taglay niya, anupat ginagawa iyon sa kapakanan ng karamihan na nakikinig.
Inilalahad sa Mateo 15:1-11 na si Jesus ay pinuna dahil ang kaniyang mga alagad di-umano ay lumabag sa Judiong tradisyon. Papaano tumugon si Jesus? Siya’y nanatiling matatag. May mga pagkakataon na tahasang nakipagtalo si Jesus sa kaniyang mga kritiko, anupat pinabulaanan ang kanilang maling mga pangmalas. Karaniwan na, hindi naman nagkakamali ang mga Kristiyano sa ngayon sa pagsisikap na ituwid ang maling pagkakilala sa kanilang gawain o mga turo, anupat nagtatangkang linawin ang situwasyon sa isang makatotohanan at makatuwirang paraan. Ginagawa nila ito upang tulungan ang taimtim na mga tao na mabatid na ang pagbatikos sa mga Saksi ni Jehova ay di-nararapat at nakasisirang-puri.
Ngunit pansinin kung papaano tumugon si Jesus nang bandang huli nang sabihin ng kaniyang alagad: “Alam mo ba na ang mga Fariseo ay natisod nang marinig ang sinabi mo?” Ang mga Fariseong ito ay “natisod”—hindi lamang nabalisa kundi naging ubod-samang mga kaaway na tinanggihan ni Jesus. Kaya naman sumagot siya: “Pabayaan ninyo sila. Sila ay mga bulag na tagaakay.” Ang pakikipag-usap pa sa gayong nagagalit na mga kaaway ay walang-saysay, hindi pakikinabangan ng sinuman, at aakay lamang sa walang-kabuluhang pagtatalo. (Mateo 7:6; 15:12-14; ihambing ang 27:11-14.) Ang mga sagot ni Jesus ay nagpapakita na may “panahon ng pagtahimik at may panahon ng pagsasalita.”—Eclesiastes 3:7.
Hindi inaasahan ng mga Saksi ni Jehova na lahat ay magsasalita nang may pagsang-ayon tungkol sa kanila. Nasa isip nila ang mga salita ni Jesus: “Kaabahan, kailanma’t ang lahat ng mga tao ay nagsasalita nang mahusay tungkol sa inyo, sapagkat mga bagay na tulad nito ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.” (Lucas 6:26) Minsan ay tinanong si C. T. Russell, ang unang presidente ng Samahang Watch Tower, kung bakit hindi niya ipinagtanggol ang kaniyang sarili laban sa mga maninirang-puri. Sumagot siya: “Kung hihinto ka at sisipain ang bawat asong tumatahol sa iyo, hindi ka makalalayo.”
Kaya hindi natin dapat hayaang magambala tayo ng mga puna buhat sa determinadong mga mananalansang sa ating paglilingkod sa Diyos. (Awit 119:69) Magbuhos tayo ng pansin sa gawain ng tunay na mga Kristiyano, samakatuwid nga, ang pag-eebanghelyo. Bunga nito, magkakaroon tayo ng mga pagkakataon upang sagutin ang mga tanong at ipaliwanag ang diwa ng ating gawain, gaya ng pagpapasulong sa moral ng isang tao at pagtuturo sa kaniya ng Salita ng Diyos.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
Dapat Ka Bang Tumugon sa mga Pagbatikos?
Sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo ay hindi bahagi ng sanlibutan . . . Dahil dito ang sanlibutan ay napopoot sa inyo.” (Juan 15:19) Ang maraming balita na nagbubunton ng batikos sa mga Saksi ni Jehova ay isang kapahayagan ng pagkapoot na ito, at ang mga ito ay dapat na waling-bahala. Gayunman, kung minsan ay maaaring magharap ang media ng impormasyon na nagpapahiwatig ng kawalan ng kaalaman tungkol sa mga Saksi o pilipit at mali ang paghaharap ng ilang katotohanan. Maaaring kumuha ang ilang peryodista ng impormasyon buhat sa may-kinikilingang mga reperensiya. Kung wawaling-bahala man natin ang maling impormasyon sa media o ipagtatanggol ang katotohanan sa pamamagitan ng wastong pamamaraan ay depende sa mga kalagayan, sa pinagmulan ng puna, at sa kaniyang layunin.
Kung minsan ang mga bagay-bagay ay maitutuwid sa pamamagitan ng isang maayos-ang-pagkasulat na liham sa patnugot kung ang liham ay inilathala nang buo. Subalit maaaring taliwas sa inaasahan ang maging resulta ng gayong liham. Papaano? Ang naunang kasinungalingan kung gayon ay maaaring tumanggap ng higit pang publisidad, o maaaring mabigyan pa ng higit na pagkakataon ang mga sumasalansang upang makapagpalimbag ng mga kasinungalingan o paninira. Sa maraming kaso pinakamabuti na hayaang ang matatanda ang magpasiya kung kailangang sumulat sa patnugot. Kung ang isang negatibong balita ay magbangon ng maling akala, maipaaalam ng tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa mga kongregasyon sa bansang iyon ang katotohanan, sa gayo’y nagpapangyaring ang lahat ng mamamahayag ay makapagbigay ng kasiya-siyang paliwanag sa mga nagtatanong.
Kailangan pa bang ikaw ay masangkot sa gayong pilipit na mga bintang? Ang payo ni Jesus na “pabayaan ninyo sila,” huwag silang pansinin, ay maliwanag na kumakapit sa grupong ito ng mga kaaway. Ang tapat na mga Kristiyano ay may mga dahilan mula sa Bibliya sa pag-iwas sa mga apostata at sa kanilang mga pangmalas. (1 Corinto 5:11-13; Tito 3:10, 11; 1 Juan 2:19; 2 Juan 10, 11) Kung ang isa ay totoong interesado kung ang pagpuna sa mga Saksi ay salig sa katotohanan o katha, karaniwang sapat na ang iyong matatag-ang-saligang kaalaman upang maglaan ng sagot.—Tingnan ang Ang Bantayan ng Marso 15, 1986, pahina 13 at 14.
Kung ikaw ay napaharap sa isang pilipit na impormasyon sa balita, isapuso ang payo ng Kawikaan 14:15: “Sinumang walang-karanasan ay naglalagak ng pananampalataya sa bawat salita, subalit isinasaalang-alang ng isang matalino ang kaniyang hakbang.” Sa Switzerland maraming tao ang nagalit nang ang isang nakaaantig-damdaming balita ay magsabi na isang kabataang babaing Saksi ang namatay dahil sa tumanggi ang kaniyang mga kamag-anak na pahintulutan ang mga manggagamot na gumamit ng pagsasalin ng dugo. Gayon nga ba ang totoong nangyari? Hindi. Ang pasyente ang tumanggi sa pagsasalin ng dugo salig sa relihiyosong kadahilanan, ngunit pumayag siya sa isang paraan ng panghaliling paggamot na hindi gumagamit ng dugo. Nasimulan sana ito nang wala nang kuskos-balungos at malamang na nailigtas ang kaniyang buhay. Gayunman, ipinagpaliban ng ospital ang mga bagay-bagay nang di naman kinakailangan hanggang sa maging huli na. Hindi binanggit ng balita ang gayong mga bagay.
Dahil dito, timbanging mabuti kung gaano katotoo ang nilalaman ng gayong mga ulat. Maaari nating ipaliwanag sa mga nagtatanong na inaasikaso ng matatanda ang gayong mga kaso sa isang maibiging paraan at naaayon sa mga alituntunin ng Bibliya. Ang panghahawakan sa mga simulain kapag sumasagot ay pipigil sa atin sa pagmamadaling gumawa ng mga konklusyon.—Kawikaan 18:13.
Mahalaga ang Tuwirang Impormasyon
Noong unang siglo, ang mga tao ay nagkalat ng mga kasinungalingan tungkol kay Jesu-Kristo upang sirain ang kaniyang mabuting pangalan, anupat ipinakikilala pa siya ng ilan bilang isang taksil. (Lucas 7:34; 23:2; ihambing ang Mateo 22:21.) Nang bandang huli, napaharap ang bagong Kristiyanong kongregasyon sa malawakang pagsalansang buhat sa kapuwa relihiyoso at makasanlibutang mga elemento. Yamang “pinili ng Diyos ang mga mangmang na bagay ng sanlibutan,” marami ang humamak sa kaniyang mga lingkod. (1 Corinto 1:22-29) Dapat isaalang-alang ng tunay na mga Kristiyano sa ngayon ang batikos, na isang anyo ng pag-uusig.—Juan 15:20.
Gayunman, pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova kapag ang taong kausap nila ay walang-kinikilingan at nagpapamalas ng gayunding saloobin kagaya ng mga panauhin ni Pablo sa Roma, na nagpahayag: “Iniisip naming wasto na marinig mula sa iyo kung ano ang iyong kaisipan, sapagkat totoong kung tungkol sa sektang ito nalalaman namin na sa lahat ng dako ay pinagsasalitaan ito nang laban.”—Gawa 28:22.
Bigyan ng paliwanag ang mga taong tumanggap ng maling impormasyon, na ginagawa iyon nang may kahinahunan. (Roma 12:14; ihambing ang 2 Timoteo 2:25.) Anyayahan silang kumuha ng tuwirang impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova, na nagpapangyaring di sila mailigaw ng maling mga paratang. Maaari mo ring magamit ang mga paliwanag na inilathala ng Samahang Watch Tower na nagbibigay ng detalye tungkol sa organisasyon, sa kasaysayan nito, at sa mga turo nito.a Minsa’y sinagot ni Felipe si Natanael sa pamamagitan lamang ng pagsasabi: “Halika at tingnan mo.” (Juan 1:46) Magagawa rin natin ang gayon. Malugod na tinatanggap ang sinumang nagnanais na dumalaw sa lokal na Kingdom Hall upang tuwirang magmasid kung anong uri ng mga tao ang mga Saksi ni Jehova at kung ano ang paniniwala nila.
Huwag Matakot sa mga Mananalansang
Totoong nakapagpapalakas-loob na malamang hindi mapipigil ng mga batikos ang mga tao sa pagiging mga Saksi! Sa isang talk show sa TV sa Alemanya, nagharap ang mga apostata ng maraming kasinungalingan tungkol sa mga Saksi. Nakilala ng isang manonood ang mga palamuting salita ng apostata bilang guniguni lamang at napakilos siya na ipagpatuloy ang kaniyang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Oo, ang pagbatikos ng publiko ay umaakay kung minsan sa positibong mga resulta!—Ihambing ang Filipos 1:12, 13.
Batid ni apostol Pablo na ang ilan ay magbibigay ng higit na pansin sa “mga kuwentong di-totoo” kaysa sa katotohanan. Kaya naman sumulat siya: “Panatilihin mo ang iyong katinuan sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng kasamaan, gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador, lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.” (2 Timoteo 4:3-5) Kaya huwag hayaan ang iyong sarili na magambala, at ‘sa anumang paraan ay magawang takutin’ ng iyong mga kalaban. (Filipos 1:28) Manatiling mahinahon at timbang at ipangaral ang mabuting balita nang may kagalakan, at matatag na mahaharap mo ang pagbatikos ng publiko. Oo, tandaan ang pangako ni Jesus: “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin. Magsaya kayo at lumukso sa kagalakan, yamang malaki ang inyong gantimpala sa mga langit; sapagkat sa gayong paraan nila pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.”—Mateo 5:11, 12.
[Talababa]
a Tingnan ang mga publikasyong Mga Saksi ni Jehova—Nagkakaisang Paggawa ng Kalooban ng Diyos sa Buong Daigdig, Jehovah’s Witnesses in the Twentieth Century, at Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos.
[Blurb sa pahina 27]
Nang napaharap sa mga mananalansang, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Pabayaan ninyo sila.” Ano ang ibig niyang sabihin?
[Blurb sa pahina 29]
“Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin.”—Mateo 5:11