“Maliligayang Tagapuri” na Kombensiyon Naroroon ba Kayo?
KAGALAKAN! Ang salita bang ito ay di-pamilyar, kakatwâ pa nga, sa maligalig na panahong ito? Tiyak na ang mga pahayagan ay hindi nagbibigay ng maraming dahilan upang matuwa. Ang pagdidigmaan ng mga lahi, laganap na taggutom, kawalang-hanapbuhay, mapanganib na polusyon, di-katatagan sa pulitika, krimen—hindi ito ang mga bagay na nagdudulot ng galak sa puso, hindi ba?
Sinusunggaban ng karamihan ng mga tao sa ngayon ang anumang kasiyahan na makukuha nila sa buhay. Ngunit ang kagalakan? Ang kagalakan ay inilalarawan bilang isang “kalagayan ng pagiging maligaya; pagsasaya.” Iilan lamang ang nakararanas ng tunay na kagalakan, at kapag naranasan nila iyon, malimit ay pansamantala lamang.
Gayunman, sa pagtukoy sa ating kaarawan, inihula ng Bibliya: ‘Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Narito! Ang aking mga lingkod ay magsasaya. Narito! Ang aking mga lingkod ay hihiyaw sa kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso.” ’ (Isaias 65:13, 14) Papaano magkakagayon?
Upang masumpungan ang sagot, inaanyayahan namin kayo na dumalo sa isa sa mga pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na gaganapin ngayong 1995. Ang tema ng mga kombensiyon ay “Maliligayang Tagapuri,” at walang-bayad ang pagdalo. Ang programa ng tatlong-araw na kombensiyon ay binubuo ng salig-sa-Bibliyang mga pahayag, pagtatanghal, talakayan, at marami pa. Sa buong programa, itatampok ang tema na kagalakan.
Ang seryeng ito ng mga kombensiyon ay nagsimula sa Estados Unidos noong Hunyo at magpapatuloy sa mga lunsod sa buong daigdig hanggang sa bandang pasimula ng 1996. Malamang, gaganapin ang isa sa lugar na malapit sa inyo. Bakit hindi tanungin ang mga Saksi ni Jehova na nakatira sa inyong lugar? Malugod namin kayong inaanyayahan na dumalo.