Kaginhawahan Mula sa “Diyos ng Buong Kaaliwan”
“Pagpalain ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng magiliw na mga awa at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.”—2 CORINTO 1:3, 4.
1, 2. Anong uri ng kaaliwan ang kailangan ng mga taong nagdadalamhati?
ANG mga taong nagdadalamhati ay nangangailangan ng tunay na kaaliwan—hindi ng mga bukambibig at pakonsuwelo. Narinig na nating lahat ang kasabihang ‘maghihilom ang mga sugat sa paglipas ng panahon,’ subalit sa mga unang sandali ng pangungulila, sinong nagdadalamhating tao ang maaaliw ng kaisipang iyan? Batid ng mga Kristiyano na ang Diyos ay nangako ng pagkabuhay-muli, ngunit hindi nito nahahadlangan ang matinding hapdi at kaigtingan ng biglang pangungulila. At tiyak na kung mamatayan ka ng isang anak, ang ibang mga anak na buháy pa ay hindi maaaring maging kahalili ng isang iyon na minamahal.
2 Sa panahon ng pangungulila, malaking tulong sa atin ang tunay na kaaliwan, kaaliwan na may matatag na saligan sa mga pangako ng Diyos. Kailangan din natin ang empatiya. Ito’y napatunayang totoo para sa mga tao sa Rwanda, at lalo na para sa daan-daang pamilya ng mga Saksi ni Jehova na nawalan ng mga mahal sa buhay sa makademonyong pamamaslang na iyan ng lahi. Kanino makasusumpong ng kaaliwan ang lahat ng nagdadalamhati?
Si Jehova—Ang Diyos ng Kaaliwan
3. Papaano ipinakita ni Jehova ang halimbawa sa pagbibigay ng kaaliwan?
3 Ipinakita ni Jehova ang halimbawa sa pagbibigay ng kaaliwan sa ating lahat. Isinugo niya ang kaniyang bugtong na Anak, si Kristo Jesus, sa lupa upang magdulot sa atin ng walang-hanggang kaaliwan at pag-asa. Itinuro ni Jesus: “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Sinabi rin niya sa kaniyang mga tagasunod: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na isuko ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:13) Sa isa pang pagkakataon ay sinabi niya: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) At sinabi ni Pablo: “Inirerekomenda ng Diyos ang kaniyang sariling pag-ibig sa atin sa bagay na, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” (Roma 5:8) Sa pamamagitan ng mga ito at ng marami pang ibang teksto, nauunawaan natin ang pag-ibig ng Diyos at ni Kristo Jesus.
4. Bakit si apostol Pablo ay lalo nang may pagkakautang kay Jehova?
4 Si apostol Pablo ang lalo nang nakababatid sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova. Siya’y inagaw buhat sa isang kalagayang patay sa espirituwal, buhat sa pagiging malupit na tagausig ng mga tagasunod ni Kristo tungo sa pagiging isang pinag-usig na Kristiyano mismo. (Efeso 2:1-5) Ganito ang paglalarawan niya sa kaniyang karanasan: “Ako ang pinakamababa sa mga apostol, at hindi ako naaangkop na tawaging apostol, sapagkat pinag-usig ko ang kongregasyon ng Diyos. Ngunit sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay ako nga kung ano nga ako. At ang kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan sa akin ay hindi napatunayang sa walang kabuluhan, kundi nagpagal ako nang labis kaysa kanilang lahat, gayunma’y hindi ako kundi ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na nasa akin.”—1 Corinto 15:9, 10.
5. Ano ang isinulat ni Pablo tungkol sa kaaliwang mula sa Diyos?
5 Angkop lamang kung gayon na sumulat si Pablo: “Pagpalain ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng magiliw na mga awa at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang maaliw natin yaong mga nasa anumang uri ng kapighatian sa pamamagitan ng kaaliwan na ipinang-aaliw din sa atin mismo ng Diyos. Sapagkat kung paanong ang mga pagdurusa para sa Kristo ay nananagana sa atin, sa gayon ang kaaliwan na tinatanggap natin ay nananagana rin sa pamamagitan ng Kristo. Ngayon kung nasa kapighatian man kami, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan; o kung inaaliw man kami, ito ay para sa inyong kaaliwan na kumikilos upang inyong mabata ang gayunding mga pagdurusa na pinagdurusahan din namin. Sa gayon ang aming pag-asa para sa inyo ay di-urung-sulong, yamang nalalaman namin na, kung paanong mga kabahagi kayo sa mga pagdurusa, sa gayunding paraan ay makikibahagi rin kayo sa kaaliwan.”—2 Corinto 1:3-7.
6. Ano ang ipinahihiwatig ng Griegong salita na isinaling “kaaliwan”?
6 Tunay ngang nakapagpapasiglang mga salita! Ang Griegong salita na isinalin dito na “kaaliwan” ay iniuugnay sa “isang paanyaya upang makatabi ng isa.” Samakatuwid, “iyon ay pagtindig sa tabi ng isang tao upang patibaying-loob siya kapag siya’y dumaranas ng matinding pagsubok.” (A Linguistic Key to the Greek New Testament) Ganito ang isinulat ng isang iskolar sa Bibliya: “Ang salita . . . ay laging nangangahulugan ng higit pa kaysa sa nakagiginhawang pakikiramay. . . . Ang Kristiyanong kaaliwan ay ang kaaliwan na nagbibigay ng lakas ng loob, ang kaaliwan na nagpapangyaring mapagtagumpayan ng isang tao ang lahat ng maaaring idulot sa kaniya ng buhay.” Kasali rin dito ang nakaaaliw na mga salita na salig sa isang matatag na pangako at pag-asa—yaong pagkabuhay-muli ng mga patay.
Sina Jesus at Pablo—Mga Madamaying Mang-aaliw
7. Papaano naging isang kaaliwan si Pablo sa kaniyang Kristiyanong mga kapatid?
7 Ano ngang inam na halimbawa si Pablo sa pagbibigay ng kaaliwan! Naisulat niya sa mga kapatid sa Tesalonica: “Kami ay naging banayad sa gitna ninyo, gaya ng kapag ang isang nagpapasusong ina ay nag-aaruga sa kaniyang sariling mga anak. Kaya, taglay ang magiliw na pagmamahal sa inyo, nalugod kaming mainam na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat kayo ay naging mga iniibig namin. Kasuwato niyan ay nalalaman ninyong lubos kung paanong, gaya ng ginagawa ng isang ama sa kaniyang mga anak, patuloy kaming masidhing nagpapayo sa bawat isa sa inyo, at nang-aaliw at nagpapatotoo sa inyo.” Kagayang-kagaya ng maibigin, mapagmalasakit na mga magulang, maaaring ibahagi nating lahat ang ating pagmamahal at pag-unawa sa iba sa panahon ng kanilang pangangailangan.—1 Tesalonica 2:7, 8, 11.
8. Bakit ang pagtuturo ni Jesus ay isang kaaliwan para sa mga nagdadalamhati?
8 Sa pagpapakita ng gayong pagmamalasakit at kabaitan, tinutularan lamang ni Pablo ang kaniyang dakilang Huwaran, si Jesus. Alalahanin ang madamaying paanyaya ni Jesus sa lahat na nakaulat sa Mateo 11:28-30: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang pagpapanariwa ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” Oo, nakapagpapaginhawa ang pagtuturo ni Jesus sapagkat nagbibigay ito ng pag-asa at isang pangako—ang ipinangakong pagkabuhay-muli. Ito ang pag-asa at pangako na iniaalok natin sa mga tao, halimbawa, kapag iniiwan natin sa kanila ang brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal. Ang pag-asang ito ay makatutulong sa ating lahat, kahit matagal na tayong nagdadalamhati.
Kung Papaano Aaliwin Yaong Nagdadalamhati
9. Bakit hindi tayo dapat mainip sa mga taong nagdadalamhati?
9 Ang pagdadalamhati ay hindi limitado sa isang takdang panahon karaka-raka pagkamatay ng minamahal. Taglay ng ilan ang hapdi ng pagdadalamhati sa buong buhay nila, lalo na yaong nawalan ng mga anak. Isang tapat na Kristiyanong mag-asawa sa Espanya ang nawalan ng kanilang 11-taóng-gulang na anak na lalaki noong 1963 bilang biktima ng meningitis. Hanggang sa ngayon, naluluha pa rin sila kapag nagkukuwento tungkol kay Paquito. Ang mga anibersaryo, larawan, rekuwerdo, ay maaaring magpagunita ng malulungkot na alaala. Sa gayon, hindi tayo kailanman nararapat mainip at isiping dapat ngayon ay napagtagumpayan na nila ang kanilang pangungulila. Ganito ang inamin ng isang awtoridad sa medisina: “Ang panlulumo at pagbabagu-bago ng damdamin ay maaaring tumagal nang maraming taon.” Kung gayon, tandaan na kung papaanong ang ating literal na mga pilat sa katawan ay maaaring manatili habang buhay, gayundin ang maraming sugat ng damdamin.
10. Ano ang kailangan nating gawin upang tulungan ang mga nagdadalamhati?
10 Ano ang ilang praktikal na bagay na magagawa natin upang aliwin yaong mga nagdadalamhati sa Kristiyanong kongregasyon? Maaaring buong kataimtiman nating sabihin sa isang kapatid na nangangailangan ng kaaliwan, “Kung may maitutulong ako, sabihin mo lang.” Subalit gaano kadalas na ang isang taong naulila ay aktuwal na tatawagan tayo upang sabihin, “May naisip akong magagawa mo upang matulungan ako”? Maliwanag, kailangang tayo ang magkusa kung ibig nating aliwin ang mga naulila. Kaya, papaano tayo makatutulong? Narito ang ilang praktikal na mungkahi.
11. Papaanong ang ating pakikinig ay magiging kaaliwan sa iba?
11 Makinig: Isa sa pinakamalaking maitutulong mo ay ang pakikiramay sa hapdi ng damdamin ng naulila sa pamamagitan ng pakikinig. Maaari mong itanong: “Gusto mo bang pag-usapan iyon?” Hayaang siya ang magpasiya. Nagunita ng isang Kristiyano nang mamatay ang kaniyang ama: “Talagang natulungan ako nang tanungin ako ng iba kung ano ang nangyari at pagkatapos ay talagang nakinig sila.” Gaya ng payo ni Santiago, maging matulin sa pakikinig. (Santiago 1:19) Makinig nang may pagtitiyaga at pakikiramay. “Makitangis sa mga taong tumatangis,” ang payo ng Bibliya sa Roma 12:15. Tandaan na si Jesus ay nakitangis kina Marta at Maria.—Juan 11:35.
12. Anong uri ng katiyakan ang maibibigay natin sa mga naulila?
12 Muling bigyan ng katiyakan: Tandaan na sa simula ay maaaring makadama ng pagkakasala ang taong naulila, anupat iniisip na marahil higit pa sana ang nagawa niya. Tiyakin sa kaniya na malamang ay nagawa na ang lahat ng magagawa (o anumang ibang bagay na alam mong totoo at positibo). Muli mong tiyakin sa kaniya na ang nadarama niya ay normal lamang. Sabihin sa kaniya ang tungkol sa ibang kilala mo na napagtagumpayan ang gayunding kawalan. Sa ibang pananalita, maging sensitibo at madamayin. Malaki ang magagawa ng ating maibiging tulong! Sumulat si Solomon: “Mistulang mga mansanas na ginto sa mga sisidlang pilak ang salitang sinalita sa tamang panahon para doon.”—Kawikaan 16:24; 25:11; 1 Tesalonica 5:11, 14.
13. Kung maglalaan tayo ng panahon, papaano ito makatutulong?
13 Maglaan ng panahon: Maglaan ka ng panahon hindi lamang sa unang mga araw kapag naroroon ang maraming kaibigan at kamag-anak kundi kahit pagkalipas ng mga buwan kung kinakailangan, kapag ang iba ay nakabalik na sa kani-kanilang karaniwang gawain. Ang panahon ng pagdadalamhati ay maaaring lubhang magkakaiba, depende sa indibiduwal. Malaki ang magagawa ng ating Kristiyanong interes at pakikiramay sa anumang panahon ng pangangailangan. Sinasabi ng Bibliya na “may kaibigan na mahigit pa sa isang kapatid.” Kaya, ang kasabihang, “Isang tunay na kaibigan ang nananatiling kaibigan sa oras ng pangangailangan,” ay isang bukambibig na dapat nating isagawa.—Kawikaan 18:24; ihambing ang Gawa 28:15.
14. Ano ang maaari nating pag-usapan upang aliwin ang mga naulila?
14 Pag-usapan ang mabubuting katangian ng taong namatay: Ito ay isa pang malaking tulong na maibibigay sa angkop na panahon. Ibahagi ang positibong mga karanasan na naaalaala mo tungkol sa taong iyon. Huwag mangambang banggitin ang kaniyang pangalan. Huwag kumilos na para bang ang namatay ay hindi kailanman umiral o nasa isip lamang. Nakaaaliw na malaman ang sinabi ng isang publikasyon buhat sa Harvard Medical School: “Natatamo ang isang uri ng paggaling kapag sa wakas ay kaya nang isipin ng naulila ang namatay nang hindi nakadarama ng labis na kalungkutan . . . Habang nakikilala at natatanggap ang bagong katotohanan, ang pagdadalamhati ay unti-unting nauuwi tungo sa pagiging pinakaiingatang alaala.” “Pinakaiingatang alaala”—anong laking kaaliwan na magunita ang mahahalagang sandaling iyon na ginugol kapiling ang minamahal! Ganito ang sabi ng isang Saksi na namatayan ng ama mga ilang taon na ang nakalilipas: “Isang natatanging alaala para sa akin ang pagbabasa ng Bibliya kasama si Itay di-nagtagal pagkatapos niyang simulang mag-aral ng katotohanan. Gayundin yaong aming paghiga sa tabing-ilog habang pinag-uusapan ang ilan sa aking mga suliranin. Nagkikita lamang kami noon tuwing ikatlo o ikaapat na taon, kaya napakahalaga ang mga pagkakataong iyon.”
15. Papaanong ang isa ay maaaring magkusang tumulong?
15 Magkusa kung nararapat: Ang ilang taong nagdadalamhati ay mas madaling makabawi kaysa sa iba. Kaya, depende sa mga kalagayan, gumawa ng praktikal na mga hakbang upang makatulong. Ganito ang nagunita ng isang Kristiyanong babae na nagdadalamhati: “Marami ang nagsabi, ‘Kung may magagawa ako, sabihin mo lang.’ Ngunit isang Kristiyanong kapatid na babae ang walang sinabi. Dumeretso siya sa kuwarto, hinubaran ang kama, at nilabhan ang maruming kumot at kubre-kama. Ang isa naman ay kumuha ng isang balde, tubig, at mga panlinis at iniskoba ang alpombra na sinukahan ng aking asawa. Ito ang tunay na mga kaibigan, at hindi ko sila kailanman malilimutan.” Kung saan maliwanag na kailangan ang tulong, magkusa—marahil sa pamamagitan ng paghahanda ng pagkain, pagtulong sa paglilinis, o paggawa ng ilang bagay para sa kanila. Sabihin pa, iwasan nating makialam kapag ibig ng naulila na siya’y mapag-isa. Kung gayon, isapuso natin ang mga salita ni Pablo: “Alinsunod dito, bilang mga pinili ng Diyos, banal at iniibig, damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis.” Ang kabaitan, pagtitiis, at pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.—Colosas 3:12; 1 Corinto 13:4-8.
16. Bakit makapagdudulot ng kaaliwan ang isang sulat o isang kard?
16 Sumulat o magpadala ng isang nakaaaliw na kard: Madalas na nakaliligtaan ang kahalagahan ng isang sulat ng pakikiramay o isang magandang kard ng pakikidalamhati. Ang kabutihan nito? Mababasa ito nang paulit-ulit. Hindi naman kailangang maging mahaba ang gayong sulat, ngunit dapat ipamalas nito ang iyong pagdamay. Dapat ding masalamin dito ang espirituwal na mga bagay ngunit hindi naman sa paraang nagsesermon. Sapat nang makaaliw ang simpleng mensahe na, “Maaasahan mo kami.”
17. Papaano makapagdudulot ng kaaliwan ang panalangin?
17 Manalanging kasama nila: Huwag mamaliitin ang bisa ng iyong mga panalangin kasama ng mga naulilang kapuwa Kristiyano at para sa kanila. Ganito ang sabi ng Bibliya sa Santiago 5:16: “Ang pagsusumamo ng taong matuwid . . . ay may malaking puwersa.” Halimbawa, kapag naririnig ng nagdadalamhati na nananalangin tayo para sa kanila, tumutulong ito sa kanila upang mapawi ang negatibong damdamin tulad ng paninisi sa sarili. Sa mga sandali ng ating kahinaan, ng pagkasira ng loob, sinisikap ni Satanas na pasamain tayo sa pamamagitan ng kaniyang “mga pakana,” o “tusong mga gawa.” Ito ang panahong kailangan natin ang kaaliwan at alalay ng panalangin, gaya ng sinabi ni Pablo: “Sa bawat anyo ng panalangin at pagsusumamo ay magpatuloy kayo sa pananalangin sa bawat pagkakataon sa espiritu. At sa layuning iyan ay manatili kayong gising nang may buong katatagan at may pagsusumamo alang-alang sa lahat ng mga banal.”—Efeso 6:11, 18, Kingdom Interlinear; ihambing ang Santiago 5:13-15.
Kung Ano ang Dapat Iwasan
18, 19. Papaano tayo makapagpapamalas ng taktika sa ating pakikipag-usap?
18 Kapag nagdadalamhati ang isang tao, may mga bagay rin na hindi dapat gawin o hindi dapat sabihin. Nagbababala ang Kawikaan 12:18: “May isa na nagsasalita nang walang pakundangan na gaya ng mga saksak ng isang tabak, ngunit ang dila ng mga pantas ay nagpapagaling.” Kung minsan, nang hindi namamalayan, nabibigo tayong magpakita ng taktika. Halimbawa, baka masabi natin, “Alam ko ang nararamdaman mo.” Ngunit gayon nga ba? Naranasan mo na ba ang katulad na katulad na kawalan? Gayundin, iba-iba ang reaksiyon ng mga tao. Ang reaksiyon mo ay maaaring hindi kapareho niyaong sa taong nagdadalamhati. Mas mabuti pang sabihin mo na, “Talagang nakikiramay ako sa iyo dahil naranasan ko na rin ang isang nahahawig na kawalan nang mamatay ang aking . . . mga ilang panahon na ang nakalipas.”
19 Pagpapakita rin ng pagkasensitibo kung iiwasang magkomento tungkol sa kung ang namatay ay bubuhaying-muli o hindi. May ilang kapatid na labis na nasaktan dahil sa pansariling mga komento tungkol sa mga pagkakataon sa hinaharap para sa isang namatay na di-sumasampalatayang asawa. Hindi tayo ang hahatol kung sino ang bubuhaying muli o hindi bubuhaying muli. Isang kaginhawahan para sa atin na si Jehova, na siyang nakakikita ng puso, ay magiging higit na maawain kaysa magagawa kailanman ng karamihan sa atin.—Awit 86:15; Lucas 6:35-37.
Mga Tekstong Umaaliw
20, 21. Ano ang ilang teksto na makaaaliw sa mga naulila?
20 Ang isa sa pinakamalaking pinagmumulan ng tulong, kapag ibinigay sa tamang panahon, ay ang pagsasaalang-alang ng mga pangako ni Jehova para sa mga patay. Ang mga kaisipang ito sa Bibliya ay kapaki-pakinabang kahit ang naulila ay isa nang Saksi o kaya’y isang taong natatagpuan natin sa ministeryo. Ano ang ilan sa mga tekstong ito? Alam natin na si Jehova ang Diyos ng buong kaaliwan, sapagkat sinabi niya: “Ako—Ako mismo ang Isa na umaaliw sa inyo.” Sinabi rin niya: “Gaya ng isang taong inaaliw ng kaniyang sariling ina, gayon ko patuloy na aaliwin kayo.”—Isaias 51:12; 66:13.
21 Sumulat ang salmista: “Ito ang aking kaaliwan sa aking dalamhati, sapagkat iningatan akong buháy ng iyong salita. Aking inalaala ang iyong mga panghukumang kapasiyahan mula sa panahong walang-takda, O Jehova, at nakasumpong ako ng kaaliwan para sa akin. Isinasamo ko sa iyo na maging kaaliwan ko ang iyong maibiging-kabaitan, ayon sa iyong salita sa iyong lingkod.” Pansinin na ang salitang “kaaliwan” ay ginamit nang paulit-ulit sa mga talatang ito. Oo, makasusumpong tayo ng tunay na kaaliwan para sa ating sarili at para sa iba sa pamamagitan ng pagbaling sa Salita ni Jehova sa panahon ng ating pagdadalamhati. Ito, lakip na ang pag-ibig at pagdamay ng mga kapatid, ay makatutulong sa atin upang mapagtagumpayan ang ating pangungulila at muling punuin ang ating buhay ng masayang gawain sa ministeryong Kristiyano.—Awit 119:50, 52, 76.
22. Anong pag-asa ang nasa harapan natin?
22 Mapagtatagumpayan din natin ang ating pagdadalamhati sa papaano man sa pamamagitan ng pagiging abala sa pagtulong sa iba sa kanilang mga kagipitan. Habang ibinabaling natin ang ating pansin sa iba na nangangailangan ng kaaliwan, nadarama rin natin ang tunay na kaligayahan sa pagbibigay sa isang espirituwal na diwa. (Gawa 20:35) Ibahagi natin sa kanila ang pangitain ng araw ng pagkabuhay-muli na ang mga tao ng dating mga bansa, ng sunud-sunod na salinlahi, ay sumasalubong sa kanilang nawalay na mga minamahal mula sa mga patay patungo sa isang bagong sanlibutan. Anong kamangha-manghang pag-asa! Kung magkagayo’y papatak ang mga luha ng kagalakan habang ginugunita natin na si Jehova ay tunay ngang ang Diyos “na umaaliw doon sa mga ibinaba”!—2 Corinto 7:6.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Papaanong si Jehova “ang Diyos ng buong kaaliwan”?
◻ Papaano inaliw nina Jesus at Pablo ang mga nagdadalamhati?
◻ Ano ang ilang bagay na magagawa natin upang aliwin yaong mga nagdadalamhati?
◻ Ano ang dapat nating iwasan kapag nakikitungo sa mga naulila?
◻ Ano ang iyong mga paboritong teksto na umaaliw sa panahon ng pangungulila?
[Larawan sa pahina 15]
Sa mataktikang paraan, magkusang tumulong sa mga nagdadalamhati